Mga Punungkahoy na Nakatatagal sa Pagsubok ng Panahon
Mga Punungkahoy na Nakatatagal sa Pagsubok ng Panahon
Maaaring hindi sa isang matarik na dalisdis angkop manirahan, lalo na kung ito’y nasa itaas ng mga bundok. Ngunit sa kabila ng makikitang di-kaayaayang mga kalagayan, ang ilang punungkahoy na alpino ay kumakapit nang mahigpit sa gayong mga dalisdis ng bato, anupat tinitiis ang napakatinding ginaw sa taglamig at binabata ang mga tagtuyot sa tag-araw.
KARANIWAN na, ang matitibay na punong ito ay hindi kasinlalaki ng kanilang mga kauri na nasa kapatagan. Ang kanilang katawan ay maaaring mabukó at pilipit at ang kanilang paglaki ay lubhang nabansot. Ang ilan pa nga ay mukhang natural na mga bonsai—hinubog at pinungusan ng masungit na klima at ng kakaunting lupa na kanilang tinubuan.
Yamang sila’y nagbabata sa isa sa pinakadi-kaayaayang kapaligiran sa daigdig, baka akalain mong maikli lamang ang buhay ng gayong mga punungkahoy. Ngunit ang kabaligtaran ang totoo. Inaangkin ng ilan na ang Methuselah, isang bristlecone pine na tumutubo sa taas na 3,000 metro sa White Mountains ng California, ay 4,700 taóng gulang na. Tinukoy ng The Guinness Book of Records 1997 ang ispesimen na ito bilang ang pinakamatandang nabubuhay na punungkahoy sa planeta. Si Edmund Schulman, na nagsagawa ng pag-aaral sa sinaunang mga punungkahoy na ito, ay nagpaliwanag: “Ang bristlecone pine . . . ay waring nananatiling buháy dahil sa mahihirap na kalagayan. Ang lahat ng mas matatandang indibiduwal [na puno ng pino] sa White Mountains ay matatagpuan di-kalayuan sa taas na 3,000 metro sa tuyo at mabatong ilang.” Natuklasan din ni Schulman na ang pinakamatatandang ispesimen ng iba pang mga puno ng pino ay tumutubo rin sa di-kaayaayang mga kalagayan.
Bagaman kailangan nilang magtiis ng mahihirap na kalagayan, sinasamantala ng mga halimbawang ito ng pagbabata ang dalawang bentaha na taglay nila. Ang layo ng kinatatamnan nila, kung saan kakaunti ang mga halaman, ay nagsasanggalang sa kanila laban sa mga sunog sa kagubatan, na isa sa pinakamalalaking panganib sa mga punungkahoy na magulang na. At napakahigpit ng kapit ng kanilang mga ugat sa gilid ng bato anupat lindol lamang ang makauuga sa kanila.
Sa Bibliya, ang tapat na mga lingkod ng Diyos ay inihahambing sa mga punungkahoy. (Awit 1:1-3; Jeremias 17:7, 8) Sila rin ay maaaring mapaharap sa kagipitan dahil sa kanilang mga kalagayan. Ang pag-uusig, mahinang kalusugan, o mapaniil na karalitaan ay maaaring maglagay sa kanilang pananampalataya sa matinding pagsubok, lalo na kung nagpapatuloy ang mga pagsubok nang maraming taon. Gayunpaman, ang kanilang Maylalang, na nagdisenyo sa mga punungkahoy na may-kahusayang nakapagtitiis ng mahihirap na kalagayan, ay nagbibigay-katiyakan sa kaniyang mga mananamba na aalalayan niya sila. Ipinangangako ng Bibliya sa mga nananatiling di-natitinag: “Patatatagin niya kayo, palalakasin niya kayo.”—1 Pedro 5:9, 10.
‘Pananatiling di-natitinag, pananatiling matatag, o pagmamatiyaga’ ang diwang nakapaloob sa pandiwang Griego na madalas na isinasaling “magbata” sa Bibliya. Gaya ng mga punungkahoy na alpino, ang mahusay na kapit ng ugat ang susi sa pagbabata. Sa kalagayan ng mga Kristiyano, kailangang sila’y matibay na nakaugat kay Jesu-Kristo upang makatayong matatag. “Kung paanong tinanggap ninyo si Kristo Jesus na Panginoon,” isinulat ni Pablo, “patuloy na lumakad na kaisa niya, na nakaugat at itinatayo sa kaniya at pinatatatag sa pananampalataya, kung paanong kayo ay tinuruan, na nag-uumapaw sa pasasalamat taglay ang pananampalataya.”—Colosas 2:6, 7.
Naunawaan ni Pablo na kailangan ang matitibay na espirituwal na ugat. Siya mismo ay nakipagpunyagi laban sa “isang tinik sa laman,” at siya’y nagbata ng mapait na pag-uusig sa buong panahon ng kaniyang ministeryo. (2 Corinto 11:23-27; 12:7) Ngunit natuklasan niya na maaari siyang magpatuloy sa pamamagitan ng lakas ng Diyos. “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin,” ang sabi niya.—Filipos 4:13.
Gaya ng ipinakikita ng halimbawa ni Pablo, ang matagumpay na pagbabatang Kristiyano ay hindi nakasalig sa kaayaayang mga kalagayan. Tulad ng mga punungkahoy na alpino na matagumpay na nakatatagal sa mga bagyo sa loob ng maraming siglo, makapananatili tayong di-natitinag kung tayo’y nakaugat kay Kristo at umaasa sa lakas na ibinibigay ng Diyos. Karagdagan pa, kung tayo’y magbabata hanggang sa wakas, may pag-asa tayong maranasan natin mismo ang katuparan ng isa pang pangako ng Diyos: “Magiging gaya ng mga araw ng punungkahoy ang mga araw ng aking bayan.”—Isaias 65:22; Mateo 24:13.