Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Aklat na Ipinagwawalang-Bahala ng Karamihan sa mga Kabataan

Isang Aklat na Ipinagwawalang-Bahala ng Karamihan sa mga Kabataan

Isang Aklat na Ipinagwawalang-Bahala ng Karamihan sa mga Kabataan

“PAANO ko matitiyak kung ang Bibliya ay talagang Salita ng Diyos? Bilang isang aklat, hindi nito napupukaw ang aking interes,” ang sabi ng isang kabataang babae na nagngangalang Beate.

Sa Alemanya, kung saan nakatira si Beate, karamihan sa mga kabataan ay may gayunding damdamin; kaya naman, sa palagay nila ay hindi mahalaga ang pagbabasa ng Bibliya. Isang surbey roon kamakailan ang nagsiwalat na, humigit-kumulang, 1 porsiyento ng mga kabataan ang napakadalas magbasa ng Bibliya, 2 porsiyento ang madalas, 19 na  porsiyento ang madalang, at halos 80 porsiyento ang hindi kailanman nagbasa. Ang estadistika ay malamang na katulad sa ibang lupain, marahil gayundin sa inyong lugar. Maliwanag, ang Bibliya ay isang aklat na ipinagwawalang-bahala ng karamihan sa mga kabataan.

Kung gayon, hindi nga nakapagtataka na ang kawalang-alam sa Bibliya ay laganap sa nakababatang salinlahi! Maaga noong taóng 2000, ang pahayagang Lausitzer Rundschau ay nag-ulat hinggil sa isang surbey na nagsiwalat kung gaano karaming tao ang pamilyar sa Sampung Utos at ginagamit ang mga ito bilang tuntunin sa buhay. Sa mga tao na mahigit na sa 60 ang edad, 67 porsiyento ang nakababatid sa mga utos at inuugitan sila ng mga ito; para sa mga wala pang edad 30, ang bilang ay 28 porsiyento lamang. Oo, para sa maraming kabataan, ang Salita ng Diyos ay isang di-kilalang larangan.

Naiiba ang Pangmalas ng Ilan

Sa kabilang panig naman, sa buong daigdig, milyun-milyong kabataan ang nakatuklas na lubhang mahalaga ang Salita ng Diyos. Halimbawa, si Alexander ay 19 na taóng gulang at nagbabasa ng Bibliya tuwing umaga bago magtungo sa trabaho. “Wala na akong maisip na mas mabuting paraan upang pasimulan ang araw,” ang sabi niya. Nakaugalian ni Sandra na magbasa ng isang bahagi ng Bibliya bawat gabi. “Naging bahagi na ito ng aking pang-araw-araw na rutin,” paliwanag niya. At si Julia, na 13 taóng gulang, ay nakagawa na ng isang parisan ng pagbabasa ng kahit man lamang isang kabanata ng Bibliya bago matulog sa gabi. “Talagang nasisiyahan ako rito, at nais kong ipagpatuloy ang kaugaliang iyan sa hinaharap.”

Aling pangmalas ang tama at matalino? Talaga bang sulit na basahin ang Bibliya? Ito ba’y mahalaga at importante para sa nakababatang salinlahi? Ano sa palagay mo?