Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tulong Upang Maunawaan ang Bibliya

Tulong Upang Maunawaan ang Bibliya

Tulong Upang Maunawaan ang Bibliya

NATATANGING aklat ang Bibliya. Inaangkin ng mga manunulat nito na sila ay kinasihan ng Diyos, at ang mga nilalaman nito ay naglalaan ng saganang katibayan na ang pag-aangking ito ay totoo. (2 Timoteo 3:16) Karagdagan pa, ipinakikita ng Bibliya kung saan tayo nagmula, bakit tayo naririto, at kung saan tayo patungo. Tiyak na ito ay isang aklat na nararapat nating suriin!

Marahil ay sinubukan mo nang basahin ang Bibliya ngunit nasumpungan mong mahirap itong unawain. Baka hindi mo alam kung saan hahanapin ang mga sagot sa mga tanong mo. Kung gayon, hindi ka nag-iisa. Ang kalagayan mo ay kagaya niyaong lalaki na nabuhay noong unang siglo. Naglalakbay siya sakay ng isang karo, mula sa Jerusalem patungo sa kaniyang lupang tinubuan, sa Etiopia. Binabasa nang malakas ng Etiopeng opisyal na ito ang makahulang aklat sa Bibliya na Isaias, na isinulat mahigit sa pitong daang taon na ang nakalilipas.

Walang anu-ano, binati siya ng isang lalaking tumatakbo sa tabi ng karo. Ang lalaki ay si Felipe, isang alagad ni Jesus, at tinanong niya ang Etiope: “Talaga bang nalalaman mo ang iyong binabasa?” Sumagot ang Etiope: “Ang totoo, paano ko nga iyon magagawa, malibang may pumatnubay sa akin?” Pagkatapos ay inanyayahan niya si Felipe na sumakay sa karo. Ipinaliwanag ni Felipe ang kahulugan ng teksto na binabasa ng lalaki at patuloy na ipinahayag sa kaniya “ang mabuting balita tungkol kay Jesus.”​—Gawa 8:30-35.

Kung paanong tinulungan ni Felipe ang Etiopeng iyon na maunawaan ang Salita ng Diyos noon, tinutulungan naman ng mga Saksi ni Jehova ang mga tao sa ngayon na maunawaan ang Bibliya. Nagagalak din silang tulungan ka. Karaniwan, pinakamaigi na sistematikong pag-aralan ang Bibliya, na sinisimulan ito sa mga pangunahing turo sa Kasulatan. (Hebreo 6:1) Habang sumusulong ka, mauunawaan mo ang tinatawag ni apostol Pablo na “matigas na pagkain”​—iyon ay ang mas malalalim na katotohanan. (Hebreo 5:14) Bagaman ang Bibliya ang iyong pinag-aaralan, ang iba pang publikasyon​—mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya​—ay makatutulong sa iyo na mahanap at maunawaan ang mga teksto sa Bibliya hinggil sa iba’t ibang paksa.

Karaniwan nang maisasaayos ang pag-aaral sa oras at lugar na kombinyente sa iyo. Ang iba ay nag-aaral pa nga sa telepono. Ang pag-aaral ay hindi idinaraos na katulad ng tagpo sa isang silid-aralan; ito ay isang pribadong kaayusan na iniaangkop sa iyong personal na mga kalagayan, lakip na ang iyong pinagmulan at edukasyon. Hindi ka kailangang magbayad para sa gayong pag-aaral sa Bibliya. (Mateo 10:8) Walang mga pagsusulit, at hindi ka hihiyain. Masasagot ang iyong mga tanong, at matutuhan mo kung paano mapapalapit sa Diyos. Subalit bakit dapat mong pag-aralan ang Bibliya? Isaalang-alang ang ilang dahilan kung bakit ang pag-aaral ng Bibliya ay makadaragdag ng kagalakan sa iyong buhay.