Origen—Paano Naapektuhan ng Kaniyang Turo ang Simbahan?
Origen—Paano Naapektuhan ng Kaniyang Turo ang Simbahan?
“Ang pinakadakilang lider ng Simbahan kasunod ng mga Apostol.” Gayon pinuri ni Jerome, ang tagasalin ng Bibliyang Latin Vulgate, ang teologo noong ikatlong siglo na si Origen. Subalit hindi gayon kataas ang pagtingin ng lahat kay Origen. Minalas siya ng ilan bilang isang masamang ugat na pinagsibulan ng mga erehiya. Sa pananalita ng isang manunulat noong ika-17 siglo, ipinagdiinan ng mga kritiko ni Origen: “Ang kaniyang doktrina sa pangkalahatan ay wala sa katuwiran at nakapipinsala, isang nakamamatay na lason ng Serpiyente, na ibinuga niya sa daigdig.” Sa katunayan, mahigit na apat na dantaon pagkamatay niya, si Origen ay pormal na ipinahayag na isang erehe.
BAKIT kapuwa hinangaan at kinapootan si Origen? Ano ang naging impluwensiya niya sa pagsulong ng doktrina ng simbahan?
Masigasig Para sa Simbahan
Si Origen ay isinilang noong mga 185 C.E. sa lunsod ng Alexandria sa Ehipto. Naturuan siya nang lubusan sa literaturang Griego, subalit pinilit siya ng kaniyang ama, si Leonides, na puspusan ding pag-aralan ang Bibliya. Nang si Origen ay 17 taóng gulang na, ang emperador ng Roma ay naglabas ng isang utos na ginagawang isang krimen ang magbago ng relihiyon. Ang ama ni Origen ay ibinilanggo sapagkat siya ay naging isang Kristiyano. Palibhasa’y puspos ng sigasig ng kabataan, si Origen ay determinadong sumama sa kaniya sa bilangguan at sa pagiging martir. Sa pagkakita nito, itinago ng ina ni Origen ang kaniyang mga damit upang hindi siya makaalis ng bahay. Sa pamamagitan ng liham, nagsumamo si Origen sa kaniyang ama: “Mag-ingat po kayo na huwag magbago ang inyong isipan alang-alang lamang sa amin.” Si Leonides ay nanatiling matatag at pinatay, anupat iniwang dukha ang kaniyang pamilya. Subalit mataas na ang pinag-aralan ni Origen anupat kaya na niyang suportahan ang kaniyang ina at anim na nakababatang kapatid na lalaki sa pamamagitan ng pagtuturo ng literaturang Griego.
Ang layunin ng emperador ay pigilan ang paglaganap ng Kristiyanismo. Yamang apektado ng kaniyang utos hindi lamang ang mga estudyante kundi pati ang mga guro, lahat ng Kristiyanong tagapagturo ng relihiyon ay lumikas mula sa Alexandria. Nang humingi ng tulong kay Origen ang mga di-Kristiyanong naghahangad na maturuan mula sa Kasulatan, malugod niyang tinanggap ang gawaing ito bilang isang atas mula sa Diyos. Marami sa kaniyang mga estudyante ang dumanas ng pagkamartir, ang ilan ay bago pa man matapos ang kanilang pag-aaral. Mahantad man siya mismo sa matinding panganib, hayagang pinalakas ni Origen ang kaniyang mga estudyante, sila man ay nasa harap ng isang hukom, sa bilangguan, o bibitayin na. Iniulat ng mananalaysay noong ikaapat na siglo na si Eusebius na nang sila’y inaakay patungo sa kanilang kamatayan, si Origen, “taglay ang matinding katapangan, ay nagpugay sa kanila sa pamamagitan ng isang halik.”
Si Origen ay kinapootan ng maraming di-Kristiyano, anupat siya ang pinapanagot sa pagkakumberte at pagkamatay ng kanilang mga kaibigan. Madalas na halos hindi niya matakasan ang mga mang-uumog at marahas na kamatayan. Bagaman napilitang magpalipat-lipat upang matakasan ang mga humahabol sa kaniya, si Origen ay hindi tumigil sa kaniyang pagtuturo. Ang gayong kawalang-takot at debosyon ay hinangaan ni Demetrius, ang obispo ng Alexandria. Kaya, nang si Origen ay 18 taóng gulang pa lamang, hinirang siya ni Demetrius na pangulo ng paaralang nauukol sa pagtuturo ng relihiyon sa Alexandria.
Nang maglaon, si Origen ay naging isang kilalang iskolar at isang masipag na manunulat. Ang ilan ay nagsabi na siya’y sumulat ng 6,000 aklat, bagaman malamang na ito’y isang labis na pagtaya. Kilalang-kilala siya dahil sa kaniyang Hexapla, isang napakalaking 50-tomong edisyon ng Hebreong Kasulatan. Inayos ni Origen ang Hexapla sa anim na magkakatabing hanay na naglalaman ng: (1) tekstong Hebreo at Aramaiko, (2) transliterasyon ng tekstong iyon sa Griego, (3) Griegong bersiyon ni Aquila, (4) Griegong bersiyon ni Symmachus, (5) Griegong Septuagint, na nirebisa ni Origen upang mas eksaktong tumugma sa tekstong Hebreo, at (6) Griegong bersiyon ni Theodotion. “Sa pamamagitan ng kombinasyong ito ng mga teksto,” ang isinulat ng iskolar sa Bibliya na si John Hort, “inasahan ni Origen na mabigyang-liwanag ang maraming talata na para sa isang mambabasang Griego ay nakalilito o nakaliligaw kung tanging ang Septuagint lamang ang taglay niya.”
‘Hinihigitan ang mga Bagay na Nakasulat’
Gayunpaman, lubhang naapektuhan ng magulong relihiyosong kalagayan noong ikatlong siglo ang paraan ng pagtuturo ni Origen ng Kasulatan. Bagaman kasisimula pa lamang ng Sangkakristiyanuhan noon, nadumhan na ito ng mga di-makakasulatang paniniwala, at ang kalat-kalat na mga simbahan nito ay nagtuturo ng iba’t ibang doktrina.
Tinanggap ni Origen ang ilan sa di-makakasulatang doktrinang ito, na sinasabing ang mga ito ay turo ng mga apostol. Subalit inisip niyang malaya siyang gumawa ng haka-haka tungkol sa ibang mga katanungan. Marami sa kaniyang mga estudyante ang nakikipagtunggali sa mga isyu sa pilosopiya noong panahong iyon. Sa pagsisikap na tulungan sila, pinag-aralang mabuti ni Origen ang tungkol sa iba’t ibang grupo ng pilosopiya na humuhubog sa mga kaisipan ng kaniyang kabataang mga estudyante. Sinikap niyang paglaanan ang kaniyang mga estudyante ng kasiya-siyang mga kasagutan sa kanilang mga katanungan sa pilosopiya.
Sa pagsisikap na papagkasunduin ang Bibliya at ang pilosopiya, nanalig nang husto si Origen sa matalinhagang paraan ng pagpapakahulugan sa Kasulatan batay sa ipinapalagay na natatagong kahulugan nito. Ipinalagay niya na ang Kasulatan ay laging may espirituwal na kahulugan subalit hindi naman kailangang may literal na kahulugan. Gaya ng sinabi ng isang iskolar, ito ang nagbigay-daan kay Origen na “bigyan ng kahulugan ang Bibliya salig sa anumang ideya na wala sa Bibliya kasuwato ng kaniyang sariling sistema ng teolohiya, samantalang nag-aangkin (at walang alinlangang taimtim na ipinapalagay ang kaniyang sarili) na isang lubhang masigasig at tapat na tagapagbigay-kahulugan sa kaisipan ng Bibliya.”
Ang isang liham na isinulat ni Origen sa isa sa kaniyang mga estudyante ay nagbibigay-unawa sa kaniyang kaisipan. Binanggit ni Origen na ang mga Israelita ay gumawa ng mga kagamitan para sa templo ni Jehova mula sa ginto ng Ehipto. Nakasumpong siya rito ng matalinhagang suhay sa paggamit niya ng pilosopiyang Griego upang ituro ang Kristiyanismo. Sumulat siya: “Kapaki-pakinabang nga sa mga anak ng Israel ang mga bagay na dinala nila mula sa Ehipto, na hindi ginamit nang wasto ng mga Ehipsiyo, subalit ginamit ng mga Hebreo, na pinatnubayan ng karunungan ng Diyos, para sa paglilingkod sa Diyos.” Sa gayo’y hinimok ni Origen ang kaniyang estudyante na “kumuha ng anumang bagay mula sa pilosopiya ng mga Griego na maaaring maging isang paksa sa pag-aaral o isang paghahanda ukol sa Kristiyanismo.”
Ang walang limitasyon na paraang ito ng pagbibigay-kahulugan sa Bibliya ay nagpalabo sa pagkakaiba ng doktrinang Kristiyano at ng pilosopiyang Griego. Halimbawa, sa kaniyang aklat na pinamagatang On First Principles, inilarawan ni Origen si Jesus bilang ‘ang bugtong na Anak, na isinilang, subalit walang anumang pasimula.’ At idinagdag pa niya: ‘Ang salinlahi niya ay walang-hanggan at magpakailanman. Hindi sa pamamagitan ng pagtanggap ng hininga ng buhay na siya’y naging Anak, hindi dahil sa gawa ng sinuman, kundi sa pamamagitan ng mismong kalikasan ng Diyos.’
Hindi nasumpungan ni Origen ang ideyang ito sa Bibliya, sapagkat itinuturo ng Kasulatan na ang bugtong na Anak ni Jehova ay “ang panganay sa lahat ng nilalang” at “ang pasimula ng paglalang ng Diyos.” (Colosas 1:15; Apocalipsis 3:14) Ayon sa istoryador ng relihiyon na si Augustus Neander, nabuo ni Origen ang ideyang “walang-hanggang salinlahi” sa pamamagitan ng kaniyang “edukasyon sa pilosopiya mula sa mga nanghahawakan sa mga turo ni Plato.” Kaya, nilabag ni Origen ang saligang simulaing ito sa Kasulatan: “Huwag higitan ang mga bagay na nakasulat.”—1 Corinto 4:6.
Hinatulan Bilang Isang Erehe
Noong unang mga taon niya bilang isang guro, si Origen ay tinanggal sa kaniyang pagkapari ng isang Sinodo sa Alexandria. Malamang na nangyari ito sapagkat si Obispo Demetrius ay nainggit sa lumalagong katanyagan ni Origen. Lumipat si Origen sa Palestina, kung saan nanatili ang napakalaking paghanga sa kaniya bilang isang pinagpipitagang tagapagtanggol ng doktrinang Kristiyano, at doon ay nagpatuloy siya bilang isang pari. Sa katunayan, nang ang “mga erehiya” ay biglang lumitaw sa Silangan, hiningi ang tulong niya upang kumbinsihin ang nagkasalang mga obispo na manumbalik sa pagiging ortodokso. Pagkamatay niya noong 254 C.E., ang pangalan ni Origen ay lalong napasamâ. Bakit?
Matapos maging isang prominenteng relihiyon ang naturingang Kristiyanismo, ang tinanggap ng simbahan bilang turong ortodokso ay lalo pang naging maselan. Kaya, hindi tinanggap ng sumunod na mga salinlahi ng mga teologo ang marami sa mga haka-haka at kung minsan ay di-tumpak na mga pangmalas sa pilosopiya ni Origen. Kaya ang mga turo niya ay pinagmulan ng maiinit na kontrobersiya sa loob ng simbahan. Sa pagsisikap na lutasin ang mga pagtatalong ito at panatilihin ang pagkakaisa nito, pormal na hinatulan ng simbahan si Origen ng erehiya.
Hindi lamang si Origen ang nakagawa ng mga pagkakamali. Ang totoo, inihula na ng Bibliya ang paglayo ng marami mula sa dalisay na mga turo ni Kristo. Ang apostasyang ito ay nagsimulang lumago sa pagtatapos ng unang siglo, pagkamatay ng mga apostol ni Jesus. (2 Tesalonica 2:6, 7) Nang maglaon, ipinakilala ng ilang nag-aangking mga Kristiyano ang kanilang mga sarili bilang “ortodokso,” anupat ipinahahayag ang lahat ng iba pa bilang “heretiko.” Subalit sa katunayan, ang Sangkakristiyanuhan ay labis na napalayo mula sa tunay na Kristiyanismo.
“May-Kabulaanang Tinatawag na ‘Kaalaman’ ”
Sa kabila ng maraming haka-haka ni Origen, ang kaniyang mga akda ay naglalaman ng kapaki-pakinabang na mga simulain. Halimbawa, pinanatili ng Hexapla ang pangalan ng Diyos sa orihinal na anyong Hebreo nito na apat na titik, na tinatawag na Tetragrammaton. Naglalaan ito ng mahalagang ebidensiya na batid ng unang mga Kristiyano, at ginamit nila ang pangalan ng Diyos—Jehova. Gayunpaman, isang patriyarka ng simbahan noong ikalimang siglo na nagngangalang Theophilus ay minsang nagbabala: “Ang mga akda ni Origen ay tulad ng isang parang na may lahat ng uri ng bulaklak. Kung may makita akong anumang magandang bulaklak doon, pinipitas ko ito; subalit kung may anumang tila matinik para sa akin, iniiwasan ko ito kung paanong iniiwasan ko ang isang tibo.”
Dahil sa inihalo ang mga turo ng Bibliya sa pilosopiyang Griego, ang teolohiya ni Origen ay napuno ng kamalian, at ang mga resulta ay naging kapaha-pahamak para sa Sangkakristiyanuhan. Halimbawa, bagaman ang karamihan sa walang-saligang mga haka-haka ni Origen ay tinanggihan nang dakong huli, ang kaniyang mga pangmalas tungkol sa “walang-hanggang salinlahi” ni Kristo ay nakatulong sa paglalatag ng pundasyon para sa doktrina ng Trinidad na wala sa Bibliya. Ang aklat na The Church of the First Three Centuries ay nagsabi: “Ang pagkiling sa pilosopiya [na pinasimulan ni Origen] ay hindi nakatakdang mawala agad.” Ano ang resulta? “Ang pagiging simple ng pananampalatayang Kristiyano ay napasamâ, at dumaloy ang walang-katapusang mga pagkakamali sa Simbahan.”
Sa kaniyang bahagi, sinunod sana ni Origen ang payo ni apostol Pablo at naiwasang makaragdag sa apostasyang ito sa pamamagitan ng ‘pagtalikod sa walang-katuturang mga usapan na lumalapastangan sa kung ano ang banal at sa mga pagsasalungatan ng may-kabulaanang tinatawag na “kaalaman.” ’ Sa halip, dahil sa labis niyang ibinatay ang kaniyang turo sa gayong “kaalaman,” si Origen ay ‘lumihis sa pananampalataya.’—1 Timoteo 6:20, 21; Colosas 2:8.
[Larawan sa pahina 31]
Ipinakikita ng “Hexapla” ni Origen na ginamit ang pangalan ng Diyos sa Kristiyanong Griegong Kasulatan
[Credit Line]
Published by permission of the Syndics of Cambridge University Library, T-S 12.182
[Picture Credit Line sa pahina 29]
Culver Pictures