Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Nagagalak na mga Mang-aani!

Maging Nagagalak na mga Mang-aani!

Maging Nagagalak na mga Mang-aani!

“Ang aanihin ay marami, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Kaya nga, magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.”​—MATEO 9:37, 38.

1. Ano ang tumutulong sa atin na magtiyaga sa paggawa ng kalooban ng Diyos?

 KAPAG ginugunita natin ang araw nang mabautismuhan tayo bilang isa sa mga lingkod ni Jehova, naganap man ito ilang taon lamang ang nakararaan o maraming taon na ang nakalilipas, baka para bang kahapon lamang ito nangyari. Ang pagpuri kay Jehova ang naging pangunahing bagay sa ating nakaalay na buhay. Habang binibili natin ang naaangkop na panahon upang tulungan ang iba na marinig at marahil ay tanggapin ang mensahe ng Kaharian, ang may-kagalakang paglilingkod kay Jehova ang ating pangunahing pinagtutuunan ng pansin. (Efeso 5:15, 16) Hanggang sa kasalukuyan, nasusumpungan natin na mabilis na lumilipas ang panahon kapag tayo ay abala, na “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon.” (1 Corinto 15:58) Bagaman napapaharap tayo sa mga problema, ang ating kagalakan sa paggawa ng kalooban ni Jehova ay nagpapasigla sa atin na magpatuloy.​—Nehemias 8:10.

2. Ano ang nagdudulot ng kagalakang nararanasan natin sa makasagisag na gawaing pag-aani?

2 Bilang mga Kristiyano, nakikibahagi tayo sa isang makasagisag na gawaing pag-aani. Itinulad ni Jesu-Kristo sa isang pag-aani ang pagtitipon ng mga indibiduwal ukol sa buhay na walang hanggan. (Juan 4:35-38) Yamang nakikibahagi tayo sa gayong gawaing pag-aani, makapagpapasigla na suriin ang kagalakan ng sinaunang mga mang-aaning Kristiyano. Rerepasuhin natin ang tatlong salik na nagdudulot ng kagalakang nararanasan natin sa gawaing pag-aani sa ngayon. Ang mga ito ay (1) ang ating mensahe ng pag-asa, (2) ang tagumpay ng ating paghahanap, at (3) ang ating nakikipagpayapaang saloobin bilang mga mang-aani.

Isinugo Bilang mga Mang-aani

3. Sa anong paraan naranasan ng sinaunang mga tagasunod ni Jesus ang kagalakan?

3 Tunay na nagbago ang buhay ng sinaunang mga mang-aani​—lalo na ng 11 tapat na apostol ni Jesus​—noong araw ng 33 C.E. nang magtungo sila sa isang bundok sa Galilea upang katagpuin ang binuhay-muling si Kristo! (Mateo 28:16) Maaaring naroroon sa pagkakataong iyon ang “mahigit sa limang daang kapatid.” (1 Corinto 15:6) Ang utos na ibinigay ni Jesus sa kanila ay palagi nilang naaalaala. Sinabi niya sa kanila: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Sa kabila ng matinding pag-uusig, naranasan nila ang malaking kagalakan sa gawaing pag-aani nang makita nilang naitatatag sa maraming dako ang mga kongregasyon ng mga tagasunod ni Kristo. Nang maglaon, ‘ang mabuting balita ay ipinangaral sa lahat ng nilalang na nasa silong ng langit.’​—Colosas 1:23; Gawa 1:8; 16:5.

4. Sa anong mga kalagayan isinugo ang mga alagad ni Kristo?

4 Sa maagang bahagi ng kaniyang ministeryo sa Galilea, tinawag ni Jesus ang 12 apostol at isinugo sila pangunahin na upang ipahayag: “Ang kaharian ng langit ay malapit na.” (Mateo 10:1-7) Siya mismo ay “humayo sa paglilibot sa lahat ng mga lunsod at mga nayon [ng Galilea], na nagtuturo sa kanilang mga sinagoga at nangangaral ng mabuting balita ng kaharian at nagpapagaling ng bawat uri ng karamdaman at bawat uri ng kapansanan.” Nahabag si Jesus sa mga pulutong “sapagkat sila ay nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mateo 9:35, 36) Palibhasa ay lubhang naantig, sinabi niya noon sa kaniyang mga alagad: “Oo, ang aanihin ay marami, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Kaya nga, magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani [ang Diyos na Jehova] na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.” (Mateo 9:37, 38) Ang pagtaya ni Jesus hinggil sa pangangailangan ukol sa mga mang-aani ay katulad niyaong sa Judea nang anim na buwan na lamang ang natitira sa kaniyang ministeryo sa lupa. (Lucas 10:2) Sa dalawang pagkakataong iyon, isinugo niya ang kaniyang mga tagasunod bilang mga mang-aani.​—Mateo 10:5; Lucas 10:3.

Ang Ating Mensahe ng Pag-asa

5. Anong uri ng mensahe ang ipinahahayag natin?

5 Bilang mga lingkod ni Jehova sa kasalukuyan, tayo ay may-kagalakang tumutugon sa panawagan ukol sa mga mang-aani. Ang isang salik na nagdudulot ng malaking kagalakan sa atin ay ang paghahatid natin ng mensahe ng pag-asa sa mga nasisiraan ng loob at mga nanlulumo. Tulad ng unang-siglong mga alagad ni Jesus, taglay natin ang malaking pribilehiyo na ipahayag ang mabuting balita​—isang tunay na mensahe ng pag-asa​—sa mga “nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol”!

6. Sa anong gawain nakibahagi ang mga apostol noong unang siglo?

6 Noong kalagitnaan ng unang siglo, si apostol Pablo ay abala sa pangangaral ng mabuting balita. At tunay na mabisa ang kaniyang gawaing pag-aani, sapagkat nang sumulat siya sa mga Kristiyano sa Corinto noong 55 C.E., sinabi niya: “Ipinaaalam ko sa inyo, mga kapatid, ang mabuting balita na ipinahayag ko sa inyo, na tinanggap din ninyo, na pinaninindigan din ninyo.” (1 Corinto 15:1) Ang mga apostol at ang iba pang sinaunang mga Kristiyano ay masisipag na mang-aani. Bagaman hindi sinasabi sa atin ng Bibliya kung ilang apostol ang nakaligtas nang buháy noong mahahalagang pangyayari na nagtapos sa pagkawasak ng Jerusalem noong 70 C.E., alam naman natin na nangangaral pa rin si apostol Juan mga 25 taon pagkalipas nito.​—Apocalipsis 1:9.

7, 8. Anong mensahe ng pag-asa ang ipinahahayag ng mga lingkod ni Jehova taglay ang pagkaapurahan nang higit kailanman?

7 Pagkatapos ay naganap naman ang maraming siglong pangingibabaw ng klero ng Sangkakristiyanuhan, ang apostatang “taong tampalasan.” (2 Tesalonica 2:3) Subalit nang papatapos na ang ika-19 na siglo, yaong mga nagsikap na iayon ang kanilang buhay sa sinaunang Kristiyanismo ay naging abala sa mensahe ng pag-asa, anupat ibinabalita ang Kaharian. Sa katunayan, mula noong unang labas nito (Hulyo 1879), kalakip sa pamagat ng babasahing ito ang mga salitang “Tagapagbalita ng Pagkanaririto ni Kristo,” “Tagapagbalita ng Kaharian ni Kristo,” o “Naghahayag ng Kaharian ni Jehova.”

8 Ang makalangit na Kaharian ng Diyos ay itinatag sa kamay ni Jesu-Kristo noong 1914, at ipinahahayag na natin ngayon ang mensahe ng pag-asa taglay ang pagkaapurahan nang higit kailanman. Bakit? Dahil kabilang sa mga pagpapala ng pamamahala ng Kaharian ang napipintong wakas ng kasalukuyang balakyot na sistema. (Daniel 2:44) Ano pa bang mensahe ang mas bubuti kaysa rito? At anong nakahihigit na kagalakan ang maaari nating taglayin kaysa sa pakikibahagi sa paghahayag ng Kaharian bago sumiklab ang “malaking kapighatian”?​—Mateo 24:21; Marcos 13:10.

Isang Matagumpay na Paghahanap

9. Anong tagubilin ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad, at paano tumugon ang mga tao sa mensahe ng Kaharian?

9 Ang isa pang salik na nagdudulot ng kagalakan sa atin bilang mga mang-aani ay ang tagumpay ng ating paghahanap sa mga nagiging alagad at sumasama sa atin sa gawaing pag-aani. Noong 31-32 C.E., tinagubilinan ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Sa anumang lunsod o nayon kayo pumasok, hanapin ninyo kung sino roon ang karapat-dapat.” (Mateo 10:11) Hindi lahat ng indibiduwal noon ay karapat-dapat, gaya ng ipinakita ng kanilang reaksiyon sa mensahe ng Kaharian. Gayunman, buong-sigasig na ipinangaral ng mga alagad ni Jesus ang mabuting balita saanman naroroon ang mga tao.

10. Paano isinagawa ni Pablo ang kaniyang paghahanap sa mga karapat-dapat?

10 Pagkatapos ng kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus, ang paghahanap sa mga karapat-dapat ay masiglang nagpatuloy. Si Pablo ay nangatuwiran sa mga Judio sa kanilang sinagoga at sa mga taong nasa pamilihan sa Atenas. Nang magpatotoo siya sa Areopago sa lunsod na iyon ng Gresya, “ang ilang mga tao ay nakisama sa kaniya at naging mga mananampalataya, na kabilang din dito si Dionisio, isang hukom ng hukuman ng Areopago, at ang isang babae na nagngangalang Damaris, at ang iba pa bukod sa kanila.” Saanman magtungo si Pablo, naging huwaran din siya sa pangangaral “nang hayagan at sa bahay-bahay.”​—Gawa 17:17, 34; 20:20.

11. Anong mga pamamaraan sa pagsasakatuparan ng ministeryo ang ginamit noong nakalipas na mga taon?

11 Noong mga huling dekada ng ika-19 na siglo, buong-tapang na nakibahagi ang mga pinahirang Kristiyano sa paghahanap sa mga karapat-dapat. Sa isang artikulo na pinamagatang “Pinahiran Upang Mangaral,” sinabi ng Zion’s Watch Tower ng Hulyo/Agosto 1881: “Ang pangangaral ng mabuting balita . . . ay isinasagawa ‘sa maaamo’​—sa mga handa at may-kakayahang makinig, upang mabuo mula sa kanila ang katawan ni Kristo, ang mga kasamang tagapagmana.” Kadalasan noon ay kinakausap ng mga mang-aani ang mga tao habang ang mga ito ay lumalabas galing sa pagsisimba at sila ay binibigyan ng mga tract na naglalaman ng mga maka-Kasulatang mensahe na dinisenyo upang pukawin ang isang positibong tugon mula sa mga karapat-dapat. Pagkaraan ng isang maingat na pagsusuri sa pagkamabisa ng pamamaraang ito ng pagpapatotoo, hinimok ng Watch Tower ng Mayo 15, 1903 ang mga mang-aani na ipamahagi ang mga tract “sa bahay-bahay, tuwing Linggo ng umaga.”

12. Paano natin pinasusulong ang pagkamabisa ng ating gawaing pangangaral? Ilarawan.

12 Nitong nakaraang mga taon, pinalawak natin ang ating ministeryo sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga tao sa ibang mga dako bukod pa sa kanilang mga tahanan. Ito ay talagang napakabisa sa mga lupain kung saan ang mga kalagayan sa ekonomiya at ang paglilibang ay nagiging dahilan kung bakit wala ang mga tao sa kanilang mga tahanan sa panahong tayo ay karaniwan nang dumadalaw. Nang mapansin ng isang Saksi sa Inglatera at ng kaniyang kasama ang regular na pag-alis ng mga namamasyal sakay ng bus pagkatapos na maghapong masiyahan sa baybayin, nag-ipon sila ng lakas ng loob upang makasakay sa mga bus at maiharap ang mga kopya ng Ang Bantayan at Gumising! sa mga pasahero. Sa loob ng isang buwan, nakapamahagi sila ng 229 na kopya. Iniulat nila: “Wala kaming takot sa pagpapatotoo sa baybayin, sa lugar ng negosyo, o sa anumang iba pang hamon na maaaring mapaharap sa amin dahil alam namin na laging sumasaamin si Jehova.” Nakapagtatag sila ng isang ruta ng magasin, nakapagpasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya, at nakibahagi silang dalawa sa paglilingkod bilang auxiliary pioneer.

13. Anong pagbabago sa ating ministeryo ang kinakailangan ngayon sa ilang lugar?

13 Habang nagpapatuloy ang paghahanap sa mga karapat-dapat, maaaring kailanganin ang isang maingat na pagsusuri sa ating ministeryo sa ilang lugar. Bagaman nakagawian na ng maraming Saksi na makibahagi sa pangangaral sa bahay-bahay tuwing Linggo ng umaga, sa ilang lugar ay nasumpungan nila na ang maagang pagdalaw sa mga tahanan ng mga tao ay di-gaanong mabisa dahil baka nagpapahinga pa ang mga nakatira. Sa pamamagitan ng pagbabago sa kanilang iskedyul, isinasagawa ng maraming Saksi sa ngayon ang paghahanap sa bandang hapon, marahil pagkatapos ng mga Kristiyanong pagpupulong. At ang ganitong paghahanap ay talagang napatunayang mabunga. Noong nakaraang taon, ang bilang ng mga tagapaghayag ng Kaharian sa buong daigdig ay tumaas ng 2.3 porsiyento. Ito ay nagpaparangal sa Panginoon ng pag-aani at nagdudulot ng kagalakan sa ating puso.

Panatilihin ang Kapayapaan sa Gawaing Pag-aani

14. Anong saloobin ang taglay natin habang inihaharap ang ating mensahe, at bakit?

14 Ang isa pang dahilan ng ating kagalakan ay may kaugnayan sa nakikipagpayapaang saloobin na ipinamamalas natin sa gawaing pag-aani. “Kapag kayo ay pumapasok sa bahay,” ang sabi ni Jesus, “batiin ninyo ang sambahayan; at kung ang bahay ay karapat-dapat, hayaang ang kapayapaan na ninanais ninyo ay dumoon.” (Mateo 10:12, 13) Ang pagbating Hebreo at ang katumbas nitong terminong Griego sa Bibliya ay kapuwa nagpapahiwatig ng kaisipang ‘Mapabuti ka nawa.’ Ang ganitong saloobin ang pumapatnubay sa ating paglapit sa mga tao kapag tayo ay nangangaral ng mabuting balita. Umaasa tayo na tutugon sila nang positibo sa mensahe ng Kaharian. Para sa mga tumugon, may pag-asa sila na makipagkasundo sa Diyos habang pinagsisisihan nila ang kanilang mga kasalanan, nanunumbalik, at ginagawa ang kaniyang kalooban. Ang pakikipagpayapaang ito sa Diyos ay umaakay naman sa buhay na walang hanggan.​—Juan 17:3; Gawa 3:19; 13:38, 48; 2 Corinto 5:18-20.

15. Paano natin mapananatili ang mapayapang saloobin kapag napaharap tayo sa isang di-kaayaayang reaksiyon sa ating gawaing pangangaral?

15 Paano natin mapananatili ang ating kapayapaan kapag ang reaksiyon na napaharap sa atin ay di-kaayaaya? Iniutos ni Jesus: “Kung hindi . . . karapat-dapat [ang bahay], hayaang ang kapayapaan mula sa inyo ay bumalik sa inyo.” (Mateo 10:13) Sa ulat ni Lucas tungkol sa pagsusugo ng 70 alagad ay kalakip ang pananalita ni Jesus: “Kung naroon ang isang kaibigan ng kapayapaan, ang inyong kapayapaan ay mananatili sa kaniya. Ngunit kung wala, babalik ito sa inyo.” (Lucas 10:6) Kapag lumalapit tayo sa mga tao taglay ang mabuting balita, angkop lamang na gawin natin ito taglay ang isang kaayaayang disposisyon at sa isang mapayapang paraan. Ang walang-interes na tugon, reklamo, o di-magandang pananalita ng isang may-bahay ay nagpapangyari lamang na ang ating mapayapang mensahe ay ‘bumalik sa atin.’ Ngunit ni isa man sa mga ito ay hindi nakapag-aalis ng ating kapayapaan, isang bunga ng banal na espiritu ni Jehova.​—Galacia 5:22, 23.

Isang Mainam na Tunguhin Para sa mga Mang-aani

16, 17. (a) Ano ang ating tunguhin kapag gumagawa ng mga pagdalaw-muli? (b) Paano natin matutulungan yaong may mga tanong hinggil sa Bibliya?

16 Bilang mga mang-aani, natutuwa tayong magkaroon ng bahagi sa pagtitipon ng mga tao ukol sa buhay na walang hanggan. At kay laking kagalakan ang nararanasan natin kapag ang isang tao na pinangangaralan natin ay tumutugon nang positibo, nagnanais na higit pang matuto, at nagiging “isang kaibigan ng kapayapaan”! Marahil ay marami siyang tanong hinggil sa Bibliya at waring imposible na masagot natin ang lahat ng ito sa isang pagdalaw. Yamang ang mahabang pamamalagi sa unang pagdalaw ay baka di-angkop, ano ang maaaring gawin? Maaari tayong magkaroon ng tunguhin na gaya niyaong inirekomenda mga 60 taon na ang nakalipas.

17 “Lahat ng mga saksi ni Jehova ay dapat na handang magdaos ng huwarang mga pag-aaral sa Bibliya.” Ang pananalitang iyon ay matatagpuan sa ikatlo sa serye ng mga nakapagtuturong buklet na Model Study na inilathala mula 1937 hanggang 1941. Ganito pa ang sinasabi nito: “Lahat ng mamamahayag [ng Kaharian] ay dapat na masikap sa lahat ng posibleng paraan ng pagtulong sa mga taong may kabutihang-loob na nagpapakita ng interes sa mensahe ng Kaharian. Ang mga back-call [mga pagdalaw-muli] ay dapat na isagawa sa mga taong ito, anupat sinasagot ang iba’t ibang tanong . . . , at pagkatapos ay pasimulan ang isang huwarang pag-aaral . . . sa lalong madaling panahon hangga’t maaari.” Oo, ang ating tunguhin sa mga pagdalaw-muli ay ang makapagpasimula ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya at maidaos ito nang regular. a Ang palakaibigang saloobin at maibiging pagmamalasakit sa interesado ang nagpapakilos sa atin na maghandang mabuti at magdaos ng mabisang pag-aaral.

18. Paano natin matutulungan ang mga baguhan na maging mga alagad ni Jesu-Kristo?

18 Sa tulong ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan at ng mga brosyur na gaya ng Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?, makapagdaraos tayo ng mabibisang pantahanang pag-aaral sa Bibliya at sa gayon ay magkaroon ng bahagi sa pagtulong sa mga bagong interesado na maging mga alagad. Habang sinisikap nating tularan ang Dakilang Guro, si Jesu-Kristo, malamang na ang gayong mga estudyante ng Bibliya ay matututo rin sa ating mapayapa at may-kagalakang pamamaraan, sa ating kataimtiman, at sa ating paggalang sa mga pamantayan at mga panuntunan ni Jehova. Kapag tinutulungan natin ang mga baguhan sa mga sagot sa kanilang mga tanong, gawin din natin ang lahat ng ating magagawa upang turuan sila kung paano nila masasagot ang mga nagtatanong sa kanila. (2 Timoteo 2:1, 2; 1 Pedro 2:21) Bilang makasagisag na mga mang-aani, tiyak na magagalak tayo na isang katamtamang bilang na 4,766,631 pantahanang pag-aaral sa Bibliya ang idinaos sa buong daigdig nitong nakalipas lamang na taon ng paglilingkod. Lalo tayong magagalak kung tayo mismo ay kabilang sa mga mang-aani na nakibahagi sa gawaing pantahanang pag-aaral sa Bibliya.

Patuloy na Magsaya sa Pag-aani

19. Bakit may mabubuting dahilan para magalak sa pag-aani noong panahon ng ministeryo ni Jesus at di-nagtagal pagkalipas noon?

19 May mabubuting dahilan para magalak sa pag-aani noong panahon ng ministeryo ni Jesus at di-nagtagal pagkalipas noon. Marami noon ang tumugon nang positibo sa mabuting balita. Lalo nang malaki ang pagsasaya noong Pentecostes 33 C.E., sapagkat mga 3,000 noon ang sumunod sa tagubilin ni Pedro, nagtamo ng banal na espiritu ni Jehova, at naging bahagi ng espirituwal na bansang Israel ng Diyos. Sa katunayan, ang kanilang bilang ay patuloy na dumami, at nanagana ang kagalakan habang “patuloy na idinaragdag sa kanila ni Jehova sa araw-araw yaong mga naliligtas.”​—Gawa 2:37-41, 46, 47; Galacia 6:16; 1 Pedro 2:9.

20. Ano ang nagdudulot sa atin ng saganang kagalakan sa ating gawaing pag-aani?

20 Nang panahong iyon, ang hula ni Isaias ay napatunayang totoo: “Pinarami mo [Jehova] ang mga tao sa bansa; para roon ay pinalaki mo ang pagsasaya. Sila ay nagsaya sa harap mo gaya ng pagsasaya sa panahon ng pag-aani, gaya niyaong mga nagagalak kapag pinaghahati-hatian nila ang samsam.” (Isaias 9:3) Bagaman nakikita natin ngayon na halos kumpleto na ang ‘mataong bansa’ na iyon ng mga pinahiran, nananagana ang ating kagalakan habang nakikita nating lumalago taun-taon ang bilang ng ibang mga mang-aani.​—Awit 4:7; Zacarias 8:23; Juan 10:16.

21. Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?

21 Tiyak na may makatuwiran tayong mga dahilan upang patuloy na magsaya sa gawaing pag-aani. Ang ating mensahe ng pag-asa, ang ating paghahanap sa mga karapat-dapat, at ang ating nakikipagpayapaang saloobin​—lahat ng mga salik na ito ay nagdudulot sa atin ng kagalakan bilang mga mang-aani. Gayunman, pumupukaw ang mga ito ng di-kaayaayang reaksiyon mula sa marami. Naranasan ito ni apostol Juan. Siya ay ibinilanggo sa pulo ng Patmos “dahil sa pagsasalita tungkol sa Diyos at sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (Apocalipsis 1:9) Kung gayon, paano natin mapananatili ang ating kagalakan kapag napaharap tayo sa pag-uusig at pagsalansang? Ano ang tutulong sa atin upang mabata ang nagmamatigas na saloobin ng marami na pinangangaralan natin ngayon? Ang susunod nating artikulo ay nagbibigay ng maka-Kasulatang tulong sa pagsagot sa mga tanong na ito.

[Talababa]

a Ang mga pag-aaral ay unang isinaayos sa mga lugar kung saan maaaring matipon ang mga grupo ng mga interesadong tao. Subalit di-nagtagal, ang mga pag-aaral ay idinaos din sa mga indibiduwal at sa mga pamilya.​—Tingnan ang Mga Saksi ni Jehova​—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos, pahina 574, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

Paano Mo Sasagutin?

• Ano ang makasagisag na gawaing pag-aani?

• Anong uri ng mensahe ang ipinahahayag natin?

• Bakit matagumpay ang paghahanap natin ng mga alagad?

• Paano natin pinananatili ang kapayapaan sa gawaing pag-aani?

• Bakit patuloy tayong nagsasaya sa pag-aani?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 12, 13]

Pangangaral noong una at ika-20 siglo

[Mga larawan sa pahina 13]

Gaya ni Pablo, sinisikap ng mga kasalukuyang mang-aani na maabot ang mga tao saanman

[Larawan sa pahina 13]

Ihayag ang mabuting balita taglay ang isang kaayaayang disposisyon