Bakit Ka Naniniwala sa mga Pinaniniwalaan Mo?
Bakit Ka Naniniwala sa mga Pinaniniwalaan Mo?
Ang paniniwala ay binigyang-katuturan bilang “ang pagtanggap bilang tumpak, totoo, o tunay.” Idinadambana ng Pandaigdig na Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao ng United Nations ang “karapatan sa kalayaan sa pag-iisip, budhi at relihiyon” ng bawat tao. Kalakip sa karapatang ito ang kalayaang “magbago ng kaniyang relihiyon o paniniwala” kung nais niyang gawin iyon.
NGUNIT bakit nanaisin ng sinuman na magbago ng kaniyang relihiyon o paniniwala? “May sarili akong mga paniniwala, at nasisiyahan na ako sa mga iyon,” ang karaniwang ipinapahayag na pangmalas. Marami ang nag-aakala na maging ang maling mga paniniwala ay hindi gaanong nakapipinsala kaninuman. Halimbawa, ang isa na naniniwalang lapad ang mundo ay malamang na hindi naman nakasasakit sa kaniyang sarili o kaninupaman. “Dapat na lamang nating tanggapin na magkakaiba ang ating opinyon,” ang sabi ng ilan. Iyan ba’y laging isang katalinuhan? Sasang-ayon na lamang ba ang isang doktor kung patuloy na naniniwala ang isa sa kaniyang mga kasama na pagkatapos nitong humawak ng mga bangkay sa morge ay maaari na itong dumeretso kaagad sa isang silid sa ospital upang suriin ang mga pasyenteng may sakit?
Kung relihiyon ang pag-uusapan, ang maling mga paniniwala ay nagdulot ng malaking pinsala batay sa kasaysayan. Isip-isipin ang ibinungang mga kakilabutan nang “ganyakin [ng mga lider ng relihiyon] ang mga panatikong Kristiyano na gumawa ng walang-taros na karahasan” noong panahon ng tinatawag na mga Banal na Krusada ng Edad Medya. O isip-isipin ang makabagong-panahong mga “Kristiyanong” mamamaril sa isang gera sibil kamakailan na, “tulad ng mga mandirigma noong Edad Medya na may pangalan ng mga santo sa puluhan ng kanilang mga tabak, nagdikit ng mga larawan ng Birhen sa tatangnan ng kanilang mga riple.” Naniniwala ang lahat ng mga panatikong ito na sila ay tama. Gayunman, mayroong maliwanag na maling-mali sa mga ito at sa iba pang relihiyosong mga pakikipagtunggali at labanan.
Bakit may labis na kalituhan at pagkakasalungatan? Ang sagot ng Bibliya ay sapagkat ‘inililigaw [ni Satanas na Diyablo] ang buong tinatahanang lupa.’ (Apocalipsis 12:9; 2 Corinto 4:4; 11:3) Nakalulungkot, nagbabala si apostol Pablo na maraming taong relihiyoso ang “matatalaga sa pagkalipol” sapagkat maililigaw sila ni Satanas, na “magpapalabas ng mga himala at mga kamangha-manghang bagay na dinisenyo upang magligaw.” Ang mga iyon, sabi ni Pablo, ay “magsasara ng kanilang kaisipan sa pag-ibig sa katotohanan na makapagliligtas sana sa kanila” at sa gayon ay ‘mahihikayat na maniwala sa isang kasinungalingan.’ (2 Tesalonica 2:9-12, The New Testament, ni William Barclay) Paano mo mababawasan ang posibilidad na mapaniwala ka sa isang kasinungalingan? Bakit ka nga ba naniniwala sa mga pinaniniwalaan mo?
Pinalaki sa Gayong Paniniwala?
Marahil ay pinalaki ka sa mga paniniwala ng iyong pamilya. Maaaring makabuti iyan. Nais ng Diyos na turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak. (Deuteronomio 6:4-9; 11:18-21) Halimbawa, ang kabataang si Timoteo ay nakinabang nang husto sa pakikinig sa kaniyang ina at lola. (2 Timoteo 1:5; 3:14, 15) Pinasisigla ng Kasulatan ang paggalang sa mga paniniwala ng mga magulang. (Kawikaan 1:8; Efeso 6:1) Ngunit nilayon ba ng iyong Maylalang na maniwala ka sa mga bagay-bagay dahil lamang sa pinaniniwalaan ang mga ito ng iyong mga magulang? Sa katunayan, ang di-pinag-iisipang pangungunyapit sa mga pinaniwalaan at ginawa ng nakaraang mga salinlahi ay maaaring maging mapanganib.—Awit 78:8; Amos 2:4.
Isang babaing Samaritana na nakausap ni Jesu-Kristo ang pinalaki tungo sa paniniwala sa kaniyang relihiyong Samaritano. (Juan 4:20) Iginalang ni Jesus ang kaniyang kalayaan na pumili kung ano ang nais niyang paniwalaan, ngunit sinabi rin niya sa babae: “Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nakikilala.” Sa katunayan, marami sa mga relihiyosong paniniwala ng babae ang mali, at sinabi ni Jesus sa kaniya na kailangan niyang magbago ng kaniyang mga paniniwala kung nais niyang sumamba sa Diyos sa kalugud-lugod na paraan—“sa espiritu at katotohanan.” Sa halip na manghawakan sa mga paniniwala na walang-alinlangang pinahahalagahan niya, siya at ang iba pang katulad niya, sa kalaunan, ay kailangang maging “masunurin sa pananampalataya” na isiniwalat sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.—Juan 4:21-24, 39-41; Gawa 6:7.
Tinuruan ng Gayong Paniniwala?
Maraming guro at awtoridad sa pantanging mga larangan ng kaalaman ang karapat-dapat sa malaking paggalang. Gayunman, ang kasaysayan ay batbat ng mga halimbawa ng mga bantog na guro na talagang nagkamali. Halimbawa, may kinalaman sa dalawang aklat hinggil sa makasiyensiyang mga paksa na isinulat ng Griegong pilosopo na si Aristotle, sinabi ng istoryador na si Bertrand Russell na “halos walang pangungusap sa alinman sa dalawa ang matatanggap sa liwanag ng makabagong siyensiya.” Maging ang makabagong-panahong mga awtoridad ay madalas na nakagagawa ng padalus-dalos na mga maling konklusyon. “Imposibleng magkaroon ng mga makinang lumilipad na mas mabibigat pa sa hangin,” ang may-pagtitiwalang sinabi ng siyentipikong Britano na si Lord Kelvin noong 1895. Kaya ang isang taong marunong ay hindi pikit-matang naniniwala na totoo ang isang bagay dahil lamang sa iyon ang sinabi ng isang guro na may awtoridad.—Awit 146:3.
Kailangan din ang gayong pag-iingat kung may kinalaman sa relihiyosong edukasyon. Tinuruang mabuti si apostol Pablo ng kaniyang mga relihiyosong guro at lubhang naging “masigasig sa mga tradisyon ng [kaniyang] mga ama.” Ngunit ang kaniyang sigasig sa tradisyonal na mga paniniwala ng kaniyang mga ninuno ay totoong nagdulot ng mga problema sa kaniya. Inakay siya nito na ‘pag-usigin ang kongregasyon ng Diyos at wasakin iyon.’ (Galacia 1:13, 14; Juan 16:2, 3) Mas malala pa, sa loob ng mahabang panahon, patuloy si Pablo sa “pagsipa sa mga tungkod na pantaboy,” anupat sinasalansang ang mga impluwensiya na aakay sana sa kaniya na maniwala kay Jesu-Kristo. Kinailangan ang isang kamangha-manghang pagkilos ni Jesus mismo upang pakilusin si Pablo na magbago ng kaniyang mga paniniwala.—Gawa 9:1-6; 26:14.
Naimpluwensiyahan ng Media?
Marahil ay lubhang naimpluwensiyahan ng media ang iyong mga paniniwala. Ang karamihan sa mga tao ay nagagalak na may kalayaan sa pagsasalita sa media, anupat naglalan sa kanila ng impormasyon na mapakikinabangan. Gayunman, may makapangyarihang mga puwersa na maaari, at malimit naman talaga, na nagmamanipula sa media. Ang kadalasang ibinibigay ay impormasyong may kinikilingan na maaaring unti-unting makaapekto sa iyong pag-iisip.
Karagdagan pa, upang makabighani o makaakit ng mas maraming manonood, ang media ay may Isaias 5:20; 1 Corinto 6:9, 10.
hilig na magbalita ng kahindik-hindik at salungat sa kalakaran. Ang halos hindi mabanggit o mailathala para sa publiko ilang taon lamang ang nakararaan ay pangkaraniwan na sa ngayon. Bagaman dahan-dahang nangyayari, ang mga nakatatag na pamantayan ng paggawi ay sinasalakay at iginugupo. Ang pag-iisip ng mga tao ay unti-unting napipilipit. Nagsisimula na silang maniwala na “ang mabuti ay masama at ang masama ay mabuti.”—Pagkasumpong ng Matibay na Saligan ng Paniniwala
Ang pagtatayo sa ibabaw ng mga ideya at pilosopiya ng mga tao ay tulad ng pagtatayo sa ibabaw ng buhanginan. (Mateo 7:26; 1 Corinto 1:19, 20) Kung gayon, saan mo may-pagtitiwalang maisasalig ang iyong mga paniniwala? Yamang binigyan ka ng Diyos ng katalinuhang makapagsiyasat sa daigdig na nakapalibot sa iyo at makapagtanong may kinalaman sa espirituwal na mga bagay, hindi ba makatuwiran na maglalaan din siya ng paraan upang matamo ang tumpak na mga sagot sa iyong mga tanong? (1 Juan 5:20) Oo, tiyak na gagawin niya iyon! Ngunit paano mo mapatutunayan kung ano ang tumpak, totoo, o tunay may kinalaman sa pagsamba? Hindi kami mag-aatubiling sabihin na ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ang naglalaan ng tanging saligan sa paggawa nito.—Juan 17:17; 2 Timoteo 3:16, 17.
“Pero teka,” sasabihin ng isa, “hindi ba ang mga nagtataglay mismo ng Bibliya ang naging dahilan ng karamihan sa pagkakasalungatan at kalituhan sa mga pangyayari sa daigdig?” Buweno, totoo na ang mga lider ng relihiyon na nag-aangking sumusunod sa Bibliya ay pinanggalingan ng maraming nakalilito at nagkakasalungatang mga ideya. Sa katunayan, ito’y sa dahilang hindi nila isinalig sa Bibliya ang kanilang mga paniniwala. Inilalarawan sila ni apostol Pedro bilang “mga bulaang propeta” at “mga bulaang guro” na magtatayo ng “mapanirang mga sekta.” Bilang resulta ng kanilang mga gawain, sabi ni Pedro, “pagsasalitaan nang may pang-aabuso ang daan ng katotohanan.” (2 Pedro 2:1, 2) Gayunman, isinulat ni Pedro, “taglay namin ang makahulang salita na ginawang higit na tiyak; at mahusay ang inyong ginagawa sa pagbibigay-pansin dito na gaya ng sa isang lamparang lumiliwanag sa isang dakong madilim.”—2 Pedro 1:19; Awit 119:105.
Pinasisigla tayo ng Bibliya na ihambing ang ating mga paniniwala sa itinuturo nito. (1 Juan 4:1) Milyun-milyong mambabasa ng magasing ito ang makapagpapatotoo na ang paggawa nito ay nakapagdaragdag ng layunin at katatagan sa kanilang buhay. Kaya maging tulad ng mga taga-Berea na may mararangal na pag-iisip. ‘Maingat na suriin ang Kasulatan sa araw-araw’ bago ka magpasiya kung ano ang paniniwalaan mo. (Gawa 17:11) Magagalak ang mga Saksi ni Jehova na tulungan kang magawa ito. Siyempre pa, ikaw ang magpapasiya kung ano ang nais mong paniwalaan. Gayunman, isang matalinong hakbang na tiyaking ang iyong mga paniniwala ay hinuhubog, hindi ng karunungan at mga kagustuhan ng tao, kundi sa halip, ng Salita ng katotohanan na isiniwalat ng Diyos.—1 Tesalonica 2:13; 5:21.
[Mga larawan sa pahina 6]
May-pagtitiwalang maisasalig mo sa Bibliya ang iyong mga paniniwala