Daigin ang mga Balakid sa Iyong Pagsulong!
Daigin ang mga Balakid sa Iyong Pagsulong!
NAKAKAMBIYO na ang kotse mo at umaandar naman ang makina, ngunit ayaw nitong umabante. May problema kaya sa makina? Wala, isang malaking bato ang nakakalang sa harap ng isa sa mga gulong. Ang pagtanggal sa bato ang tanging kailangan para umabante ang kotse.
Sa katulad na paraan, may mga balakid din na maaaring humadlang sa espirituwal na pagsulong ng ilan sa nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Halimbawa, nagbabala si Jesus na ang mga bagay tulad ng “kabalisahan ng sistemang ito ng mga bagay at ang mapanlinlang na kapangyarihan ng kayamanan” ay maaaring ‘sumasakal sa salita’ ng katotohanan at pumigil sa pagsulong.—Mateo 13:22.
Para sa iba, ang matagal nang mga kinaugalian o mga kahinaan ang humahadlang sa kanilang pagsulong. Nagustuhan ng isang lalaking Hapones na nagngangalang Yutaka ang mensahe ng Bibliya, ngunit may malubha siyang problema sa pagsusugal. Madalas niyang pinagsisikapang madaig ang masamang bisyong ito ngunit nabigo siya. Dahil sa kaniyang pagkasugapa, naiwala niya ang malaking halaga ng salapi, tatlong tahanan, paggalang ng kaniyang pamilya, at ang kaniyang dignidad. Maaalis kaya niya ang katitisurang ito at magiging isang Kristiyano?
Isaalang-alang naman ang isang babae na nagngangalang Keiko. Sa tulong ng Bibliya, naalis na niya ang mga bisyong tulad ng idolatriya, imoralidad, at panghuhula. Gayunman, inaamin ni Keiko: “Ang pinakamalaking
balakid sa akin ay ang paninigarilyo. Maraming beses ko nang sinikap na ihinto ito pero hindi ko magawa.”Baka ikaw rin ay may isang tila di-matitinag na balakid na siyang pumipigil sa iyong pagsulong. Anuman ito, makatitiyak ka na sa tulong ng Diyos, maaari itong madaig.
Alalahanin ang payo ni Jesus sa kaniyang mga alagad pagkatapos na sila’y mabigo na palayasin ang isang demonyo mula sa isang lalaking epileptiko. Pagkatapos na mapanagumpayan ni Jesus ang naging dahilan ng kabiguan ng kaniyang mga alagad, sinabi niya sa kanila: “Kung kayo ay may pananampalataya na kasinlaki ng butil ng mustasa, sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka mula rito patungo roon,’ at lilipat ito, at walang magiging imposible para sa inyo.” (Mateo 17:14-20; Marcos 9:17-29) Oo, ang isang problema na sa atin ay waring katulad ng isang napakalaking bundok ay maliit at bale-wala sa ating Maylalang na makapangyarihan sa lahat.—Genesis 18:14; Marcos 10:27.
Pagkilala sa mga Hadlang sa Pagsulong
Bago mo madaig ang iyong mga balakid, dapat mong makilala kung ano ang mga balakid na iyon. Paano mo magagawa ito? Kung minsan, ang isang kakongregasyon, tulad ng isang matanda o ng taong nakikipag-aral sa iyo ng Bibliya ay may itatawag-pansin sa iyo hinggil sa isang bagay. Sa halip na mainis sa gayong maibiging payo, dapat na may-kapakumbabaan kang ‘makinig sa disiplina at magpakarunong.’ (Kawikaan 8:33) Kung minsan naman, baka mabatid mo ang iyong mga kahinaan sa pamamagitan ng iyong pag-aaral ng Bibliya. Oo, ang salita ng Diyos ay “buháy at may lakas.” (Hebreo 4:12) Nailalantad ng pagbabasa ng Bibliya at salig-Bibliyang mga publikasyon ang iyong pinakamalalalim na kaisipan, damdamin, at motibo. Tinutulungan ka nito na tayahin ang iyong sarili ayon sa matatayog na pamantayan ni Jehova. Isinisiwalat at ipinababatid nito ang mga bagay na maaaring makahadlang sa iyong espirituwal na pagsulong.—Santiago 1:23-25.
Halimbawa, sabihin natin na kinaugalian na ng isang estudyante ng Bibliya na pag-isipan ang mga imoral na guniguni. Maaaring wala siyang makitang panganib sa paggawa ng gayon, anupat nangangatuwiran na wala naman talaga siyang ginagawang anumang mali. Sa kaniyang pag-aaral, nabasa niya ang mga salita sa Santiago 1:14, 15: “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa. Pagkatapos ang pagnanasa, kapag naglihi na ito, ay nagsisilang ng kasalanan; ang kasalanan naman, kapag naisagawa na ito, ay nagluluwal ng kamatayan.” Ngayon ay nakikita na niya na talagang nakapipinsala sa kaniyang pagsulong ang pagpapatuloy sa landasing ito! Paano niya maaalis ang hadlang na ito?—Marcos 7:21-23.
Pagdaig sa mga Balakid
Sa tulong marahil ng isang may-gulang na Kristiyano, ang estudyante ay maaaring higit na magsaliksik sa Salita ng Diyos, na ginagamit ang Watch Tower Publications Index. a Halimbawa, inaakay ng uluhang “Thoughts” ang mambabasa sa ilang inilathalang artikulo hinggil sa pagdaig sa nakapipinsalang mga guniguni. Itinatampok ng mga artikulong ito ang nakatutulong na mga teksto sa Bibliya, tulad ng Filipos 4:8, na nagsasabi: “Anumang bagay na totoo, anumang bagay na seryosong pag-isipan, anumang bagay na matuwid, anumang bagay na malinis, anumang bagay na kaibig-ibig, anumang bagay na may mabuting ulat, anumang kagalingan ang mayroon at anumang kapuri-puring bagay ang mayroon, patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na ito.” Oo, dapat na palitan ang imoral na mga kaisipan ng malinis at nakapagpapatibay na mga kaisipan!
Sa kaniyang pagsasaliksik, walang alinlangan na matutuklasan ng estudyante ang iba pang mga simulain sa Bibliya na tutulong sa kaniya na maiwasang lumala ang kaniyang problema. Halimbawa, nagbabala ang Kawikaan 6:27 at Mateo 5:28 laban sa pagpapasok sa isipan ng materyal na pumupukaw sa sekso. “Palampasin mo ang aking mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan,” ang dalangin ng salmista. (Awit 119:37) Siyempre pa, hindi sapat ang pagbabasa lamang sa mga tekstong ito sa Bibliya. “Ang puso ng matuwid ay nagbubulay-bulay,” sabi ng marunong na tao. (Kawikaan 15:28) Sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay hindi lamang sa kung ano ang iniuutos ng Diyos kundi pati na rin sa kung bakit niya iniuutos ito, matatamo ng estudyante ang mas malalim na kaunawaan sa karunungan at pagkamakatuwiran ng mga daan ni Jehova.
Awit 103:14) Ang walang-lubay na mga pananalangin sa Diyos ukol sa tulong, kalakip ang puspusang pagsisikap na maiwasan ang pag-iisip ng mga imoral na guniguni, ay sa kalaunan magdudulot ng isang lubhang kanais-nais na resulta—isang malinis, di-nabibigatang budhi.—Hebreo 9:14.
Kahuli-hulihan, ang isa na nagsisikap na mapagtagumpayan ang hadlang na ito sa kaniyang pagsulong ay dapat na handang humingi ng tulong kay Jehova. Tutal, alam na alam ni Jehova ang ating kayarian, na tayo’y di-sakdal, gawa sa alabok. (Huwag Manghimagod
Anumang suliranin ang iyong pinagpupunyagian, tantuin mo na ang pagbalik sa dating gawi ay nangyayari paminsan-minsan. Kapag nangyari iyan, likas lamang na makadama ng pagkabigo at pagkasiphayo. Subalit, tandaan ang mga salita sa Galacia 6:9: “Huwag tayong manghihimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam, sapagkat sa takdang kapanahunan ay mag-aani tayo kung hindi tayo manghihimagod.” Ang tapat na mga lingkod ng Diyos tulad nina David at Pedro ay dumanas ng ilang kahiya-hiyang kabiguan. Ngunit hindi sila sumuko. May-kapakumbabaan nilang tinanggap ang payo, ginawa ang kinakailangang mga pagbabago, at patuloy na pinatunayan ang kanilang sarili bilang namumukod-tanging mga lingkod ng Diyos. (Kawikaan 24:16) Sa kabila ng mga pagkakamali ni David, tinawag siya ni Jehova na “isang lalaking kalugud-lugod sa aking puso, na gagawa ng lahat ng bagay na ninanasa ko.” (Gawa 13:22) Napagtagumpayan din ni Pedro ang kaniyang mga pagkakamali at naging isang haligi sa Kristiyanong kongregasyon.
Marami sa ngayon ang nagtatamasa ng katulad na tagumpay sa pagdaig sa mga balakid. Tinanggap ni Yutaka, na binanggit kanina, ang alok na pag-aaral sa Bibliya. Sinabi niya: “Ang suporta at pagpapala ni Jehova sa bawat pasulong na hakbang na aking tinahak ay tumulong sa akin na madaig ang aking suliranin sa pagsusugal. Malaking kagalakan nga na maranasan ko ang katotohanan ng mga salita ni Jesus—na sa pamamagitan ng pananampalataya, maging ‘ang mga bundok’ ay maililipat.” Nang maglaon, si Yutaka ay naging isang ministeryal na lingkod sa kongregasyon.
Kumusta naman si Keiko, na sugapa sa tabako? Iminungkahi ng kapatid na babaing nakikipag-aral sa kaniya na basahin niya ang iba’t ibang artikulo sa Gumising! hinggil sa paksang pagkasugapa sa tabako. Idinispley pa man din ni Keiko ang mga salita ng 2 Corinto 7:1 sa kaniyang sasakyan bilang pang-araw-araw na paalaala na manatiling malinis sa paningin ni Jehova. Ngunit hindi pa rin niya maihinto ang paninigarilyo. “Bigung-bigo ako sa aking sarili,” gunita ni Keiko. “Kaya sinimulan kong tanungin ang aking sarili kung ano talaga ang gusto ko—gusto ko bang paglingkuran si Jehova o si Satanas?” Nang ipinasiya niyang si Jehova ang gusto niyang paglingkuran, taimtim siyang nanalangin ukol sa tulong. “Sa aking pagkagulat,” naaalaala niya, “naihinto ko ang paninigarilyo nang walang kahirap-hirap. Ang tangi kong pinagsisihan ay na hindi ako kumilos kaagad.”
Maaari ka ring magtagumpay sa pagdaig sa mga balakid sa iyong pagsulong. Kapag higit mong iniaayon ang iyong mga kaisipan, hangarin, pananalita, at pagkilos sa mga pamantayan ng Bibliya, higit mong matatamo ang paggalang sa sarili at kumpiyansa. Magiginhawahan at mapapatibay ang iyong espirituwal na mga kapatid, gayundin ang iyong mga kapamilya kapag nakakasama ka nila. Higit sa lahat, mapalalalim mo ang iyong kaugnayan sa Diyos na Jehova. Ipinangako niya na kaniyang ‘aalisin ang anumang halang sa daan ng kaniyang bayan’ sa kanilang paglayo sa kontrol ni Satanas. (Isaias 57:14) At makatitiyak ka na kapag pinagsikapan mong alisin at daigin ang mga balakid sa iyong espirituwal na pagsulong, saganang pagpapalain ka ni Jehova.
[Talababa]
a Inilathala sa ilang wika ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 28]
Nangako si Jesus na sa pamamagitan ng pananampalataya, madaraig ang tulad-bundok na mga balakid
[Larawan sa pahina 30]
Pinalalakas ng pagbabasa ng Bibliya ang ating pagsisikap na madaig ang espirituwal na mga kahinaan