Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Gaano ba kahaba ang yugto ng panahon na nagdusa si Job?
Iniisip ng ilang tao na ang mga pagsubok kay Job ay tumagal nang maraming taon, ngunit hindi tinutukoy ng aklat ng Job ang gayong matagal na pagdurusa.
Lumilitaw na ang unang yugto ng mga pagsubok kay Job, ang pagkamatay ng mga miyembro ng pamilya at pagkawala ng mga ari-arian, ay maikli lamang. Mababasa natin: “At sumapit ang araw na ang mga anak na lalaki [ni Job] at ang kaniyang mga anak na babae ay kumakain at umiinom ng alak sa bahay ng kanilang kapatid na panganay.” Tumanggap si Job ng sunud-sunod na ulat na dumanas siya ng kawalan—ng kaniyang mga baka, asno, tupa, kamelyo at mga alipin na nangangalaga sa mga hayop na iyon. Malamang, pagkatapos na pagkatapos nito ay nabalitaan ni Job ang pagkamatay ng kaniyang mga anak na lalaki at mga babae, na “kumakain at umiinom ng alak sa bahay ng kanilang kapatid na panganay.” Waring ang lahat nang ito ay naganap sa loob ng isang araw.—Job 1:13-19.
Ang sumunod na yugto ng mga pagsubok kay Job ay malamang na umabot ng mas mahabang panahon. Lumapit si Satanas kay Jehova at sinabing mabibigo si Job kung ang pagdurusa ay personal na mangyayari sa kaniya—sa katawan niya mismo. Pagkatapos ay dinapuan si Job ng “malulubhang bukol mula sa talampakan ng kaniyang paa hanggang sa tuktok ng kaniyang ulo.” Ang pagkalat ng sakit na iyon sa kaniyang buong katawan ay maaaring tumagal nang kaunti. At malamang na medyo matagal-tagal na panahon bago nabalitaan ng kaniyang di-umano’y mga mang-aaliw ang tungkol sa “lahat ng kapahamakang ito,” anupat pumaroon sa kaniya.—Job 2:3-11.
Si Elipaz ay taga-Teman sa lupain ng Edom, at si Zopar ay mula sa isang lugar sa hilagang-kanluran ng Arabia, kaya ang mga lugar na kanilang tinitirhan ay hindi naman malayo sa lugar ni Job sa Uz, na malamang na nasa hilagang Arabia. Subalit si Bildad ay isang Shuhita, at mauunawaan na ang kaniyang mga kababayan ay naninirahan sa kahabaan ng Eufrates. Kung si Bildad ay nasa lugar na kaniyang tinitirhan nang panahong iyon, maaaring tumagal nang ilang linggo o buwan bago niya nabalitaan ang situwasyon ni Job at naglakbay patungong Uz. Sabihin pa, posible na ang tatlo ay malapit lamang sa lugar ni Job nang magsimula ang kaniyang pagdurusa. Anuman ang kalagayan, nang dumating ang tatlong kasamahan ni Job, “nanatili silang nakaupong kasama niya sa lupa nang pitong araw at pitong gabi” nang walang imik.—Job 2:12, 13.
Pagkatapos ay sumapit ang huling yugto ng mga pagsubok kay Job, na ang mga detalye ay pumuno sa maraming kabanata ng aklat ng iyon. Nagkaroon ng sunud-sunod na debate o pahayag ang mga di-umano’y mang-aaliw, at madalas na sumagot si Job. Nang matapos iyon, ang kabataang si Elihu ay sumaway, at itinuwid ni Jehova si Job mula sa langit.—Job 32:1-6; 38:1; 40:1-6; 42:1.
Kaya naman, ang pagdurusa ni Job at ang kinalabasan nito ay maaaring naganap sa loob ng ilang buwan, marahil ay wala pang isang taon. Maaaring alam mo mula sa karanasan na ang mahihirap na mga pagsubok ay waring walang katapusan. Gayunman, hindi natin dapat kaligtaan na natatapos din ang mga ito, gaya ng nangyari sa kaso ni Job. Gaano man katagal ang mga pagsubok na ating kinakaharap, alalahanin natin ang suporta ng Diyos, gaya ng makikita sa kinasihang mga salita: “Bagaman ang kapighatian ay panandalian at magaan, ito ay gumagawa sa amin ng isang kaluwalhatian na may lalo pang nakahihigit na bigat at ito ay walang hanggan.” (2 Corinto 4:17) Sumulat si apostol Pedro: “Pagkatapos ninyong magdusa nang kaunting panahon, ang Diyos ng buong di-sana-nararapat na kabaitan, na tumawag sa inyo sa kaniyang walang-hanggang kaluwalhatian na kaisa ni Kristo, ang mismong tatapos ng inyong pagsasanay, patatatagin niya kayo, palalakasin niya kayo.”—1 Pedro 5:10.