Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sumisikat Bilang mga Tagapagbigay-Liwanag sa Lunsod ng Liwanag

Sumisikat Bilang mga Tagapagbigay-Liwanag sa Lunsod ng Liwanag

Sumisikat Bilang mga Tagapagbigay-Liwanag sa Lunsod ng Liwanag

Fluctuat nec mergitur, o “Siya ay sinasalpok ng mga alon ngunit hindi siya lumulubog,” ang kasabihan ng lunsod ng Paris.

TULAD ng isang barko, sa nakalipas na 2,000 taon, nabatá ng Paris ang di-mabilang na unos ng mga dayuhan at mga himagsikang sibil upang manatiling nakalutang. Isa ngayon sa pinakamagagandang lunsod sa daigdig, ang Paris ay hinahangaan dahil sa maringal na arkitektura nito, mga lansangang may nakahanay na mga punungkahoy, at mga museo na kilalá sa buong daigdig. Minamalas ito ng iba bilang lugar na madalas puntahan ng mga makata, pintor, at pilosopo. Ninanamnam naman ng iba ang masasarap na pagkain nito at hinahangaan ang mga disenyador nito ng eksklusibong mga moda para sa mga babae.

Ayon sa kasaysayan, ang Paris ay naging balwarte ng Katolisismo. Dalawang daang taon na ang nakalilipas, dahil sa mahalagang papel nito sa isang kilusan ng mga intelektuwal sa Europa na kilala bilang Kaliwanagan, ang Paris ay tinawag na Lunsod ng Liwanag. Sa ngayon, batid man o hindi, karamihan sa mga taga-Paris ay higit na naiimpluwensiyahan ng pilosopiya na nagmula pa sa yugtong iyon kaysa ng relihiyon.

Gayunman, ang karunungan ng tao ay hindi nagbigay-liwanag sa buhay ng mga tao gaya ng inaasahan. Marami sa ngayon ang naghahanap ng kaliwanagan mula sa ibang pinagmumulan. Sa loob ng mga 90 taon na ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay ‘sumisikat bilang mga tagapagbigay-liwanag’ sa Paris. (Filipos 2:15) Tulad ng dalubhasang mga marinero, kailangan nilang laging makibagay sa mga pabagu-bagong agos o mga pangyayari upang maisakay nila “ang mga kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa.”​—Hagai 2:7.

Isang Mapanghamong Lunsod

Noong 1850, ang Paris ay isang lunsod na may 600,000 naninirahan. Ang kasalukuyang populasyon, kabilang na yaong nasa mga lugar sa labas ng lunsod, ay mahigit sa siyam na milyon. Ang gayong pagdami ay naging dahilan upang ang Paris ay maging ang lunsod sa Pransiya na may pinakamaraming iba’t ibang lahi. Ito ay isang sentro ng mataas na edukasyon sa daigdig, naroroon din ang isa sa pinakamatatandang unibersidad sa daigdig, at tahanan ito ng mga 250,000 estudyante. Ang ilang lugar sa labas ng lunsod ng Paris, palibhasa’y maraming matataas na mga gusaling pabahay na kapansin-pansin dahil sa delingkuwensiya at kawalan ng trabaho, ay kumakatawan sa madilim na bahagi ng Paris. Walang-alinlangan, kailangan ng mga Saksi ni Jehova ang kadalubhasaan at kakayahang makibagay upang maiharap ang mabuting balita sa isang kaakit-akit na paraan sa lahat ng uri ng mga tao.​—1 Timoteo 4:10.

Mahigit sa 20 milyong turista ang bumibisita sa Paris taun-taon. Maaaring sila ay sabik na umakyat sa Eiffel Tower, maglakad sa kahabaan ng ilog Seine, o mamalagi sa mga café at bistro sa bangketa, anupat dinadama ang kapaligiran. Gayunman, ang pang-araw-araw na takbo ng buhay ng mga taga-Paris ay maaaring maging napakaabala. “Laging nagmamadali ang mga tao,” ang paliwanag ni Christian, isang buong-panahong ministro. “Kapag umuwi sila galing sa trabaho, hapung-hapo sila.” Hindi madaling makipag-usap sa mga abalang taong ito.

Gayunman, ang isa sa pinakamalalaking problema na napaharap sa mga Saksi ni Jehova sa Paris ay ang pakikipag-usap sa mga tao sa kanilang tahanan. Ang ilang gusali ay may intercom. Gayunman, dahil sa paglubha ng krimen, ang mga pasukan ng mga gusaling apartment ay kadalasang may mga elektronikang sistema na panseguridad, at imposibleng makapasok. Walang-alinlangan na ito ay nagiging dahilan kung bakit sa ilang lugar, may katumbasan na 1 lamang Saksi sa bawat 1,400 katao. Dahil dito, ang pagpapatotoo sa telepono at impormal na pagpapatotoo ay lalo nang isinasagawa. Nagagawa ba ng mga Saksi ni Jehova na ‘pasikatin ang kanilang liwanag’ sa ibang paraan?​—Mateo 5:16.

Maraming pagkakataon at mga lugar para sa impormal na pagpapatotoo. Nakita ni Martine ang isang babae na tila nababagabag habang nakatayo sa isang hintuan ng bus. Kamamatay lamang ng kaisa-isang anak na babae nito. Binigyan siya ni Martine ng isang brosyur na naglalaman ng nakaaaliw na pag-asa ng pagkabuhay-muli sa Bibliya. Pagkatapos ay hindi niya ito nakausap sa loob ng ilang buwan. Nang muling makita ni Martine ang babae, napasimulan niya rito ang isang pag-aaral sa Bibliya. Sa kabila ng pagsalansang ng kaniyang asawa, ang babae ay naging isang Saksi.

Mabungang Impormal na Pagpapatotoo

Ang pampublikong sistema ng transportasyon sa Paris ay isa sa pinakamahusay sa buong daigdig. Ang bantog na Metro ay nakapagsasakay ng 5,000,000 pasahero araw-araw. Ang sentral na istasyon na nasa ilalim ng lupa sa Paris, ang Chàtelet-Les-Halles, ay sinasabing ang pinakamalaki at pinakaabala sa buong daigdig. Maraming pagkakataon para makausap ang mga tao roon. Sumasakay si Alexandra sa Metro sa pagtungo sa trabaho araw-araw. Isang araw ay nakipagkuwentuhan siya sa isang kabataang lalaki na may malubhang sakit na lukemya. Binigyan siya ni Alexandra ng isang tract tungkol sa pag-asa sa Paraiso. Isang pag-uusap sa Bibliya ang idinaos sa gayunding oras at lugar bawat araw sa loob ng anim na linggo. Pagkatapos isang araw ay hindi na sumipot ang lalaki. Di-nagtagal pagkatapos nito, ang asawa ng lalaki ay tumelepono kay Alexandra at sinabi nito sa kaniya na pumunta sa ospital, yamang ang kaniyang asawa ay nasa malubhang kalagayan. Nakalulungkot, nahuli ang dating ni Alexandra. Pagkamatay ng lalaki, lumipat ang asawa niya sa Bordeaux, sa timog-kanlurang Pransiya, kung saan siya ay dinalaw ng mga Saksi roon. Tunay ngang kasiya-siyang balita para kay Alexandra na marinig pagkalipas ng isang taon na ang babaing balo ay naging isa nang bautisadong Kristiyanong Saksi ni Jehova, na may pag-asang makita ang kaniyang asawa na binuhay-muli!​—Juan 5:28, 29.

Isang matandang Kristiyanong babae ang nakipag-usap kay Renata sa isang tren na naglalakbay mula sa Paris patungong Limoges, sa sentro ng Pransiya. Sa kaniyang tinubuang-bayan sa Poland, nag-aral si Renata ng teolohiya, Hebreo, at Griego sa loob ng limang taon, ngunit nawalan siya ng pananampalataya sa Diyos. Tatlong buwan bago ang pag-uusap na iyon, nanalangin siya sa Diyos. Bagaman hindi naman talaga interesado sa sasabihin ng matandang sister at hindi inaakalang makakausap pa niya itong muli, ibinigay ni Renata ang numero ng kaniyang telepono. Gayunman, matiyaga ang sister at tiniyak niya na di-magtatagal pagkatapos noon ay may dadalaw kay Renata. Nang dalawin siya ng mag-asawang Saksi, naisip ni Renata, ‘Ano ang ituturo nila sa akin?’ Sa kabila ng kaniyang pagsasanay sa seminaryo, si Renata ay mapagpakumbabang nahikayat ng katotohanan sa Bibliya. “Kaagad kong natanto na iyon ang katotohanan,” paliwanag niya. Ngayon ay maligaya niyang ibinabahagi sa iba ang mensahe ng Bibliya.

Si Michèle ay nag-aaral na magmaneho. Ang ibang estudyante sa kanilang klase hinggil sa teoriya sa pagmamaneho ay nagsimulang mag-usap tungkol sa pagtatalik bago ang kasal. Ibinulalas ni Michèle ang kaniyang pagtutol. Pagkalipas ng isang linggo, tinanong siya ng instruktor sa pagmamaneho, si Sylvie: “Isa ka bang Saksi ni Jehova?” Humanga si Sylvie sa salig-Bibliyang pangmalas ni Michèle. Isang pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan, at pagkaraan ng isang taon ay nabautismuhan si Sylvie.

Ang napakaraming parke at mga hardin sa Paris ay naglalaan ng magandang tagpo para sa pakikipag-usap sa mga tao. Palibhasa’y sinamantala ang oras ng pahinga, nagtungo si Josette sa parke, kung saan isang matandang babae, si Aline, ang naglalakad-lakad. Ipinaliwanag ni Josette ang kamangha-manghang mga pangako na masusumpungan sa Bibliya. Isang pag-aaral sa Bibliya ang isinaayos, at di-nagtagal ay sumulong si Aline hanggang sa siya ay mabautismuhan. Ngayon, sa edad na 74, si Aline ay isang lubhang mabungang ministrong regular pioneer, na maligayang ibinabahagi sa iba ang katotohanang Kristiyano.

Liwanag Para sa Lahat ng Bansa

Ang mga Saksi sa Paris ay hindi na kailangang maglayag sa malalayong lupain upang tamasahin ang mayamang pagkakasari-sari ng kultura. Halos 20 porsiyento ng populasyon ay mga dayuhan. May mga kongregasyong Kristiyano at mga grupo sa mga 25 iba’t ibang wika.

Ang likas na kakayahan at imahinasyon ay kadalasang nagdudulot ng mabubuting resulta sa pantanging atas na ito ng pag-eebanghelyo. Isang Saksing Pilipino ang gumawa ng kaniyang sariling pantanging teritoryo. Habang namimili, nakapagpasimula siya ng maraming pag-aaral sa Bibliya sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa ibang kapuwa Pilipino na nasa mga tindahan.

Sulit ang pagkukusa na mangaral. Noong Disyembre 1996, nang mabalitaan na isang sirko na kilalá sa buong daigdig ang darating sa kanilang lugar, ang mga Saksi sa isang kongregasyon na banyaga ang wika ay nagpasiyang subuking makipag-usap sa mga tagapagtanghal. Isang gabi matapos ang palabas, nakausap nila ang mga tagapagtanghal na pauwi sa kanilang otel. Ang pagkukusang ito ay nagbunga ng pagsasakamay ng 28 Bibliya, 59 na Kristiyanong aklat, 131 brosyur, at 290 magasin. Sa pagtatapos ng tatlong-linggong pamamalagi, isa sa mga sirkero ang nagtanong: “Paano ako magiging isang Saksi ni Jehova?” Sinabi pa ng isa: “Mangangaral ako sa aking bansa!”

Masusumpungang mga Natatagong Kayamanan

Saanman sila tumingin, natutuklasan ng mga bumibisita sa Paris ang nakalulugod na mga yaman sa arkitektura mula sa mga nagdaang panahon. Gayunman, mas marami pang mahahalagang bagay ang naghihintay pa ring matagpuan. Si Aniza ay nagtungo sa Pransiya kasama ang kaniyang tiyo, na isang diplomatiko. Regular siyang nagbabasa ng Bibliya sa bahay. Isang araw habang nagmamadali siyang paalis ng bahay, isang payunir ang nagbigay sa kaniya ng tract na Kung Bakit Ikaw ay Makapagtitiwala sa Bibliya. Isang pakikipagkita ang naitakda para sa susunod na linggo, at isang pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan. Si Aniza ay labis na sinalansang ng kaniyang pamilya. Sumulong siya sa kaniyang pag-aaral hanggang sa siya ay mabautismuhan. Paano niya minamalas ang taglay niyang pribilehiyo na ibahagi sa iba ang katotohanan? “Noong una ay mahirap ang gawaing pangangaral dahil mahiyain ako. Gayunman, kapag binabasa ko ang Bibliya, pinasisigla ako nito. Hindi ako mapakali, kapag hindi ako nangangaral.” Ang saloobing iyan ay katangian ng maraming Saksi sa Paris, na “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon.”​—1 Corinto 15:58.

Ang katotohanan sa Bibliya ay sumisikat din sa mga proyekto ng pabahay sa labas ng Paris, anupat naisisiwalat ang ibang “mga hiyas.” Dahil may balak na humiram ng ilang rekord ng musika, dinalaw ni Bruce ang kaniyang kaibigan, na bago lamang naging isang Saksi ni Jehova. Nang madatnan niya ang kaniyang kaibigan na ipinakikipag-usap ang Bibliya sa ilan sa mga kakilala ni Bruce, nakinig si Bruce sa usapan. Tinanggap niya ang alok na mag-aral ng Bibliya ngunit may ilang problema. “Kilaláng-kilalá ako sa lugar namin. Ang pinakamatanda kong kapatid ay laging nakikipag-away, at ako naman ay nag-oorganisa ng maiingay na sayawan. Paano tatanggapin ng iba ang katotohanan na magiging isa akong Saksi?” Sa kabila ng paulit-ulit na mga kahilingan na mag-organisa siya ng mga parti, itinigil ni Bruce ang gawaing iyon. Pagkalipas ng isang buwan ay nagsimula siyang mangaral: “Gustong malaman ng lahat ng tao sa aming lugar kung bakit ako naging isang Saksi.” Di-nagtagal pagkatapos nito ay nabautismuhan siya. Nang maglaon, nagkapribilehiyo siya na dumalo sa Ministerial Training School.

Ang paghanap sa mga kayaman ay maaaring mangailangan ng malaking pagsisikap. Gayunman, kay laking kagalakan naman kapag nagbunga ang pagsisikap! Sina Jacky, Bruno, at Damien ay mga panadero sa Paris. “Imposibleng makausap kami dahil lagi kaming nagtatrabaho at parating wala sa bahay,” paliwanag ni Jacky. Nakita ni Patrick, isang regular pioneer, na may ilang maliliit na kuwarto sa pinakatuktok ng isang gusali, at ipinalagay niyang kahit man lang isa sa mga kuwarto ay may nakatira. Ang kaniyang matiyagang pagsisikap na maabot ang mga nakatira ay umani ng mabubuting resulta nang isang hapon ay nakausap niya sa wakas si Jacky, na pansamantalang nakatira roon. Ang resulta? Ang tatlong magkakaibigan ay naging mga Saksi at nakahanap sila ng ibang trabaho na nagpapahintulot sa kanila na magkaroon ng mas lubusang pakikibahagi sa teokratikong gawain.

Pagpapahupa sa Unos

Kamakailan, inilarawan ng ilang media sa Pransiya ang mga Saksi ni Jehova bilang mapanganib na relihiyosong kulto. Noong 1996, buong-pusong nakibahagi ang mga Saksi sa pamamahagi ng mahigit na siyam na milyong kopya ng isang tract na may pantanging impormasyon na pinamagatang Jehovah’s Witnesses​—What You Need to Know. Napakapositibo ng mga resulta.

Isang pantanging pagsisikap ang ginawa upang maabot ang lahat. Maraming opisyal ang nagpahayag ng pagpapahalaga sa mga Saksi. Isang tagapayo sa munisipyo ang sumulat: “Mabuti ang ginawa ng mga Saksi ni Jehova sa pamamahagi ng tract na ito. Itinutuwid nito ang mga kasinungalingan.” Isang doktor ang nagkomento: “Matagal ko nang hinihintay ito!” Isang lalaki mula sa lugar ng Paris ang sumulat: “Nagkataong nabasa ko ang Jehovah’s Witnesses​—What You Need to Know. Nais kong makaalam nang higit pa at samantalahin ang alok na isang walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya.” Isa pa ang sumulat: “Salamat sa inyong pagkamatapat.” Isang babaing Katoliko ang nagsabi sa mga Saksi: “Ah! Sinagot din ninyo sa wakas ang mga kasinungalingang ito!”

Ang isang pantanging kagalakan para sa maraming kabataang Saksi sa lugar ng Paris ay ang kampanya sa pangangaral na inorganisa para sa Catholic World Youth Days noong 1997. Bagaman ang temperatura ay mahigit na 35 digri Celsius, mga 2,500 Saksi ang nakibahagi. Sa loob lamang ng ilang araw, nakapag-iwan sila ng 18,000 kopya ng brosyur na Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao sa mga kabataang nagbuhat sa lahat ng bahagi ng globo. Bukod pa sa pagbibigay ng mainam na patotoo sa pangalan ni Jehova at paghahasik ng mga binhi ng katotohanan, pinasigla ng kampanya ang mga kabataang Saksi. Isang kabataang sister, na pinaikli ang kaniyang bakasyon upang magkaroon siya ng lubusang pakikibahagi sa pantanging pagsisikap na ito, ay sumulat: “Si Jehova ay may maligayang bayan sa lupa na ginagamit ang kanilang lakas upang purihin ang kaniyang pangalan. Ang dalawang araw na ito, na lubhang kasiya-siya, ay talagang katumbas ng lahat ng bakasyon sa buong buhay! (Awit 84:10)”

Noong Pebrero 28, 1998, naganap ang ika-65 anibersaryo ng isang dekreto na inilabas ni Hitler na naging dahilan ng pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova sa Alemanya. Ginamit ng mga Saksi sa Pransiya ang petsang iyon para ipalabas sa publiko sa mga inupahang bulwagan ang video na Jehovah’s Witnesses Stand Firm Against Nazi Assault, na nagbibigay ng detalye sa dinanas na pag-uusig ng bayan ni Jehova. Mahigit na pitong milyong imbitasyon ang ipinamahagi. Ang mga istoryador at dating magkakasamang napiit sa kampo ay nagbigay ng nakaaantig na mga testimonyo. Sa lugar ng Paris, halos 5,000 ang dumalo, kabilang na ang malaking bilang ng mga di-Saksi.

Marami sa Paris ang lubhang nagpapahalaga sa espirituwal na liwanag, at sila ay natutuwa na ang mga mamamahayag ng Kaharian ay sumisikat nang maningning bilang mga tagapagbigay-liwanag. Ito ay gaya ng ipinahayag ni Jesus: “Ang aanihin ay marami, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti.” (Mateo 9:37) Ang determinadong espiritu ng mga Saksi ni Jehova na mapagtagumpayan ang mga hamon sa pangangaral sa lunsod na iyon ay nagpangyaring maging Lunsod ng Liwanag ang Paris sa natatanging diwa, ukol sa kapurihan ni Jehova.

[Larawan sa pahina 9]

City Hall

[Larawan sa pahina 9]

Opera Garnier

[Larawan sa pahina 9]

Museo ng Louvre

[Mga larawan sa pahina 10]

Pagbabahagi ng mensahe ng Bibliya sa mga abalang tao saanman sila matatagpuan