Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mas Nagtatagal Kaysa sa Dalisay na Ginto

Mas Nagtatagal Kaysa sa Dalisay na Ginto

Mas Nagtatagal Kaysa sa Dalisay na Ginto

ANG ginto ay lubhang hinahangad dahil sa kagandahan at nagtatagal na katangian nito. Ang dahilan ng pagiging kanais-nais nito ay ang bagay na waring nananatili itong makinang at hindi kumukupas hanggang sa panahong walang takda. Ito’y dahil sa ang ginto ay hindi tinatablan ng pamiminsala ng tubig, oksiheno, asupre, at halos lahat ng iba pang bagay. Pagkalipas ng daan-daang taon, nanatili pa rin ang kinang ng maraming sinaunang bagay na gawa sa ginto na natagpuan sa mga lumubog na mga sasakyang pandagat at sa iba pang lugar.

Ngunit kapansin-pansin, sinasabi ng Bibliya na may isang bagay na mas nagtatagal at “mas malaki ang halaga kaysa sa ginto na nasisira sa kabila ng pagkasubok dito ng apoy.” (1 Pedro 1:7) Maaaring matamo ang 99.9 na porsiyentong kadalisayan ng gintong ‘sinubok,’ o dinalisay, sa pamamagitan ng apoy at iba pang mga proseso. Gayunman, maging ang dinalisay na ginto ay nasisira, o natutunaw, kapag inilantad sa aqua regia (maharlikang tubig), isang halo na binubuo ng tatlong bahagi ng hydrochloric acid at isang bahagi ng nitric acid. Kaya ang Bibliya ay kasuwato ng siyensiya sa pagsasabing ang ‘ginto ay nasisira.’

Sa kabaligtaran naman, dahil sa tunay na pananampalatayang Kristiyano ay ‘naiingatang buháy ang kaluluwa.’ (Hebreo 10:39) Maaaring patayin ng mga tao ang isang indibiduwal na may matibay na pananampalataya, gaya ng ginawa nila kay Jesu-Kristo. Ngunit ang mga nagtataglay ng tunay na pananampalataya ay pinangakuan ng ganito: “Patunayan mong tapat ka maging hanggang sa kamatayan, at ibibigay ko sa iyo ang korona ng buhay.” (Apocalipsis 2:10) Yaong mga namamatay dahil sa pananampalataya ay nananatili sa alaala ng Diyos, at bubuhayin niya silang muli. (Juan 5:28, 29) Walang anumang dami ng ginto ang makagagawa niyan. Sa puntong ito, tunay na mas malaki ang halaga ng pananampalataya kaysa sa ginto. Gayunman, upang ang pananampalataya ay magkaroon ng gayong nakahihigit na halaga, dapat din itong mapatunayan, o masubok. Sa katunayan, ‘ang subok na katangian ng pananampalataya’ ang siyang sinabi ni Pedro na mas malaki ang halaga kaysa sa ginto. Nagagalak ang mga Saksi ni Jehova na tulungan kang mag-aral ng Bibliya upang malinang at mapanatili mo ang matibay na pananampalataya sa tunay na Diyos, si Jehova, at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Ayon kay Jesus, ito ay “nangangahulugan ng buhay na walang hanggan.”​—Juan 17:3.