Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Siya ay ‘Nagbata Hanggang sa Wakas’

Siya ay ‘Nagbata Hanggang sa Wakas’

Siya ay ‘Nagbata Hanggang sa Wakas’

SA ISANG pagtatanghal sa video noong 1993 na ipinalalabas para sa mga bagong miyembro ng mga kawani ng punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, ipinahayag ni Lyman Alexander Swingle ang kaniyang damdamin hinggil sa paglilingkod kay Jehova: “Mamatay na suot ang iyong mga bota!” a

Ginawa mismo ng 90-taóng-gulang na si Brother Swingle ang bagay na pinasisigla niyang gawin ng iba. Siya ay ‘nagbata hanggang sa wakas.’ (Mateo 24:13) Bagaman di-maganda ang kaniyang kalagayan sa pisikal, dumalo siya noong Miyerkules, Marso 7, sa isang pagpupulong ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova kung saan siya ay isa sa mga miyembro nito. Nang sumunod na Martes, lumubha ang kaniyang kalagayan, at noong Marso 14, 4:26 n.u., sinabi ng kaniyang doktor na siya’y pumanaw na.

Sinimulan ni Lyman Swingle ang kaniyang paglilingkod sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, noong Abril 5, 1930. Naglingkod siya roon nang halos 71 taon. Inatasan muna si Lyman sa bindery, at pagkatapos sa palimbagan, at tumulong din siya sa paggawa ng tinta. Sa katunayan, gumugol si Brother Swingle ng mga 25 taon sa pagawaan ng tinta. Naglingkod din siya nang mga 20 taon bilang miyembro ng grupo ng mga tagapagsulat sa punong-tanggapan. Sa huling 17 taon ng kaniyang buhay, nagtrabaho siya sa Treasurer’s Office.

Si Lyman ay isang matapang na tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos. Sa kaniyang unang mga taon sa Brooklyn, siya at ang kaniyang kasama sa kuwarto, si Arthur Worsley, ay naglayag sakay ng isa sa mga bangka ng mga Saksi sa Hudson River. Sa tulong ng kagamitang nagpapalakas ng tinig, gumugol sila ng maraming dulo ng sanlinggo sa pagbabalita ng mensahe ng Kaharian sa mga komunidad sa tabing-ilog.

Isinilang si Brother Swingle noong Nobyembre 6, 1910, sa Lincoln, Nebraska, ngunit di-nagtagal pagkatapos nito ay lumipat ang kanilang pamilya sa Salt Lake City, Utah. Doon, noong 1913, ang kaniyang mga magulang ay naging mga Estudyante ng Bibliya, na siyang tawag sa mga Saksi ni Jehova noon. Sa loob ng maraming taon, inasikaso ng pamilyang Swingle ang maraming dumadalaw na tagapagsalita mula sa punong-tanggapan ng mga Saksi sa Brooklyn, at ang mga lalaking ito ay may positibong impluwensiya kay Lyman. Noong 1923, sa edad na 12, nabautismuhan siya bilang sagisag ng kaniyang pag-aalay sa Diyos.

Pagkatapos maglingkod nang mahigit na 26 na taon sa Brooklyn bilang isang binata, lalong naging makabuluhan ang buhay ni Lyman nang kaniyang pakasalan si Crystal Zircher noong Hunyo 8, 1956. Hindi sila mapaghiwalay, anupat magkasama silang nakikibahagi sa ministeryo hanggang sa mamatay si Crystal noong 1998. Mga tatlong taon bago nito, naistrok si Crystal anupat siya’y naging lubhang baldado. Ang pang-araw-araw na pakikibahagi ni Lyman sa pag-aalaga sa kaniya ay isang halimbawa ng debosyon na nakapagpasigla sa lahat, lalo na sa mga nakakita kay Lyman na maibiging itinutulak ang silyang de-gulong sa mga bangketa ng pamayanan habang inihaharap ni Crystal Ang Bantayan at Gumising! sa mga nagdaraan.

Si Brother Swingle ay isang prangka at magiliw na lalaki na napamahal sa mga nakakilala sa kaniya. Katulad ng kaniyang ama at ina, tinaglay niya ang salig-Bibliyang pag-asa na mamuhay kasama ni Jesu-Kristo sa makalangit na Kaharian, isang pag-asa na nagtitiwala tayong natamo na niya ngayon.​—1 Tesalonica 4:15-18; Apocalipsis 14:13.

[Talababa]

a Ito’y nangangahulugan na mamatay habang aktibo pa ring isinasagawa ang trabaho ng isa.

[Larawan sa pahina 31]

Si Brother Swingle ay naglingkod nang mga 25 taon sa pagawaan ng tinta

[Larawan sa pahina 31]

Hindi mapaghiwalay sina Lyman at Crystal