Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hayaan Mong Makinabang Ka sa Kinaugalian Mo

Hayaan Mong Makinabang Ka sa Kinaugalian Mo

Hayaan Mong Makinabang Ka sa Kinaugalian Mo

ANG lalaki ay 12 taon nang naninirahan sa isang lugar sa labas ng lunsod ng Atenas. Araw-araw, iisang ruta ang dinaraanan niya pauwi ng bahay mula sa trabaho. Pagkatapos ay lumipat siya sa ibang lugar sa labas ng lunsod sa kabilang panig ng bayan. Isang araw pagkatapos ng trabaho, pauwi na siya sa bahay. Saka lamang niya natanto na mali ang kaniyang napuntahan nang masumpungan niya ang sarili sa dating lugar ng kaniyang tirahan. Dahil sa kinaugalian, napapunta siya sa kaniyang dating bahay!

Hindi nga kataka-taka na ang kinaugalian ay tinatawag kung minsan na pangalawang katauhan, isang impluwensiya na labis na nakaaapekto sa ating buhay. Sa diwang ito, ang mga kinaugalian ay maihahalintulad sa apoy. Ang apoy ay maaaring maging kasiya-siyang liwanag sa dilim, at maaari nitong painitin ang ating katawan at ang ating pagkain. Gayunman, ang apoy ay maaari ring maging mabagsik na kaaway na pumapatay ng mga tao at sumisira ng mga ari-arian. Totoo rin ito kung tungkol sa mga kinaugalian. Kung lilinangin nang wasto, lubhang kapaki-pakinabang ang mga ito. Ngunit maaari ring maging mapaminsala ang mga ito.

Sa kaso ng lalaking binanggit sa pasimula, dahil sa kinaugalian ay nasayang lamang ang ilan sa panahon niya sa masikip na trapiko. Kapag nasasangkot naman ang mas mahahalagang bagay, ang mga kinaugalian ay maaaring magdulot sa atin ng tagumpay o umakay sa atin sa kapahamakan. Isaalang-alang ang ilang aktuwal na halimbawa na masusumpungan sa Bibliya na nagpapakita kung paanong ang mga kinaugalian ay maaaring makatulong o makahadlang sa ating paglilingkod sa Diyos at sa ating kaugnayan sa kaniya.

Mga Halimbawa sa Bibliya ng Mabubuti at Masasamang Kinaugalian

Sina Noe, Job, at Daniel ay pawang pinagpala na magkaroon ng matalik na kaugnayan sa Diyos. Pinapupurihan sila sa Bibliya “dahil sa kanilang katuwiran.” (Ezekiel 14:14) Kapansin-pansin, ang landasin ng buhay ng lahat ng tatlong lalaking ito ay nagpakita na nalinang nila ang mabubuting kinaugalian.

Si Noe ay inutusang gumawa ng daong, isang sasakyang pandagat na mas mahaba pa kaysa sa isang palaruan ng football at mas mataas kaysa sa isang limang-palapag na gusali. Ang gayon kalaking proyekto ay malamang na ikabigla ng sinumang tagagawa ng barko noong sinaunang panahon. Itinayo ni Noe at ng kaniyang pitong kapamilya ang daong nang walang ginagamit na makabagong kasangkapan. Karagdagan pa, nagpatuloy si Noe sa pangangaral sa kaniyang mga kapanahon. Makatitiyak tayo na inasikaso rin niya ang espirituwal at pisikal na mga pangangailangan ng kaniyang pamilya. (2 Pedro 2:5) Upang maisagawa ang lahat ng ito, si Noe ay tiyak na may mahusay na mga kinaugalian sa pagtatrabaho. Karagdagan pa, si Noe ay itinala sa kasaysayan ng Bibliya bilang isa na “lumakad na kasama ng tunay na Diyos. . . . Ginawa ni Noe ang ayon sa lahat ng iniutos ni Jehova sa kaniya.” (Genesis 6:9, 22; 7:5) Yamang siya’y ipinahayag sa Bibliya na “walang pagkukulang,” malamang na nagpatuloy siya sa paglakad kasama ng Diyos pagkatapos ng Delubyo at maging pagkatapos sumiklab ang paghihimagsik laban kay Jehova sa Babel. Sa katunayan, nagpatuloy si Noe sa paglakad na kasama ng Diyos hanggang sa kaniyang kamatayan sa edad na 950.​—Genesis 9:29.

Ang mabubuting kinaugalian ni Job ay tumulong sa kaniya na maging isang lalaking “walang kapintasan at matuwid.” (Job 1:1, 8; 2:3) Nakagawian, o nakaugalian, niya na gumanap bilang saserdote ng pamilya sa paghahandog ng mga hain alang-alang sa kaniyang mga anak pagkatapos ng bawat isa sa kanilang mga piging, sakali mang sila’y ‘ “nagkasala at isinumpa ang Diyos sa kanilang puso.” Gayon ang laging ginagawa ni Job.’ (Job 1:5) Sa pamilya ni Job, ang mga kaugalian na nakasentro sa pagsamba kay Jehova ay talagang kapansin-pansin.

Si Daniel ay naglingkod kay Jehova “nang may katatagan” sa buong panahon ng kaniyang mahabang buhay. (Daniel 6:16, 20) Anong mabubuting kinaugalian sa espirituwal ang taglay ni Daniel? Una sa lahat, regular siyang nananalangin kay Jehova. Sa kabila ng isang maharlikang dekreto laban sa gawaing ito, “tatlong ulit nga sa isang araw ay iniluluhod [ni Daniel] ang kaniyang mga tuhod at nananalangin at naghahandog ng papuri sa harap ng kaniyang Diyos, gaya ng lagi niyang ginagawa.” (Daniel 6:10) Hindi niya nagawang talikuran ang kaniyang kinaugaliang pananalangin sa Diyos, kahit na iyon ay nagsapanganib ng kaniyang buhay. Walang-alinlangan na ang kinaugaliang ito ang nagpalakas kay Daniel sa isang landasin ng buhay na kakikitaan ng natatanging katapatan sa Diyos. Malamang, si Daniel ay mayroon ding mabuting kinaugalian sa pag-aaral at malalim na pagbubulay-bulay sa kapana-panabik na mga pangako ng Diyos. (Jeremias 25:11, 12; Daniel 9:2) Ang mabubuting kinaugaliang ito ay tiyak na nakatulong sa kaniya upang makapagbata hanggang sa wakas, anupat may katapatang tinakbo ang takbuhan ukol sa buhay hanggang sa pinakadulo nito.

Sa kabaligtaran, dumanas si Dina ng kapahamakan dahil sa masamang kinaugalian. “Nakagawian [niyang] lumabas . . . , upang makita ang mga anak na babae ng lupain,” na hindi mga mananamba ni Jehova. (Genesis 34:1) Ang waring di-nakapipinsalang kinaugaliang ito ay umakay sa kapahamakan. Una, hinalay siya ni Sikem, isang kabataang lalaki na itinuring na “pinakamarangal sa buong sambahayan ng kaniyang ama.” Pagkatapos, ang mapaghiganting reaksiyon ng dalawa sa kaniyang mga kapatid na lalaki ay umakay sa kanila na paslangin ang lahat ng lalaki sa buong lunsod. Anong kahila-hilakbot na resulta!​—Genesis 34:19, 25-29.

Paano tayo makatitiyak na ang ating mga kinaugalian ay magiging kapaki-pakinabang sa atin at hindi makapipinsala sa atin?

Paggamit sa mga Kinaugalian

“Ang mga kinaugalian ay itinadhana,” isinulat ng isang pilosopo. Ngunit hindi kailangang maging gayon. Napakaliwanag na ipinakikita ng Bibliya na maaari tayong magpasiyang baguhin ang ating masasamang kinaugalian at linangin ang mabubuting kinaugalian.

Dahil sa mabubuting kinaugalian, ang Kristiyanong paraan ng pamumuhay ay nagiging mas mahusay at mas madaling itaguyod. Si Alex, isang Kristiyanong taga-Gresya, ay nagsabi: “Dahil sa kinaugaliang pagsunod sa iskedyul sa pagsasakatuparan ng iba’t ibang atas ay nakatitipid ako ng mahalagang panahon.” Tinukoy ni Theophilus, isang Kristiyanong matanda, ang pagpaplano bilang isang kinaugalian na nakatutulong sa kaniya upang maging epektibo. Sinabi niya: “Ako’y lubusang kumbinsido na hindi ko maaasikaso nang matagumpay ang aking mga tungkuling Kristiyano kung wala ang kinaugaliang mabuting pagpaplano.”

Bilang mga Kristiyano, tayo ay hinihimok na “patuloy [na] lumakad nang maayos sa rutina ring ito.” (Filipos 3:16) Ang isang rutina ay nagsasangkot ng “kinaugaliang . . . pagsasagawa ng isang naitatag na pamamaraan.” Ang gayong mabubuting kinaugalian ay kapaki-pakinabang sa atin sapagkat hindi na natin kailangang gumugol ng panahon upang pag-isipan ang bawat hakbang​—nakapagtatag na tayo ng isang mabuting parisan na sinusunod natin dahil sa kinaugalian na natin ito. Ang matatag na mga kinaugalian ay nagiging halos awtomatik. Kung paanong ang ligtas na mga kinaugalian sa pagmamaneho ay maaaring umakay sa isang drayber upang gumawa ng kagyat na mga pagpapasiyang nagliligtas-buhay kapag napapaharap sa mga panganib sa daan, ang mabubuting kinaugalian ay makatutulong sa atin na makagawa agad ng angkop na mga pagpapasiya habang tinatahak natin ang ating landasing Kristiyano.

Gaya ng pagkakasabi ng manunulat na Ingles na si Jeremy Taylor: “Ang mga kinaugalian ay mga produkto ng pagkilos.” Kung mabuti ang ating mga kinaugalian, makagagawa tayo ng mabubuting bagay nang hindi gaanong nahihirapan. Halimbawa, kung bilang mga ministrong Kristiyano ay kinaugalian nating makibahagi nang palagian sa gawaing pangangaral, mas madali at mas kasiya-siya na lumabas sa paglilingkod sa larangan. Hinggil sa mga apostol, mababasa natin na “bawat araw sa templo at sa bahay-bahay ay nagpatuloy sila nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.” (Gawa 5:42; 17:2) Sa kabilang banda, kung paminsan-minsan lamang tayo nakikibahagi sa ministeryo, maaaring maasiwa tayo, anupat nangangailangan ng mas maraming panahon upang maging palagay bago tayo magkaroon ng kumpiyansa sa mahalagang Kristiyanong gawaing ito.

Totoo rin ito kung tungkol sa ibang aspekto ng ating Kristiyanong rutina. Matutulungan tayo ng mabubuting kinaugalian na maging regular sa ‘pagbabasa sa Salita ng Diyos araw at gabi.’ (Josue 1:8; Awit 1:2) Kinaugalian ng isang Kristiyano na magbasa ng Bibliya sa loob ng 20 hanggang 30 minuto bago matulog sa gabi. Kahit pagod na pagod na siya, napansin niya na kapag natulog siya nang hindi nagbabasa, hindi siya makatulog nang mahimbing. Kailangan niyang bumangon at asikasuhin ang espirituwal na pangangailangang iyon. Ang mabuting kinaugaliang ito ay nakatulong din sa kaniya na mabasa ang buong Bibliya nang minsan sa isang taon sa loob ng ilang taon.

Nakaugalian ng ating Huwaran, si Jesu-Kristo, na dumalo sa mga pulong kung saan tinatalakay ang Bibliya. “Ayon sa kaniyang kaugalian sa araw ng sabbath, pumasok siya sa sinagoga, at tumayo siya upang bumasa.” (Lucas 4:16) Para kay Joe, isang matanda na may malaking pamilya at nagtatrabaho sa loob ng mahabang oras, ang kinaugalian ay nakatulong upang makadama siya ng pangangailangan at pagnanais na dumalo nang palagian sa mga pulong. Sinabi niya: “Tinutulungan ako ng kinaugaliang ito na magpatuloy, anupat naglalaan ng lubhang kinakailangang espirituwal na lakas upang maharap ko nang matagumpay ang mga hamon at mga problema.”​—Hebreo 10:24, 25.

Ang gayong mga kinaugalian ay napakahalaga sa takbuhang Kristiyano ukol sa buhay. Isang ulat mula sa isang bansa kung saan pinag-uusig ang bayan ni Jehova ay nagsabi: “Yaong may mahuhusay na kinaugalian sa espirituwal at may malalim na pagpapahalaga sa katotohanan ay hindi nahihirapan sa pananatiling matatag kapag dumarating ang mga pagsubok, ngunit yaong mga lumiliban sa mga pulong sa ‘kaayaayang kapanahunan,’ di-regular sa paglilingkod sa larangan at nakikipagkompromiso sa maliliit na isyu ay kadalasang nahuhulog kapag nasa ilalim ng ‘maapoy’ na pagsubok.”​—2 Timoteo 4:2.

Iwasan ang Masasamang Kinaugalian, Gamitin ang Mabubuting Kinaugalian

Sinasabi na ‘dapat lamang linangin ng isang tao ang mga katangian na gusto niyang mamanginoon sa kaniya.’ Ang masasamang kinaugalian ay tunay na isang mapaniil na panginoon. Gayunman, maaaring ihinto ang mga ito.

May panahon noon na naging sugapa si Stella sa panonood ng TV. Inamin niya: “Sa likod ng bawat masamang kinaugalian na kinahumalingan ko, laging may ‘inosenteng’ dahilan.” Ito ang nangyari sa kaniyang kinaugaliang labis na panonood ng TV. Sinabi niya sa kaniyang sarili na manonood lamang siya para “magrelaks nang kaunti” o para “maiba naman ang ginagawa.” Ngunit hindi na niya mapigilan ang kaniyang kinaugalian, anupat lagi siyang nasa harapan ng telebisyon sa loob ng mahahabang oras. “Sa paanuman, pinabagal ng masamang kinaugaliang ito ang aking pagsulong sa espirituwal,” ang sabi niya. Sa pamamagitan ng determinadong pagsisikap, nabawasan din niya sa wakas ang panahong ginugugol niya sa panonood ng TV at naging mas mapamili. “Laging kong sinisikap na tandaan kung bakit nais kong putulin ang kinaugaliang ito,” sabi ni Stella, “at umaasa ako kay Jehova upang mapanatili ko ang aking matatag na pasiya.”

Isang Kristiyanong nagngangalang Charalambos ang tumukoy sa isang masamang kinaugalian na humadlang sa kaniya sa paggawa ng espirituwal na pagsulong​—ang pagpapabukas-bukas. “Nang matanto ko na ang kinaugaliang pagpapabukas-bukas ay nakapipinsala, nagsimula akong magsikap upang baguhin ang aking buhay. Kapag nagtatakda ng mga tunguhin, espesipiko kong ipinaplano kung kailan at paano pasisimulan ang pagtatrabaho para matapos ang mga ito. Ang pagiging palagian sa pagkakapit ng aking mga pasiya at mga plano ang siyang lunas, at ito’y nananatiling isang mabuting kinaugalian hanggang sa ngayon.” Tunay na ang mabubuting kinaugalian ang pinakamaiinam na pamalit sa masasamang kinaugalian.

Ang ating mga kasama ay maaari ring mag-udyok sa atin na maglinang ng mga kinaugalian, mabuti man o masama. Ang mabubuting kinaugalian ay nakahahawa, kung paanong nakahahawa ang masasamang kinaugalian. Kung paanong ang “masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali,” ang mabubuting kasama ay maaaring maglaan sa atin ng mga halimbawa ng kapaki-pakinabang na mga kinaugalian na matutularan. (1 Corinto 15:33) Higit sa lahat, ang mga kinaugalian ay makapagpapalakas o makapagpapahina sa ating kaugnayan sa Diyos. Ganito ang sabi ni Stella: “Kung mabuti ang ating mga kinaugalian, pinadadali ng mga ito ang ating pakikipagpunyagi na paglingkuran si Jehova. Kung ang mga ito ay nakapipinsala, hinahadlangan ng mga ito ang ating mga pagsisikap.”

Magtatag ng mabubuting kinaugalian, at hayaang akayin ka ng mga ito. Ang mga ito’y magiging malakas at kapaki-pakinabang na puwersa sa iyong buhay.

[Larawan sa pahina 19]

Tulad ng apoy, ang mga kinaugalian ay maaaring maging kapaki-pakinabang o mapaminsala

[Larawan sa pahina 21]

Nakaugalian ni Jesus na magpunta sa sinagoga sa Sabbath para sa pagbabasa ng Salita ng Diyos

[Mga larawan sa pahina 22]

Ang mabubuting kinaugalian sa espirituwal ay nagpapatibay sa ating kaugnayan sa Diyos