Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Sa 1 Pedro 4:3, mababasa natin na ang ilang Kristiyano ay nakibahagi noon sa “mga bawal na idolatriya.” Hindi ba lahat ng idolatriya ay bawal, hinahatulan at di-pinahihintulutan ng Diyos?

Oo, sa pangmalas ng Diyos, ang lahat ng idolatriya ay bawal. Yaong mga nagnanais ng kaniyang pagsang-ayon ay hindi maaaring magsagawa ng idolatriya.​—1 Corinto 5:11; Apocalipsis 21:8.

Gayunman, waring ang tinutukoy ni apostol Pedro ay ang idolatriya sa ibang pangmalas. Unang-una na, sa maraming sinaunang mga bansa, ang idolatriya ay kapuwa pangkaraniwan at walang legal na pagbabawal mula sa mga awtoridad. Ibig sabihin, hindi ipinagbabawal ng batas ng lupain ang gayong idolatriya. Ang ilang idolatriya ay bahagi pa nga ng patakarang pambansa at pampamahalaan. Sa diwang iyan, ang ilan ay nakibahagi noon sa ‘mga idolatriya nang walang legal na pagbabawal’ bago naging mga Kristiyano. (New World Translation, edisyon ng 1950) Halimbawa, mapapansin na si Haring Nabucodonosor ng Babilonya ay nagtayo ng isang idolatrosong gintong larawan, ngunit tumanggi ang mga lingkod ni Jehova na sina Sadrac, Mesac, at Abednego na sambahin ito.​—Daniel 3:1-12.

Sa iba pang punto de vista, maraming idolatrosong ritwal ang nagsasangkot ng mga gawang lubhang salungat sa anumang likas na batas o kabutihang-asal na nagmumula sa minanang budhi. (Roma 2:14, 15) Sumulat si apostol Pablo hinggil sa masasamang kaugalian na “salungat sa kalikasan” at “malaswa,” at kadalasang makikita ang mga ito sa mga relihiyosong ritwal. (Roma 1:26, 27) Ang mga lalaki’t babae na nakikibahagi sa bawal na idolatriya ay hindi sumusunod sa legal na pagbabawal ng kalikasan ng tao. Angkop kung gayon na iwaksi ng mga nagiging Kristiyano ang masasamang gawaing iyon.

Karagdagan pa sa nabanggit, ang gayong mga idolatriya na karaniwan sa mga di-Judio ay hinahatulan ng Diyos na Jehova. Sa gayo’y labag sa batas ang mga ito. a​—Colosas 3:5-7.

[Talababa]

a Ang Griegong teksto sa 1 Pedro 4:3 ay literal na nangangahulugang “mga idolatriya na labag sa batas.” Iba’t iba ang pagkakasalin sa pariralang ito sa mga Bibliyang Ingles na may pagtukoy na gaya ng “ipinagbabawal na idolatriya,” “di-pinahihintulutang pagsamba sa mga idolo,” at “mga tampalasang idolatriya.”