Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magmatiyaga sa Gawaing Pag-aani!

Magmatiyaga sa Gawaing Pag-aani!

Magmatiyaga sa Gawaing Pag-aani!

“Yaong mga naghahasik ng binhi na may mga luha ay gagapas na may hiyaw ng kagalakan.”​—AWIT 126:5.

1. Bakit ‘magsusumamo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa’ sa ngayon?

 PAGKATAPOS ng ikatlong paglilibot ni Jesu-Kristo para mangaral sa Galilea, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Ang aanihin ay marami, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti.” (Mateo 9:37) Gayundin ang situwasyon sa Judea. (Lucas 10:2) Yamang totoo iyon halos 2,000 taon na ang nakalilipas, ano naman ang situwasyon sa ngayon? Buweno, nitong nakaraang taon ng paglilingkod, mahigit na 6,000,000 Saksi ni Jehova ang nagmatiyaga sa makasagisag na gawaing pag-aani sa gitna ng 6,000,000,000 tao sa daigdig, na marami sa mga ito ay “nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” Kaya ang payo ni Jesus na “magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani” ay kapit pa rin ngayon gaya noong nakaraang mga siglo.​—Mateo 9:36, 38.

2. Ano ang nagiging dahilan upang mapansin tayo ng mga tao?

2 Sinagot ng Diyos na Jehova, ang Panginoon ng pag-aani, ang pakiusap na magpadala ng higit pang manggagawa. At kay laking kagalakan nga na makibahagi sa gawaing ito ng pag-aani na pinapatnubayan ng Diyos! Bagaman kakaunti ang bilang natin kung ihahambing sa mga bansa, ang ating masigasig na pakikibahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad ay nagiging dahilan upang mapansin tayo ng daigdig. Sa maraming lupain ay madalas tayong banggitin sa media. Ang tunog ng timbre sa pintuan sa isang drama sa telebisyon ay maaaring pumukaw ng komento na nasa pintuan ang mga Saksi ni Jehova. Oo, ang ating gawaing Kristiyano bilang makasagisag na mga mang-aani ay kilalang-kilala sa ika-21 siglo.

3. (a) Paano natin nalalaman na napansin ang gawaing pangangaral ng Kaharian noong unang siglo? (b) Bakit masasabi natin na sinusuportahan ng mga anghel ang ating ministeryo?

3 Napansin din ng daigdig ang mga gawaing pangangaral ng Kaharian noong unang siglo at pinag-usig ang mga tagapaghayag ng mabuting balita. Kaya naman sumulat si apostol Pablo: “Sa wari ko ay kaming mga apostol ang huling inilagay ng Diyos sa tanghalan bilang mga taong itinalaga sa kamatayan, sapagkat kami [ang mga apostol] ay naging pandulaang panoorin sa sanlibutan, at sa mga anghel, at sa mga tao.” (1 Corinto 4:9) Sa katulad na paraan, ang ating pagmamatiyaga bilang mga tagapaghayag ng Kaharian sa kabila ng pag-uusig ay nagiging dahilan upang mapansin tayo ng daigdig at ito ay mahalaga sa mga anghel. Sinasabi ng Apocalipsis 14:6: “Nakakita ako [si apostol Juan] ng isa pang anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit, at mayroon siyang walang-hanggang mabuting balita na ipahahayag bilang masayang pabalita doon sa mga tumatahan sa lupa, at sa bawat bansa at tribo at wika at bayan.” Oo, sinusuportahan tayo ng mga anghel sa ating ministeryo​—sa ating gawaing pag-aani!​—Hebreo 1:13, 14.

“Mga Tudlaan ng Pagkapoot”

4, 5. (a) Anong babala ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad? (b) Bakit ang makabagong-panahong mga lingkod ng Diyos ay “mga tudlaan ng pagkapoot”?

4 Nang isugo ang mga apostol ni Jesus bilang mga mang-aani, sinunod nila ang kaniyang tagubilin na maging ‘maingat na gaya ng mga serpiyente at gayunma’y walang muwang na gaya ng mga kalapati.’ Sinabi pa ni Jesus: “Maging mapagbantay kayo laban sa mga tao; sapagkat ibibigay nila kayo sa mga lokal na hukuman, at hahagupitin nila kayo sa kanilang mga sinagoga. Aba, dadalhin kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, bilang patotoo sa kanila at sa mga bansa. . . . At kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan; ngunit siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.”​—Mateo 10:16-22.

5 Tayo ay “mga tudlaan ng pagkapoot” ngayon dahil “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,” si Satanas na Diyablo, na siyang pangunahing kaaway ng Diyos at ng Kaniyang bayan. (1 Juan 5:19) Namamasdan ng ating mga kaaway ang ating espirituwal na kasaganaan ngunit tumatanggi silang kilalanin na nagmumula ito kay Jehova. Nakikita ng mga mananalansang ang ating maligaya at nakangiting mga mukha habang may-kagalakan tayong nakikibahagi sa gawaing pag-aani. Namamangha sila sa ating pagkakaisa! Sa katunayan, baka napipilitan silang aminin ito kapag naglalakbay sila sa ibang lupain at natutuklasan na ginagawa ng mga Saksi ni Jehova roon ang mismong gawain na napapansin nila sa kanilang sariling bayan. Sabihin pa, alam natin na sa takdang panahon, si Jehova, ang ating tagapagtaguyod at ang pinagmumulan ng ating pagkakaisa, ay makikilala maging ng ating mga kaaway.​—Ezekiel 38:10-12, 23.

6. Anong katiyakan ang taglay natin habang nakikibahagi tayo sa gawaing pag-aani, ngunit anong tanong ang bumabangon?

6 Ibinigay ng Panginoon ng pag-aani sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, “ang lahat ng awtoridad . . . sa langit at sa lupa.” (Mateo 28:18) Kaya naman ginagamit ni Jehova si Jesus upang pangasiwaan ang gawaing pag-aani sa pamamagitan ng makalangit na mga anghel at ng pinahirang “tapat at maingat na alipin” na narito sa lupa. (Mateo 24:45-47; Apocalipsis 14:6, 7) Ngunit paano natin mababata ang pagsalansang ng kaaway at mapananatili pa rin ang ating kagalakan habang nagmamatiyaga tayo sa gawaing pag-aani?

7. Anong saloobin ang dapat nating sikaping mapanatili kapag sinasalansang o pinag-uusig?

7 Kapag napapaharap tayo sa pagsalansang o maging sa tuwirang pag-uusig, hingin natin ang tulong ng Diyos upang mapanatili natin ang saloobing katulad ng kay Pablo. Sumulat siya: “Kapag nilalait, kami ay nagpapala; kapag pinag-uusig, kami ay nagtitiis; kapag sinisiraang-puri, kami ay namamanhik.” (1 Corinto 4:12, 13) Ang saloobing ito, lakip na ang ating mataktikang pangmadlang ministeryo, ay nakapagpapabago kung minsan sa saloobin ng mga sumasalansang sa atin.

8. Anong katiyakan ang iyong natatamo mula sa mga salita ni Jesus na nakaulat sa Mateo 10:28?

8 Kahit ang banta ng kamatayan ay hindi nakapagpapahina sa ating sigasig bilang mga mang-aani. Walang-takot nating ibinabalita nang hayagan ang mensahe ng Kaharian hangga’t maaari. At nagtatamo tayo ng nakapagpapatibay na katiyakan mula sa mga salita ni Jesus: “Huwag kayong matakot doon sa mga pumapatay ng katawan ngunit hindi makapapatay ng kaluluwa; kundi sa halip ay matakot kayo sa kaniya na makapupuksa kapuwa sa kaluluwa at katawan sa Gehenna.” (Mateo 10:28) Alam natin na ang ating makalangit na Ama ang Tagapagbigay ng buhay. Ginagantimpalaan niya yaong mga nananatiling tapat sa kaniya at may-katapatang nagmamatiyaga sa gawaing pag-aani.

Isang Mensaheng Nagliligtas-Buhay

9. Paano tumugon ang ilan sa mga salita ni Ezekiel, at paanong ang gayunding bagay ay nagaganap sa ngayon?

9 Nang buong-tapang na ipahayag ni propeta Ezekiel ang mga mensahe ni Jehova sa “mapaghimagsik na mga bansa”​—ang mga kaharian ng Israel at Juda​—ang ilang indibiduwal ay nalugod na marinig ang sasabihin niya. (Ezekiel 2:3) “Narito!” ang sabi ni Jehova, “sa kanila ay tulad ka ng isang awit ng maaalab na pag-ibig, tulad ng isa na may magandang tinig at mahusay tumugtog ng panugtog na de-kuwerdas.” (Ezekiel 33:32) Bagaman nagustuhan nila ang mga salita ni Ezekiel, hindi sila kumilos kaayon nito. Ano ang nangyayari sa ngayon? Kapag may tibay ng loob na ipinahahayag ng pinahirang nalabi at ng kanilang mga kasamahan ang mga mensahe ni Jehova, gustong marinig ng ilan ang tungkol sa mga pagpapala ng Kaharian, ngunit hindi sila tumutugon nang may pagpapahalaga, nagiging mga alagad, at nakikisama sa gawaing pag-aani.

10, 11. Sa unang kalahatian ng ika-20 siglo, ano ang ginawa upang maipahayag ang ating nagliligtas-buhay na mensahe, at ano ang mga resulta?

10 Sa kabilang panig, marami ang positibong tumugon sa gawaing pag-aani at nakibahagi sa paghahayag ng mga mensahe ng Diyos. Halimbawa, sa isang serye ng mga kombensiyong Kristiyano mula noong 1922 hanggang 1928, maliwanag na ipinahayag ang mga mensahe ng paghatol sa balakyot na sistema ng mga bagay ni Satanas. Isinahimpapawid ng mga istasyon ng radyo ang mga pagtuligsang ito na iniharap sa mga asambleang iyon. Pagkatapos nito, milyun-milyong nakalimbag na kopya ng mga ito ang ipinamahagi ng bayan ng Diyos.

11 Noong papatapos na ang dekada ng 1930, isa pang anyo ng gawaing pagpapatotoo ang nabuksan​—mga information march. Sa simula, ang bayan ni Jehova ay nagsuot ng mga plakard na nagpapatalastas ng mga pahayag pangmadla. Nang maglaon, nagdala sila ng mga plakard na may mga sawikain na gaya ng “Ang relihiyon ay silo at pangungulimbat” at “Maglingkod sa Diyos at kay Kristong Hari.” Nang magmartsa sila sa mga lansangan, naakit nila ang pansin ng mga nagdaraan. ‘Malaki ang nagawa nito upang maging sentro ng atensiyon ang mga Saksi ni Jehova at magkaroon sila lakas ng loob,’ ang komento ng isang kapatid na lalaki na regular na nakisama sa gawaing ito sa mga abalang lansangan ng London, Inglatera.

12. Bukod sa mga mensahe ng paghatol ng Diyos, ano pa ang itinampok natin sa ating ministeryo, at sinu-sino ngayon ang nagkakaisa sa pangangaral ng mabuting balita?

12 Habang ipinahahayag natin ang mga mensahe ng paghatol ng Diyos, itinatampok din natin ang mga positibong aspekto ng mensahe ng Kaharian. Ang ating matapang na pagpapatotoo sa paningin ng buong daigdig ay nakatutulong sa ating paghahanap sa mga karapat-dapat. (Mateo 10:11) Karamihan sa mga huling miyembro ng uring pinahiran ay tumugon sa maliwanag na panawagan ukol sa pag-aani noong mga dekada ng 1920 at 1930. Pagkatapos, sa isang kombensiyon noong 1935, nagkaroon ng kamangha-manghang balita tungkol sa isang pinagpalang kinabukasan para sa “isang malaking pulutong” ng “ibang mga tupa” sa isang paraisong lupa. (Apocalipsis 7:9; Juan 10:16) Nakinig sila sa mga mensahe ng paghatol ng Diyos at naging kaisa ng mga pinahiran sa pangangaral ng nagliligtas-buhay na mabuting balita.

13, 14. (a) Anong kaaliwan ang maaaring matamo mula sa Awit 126:5, 6? (b) Kung patuloy tayong maghahasik at magdidilig, ano ang mangyayari?

13 Malaking kaaliwan para sa mga mang-aani ng Diyos, at lalo na sa mga dumaranas ng pag-uusig, ang mga salita sa Awit 126:5, 6: “Yaong mga naghahasik ng binhi na may mga luha ay gagapas na may hiyaw ng kagalakan. Siya na walang pagsalang yumayaon, na tumatangis pa man din, na may dala-dalang isang supot ng binhi, ay walang pagsalang papasok na may hiyaw ng kagalakan, na dala-dala ang kaniyang mga tungkos.” Ang mga salita ng salmista tungkol sa paghahasik at paggapas ay naglalarawan sa pangangalaga at pagpapala ni Jehova sa nalabi na bumalik mula sa pagkabihag sa sinaunang Babilonya. Sila ay tuwang-tuwa sa kanilang paglaya, ngunit marahil ay lumuha sila nang sila ay naghahasik ng binhi sa tiwangwang na lupa na hindi nabungkal noong panahon ng kanilang 70-taóng pagkakatapon. Gayunman, yaong mga nagpatuloy sa kanilang mga gawaing paghahasik at pagtatayo ay nagtamasa ng mga bunga at kasiyahan mula sa kanilang pagpapagal.

14 Maaaring mapaluha tayo kapag nakararanas ng pagsubok o kapag tayo o ang ating mga kapananampalataya ay nagdurusa dahil sa katuwiran. (1 Pedro 3:14) Sa ating gawaing pag-aani, maaaring nahihirapan tayo sa simula dahil waring wala tayong maipakitang katibayan ng tagumpay sa ating mga pagsisikap sa ministeryo. Ngunit kung patuloy tayong maghahasik at magdidilig, palalaguin ng Diyos ang mga bagay-bagay, na kadalasan ay higit pa sa ating inaasahan. (1 Corinto 3:6) Ito ay maliwanag na ipinakikita ng mga resulta ng ating pamamahagi ng mga Bibliya at ng maka-Kasulatang mga publikasyon.

15. Magbigay ng halimbawa ng kahalagahan ng mga publikasyong Kristiyano sa gawaing pag-aani.

15 Isaalang-alang ang halimbawa ng isang lalaki na nagngangalang Jim. Nang mamatay ang kaniyang ina, natagpuan niya sa mga pag-aari ng kaniyang ina ang isang kopya ng aklat na Life​—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation?   a Binasa niya ito taglay ang interes. Sa pakikipag-usap sa isang Saksi na lumapit sa kaniya sa lansangan, sumang-ayon si Jim na dalawin siyang muli, at ito ay umakay sa isang pag-aaral sa Bibliya. Mabilis ang naging pagsulong ni Jim sa espirituwal, inialay niya ang kaniyang sarili kay Jehova, at nabautismuhan. Sinabi niya sa ibang miyembro ng kaniyang pamilya ang tungkol sa kaniyang natutuhan. Bilang resulta, ang kaniyang ate at kuya ay naging mga Saksi ni Jehova, at nang maglaon ay nagkaroon si Jim ng pribilehiyo na maglingkod bilang isang buong-panahong boluntaryo sa Bethel sa London.

Pinag-uusig Ngunit Nagagalak

16. (a) Bakit nararanasan ang tagumpay sa gawaing pag-aani? (b) Anong babala ang ibinigay ni Jesus hinggil sa epekto ng mabuting balita, ngunit anong saloobin ang taglay natin sa paglapit sa mga tao?

16 Bakit may gayong tagumpay sa gawaing pag-aani? Dahil sinunod ng mga pinahirang Kristiyano at ng kanilang mga kasamahan ang mga tagubilin ni Jesus: “Ang sinasabi ko sa inyo sa kadiliman, sabihin ninyo sa liwanag; at ang naririnig ninyong ibinubulong, ipangaral ninyo mula sa mga bubungan ng bahay.” (Mateo 10:27) Gayunman, aasahan natin ang mga paghihirap, sapagkat nagbabala si Jesus: “Dadalhin ng kapatid ang kapatid sa kamatayan, at ng ama ang kaniyang anak, at ang mga anak ay titindig laban sa mga magulang at ipapapatay sila.” Sinabi pa ni Jesus: “Huwag ninyong isipin na pumarito ako upang maglagay ng kapayapaan sa lupa; pumarito ako upang maglagay, hindi ng kapayapaan, kundi ng tabak.” (Mateo 10:21, 34) Hindi sinadya ni Jesus na paghiwa-hiwalayin ang magkakapamilya. Subalit kung minsan ay may ganoong epekto ang mabuting balita. Totoo rin ito sa mga lingkod ng Diyos sa ngayon. Kapag dinadalaw natin ang mga pamilya, hindi natin layunin na magdulot ng pagkakabaha-bahagi. Hangarin natin na tanggapin ng lahat ang mabuting balita. Kaya naman sinisikap nating makausap ang lahat ng miyembro ng isang pamilya sa isang mabait at maunawaing paraan na nagpapangyaring maging kaakit-akit ang ating mensahe sa mga “wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan.”​—Gawa 13:48.

17. Paano ibinubukod ang mga nagtataguyod ng soberanya ng Diyos, at ano ang isang halimbawa nito?

17 Ibinukod ng mensahe ng Kaharian yaong mga nagtataguyod ng soberanya ng Diyos. Halimbawa, isaalang-alang kung paano napaiba ang ating mga kapuwa mananamba dahil ‘ibinayad [nila] kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos’ noong panahon ng National Socialism sa Alemanya. (Lucas 20:25) Kabaligtaran ng mga relihiyosong lider at mga naturingang Kristiyano na kaugnay sa mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan, ang mga lingkod ni Jehova ay nanindigang matatag, anupat tumangging lumabag sa mga simulain sa Bibliya. (Isaias 2:4; Mateo 4:10; Juan 17:16) Sinabi ni Propesor Kristine King, awtor ng aklat na The Nazi State and the New Religions: “Tanging laban sa mga Saksi nabigo ang pamahalaan [ng Nazi], sapagkat bagaman libu-libo ang kanilang napatay, nagpatuloy ang gawain at noong Mayo 1945 ay buháy pa rin ang kilusan ng mga Saksi ni Jehova, samantalang ang National Socialism ay patay na.”

18. Anong saloobin ang ipinamamalas ng bayan ni Jehova sa kabila ng pag-uusig?

18 Talagang kapansin-pansin ang saloobin na ipinamamalas ng bayan ni Jehova kapag napaharap sila sa pag-uusig. Bagaman maaaring humanga ang sekular na mga awtoridad sa ating pananampalataya, nagpapahayag naman sila ng pagkamangha sa kawalan ng sama ng loob o ng galit sa bahagi natin. Halimbawa, ang mga Saksi na nakaligtas sa Holocaust ay madalas na nagpapahayag ng kagalakan at kasiyahan habang ginugunita nila ang kanilang mga karanasan. Alam nila na binigyan sila ni Jehova ng “lakas na higit sa karaniwan.” (2 Corinto 4:7) Ang mga pinahiran na kasama natin ay binigyan ng katiyakan na ang kanilang ‘mga pangalan ay nakasulat na sa langit.’ (Lucas 10:20) Ang kanilang pagbabata ay nagbubunga ng isang pag-asa na hindi umaakay sa kabiguan, at may gayunding pananalig ang tapat na mga mang-aani na may makalupang pag-asa.​—Roma 5:4, 5.

Magmatiyaga sa Gawaing Pag-aani

19. Anong mabibisang pamamaraan ang ginamit sa ministeryong Kristiyano?

19 Hindi pa natin alam kung hanggang kailan pahihintulutan ni Jehova na makibahagi tayo sa makasagisag na gawaing pag-aani. Samantala, dapat nating tandaan na ang mga mang-aani ay may espesipikong mga pamamaraan sa pagganap ng kanilang gawain. Gayundin naman, makatitiyak tayo na ang ating katapatan sa paggamit sa subók at napatunayang mga pamamaraan sa pangangaral ay magiging mabisa. Sinabi ni Pablo sa mga kapuwa Kristiyano: “Namamanhik ako sa inyo, maging mga tagatulad kayo sa akin.” (1 Corinto 4:16) Nang makipagkita si Pablo sa mga matatanda sa Efeso doon sa Mileto, ipinaalaala niya sa kanila na hindi niya ipinagkait ang pagtuturo sa kanila “nang hayagan at sa bahay-bahay.” (Gawa 20:20, 21) Natutuhan ng kasama ni Pablo na si Timoteo ang mga pamamaraan ng apostol kaya maaari niya itong ituro sa mga taga-Corinto. (1 Corinto 4:17) Pinagpala ng Diyos ang mga pamamaraan ni Pablo sa pagtuturo, kung paanong pagpapalain din niya ang ating pagmamatiyaga sa hayagang pangangaral ng mabuting balita sa bahay-bahay, sa mga pagdalaw-muli, sa mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya, at saanman maaaring masumpungan ang mga tao.​—Gawa 17:17.

20. Paano ipinahiwatig ni Jesus na isang saganang espirituwal na pag-aani ang malapit nang maganap, at paano ito napatunayang totoo nitong nakalipas na mga taon?

20 Pagkatapos na magpatotoo sa isang Samaritana malapit sa Sicar noong 30 C.E., binanggit ni Jesus ang espirituwal na pag-aani. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Itingin ninyo ang inyong mga mata at tanawin ang mga bukid, na ang mga ito ay mapuputi na para sa pag-aani. Sa ngayon ay tumatanggap na ng kabayaran ang manggagapas at nagtitipon na ng bunga para sa buhay na walang hanggan, upang ang manghahasik at ang manggagapas ay makapagsayang magkasama.” (Juan 4:34-36) Marahil ay nakita na ni Jesus ang epekto ng kaniyang pakikipag-usap sa Samaritana, sapagkat marami ang naglalagak ng pananampalataya sa kaniya dahil sa patotoo ng babae. (Juan 4:39) Nitong nakaraang mga taon, inalis ng iba’t ibang bansa ang mga paghihigpit sa mga Saksi ni Jehova o ibinigay na sa kanila ang legal na pagkilala, sa gayon ay binubuksan ang bagong mga bukid ukol sa pag-aani. Ang resulta ay isang saganang espirituwal na pag-aani ang nagaganap. Sa katunayan, sa buong daigdig, mayayamang pagpapala ang nararanasan habang may-kagalakan tayong nagpapatuloy sa pakikibahagi sa espirituwal na pag-aani.

21. Bakit may dahilan tayo para magmatiyaga bilang nagagalak na mga mang-aani?

21 Kapag hinog na ang mga pananim at handa na para anihin, dapat na apurahang kumilos ang mga manggagawa. Dapat na magpagal sila nang walang pagkaantala. Sa ngayon, kailangan tayong gumawa nang may kasipagan at may pagkaapurahan dahil nabubuhay tayo sa “panahon ng kawakasan.” (Daniel 12:4) Oo, napapaharap tayo sa mga pagsubok, ngunit mas marami nang higit kailanman ang inaaning mga mananamba ni Jehova. Kaya naman ito ay isang panahon ng pagsasaya. (Isaias 9:3) Kung gayon, bilang nagagalak na mga manggagawa, magmatiyaga tayo sa gawaing pag-aani!

[Talababa]

a Inilathala at ipinamahagi ng mga Saksi ni Jehova.

Paano Mo Sasagutin?

Paano sinagot ng Panginoon ng pag-aani ang pakiusap ukol sa higit pang manggagawa?

Bagaman tayo ay “mga tudlaan ng pagkapoot,” anong saloobin ang pinananatili natin?

Bakit tayo nagagalak bagaman pinag-uusig tayo?

Bakit dapat na magmatiyaga tayo sa gawaing pag-aani taglay ang pagkaapurahan?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 16, 17]

Taglay niyaong mga nakikibahagi sa espirituwal na pag-aani ang suporta ng mga anghel

[Larawan sa pahina 18]

Itinawag-pansin ng mga information march sa marami ang mensahe ng Kaharian

[Larawan sa pahina 18]

Tayo ang nagtatanim at nagdidilig, ngunit ang Diyos ang nagpapalago nito