Makibahagi sa Kagalakan ng Pagbibigay!
Makibahagi sa Kagalakan ng Pagbibigay!
“May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—GAWA 20:35.
1. Paano ipinamamalas ni Jehova ang kagalakan ng pagbibigay?
ANG kagalakang dulot ng pagkaalam sa katotohanan at ang mga pagpapalang bunga nito ay mahahalagang kaloob mula sa Diyos. Yaong mga nakakilala kay Jehova ay may maraming dahilan upang magsaya. Subalit bagaman may kagalakan sa pagtanggap ng kaloob, may kagalakan din sa pagbibigay ng kaloob. Si Jehova ang Tagapagbigay ng ‘bawat mabuting kaloob at ng bawat sakdal na regalo,’ at siya ang “maligayang Diyos.” (Santiago 1:17; 1 Timoteo 1:11) Nagbabahagi siya ng nakapagpapalusog na mga turo sa lahat ng nakikinig, at natutuwa siya sa pagsunod niyaong mga tinuturuan niya, kung paanong nagsasaya ang mga magulang kapag tumutugon ang kanilang mga anak sa maibiging tagubilin.—Kawikaan 27:11.
2. (a) Ano ang sinabi ni Jesus hinggil sa pagbibigay? (b) Anong kaligayahan ang natatanggap natin kapag itinuturo natin sa iba ang katotohanan sa Bibliya?
2 Gayundin naman, nang nasa lupa si Jesus, natuwa siya na makitang tumutugon nang positibo ang mga tao sa kaniyang turo. Sinipi ni apostol Pablo si Jesus na nagsasabi: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Ang kaligayahang natatanggap natin kapag itinuturo natin sa iba ang katotohanan sa Bibliya ay hindi lamang ang kasiyahan na may sumasang-ayon sa ating mga relihiyosong paniniwala. Mas higit pa kaysa riyan, ito ay ang kagalakang dulot ng pagkaalam na ibinibigay natin ang isang bagay na may tunay at namamalaging halaga. Sa pamamagitan ng pagbibigay sa espirituwal na paraan, matutulungan natin ang mga tao na makinabang kapuwa ngayon at hanggang sa magpakailanman.—1 Timoteo 4:8.
Nagdudulot ng Kagalakan ang Pagbibigay
3. (a) Paano ipinahayag nina apostol Pablo at apostol Juan ang kanilang kagalakan sa pagtulong sa iba sa espirituwal na paraan? (b) Bakit ang pagbabahagi ng katotohanan sa Bibliya sa ating mga anak ay isang kapahayagan ng pag-ibig?
3 Oo, kung paanong si Jehova at si Jesus ay nagagalak na magbahagi ng espirituwal na mga kaloob, gayundin ang mga Kristiyano. Nakasumpong ng kagalakan si apostol Pablo sa pagkaalam na natulungan niya ang iba na matuto ng katotohanan tungkol sa Salita ng Diyos. Sumulat siya sa kongregasyon sa Tesalonica: “Ano ang aming pag-asa o kagalakan o koronang ipinagbubunyi—aba, hindi ba sa katunayan ay kayo?—sa harap ng ating Panginoong Jesus sa kaniyang pagkanaririto? Totoo ngang kayo ang aming kaluwalhatian at kagalakan.” (1 Tesalonica 2:19, 20) Sa gayunding paraan ay sumulat si apostol Juan, na tinutukoy ang kaniyang espirituwal na mga anak: “Wala na akong mas dakilang dahilan sa pagpapasalamat kaysa sa mga bagay na ito, na marinig ko na ang aking mga anak ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.” (3 Juan 4) Isip-isipin din ang kagalakan sa pagtulong sa ating sariling mga anak na maging espirituwal na mga anak natin! Ang pagpapalaki sa mga anak sa “disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova” ay isang kapahayagan ng pag-ibig sa bahagi ng mga magulang. (Efeso 6:4) Sa gayong paraan ay ipinakikita ng mga magulang na nababahala sila sa walang-hanggang kapakanan ng kanilang mga anak. Kapag tumugon ang mga ito, nararanasan ng mga magulang ang malaking kagalakan at kasiyahan.
4. Anong karanasan ang nagpapamalas ng kagalakang dulot ng espirituwal na pagbibigay?
4 Si Dell ay isang buong-panahong ministrong payunir at ina ng limang anak. Sinabi niya: “Madali kong maintindihan ang mga salita ni apostol Juan dahil labis akong nagpapasalamat na apat sa aking mga anak ang ‘lumalakad sa katotohanan.’ Alam kong nagdudulot ng karangalan at kaluwalhatian kay Jehova kapag ang mga pamilya ay nagkakaisa sa tunay na pagsamba, kaya nakadarama ako ng matinding kasiyahan kapag nakikita ko ang kaniyang pagpapala sa aking mga pagsisikap na maikintal ang katotohanan sa aking mga anak. Ang magandang pag-asa ng walang-katapusang buhay sa Paraiso kasama ng aking pamilya ay lumilipos sa akin ng pag-asa at nagpapasigla sa akin na magbata sa kabila ng mga kahirapan at hadlang.” Nakalulungkot, ang isa sa mga anak na babae ni Dell ay natiwalag mula sa kongregasyon dahil sa pagtataguyod ng isang di-makakristiyanong landasin. Gayunman, nagsusumikap si Dell na mapanatili ang isang positibong saloobin. “Umaasa ako na balang araw ay mapagpakumbaba at taimtim na manunumbalik ang aking anak kay Jehova,” ang sabi niya. “Ngunit salamat sa Diyos at karamihan sa aking mga anak ay patuloy na naglilingkod sa kaniya nang tapat. Ang kagalakang nadarama ko ay isang tunay na pinagmumulan ng lakas para sa akin.”—Nehemias 8:10.
Pagkakaroon ng Walang-Hanggang mga Kaibigan
5. Habang ibinibigay natin ang ating sarili sa gawaing paggawa ng mga alagad, nagbibigay sa atin ng kasiyahan ang pagkaalam ng ano?
5 Inutusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na gumawa ng mga alagad na Kristiyano at turuan sila tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga kahilingan. (Mateo 28:19, 20) Kapuwa si Jehova at si Jesus ay walang-pag-iimbot na tumulong sa mga tao na matutuhan ang daan ng katotohanan. Kaya habang ibinibigay natin ang ating sarili sa gawaing paggawa ng mga alagad, taglay natin ang kasiyahan sa pagkaalam na tinutularan natin ang halimbawa ni Jehova at ni Jesus, gaya ng ginawa ng unang mga Kristiyano. (1 Corinto 11:1) Kapag nakikipagtulungan tayo nang gayon sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat at sa kaniyang minamahal na Anak, nagkakaroon ng tunay na kahulugan ang ating buhay. Kay laking pagpapala nga na mapabilang sa “mga kamanggagawa” ng Diyos! (1 Corinto 3:9) At hindi ba kapana-panabik na maging ang mga anghel ay may bahagi sa gawaing ito na pangangaral ng mabuting balita?—Apocalipsis 14:6, 7.
6. Habang nakikibahagi tayo sa espirituwal na pagbibigay, sino ang nagiging mga kaibigan natin?
6 Sa katunayan, sa pakikibahagi sa gawaing ito ng espirituwal na pagbibigay, maaari tayong maging higit pa kaysa mga kamanggagawa ng Diyos—maaari tayong makapasok sa walang-hanggang pakikipagkaibigan sa kaniya. Dahil sa kaniyang pananampalataya, si Abraham ay tinawag na kaibigan ni Jehova. (Santiago 2:23) Habang sinisikap nating gawin ang kalooban ng Diyos, tayo rin ay maaaring maging mga kaibigan ng Diyos. Kung gagawin natin iyon, nagiging mga kaibigan din tayo ni Jesus. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Tinawag ko na kayong mga kaibigan, sapagkat ang lahat ng bagay na narinig ko sa aking Ama ay ipinaalam ko na sa inyo.” (Juan 15:15) Marami ang nagagalak na maituring na mga kaibigan ng mga maimpluwensiyang tao o matataas na opisyal, ngunit tayo ay maaaring maituring na mga kaibigan ng dalawang pinakadakilang persona sa buong uniberso!
7. (a) Paano nagkaroon ng isang tunay na kaibigan ang isang babae? (b) Nagkaroon ka na ba ng katulad na karanasan?
7 Bukod dito, kapag tinutulungan natin ang mga tao na makilala ang Diyos, nagiging mga kaibigan din natin sila, na nagdudulot sa atin ng pantanging kaligayahan. Si Joan, na naninirahan sa Estados Unidos, ay nagsimulang magdaos ng pag-aaral sa Bibliya sa isang babaing nagngangalang Thelma. Bagaman salansang ang pamilya ni Thelma sa kaniyang pag-aaral, nagtiyaga siya at nabautismuhan pagkalipas ng isang taon. Sumulat si Joan: “Hindi nagwakas doon ang aming pagsasamahan; sa halip, humantong ito sa pagkakaibigan na tumagal nang halos 35 taon na ngayon. Madalas kaming magkasama sa ministeryo at sa mga kombensiyon. Nang dakong huli, lumipat ako sa isang bagong tahanan na 800 kilometro ang layo. Ngunit patuloy pa rin akong pinadadalhan ni Thelma ng pinakamaibigin at pinakanakapagpapasiglang mga liham, anupat sinasabi sa akin na naiisip niya ako nang may paggiliw at pinasasalamatan ako sa pagiging kaibigan at huwaran niya at sa pagtuturo sa kaniya ng katotohanan mula sa Bibliya. Ang pagkakaroon ng gayong matalik at mahal na kaibigan ay isang kamangha-manghang gantimpala sa pagsisikap na ginawa ko upang tulungan siyang matuto tungkol kay Jehova.”
8. Anong positibong saloobin ang tutulong sa atin sa ministeryo?
8 Ang pag-asang makasumpong ng isa na nais matuto ng katotohanan ay makatutulong sa atin na magbata kahit na marami sa mga taong natatagpuan natin ay di-gaanong nagpapakita ng interes o walang interes sa Salita ni Jehova. Ang gayong kawalang-interes ay maaaring magharap ng hamon sa ating pananampalataya at pagbabata. Gayunman, tutulong sa atin ang isang positibong saloobin. Si Fausto, na mula sa Guatemala, ay nagsabi: “Kapag nagpapatotoo ako sa iba, iniisip ko na kay inam nga kung ang taong kausap ko ay magiging isang espirituwal na kapatid. Ikinakatuwiran ko na sa paanuman ay may matatagpuan akong isang tao na balang araw ay tatanggap sa katotohanan ng Salita ng Diyos. Ang gayong kaisipan ang tumutulong sa akin na magpatuloy at nagdudulot sa akin ng tunay na kagalakan.”
Pag-iimbak ng mga Kayamanan sa Langit
9. Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa mga kayamanan sa langit, at ano ang matututuhan natin mula rito?
9 Ang paggawa ng mga alagad, ito man ay sa ating mga anak o sa ibang mga indibiduwal, ay hindi laging madali. Maaari itong mangailangan ng panahon, pagtitiis, at pagtitiyaga. Gayunman, tandaan na marami ang handang magpagal upang makapag-imbak ng saganang materyal na mga bagay, mga bagay na kadalasa’y hindi nakapagdudulot sa kanila ng kagalakan at hindi nananatili magpakailanman. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig na mas mabuting magpagal para sa espirituwal na mga bagay. Sinabi niya: “Huwag na kayong mag-imbak para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa lupa, kung saan ang tangà at kalawang ay nang-uubos, at kung saan ang mga magnanakaw ay nanloloob at nagnanakaw. Sa halip, mag-imbak kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, kung saan kahit ang tangà o ang kalawang man ay hindi nang-uubos, at kung saan ang mga magnanakaw ay hindi nanloloob at nagnanakaw.” (Mateo 6:19, 20) Sa pagtataguyod ng espirituwal na mga tunguhin—na dito ay kalakip ang pakikibahagi sa mahalagang gawaing paggawa ng alagad—magkakaroon tayo ng kasiyahan sa pagkaalam na ginagawa natin ang kalooban ng Diyos at na gagantimpalaan niya tayo. Sumulat si apostol Pablo: “Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.”—Hebreo 6:10.
10. (a) Bakit may espirituwal na mga kayamanan si Jesus? (b) Paano ibinigay ni Jesus ang kaniyang sarili, at nagdulot ito ng anong malaking pakinabang sa iba?
10 Kung masikap tayong nagpapagal sa paggawa ng mga alagad, nag-iimbak tayo para sa ating sarili ng “mga kayamanan sa langit,” kasuwato ng sinabi ni Jesus. Nagdudulot ito sa atin ng kagalakan ng pagtanggap. Kung tayo ay nagbibigay nang walang pag-iimbot, tayo mismo ay napayayaman. Si Jesus mismo ay buong-katapatang naglingkod kay Jehova sa loob ng bilyun-bilyong taon. Isip-isipin ang mga kayamanang naipon niya sa langit! Gayunman, hindi hinanap ni Jesus ang kaniyang sariling mga interes. Sumulat si apostol Pablo: “Ibinigay [ni Jesus] ang kaniyang sarili para sa ating mga kasalanan upang mahango niya tayo mula sa kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay ayon sa kalooban ng ating Diyos at Ama.” (Galacia 1:4) Hindi lamang ibinigay ni Jesus nang walang pag-iimbot ang kaniyang sarili sa kaniyang ministeryo kundi ibinigay niya ang kaniya mismong buhay bilang isang pantubos upang magkaroon ang iba ng pagkakataong makapag-imbak ng mga kayamanan sa langit.
11. Bakit mas mabuti ang espirituwal na mga kaloob kaysa sa materyal na mga kaloob?
11 Sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga tao tungkol sa Diyos, tinutulungan natin sila na makita kung paanong sila man ay maaaring mag-imbak ng di-nasisirang espirituwal na mga kayamanan. Ano pa nga bang mas dakilang kaloob ang maibibigay mo? Kung bibigyan mo ang isang kaibigan ng isang mamahaling relo, isang kotse, o kahit isang tahanan, malamang na magpapasalamat at matutuwa ang kaibigang iyon, at magkakaroon ka ng kagalakan ng pagbibigay. Ngunit ano ang magiging kondisyon ng kaloob na iyon pagkalipas ng 20 taon? Ng 200 taon? Ng 2,000 taon? Sa kabilang dako, kung ibibigay mo ang iyong sarili upang tulungan ang isang tao na maglingkod kay Jehova, siya ay maaaring makinabang sa kaloob na iyon magpakailanman.
Paghahanap sa mga Nagnanais ng Katotohanan
12. Paano ibinigay ng marami ang kanilang sarili sa pagtulong sa iba sa espirituwal na paraan?
12 Upang makibahagi sa kagalakan ng espirituwal na pagbibigay, nagtungo ang bayan ni Jehova hanggang sa mga dulo ng lupa. Iniwan ng libu-libo ang tahanan at pamilya upang maglingkod bilang misyonero sa mga lupain na doon ay kailangan nilang makibagay sa bagong mga wika at kultura. Ang iba ay lumipat sa mga lugar sa kanilang sariling bansa kung saan may mas malaking pangangailangan ukol sa mga tagapaghayag ng Kaharian. Ang iba naman ay nag-aral ng isang banyagang wika, anupat nagbubukas ng bagong mga pagkakataong mangaral sa kanilang sariling mga lugar sa mga nandayuhan doon. Halimbawa, pagkaraang mapalaki ang dalawang anak na ngayon ay naglilingkod sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, isang mag-asawa sa New Jersey, E.U.A., ang nagsimulang magpayunir at nag-aral ng wikang Tsino. Sa loob ng tatlong taon, nakapagdaos sila ng mga pag-aaral sa Bibliya sa 74 na taong nagsasalita ng Tsino na nag-aaral sa isang karatig na kolehiyo. Mapalalawak mo ba ang iyong ministeryo sa anumang paraan upang makasumpong ng higit na kagalakan sa gawaing paggawa ng alagad?
13. Ano ang maaari mong gawin kung nais mong magkaroon ng mas mabungang ministeryo?
13 Marahil ay nananabik kang makapagdaos ng isang pag-aaral sa Bibliya ngunit hindi mo pa ito nagagawa. Sa ilang lupain, mahirap makahanap ng mga interesado. Baka ang mga taong natatagpuan mo ay walang interes sa Bibliya. Kung gayon nga, marahil ay maaari mong banggitin nang mas madalas sa panalangin ang iyong hangarin, yamang nalalaman na kapuwa si Jehova at si Jesu-Kristo ay lubhang interesado sa gawain at maaaring umakay sa iyo tungo sa isang tulad-tupang tao. Humingi ng mga mungkahi sa mga kakongregasyon mo na mas makaranasan o may mas mabungang ministeryo. Samantalahin ang pagsasanay at mga mungkahing ibinibigay sa mga Kristiyanong pagpupulong. Makinabang mula sa payo ng mga naglalakbay na tagapangasiwa at ng kani-kanilang asawa. Higit sa lahat, huwag susuko kailanman. Sumulat ang marunong na tao: “Sa umaga ay ihasik mo ang iyong binhi at hanggang sa kinagabihan ay huwag mong pagpahingahin ang iyong kamay; sapagkat hindi mo nalalaman kung saan ito magtatagumpay.” (Eclesiastes 11:6) Samantala, alalahanin ang tapat na mga lalaking tulad nina Noe at Jeremias. Bagaman kakaunti ang tumugon nang positibo sa kanilang pangangaral, nagtagumpay ang kanilang ministeryo. Higit sa lahat, nakalugod ito kay Jehova.
Ginagawa ang Pinakamainam na Makakaya Mo
14. Paano minamalas ni Jehova yaong mga tumanda na sa paglilingkod sa kaniya?
14 Baka hindi ipinahihintulot ng iyong kalagayan na magawa mo ang kasindami ng nais mo sanang gawin sa ministeryo. Halimbawa, maaaring limitahan ng pagtanda ang maaari mong magawa sa paglilingkod kay Jehova. Gayunman, tandaan ang isinulat ng marunong na tao: “Ang ulong may uban ay korona ng kagandahan kapag ito ay nasusumpungan sa daan ng katuwiran.” (Kawikaan 16:31) Para kay Jehova, kalugud-lugod ang isang buhay na ginugol sa paglilingkod sa kaniya. Karagdagan pa, sinasabi ng Kasulatan: “Maging hanggang sa katandaan ng isa ay ako [si Jehova] pa rin ang Isang iyon; at hanggang sa magkauban ang isa ay patuloy akong magpapasan. Ako ay kikilos nga, upang ako ay makapagdala at upang ako ay makapagpasan at makapaglaan ng pagtakas.” (Isaias 46:4) Nangangako ang ating maibigin at makalangit na Ama na palalakasin at aalalayan niya ang kaniyang mga tapat.
15. Naniniwala ka ba na nauunawaan ni Jehova ang iyong kalagayan? Bakit?
15 Marahil ay binabata mo ang isang karamdaman, pagsalansang mula sa isang di-sumasampalatayang asawa, mabibigat na pananagutan sa pamilya, o iba pang mahirap na problema. Batid ni Jehova ang ating mga limitasyon at mga kalagayan, at iniibig niya tayo dahil sa ating taimtim na pagsisikap na paglingkuran siya. Totoo iyan kahit na ang nagagawa natin ay baka kakaunti kaysa sa nagagawa ng iba. (Galacia 6:4) Alam ni Jehova na tayo ay di-sakdal, at siya ay makatotohanan sa kaniyang inaasahan sa atin. (Awit 147:11) Kung ginagawa natin ang pinakamainam na makakaya natin, makatitiyak tayo na mahalaga tayo sa paningin ng Diyos at na hindi niya kalilimutan ang ating mga gawa ng pananampalataya.—Lucas 21:1-4.
16. Sa anong paraan nakikibahagi ang buong kongregasyon sa paggawa ng isang alagad?
16 Tandaan din na ang gawaing paggawa ng alagad ay isang panggrupong pagsisikap. Walang iisang indibiduwal ang nakagagawa ng isang alagad, kung paanong di-matutustusan ng isang patak ng ulan ang isang halaman. Totoo, maaaring matagpuan ng isang Saksi ang isang interesadong tao at mapagdausan ng isang pag-aaral sa Bibliya. Ngunit kapag dumalo na ang baguhang iyon sa Kingdom Hall, ang buong kongregasyon ay tumutulong sa kaniya na makilala ang katotohanan. Ipinamamalas ng init ng pagkakapatiran ang impluwensiya ng espiritu ng Diyos. (1 Corinto 14:24, 25) Ang mga bata at mga tin-edyer ay nagbibigay ng nakapagpapasiglang mga komento, anupat naipakikita sa baguhan na naiiba ang ating mga kabataan sa mga kabataan ng sanlibutan. Naituturo sa mga baguhan ng maysakit, ng mahina, at ng matanda sa kongregasyon kung ano ang kasangkot sa pagbabata. Anuman ang ating edad o mga limitasyon, tayong lahat ay gumaganap ng isang mahalagang bahagi sa pagtulong sa mga baguhan habang sumisidhi ang kanilang pag-ibig sa katotohanan sa Bibliya at sumusulong sila tungo sa pagpapabautismo. Bawat oras na ginugugol natin sa ministeryo, bawat pagdalaw-muli, bawat pakikipag-usap sa isang interesadong tao sa Kingdom Hall, ay maaaring tila walang-halaga sa ganang sarili, ngunit bahagi ito ng isang makapangyarihang gawain na isinasakatuparan ni Jehova.
17, 18. (a) Bukod sa pakikibahagi sa gawaing paggawa ng alagad, paano tayo maaaring makibahagi sa kagalakan ng pagbibigay? (b) Sa pamamagitan ng pakikibahagi sa kagalakan ng pagbibigay, sino ang tinutularan natin?
17 Sabihin pa, bukod sa pakikibahagi sa mahalagang gawain na paggawa ng alagad, tayo bilang mga Kristiyano ay nakikibahagi rin sa kagalakan ng pagbibigay sa iba pang paraan. Maaari tayong magbukod ng mga pondo upang makatulong sa pagsuporta sa dalisay na pagsamba at sa pagtulong sa mga nangangailangan. (Lucas 16:9; 1 Corinto 16:1, 2) Maaari tayong humanap ng mga pagkakataon upang maipakita ang pagkamapagpatuloy sa iba. (Roma 12:13) Maaari tayong magsikap na ‘gumawa ng mabuti sa lahat, ngunit lalo na roon sa mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya.’ (Galacia 6:10) At sa simple ngunit mahahalagang paraan, maaari tayong magbigay sa iba—ng isang liham, isang tawag sa telepono, isang kaloob, ng tulong, ng nakapagpapatibay na pananalita.
18 Sa pamamagitan ng pagbibigay, ipinakikita natin na tinutularan natin ang ating makalangit na Ama. Ipinamamalas din natin ang ating pag-ibig na pangkapatid, ang pagkakakilanlang tanda ng mga tunay na Kristiyano. (Juan 13:35) Ang pag-alaala sa mga bagay na ito ay tutulong sa atin na makibahagi sa kagalakan ng pagbibigay.
Maipapaliwag Mo Ba?
• Paano nagpakita ng halimbawa si Jehova at si Jesus sa pagbibigay sa espirituwal na paraan?
• Paano tayo maaaring magkaroon ng walang-hanggang mga kaibigan?
• Anong mga hakbang ang maaari nating gawin upang maging mas matagumpay ang ating ministeryo?
• Paano maaaring makibahagi sa kagalakan ng pagbibigay ang lahat sa kongregasyon?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 13]
Kapag tumutugon ang mga anak sa pagsasanay, nararanasan ng mga magulang ang malaking kagalakan at kasiyahan
[Larawan sa pahina 15]
Sa paggawa ng mga alagad, maaari tayong magkaroon ng tunay na mga kaibigan
[Larawan sa pahina 16]
Pinapasan tayo ni Jehova sa pagtanda
[Mga larawan sa pahina 17]
Sa simple ngunit mahahalagang paraan, nakasusumpong tayo ng kagalakan sa pagbibigay