Natatandaan Mo Ba?
Natatandaan Mo Ba?
Pinahalagahan mo ba ang pagbabasa sa kamakailang mga isyu ng Ang Bantayan? Kung gayon, tingnan kung masasagot mo ang sumusunod na mga tanong:
• Bakit karapat-dapat isaalang-alang maging sa ngayon ang mga tanong na ibinangon sa Job kabanata 38?
Marami sa mga kamangha-manghang gawa na itinawag-pansin ng Diyos ay hindi lubusang maunawaan maging ng makabagong mga siyentipiko. Kabilang dito kung paano pinananatili ng grabidad ang lupa sa orbita nito, kung ano talaga ang liwanag, kung bakit walang katapusan ang pagkakasari-sari ng mga piraso ng niyebe, kung paano nabubuo ang mga patak ng ulan, at kung paano nasasangkot ang enerhiya sa mga bagyong makulog.—4/15, pahina 4-11.
• Anong mga halimbawa sa Bibliya ang makatutulong sa atin na maharap ang negatibong damdamin?
Sina Asap, Baruc, at Noemi ay napaharap sa mga yugto ng pagkasira ng loob o iba pang negatibong damdamin, at ang maka-Kasulatang ulat tungkol sa kanilang matagumpay na pagharap sa gayong mga kalagayan ay makatutulong sa atin.—4/15, pahina 22-4.
• Ano ang ilang praktikal na paraan upang matulungan ang mga Kristiyanong balo?
Ang mga kaibigan ay maaaring mag-alok nang may-kabaitan at tiyak na tulong. Ang mga miyembro ng pamilya o iba pa ay maaaring nasa kalagayang mag-alok ng pinansiyal o materyal na tulong, kung may tunay na pangangailangan. Ang mga kapuwa Kristiyano ay maaari ring makatulong sa pamamagitan ng pag-aalok ng maibiging kamay ng pakikipagkaibigan, anupat naglalaan ng espirituwal na suporta at kaaliwan.—5/1, pahina 5-7.
• Bakit mahalaga na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon,” gaya ng ipinapayo ng 1 Corinto 7:39?
Ang pakikipag-asawa sa mga di-mananampalataya ay kadalasang nagiging kapaha-pahamak. Karagdagan pa, ang pagsunod sa makadiyos na payong ito ay isang bagay na may kaugnayan sa katapatan sa Diyos na Jehova. Kapag sinusunod natin ang Salita ng Diyos, hindi tayo hahatulan ng ating puso. (1 Juan 3:21, 22)—5/15, pahina 20-1.
• Yamang si Jehova ang isa na makapagpapatawad sa ating mga kasalanan, bakit ipinagtatapat ng mga Kristiyano ang malulubhang kasalanan sa nakatatandang mga lalaki sa kongregasyon?
Oo, ang kapatawaran ni Jehova sa malulubhang kasalanan ang kailangang hanapin ng isang Kristiyano. (2 Samuel 12:13) Ngunit kung paanong naglaan ng tulong kay David ang propetang si Nathan, ang may-gulang na nakatatandang mga lalaki sa kongregasyon ay maaaring makatulong sa mga nagsisising makasalanan. Ang paglapit sa matatanda ay kasuwato ng tagubilin na ibinigay sa Santiago 5:14, 15.—6/1, pahina 31.
• Ano ang patotoo na dapat nating pangalagaan ang mga ulila at mga babaing balo na nangangailangan?
Ipinakikita ng ulat ng kasaysayan na ang paglalaan ng gayong pangangalaga ay tanda ng tunay na pagsamba kapuwa sa gitna ng mga sinaunang Hebreo at ng mga sinaunang Kristiyano. (Exodo 22:22, 23; Galacia 2:9, 10; Santiago 1:27) Inilakip ni apostol Pablo sa Kasulatan ang maliwanag na mga tagubilin para sa mga Kristiyano na pangalagaan ang mga babaing balo na nangangailangan. (1 Timoteo 5:3-16)—6/15, pahina 9-11.
• Ano ang susi sa isang maligaya at makabuluhang buhay?
Kailangan nating linangin at panatilihin ang wastong kaugnayan kay Jehova, ang ating makalangit na Ama. Ang pag-aaral ng Bibliya ay isang mahalagang tulong upang magawa natin ang gayon.—7/1, pahina 4-5.
• Ang bawat tao ba ay may imortal na espiritu na nananatiling buháy pagkamatay niya?
Bagaman naniniwala ang ilang tao na ang isang espiritu—hindi isang kaluluwa—ay imortal, hindi sinusuportahan ng Bibliya ang ideyang ito. Ipinakikita nito na kapag namatay ang isang tao, bumabalik siya sa alabok at hindi na umiiral. Ngunit taglay ng Diyos ang kakayahang ibalik siyang muli sa buhay, kaya anumang pag-asa para sa buhay sa hinaharap, sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli, ay nakasalalay sa Diyos. (Eclesiastes 12:7)—7/15, pahina 3-6.
• Nasaan si Daniel nang ang tatlong Hebreo ay subukin sa kapatagan ng Dura?
Hindi sinasabi ng Bibliya. Maaaring si Daniel ay hindi obligadong pumaroon dahil sa kaniyang ranggo, o maaaring umalis siya dahil sa isang opisyal na atas. Ngunit makapagtitiwala tayo na hindi niya ikinompromiso ang kaniyang katapatan kay Jehova.—8/1, pahina 31.