Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ginagawang Matagumpay ang Panahon ng Iyong Kabataan

Ginagawang Matagumpay ang Panahon ng Iyong Kabataan

Ginagawang Matagumpay ang Panahon ng Iyong Kabataan

ANG mga residente sa isang bansa sa Europa ay pinapili sa tatlong mapagpipilian: kagandahan, kayamanan, o kabataan. Ang pangunahing pinili ay kabataan. Oo, itinuturing ng mga tao, anuman ang kanilang edad, na isang natatanging panahon sa buhay ang mga taon ng pagiging tin-edyer at ang mga taon kapag ang isa ay wala pang 25 anyos. At nais ng lahat na ang mga kabataan ay makagawa ng matagumpay na pagbabago mula sa pagkabata tungo sa pagiging adulto. Ngunit paano?

Makatutulong kaya ang Bibliya? Ang sagot ay tiyak na oo. Suriin natin ang dalawang larangan kung saan ang Salita ng Diyos ay maaaring maging pantanging tulong sa mga kabataan, marahil mas higit pa ngang nakatutulong sa mga kabataan kaysa sa alinmang grupo ng mga tao na iba ang edad.

Pakikibagay sa Iba

Ang Jugend 2000 ay isang ulat tungkol sa isang malawakang surbey hinggil sa mga saloobin, pamantayan, at paggawi ng mahigit na 5,000 kabataan sa Alemanya. Isinisiwalat ng surbey na kapag naglilibang ang mga kabataan​—gaya ng pakikinig sa musika, pagsali sa mga isport, o basta pag-iistambay lamang​—halos parati silang may kasamang ibang tao. Marahil higit kaysa alinmang grupo ng mga tao na iba ang edad, mas gusto ng mga kabataan na makasama ang kanilang mga kaedad. Dahil dito, tiyak na ang isa sa mga lihim ng matagumpay na panahon ng kabataan ay ang pakikibagay sa iba.

Ngunit hindi laging madaling makibagay sa iba. Sa katunayan, ang ugnayang pantao ay isang larangan kung saan inaamin ng mga kabataang lalaki at babae na madalas silang magkaproblema. Dito, ang Bibliya ay maaaring maging isang tunay na tulong. Ang Salita ng Diyos ay naglalaman ng saligang patnubay para sa mga kabataan sa pagtatatag ng timbang na mga ugnayan. Ano ba ang sinasabi ng Bibliya?

Ang isa sa pinakamahalagang simulain ng ugnayang pantao ay tinatawag na Ginintuang Alituntunin: “Laging pakitunguhan ang iba na gaya ng pakikitungong nais mong gawin nila sa iyo.” Ang pakikitungo sa iba nang may paggalang, dignidad, at kabaitan ay nagpapasigla sa kanila na pakitunguhan ka sa gayunding paraan. Napapawi ng mabait na paggawi ang kapaligirang may iringan at kaigtingan. Kapag nakilala ka bilang makonsiderasyon sa iba, malamang na matamo mo ang kanilang atensiyon at pagtanggap. Hindi ka ba maliligayahan na tinatanggap ka ng iba?​—Mateo 7:12, Revised English Bible.

Pinapayuhan ka ng Bibliya na ‘ibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ Kailangan mong ibigin ang iyong sarili sa diwa na aalagaan mo ang iyong sarili at magkakaroon ka ng makatuwirang antas ng paggalang sa sarili, hindi labis-labis at hindi rin napakakaunti. Bakit nakatutulong iyan? Buweno, kung wala kang paggalang sa iyong sarili, maaari kang maging labis na mapamuna sa iba, na nakahahadlang sa mabubuting ugnayan. Ngunit ang timbang na paggalang sa sarili ay isang saligan na maaari mong pagtayuan ng matitibay na pagkakaibigan.​—Mateo 22:39.

Minsang mabuo ang isang pagkakaibigan, kailangan itong patibayin sa pamamagitan ng pagsisikap ng magkabilang panig. Ang paglalaan ng panahon sa isang pagkakaibigan ay dapat na makapagpaligaya sa iyo, yamang “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” Ang isang anyo ng pagbibigay ay ang pagpapatawad, na nagsasangkot ng pagpapalampas sa maliliit na pagkakamali at hindi umaasa ng kasakdalan mula sa iba. Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Makilala nawa ng lahat ng tao ang inyong pagkamakatuwiran.” Sa katunayan, “hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.” Paano kung sabihin ng isang kaibigan ang isa sa iyong mga kahinaan? Paano ka tutugon? Isaalang-alang ang praktikal na payong ito mula sa Bibliya: “Huwag kang magmadaling maghinanakit sa iyong espiritu,” yamang “ang mga suntok ng isang kaibigan ay may mabuting layunin.” Hindi ba’t totoo na ang mga kaibigan ay nakaiimpluwensiya sa iyong pag-iisip, pananalita, at paggawi? Kaya, ang Bibliya ay nagbababala: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” Sa kabilang panig, “siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong.”​—Gawa 20:35; Filipos 4:5; Roma 12:17, 18; Eclesiastes 7:9; Kawikaan 13:20; 27:6, REB; 1 Corinto 15:33.

Kinakatawan ni Marco ang maraming kabataang lalaki at babae nang sabihin niya: “Ang mga simulain sa Bibliya ay malaking tulong sa pakikibagay sa iba. Ang ilang taong kakilala ko ay nabubuhay lamang para sa kanilang sarili at kung ano ang matatamo nila sa buhay. Tinuturuan tayo ng Bibliya na isipin, hindi lamang ang ating sarili, kundi gayundin ang iba. Sa nakikita ko, iyan ang pinakamahusay na pamamaraan sa mabuting ugnayang pantao.”

Ang natututuhan sa Bibliya ng mga kabataang gaya ni Marco ay tumutulong sa kanila hindi lamang sa panahon ng kabataan kundi sa darating pang mga taon. At hinggil sa hinaharap, masusumpungan natin ang isa pang paraan na doon ang Bibliya ay maaaring maging pantanging tulong sa nakababatang salinlahi.

Kabalisahan Hinggil sa Hinaharap

Maraming kabataan ang mapag-usisa. Marahil higit kaysa alinmang grupo ng mga tao na iba ang edad, nais nilang malaman kung ano ang nangyayari at kung bakit. At ipinaliliwanag ng Bibliya, higit kaysa sa anumang aklat, ang mga dahilan ng mga kalagayan sa daigdig at sinasabi nito sa atin kung ano ang maaasahan sa hinaharap. Ito ang nais malaman ng nakababatang salinlahi. Paano tayo nakatitiyak?

Buweno, bagaman malawakang pinaniniwalaan na ang mga kabataan ay nabubuhay lamang ukol sa kasalukuyan, medyo naiibang larawan ang isinisiwalat ng ilang surbey. Ipinakikita ng mga ito na ang mga kabataan ay kadalasang maingat na nagbibigay-pansin kung ano ang nagaganap sa kanilang paligid, at pagkatapos ay gumagawa sila ng kanilang sariling mga konklusyon kung ano ang malamang na magiging buhay sa hinaharap. Ang katibayan nito ay na 3 sa 4 na kabataang lalaki at babae ang “madalas” o “napakadalas” na nag-iisip tungkol sa hinaharap. Bagaman ang mga kabataan ay positibo sa pangkalahatan, minamalas ng karamihan sa mga kabataan ang hinaharap nang may pagkabalisa.

Bakit may pagkabalisa? Maraming kabataan sa ngayon ang mayroon nang mga suliranin sa krimen, karahasan, at pag-abuso sa droga. Nababahala ang mga kabataan hinggil sa pagkakaroon ng matatag na trabaho sa isang lipunan na matindi ang kompetisyon. Nadarama nilang sila’y ginigipit upang makakuha ng mabubuting marka sa paaralan o maging lubhang matagumpay sa trabaho. Isang 17-taóng-gulang ang nagreklamo: “Nabubuhay tayo sa isang malupit at makasariling lipunan. Sinisikap ng bawat isa na gawin anuman ang nais niya. Kailangan lagi mong patunayan kung ano ang kaya mong gawin, at naiinis ako dahil diyan.” Isa pang kabataan, na edad 22, ang nagsabi: “Ang mga matagumpay ay patuloy na nagtatagumpay sa buhay at nakapamumuhay nang maalwan. Ang mga taong nasa gipit na kalagayan, na sa iba’t ibang kadahilanan ay hindi lubos na makaagapay, ay napag-iiwanan.” Bakit ba labis ang kompetisyon sa buhay? Lagi na lamang bang ganito ang buhay?

Makatotohanang Paliwanag

Kapag minamalas ng mga kabataan nang may pagkabagabag o pagkabalisa ang lipunan, sila’y sumasang-ayon​—nang namamalayan o di-namamalayan​—sa Bibliya. Ipinakikita ng Bibliya na ang malupit at makasariling lipunan sa ngayon ay isang tanda ng mga panahon. Sumulat si apostol Pablo hinggil sa ating panahon sa isang liham para sa isang kabataang lalaki na nagngangalang Timoteo: “Darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” Bakit mapanganib, at bakit mahirap pakitunguhan? Sapagkat, gaya ng isinulat pa ni Pablo, ang mga tao ay magiging “maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri sa sarili, mga palalo, . . . mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, . . . mga mabangis.” Hindi ba iyan isang tumpak na paglalarawan kung paano gumagawi ang maraming tao sa ngayon?​—2 Timoteo 3:1-3.

Sinasabi ng Bibliya na ang mapanganib na mga panahong ito ay magaganap “sa mga huling araw,” bago mangyari ang malalaking pagbabago sa lahat ng lipunan ng tao. Ang mga pagbabagong ito ay makaaapekto sa lahat, kapuwa sa bata at matanda. Anong uri ng mga pagbabago? Hindi na magtatagal at isang makalangit na pamahalaan ang hahalili sa pamamahala sa mga gawain ng tao, at tatamasahin ng mga nasasakupan ang “kasaganaan ng kapayapaan” sa lahat ng dako. “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” Ang pagkadama ng pagkabalisa at pangamba ay magiging bahagi na ng nakalipas.​—Awit 37:11, 29.

Ang Bibliya lamang ang nagbibigay ng maaasahang unawa sa hinaharap. Kapag alam ng isang kabataan kung ano ang mangyayari sa susunod na ilang taon, makapaghahanda siya para sa mga kaganapan at makadarama siya ng kapanatagan at higit na kontrol sa kaniyang buhay. Ang damdaming ito ay nakababawas ng kaigtingan at kabalisahan. Sa ganitong paraan, ang natatanging pangangailangan ng nakababatang salinlahi​—na maunawaan ang lipunan at malaman kung ano ang magaganap sa hinaharap​—ay binibigyang-pansin sa Bibliya.

Tagumpay sa Panahon ng Kabataan

Ano ba ang batayan ng tagumpay sa panahon ng kabataan? Ang mataas na edukasyon ba, materyal na mga ari-arian, at maraming kaibigan? Baka iyan ang palagay ng marami. Ang mga taon ng pagiging tin-edyer at ang mga taon kapag ang isa ay wala pang 25 anyos ay dapat maglaan sa isang indibiduwal ng mabuting pasimula para sa buhay sa dakong huli. Sa ibang pananalita, ang tagumpay sa panahon ng kabataan ay maaaring maging isang palatandaan kung ano ang mangyayari sa dakong huli.

Gaya ng nakita na natin, matutulungan ng Bibliya ang isang kabataan na gawing matagumpay ang mga taon ng kaniyang kabataan. Maraming kabataan na ang nakatuklas na ito ang nangyayari sa kanilang sariling buhay. Binabasa nila ang Salita ng Diyos araw-araw at ikinakapit ang kanilang natututuhan. (Tingnan ang “Mungkahi Mula sa Isang Kabataang Lingkod ni Jehova,” sa pahina 6.) Tunay, ang Bibliya ay talagang isang aklat para sa mga kabataan sa ngayon sapagkat matutulungan sila nito na “maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.”​—2 Timoteo 3:16, 17.

[Blurb sa pahina 5]

Ang isa sa mga lihim ng matagumpay na panahon ng kabataan ay ang pakikibagay sa iba

[Blurb sa pahina 6]

Marahil higit kaysa anumang grupo ng mga tao na iba ang edad, nais malaman ng mga kabataan kung ano ang nangyayari at kung bakit

[Kahon sa pahina 6, 7]

Mungkahi Mula sa Isang Kabataang Lingkod ni Jehova

Si Alexander ay 19 na taóng gulang. Pinalaki siya sa isang pamilya ng mga Saksi ni Jehova, at lubusan siyang nasisiyahan na buong-pusong isagawa ang kaniyang pananampalataya. Ngunit hindi palaging ganito noon. Ganito ang paliwanag ni Alexander:

“Sa maniwala kayo o hindi, umugnay ako sa mga Saksi ni Jehova bilang isang di-bautisadong kabataan sa loob ng mahigit na pitong taon. Sa panahong iyon, ang aking pagsamba ay hindi buong puso, basta isang rutin lamang. Sa palagay ko, wala lamang akong sapat na lakas ng loob upang gumawa ng tapat na pagsusuri sa aking sarili.”

Pagkatapos ay nagbago ang saloobin ni Alexander. Ipinagpatuloy niya:

“Patuloy akong hinimok ng aking mga magulang at mga kaibigan sa kongregasyon na magbasa ng Bibliya araw-araw, upang personal na makilala si Jehova. Sa dakong huli, ipinasiya kong subukan. Kaya binawasan ko ang aking panonood ng telebisyon at ginawa kong bahagi ng aking rutin sa madaling-araw ang pagbabasa ng Bibliya. Sa wakas, nagsimulang maunawaan ko kung tungkol saan ang Bibliya. Nakita ko kung paano ako matutulungan nito bilang isang tao. At​—higit sa lahat​—naunawaan ko na nais ni Jehova na makilala ko siya. Nang isinapuso ko iyon, ang aking personal na kaugnayan sa kaniya ay nagsimulang lumago, at ang pakikipagkaibigan sa loob ng kongregasyon ay sumulong. Kay laki ngang pagbabago ang ginawa ng Bibliya sa aking buhay! Iminumungkahi ko na basahin araw-araw ng bawat kabataang lingkod ni Jehova ang Bibliya.”

May milyun-milyong kabataan sa buong daigdig na umuugnay sa mga Saksi ni Jehova. Isa ka ba sa kanila? Nais mo bang makinabang mula sa regular na pagbabasa ng Bibliya? Bakit hindi tularan ang halimbawa ni Alexander? Bawasan ang di-gaanong mahahalagang gawain at gawing bahagi ng iyong pang-araw-araw na rutin ang pagbabasa ng Bibliya. Tiyak na makikinabang ka.