Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

May Buhay ba Pagkatapos ng Kamatayan?

May Buhay ba Pagkatapos ng Kamatayan?

May Buhay ba Pagkatapos ng Kamatayan?

“KUNG ang isang matipunong lalaki ay mamatay mabubuhay pa ba siyang muli?” ang tanong ng patriyarkang si Job mga 3,500 taon na ang nakalipas. (Job 14:14) Ang katanungang ito ay naging palaisipan sa sangkatauhan sa loob ng maraming milenyo. Sa nakalipas na mga panahon, pinag-isipan ng mga tao sa lahat ng lipunan ang paksang ito at nakabuo sila ng iba’t ibang teoriya.

Maraming naturingang Kristiyano ang naniniwala sa langit at sa impiyerno. Sa kabilang dako naman, naniniwala ang mga Hindu sa reinkarnasyon. Sa pagkokomento sa pangmalas ng mga Muslim, si Emir Muawiyah, isang kawani sa isang sentro ng relihiyong Islam, ay nagsabi: “Kami ay naniniwala na magkakaroon ng isang araw ng paghuhukom pagkatapos ng kamatayan, kapag ikaw ay humarap sa Diyos, kay Allah, na magiging kagaya lamang ng pagpasok sa hukuman.” Ayon sa paniniwala ng Islam, sa panahong iyon ay tatayahin ni Allah ang pamumuhay ng bawat isa at siya’y ipadadala sa paraiso o kaya’y sa maapoy na impiyerno.

Sa Sri Lanka, iniiwang bukas na bukas ang mga pintuan at bintana ng mga Budista at mga Katoliko kapag may namatay sa kani-kanilang sambahayan. Sinisindihan ang isang lamparang de-langis, at ipinupuwesto ang kabaong na ang paanan ng namatay ay nakaharap sa bukanang pinto. Naniniwala sila na sa ganitong paraan ay mas madaling makalalabas ang espiritu ng namatay.

Ayon kay Ronald M. Berndt ng University of Western Australia, naniniwala ang mga Katutubo ng Australia na “hindi maaaring masira ang mga tao sa espirituwal na paraan.” May mga tribo sa Aprika na naniniwalang pagkatapos ng kamatayan, ang ordinaryong mga tao ay nagiging mga multo, samantalang ang kilalang mga indibiduwal ay nagiging mga espiritu ng mga ninuno na pinararangalan at dinadalanginan bilang di-nakikitang mga pinuno ng komunidad.

Sa ibang lupain, ang mga paniniwala hinggil sa kalagayan ng patay ay bunga ng pinagsamang lokal na tradisyon at ng naturingang Kristiyanismo. Halimbawa, sa maraming Katoliko at Protestante sa Kanlurang Aprika, isang kaugalian na takpan ang mga salamin kapag may namatay upang walang tumingin dito at makita ang espiritu ng namatay na tao.

Talagang iba’t iba ang mga sagot ng mga tao sa tanong na ‘Ano ang nangyayari sa atin kapag tayo ay namatay?’ Gayunman, ang isang pangunahing ideya ay: May isang bagay na nasa loob ng isang tao na imortal at nabubuhay pagkatapos ng kamatayan. Naniniwala ang ilang tao na ang “isang bagay” na iyon ay isang espiritu. Halimbawa, sa mga bahagi ng Aprika at Asia at sa mga rehiyon ng Pasipiko sa Polynesia, Melanesia, at Micronesia, maraming naniniwala na isang espiritu​—hindi isang kaluluwa​—ang imortal. Sa katunayan, ang ilang wika ay wala man lamang salitang “kaluluwa.”

Mayroon bang espiritu sa loob ng isang buháy na tao? Ang espiritu bang iyon ay talagang umaalis sa katawan pagkamatay ng tao? Kung gayon, ano ang nangyayari rito? At ano ang pag-asa para sa mga patay? Ang mga tanong na ito ay hindi dapat ipagwalang-bahala. Anuman ang iyong pinagmulang kultura o relihiyon, ang kamatayan ay isang katotohanan na dapat harapin. Kaya ikaw ay lubhang personal na nasasangkot sa mga isyung ito. Pinasisigla ka namin na suriin ang bagay na ito.