Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tagumpay sa Federal Constitutional Court

Tagumpay sa Federal Constitutional Court

Tagumpay sa Federal Constitutional Court

ANG mga Saksi ni Jehova sa Alemanya ay nagtamo ng mahalagang tagumpay sa Federal Constitutional Court sa Karlsruhe. Sa gayo’y nakagawa sila ng isang mahalagang hakbang may kaugnayan sa pagkilala sa kanila.

Ang mga Saksi ni Jehova ay aktibo sa Alemanya sa loob ng mahigit na 100 taon na. Nakaligtas sila sa matinding pag-uusig sa mga kamay ng dalawang diktadura ng ika-20 siglo​—ang mga National Socialist at ang mga Komunista. Mula noong 1990, sinikap ng mga Saksi na makamit ang legal na pagkilala bilang isang korporasyon ng pampublikong batas. Pagkatapos ng dalawang paborableng hatol ng hukuman at isa na binaligtad, umapela ang mga Saksi sa Federal Constitutional Court, na nagpatalastas sa hatol nito noong Disyembre 19, 2000.

Nagkakaisang Pasiya Para sa mga Saksi ni Jehova

Ang lahat ng pitong hukom ng korte ay humatol nang pabor sa mga Saksi. Binaligtad ng mga hukom ang isang pasiya noong 1997 ng Federal Administrative Court at inutusan ang hukumang iyon na muling isaalang-alang ang aplikasyon ng mga Saksi.

Ginamit ng Federal Constitutional Court ang okasyon upang magkomento sa saligang ugnayan ng Estado at ng mga relihiyosong grupo. Pangunahin na, ang katayuan ng isang relihiyon “ay pinagpapasiyahan, hindi sa pamamagitan ng mga paniniwala nito, kundi sa pamamagitan ng paggawi nito.”

Sinabi rin ng hukuman na kapag isinasagawa ng mga Saksi ang “Kristiyanong neutralidad, . . . hindi [nila] inaatake ang simulain ng demokrasya” at “hindi [nila] ninanais na palitan ang demokrasya ng ibang anyo ng pamahalaan.” Kaya naman, ang hindi pagsali sa mga pulitikal na halalan ay hindi dapat tanggapin bilang ebidensiya laban sa mga Saksi sa kanilang paghiling ng legal na pagkilala.​—Juan 18:36; Roma 13:1.

Idinagdag pa ng hukuman na masusumpungan kung minsan ng isang mananampalataya​—isa mang Saksi o isa na iba ang pananampalataya​—​ang kaniyang sarili sa isang situwasyon kung saan ang mga iniuutos ng Estado ay salungat sa mga kahilingan ng kaniyang pananampalataya. Kung susundin ng indibiduwal ang kaniyang budhi sa pamamagitan ng “pagsunod sa mga paniniwala ng relihiyon nang higit kaysa sa batas,” maaaring malasin ito ng Estado bilang makatuwiran at nasasaklaw ng kalayaan ng relihiyon.​—Gawa 5:29.

Ang hatol ng korte ay naging laman ng mga ulo ng balita. Halos lahat ng pahayagan sa Alemanya ay nag-ulat hinggil sa kaso. Isinahimpapawid ng lahat ng malalaking istasyon ng telebisyon at radyo ang mga ulat o mga panayam. Hindi pa kailanman nabigyan ng gayong kalawak na publisidad ang pangalan ni Jehova sa Alemanya.

[Picture Credit Line sa pahina 8]

AP Photo/Daniel Maurer