Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ano ang Nagaganap sa Pransiya?”

“Ano ang Nagaganap sa Pransiya?”

“Ano ang Nagaganap sa Pransiya?”

Ang mga salitang “Kalayaan, minamahal na kalayaan,” ay mula sa “La Marseillaise,” ang pambansang awit ng Pransiya. Walang-alinlangan, ang kalayaan ay isang bagay na dapat pahalagahan. Gayunman, ang mga pangyayari kamakailan sa Pransiya ay nagdudulot ng pagkabahala na ang saligang mga kalayaan ay sinisira. Iyan ang dahilan kung bakit, noong Biyernes, Nobyembre 3, 2000, sampu-sampung libong mga Saksi ni Jehova ang namahagi ng kabuuang 12 milyong kopya ng isang pantanging tract na pinamagatang “What Is Brewing in France? Could Freedom Regress?”(Ano ang Nagaganap sa Pransiya? Susupilin Kayang Muli ang Kalayaan?)

SA LOOB ng ilang taon na ngayon, ang mga Saksi ni Jehova sa Pransiya ay sumasailalim sa pagsalakay ng iba’t ibang pulitiko at mga grupong kontra sa sekta. Ito ay nagdulot ng mga suliranin para sa mga Saksi sa pang-indibiduwal, pangkongregasyon, at pambansang antas. Gayunman, noong Hunyo 23, 2000, ang Conseil d’État, ang pinakamataas na hukumang pampangasiwaan ng Pransiya, ay gumawa ng mahalagang desisyon na nagtibay sa kasalukuyang hatol ng 31 mababang hukuman sa mahigit na 1,100 kaso. Pinagtibay ng mataas na hukuman na ang pagsambang isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova ay lubusang kasuwato ng batas ng Pransiya at na ang kanilang mga Kingdom Hall ay karapat-dapat sa katulad na mga eksemsiyon sa buwis na ipinagkakaloob sa ibang relihiyon.

Gayunman, bilang lubusang pagwawalang-bahala sa desisyong ito, ang Ministry of Finance ng Pransiya ay patuloy na tumatangging bigyan ang mga Saksi ni Jehova ng eksemsiyon sa buwis na ipinagkakaloob ng batas sa mga relihiyosong organisasyon. Ang Ministry ay nagpataw ng 60-porsiyentong buwis sa mga kontribusyon na ibinibigay ng mga Saksi at mga kaibigan na nakaugnay sa 1,500 lokal na kongregasyon sa Pransiya. Ang kasong ito ay nililitis pa sa kasalukuyan.

Ang tunguhin ng nasabing kampanya ay ilantad ang kabalintunaang ito at itampok ang mga panganib na nasasangkot sa gayong di-makatarungang pagpapataw ng buwis at sa mga panukalang batas na sisira sa kalayaan ng relihiyon ng lahat ng tao. *

Isang Mahabang Araw

Sa ganap na alas-dos ng umaga, pinasimulan ng mga Saksi sa ilang kongregasyon ang pamamahagi sa labas ng mga istasyon ng tren at mga pagawaan at pagkatapos ay sa mga paliparan. Pagsapit ng alas-sais, gising na ang Paris. Mga 6,000 boluntaryo ang nakapuwesto sa mga estratehikong lugar upang salubungin ang mga pasaherong patungo sa kanilang trabaho. Isang kabataang babae ang nagkomento: “Kapuri-puri ang inyong ginagawa para sa kalayaan ng relihiyon. Hindi lamang ang mga Saksi ni Jehova ang nasasangkot.” Sa Marseilles, mahigit sa 350 Saksi ang namigay ng tract sa mga istasyon ng metro at sa lansangan. Sa loob ng isang oras, ipinatalastas ng pambansang radyo ang kampanya, na sinasabi sa mga tagapakinig nito na huwag magtaka kapag sila ay nilapitan ng mga Saksi ni Jehova. Sa Strasbourg, na kinaroroonan ng European Court of Human Rights, ang mga biyahero sa sentral na istasyon ay matiyagang pumila upang makatanggap ng kanilang kopya. Isang abogado ang nagkomento na, bagaman hindi natin siya kapanalig, sinusubaybayan niya ang ating kaso taglay ang interes, yamang ang pakikipagpunyagi natin ay mahalaga at makatarungan.

Sa ganap na alas-otso, sa kabila ng malakas na ulan ay sinuyod ng 507 Saksi sa lunsod ng Grenoble sa Alpino ang mga lansangan o nilagyan ng tract ang mga buson. Sa pagkakita na may nangyayari, itinigil ng mga drayber ng kotse at trambiya ang kanilang mga sasakyan upang humingi ng tract. Sa kanluraning lunsod ng Poitiers, ang mga dumarating na biyaherong sakay ng tren sa ganap na ikasiyam ay nakatanggap na ng tract mula sa kanilang pinanggalingan. Sa Mulhouse, malapit sa hangganan ng Alemanya, 40,000 kopya ang naipamigay na.

Pagsapit ng alas-diyes, maraming kongregasyon ang nakapamahagi na ng mahigit sa kalahati ng kanilang mga tract. Habang tumataas ang araw, iilang tao lamang ang tumatangging tumanggap, at ilang kawili-wiling pag-uusap ang naging bunga nito. Sa Besançon, na mahigit lamang na 80 kilometro mula sa hangganan ng Switzerland, isang kabataang lalaki ang nagpahayag ng interes sa Bibliya at nagtanong kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa. Inanyayahan siya ng Saksi na ipagpatuloy ang pag-uusap sa isang kalapit na Kingdom Hall, kung saan isang pag-aaral sa Bibliya ang kaagad na napasimulan sa brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?

Pagsapit ng tanghali, ginamit ng maraming Saksi ang kanilang pahinga sa tanghali upang mangaral ng isa o dalawang oras. Buong hapong nagpatuloy ang pamamahagi, anupat maraming kongregasyon ang natapos pagsapit ng alas-tres o alas-kuwatro nang hapong iyon. Sa lunsod ng Reims na tanyag sa paggawa ng champagne, ang ilang tao na nakipag-aral o nakiugnay sa mga Saksi ni Jehova noon ay nagpahayag ng kanilang pagnanais na muling makipag-ugnayan sa kongregasyon. Sa Bordeaux, tatlong pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan. Sa lunsod ding iyon, isang Saksi ang pumasok sa isang tindahan upang bumili ng diyaryo at nakita niya ang isang salansan ng mga tract sa counter. Nakatanggap ng tract ang tindera, na isang dating Saksi at, palibhasa’y natanto ang kahalagahan nito, gumawa siya ng mga photocopy upang maipamahagi niya mismo.

Sa Le Havre, Normandy, isang Protestanteng babae ang nagulat nang marinig sa radyo na ang mga kontribusyon ng mga Saksi ni Jehova ay hinihingan ng buwis. Malugod niyang tinanggap ang tract at binati ang mga Saksi sa pagsasalita laban sa gayong kawalang-katarungan. Sa ganap na 7:20 n.g., nagkomento ang mga balita sa TV sa rehiyon ng Lyons tungkol sa pamamahaging iyon, na sinasabi: “Kaninang umaga ay mas madali pang ilagan ang mga patak ng ulan kaysa sa iwasan ang mga tract ng mga Saksi ni Jehova.” Dalawang Saksi ang kinapanayam at nagpaliwanag sa mga dahilan ng kampanya.

Ang mga Saksi na nagnanais makibahagi pagkatapos ng kanilang sekular na trabaho ay namahagi ng ilang tract sa papauwing mga pasahero at ang iba pa ay inilagay nila sa mga buson. Sa mga bayang katulad ng Brest at Limoges​—na kilalá sa mga porselana nito​—ang mga taong papalabas ng sinehan sa ganap na 11:00 n.g. ay kabilang sa mga huling tumanggap ng tract sa araw na iyon. Ang natitirang mga tract ay kinolekta at ipinamahagi kinabukasan.

Mga Resulta

Isang Saksi ang sumulat: “Akala ng ating mga kaaway ay napahihina nila tayo. Ang totoo, kabaligtaran ang nangyayari.” Sa karamihan ng mga kongregasyon, mahigit sa 75 porsiyento ng mga Saksi ang nakibahagi nang araw na iyon, anupat ang ilan ay gumugol ng 10, 12, o 14 na oras sa gawaing ito. Sa Hem, sa hilaga ng Pransiya, matapos magtrabaho sa gabi, isang Saksi ang namahagi ng tract mula alas-singko ng umaga hanggang alas-tres ng hapon. Sa kalapit na Denain, kung saan may kongregasyon na mula pa noong 1906, 75 Saksi ang gumugol ng 200 oras sa pamamahagi ng tract noong Biyernes. Ang iba, sa kabila ng katandaan, kapansanan, at masamang lagay ng panahon, ay determinado ring makibahagi. Halimbawa, sa Le Mans, tatlong sister na mahigit na sa edad na 80 ang gumugol ng dalawang oras sa paglalagay ng tract sa mga buson, at isang Saksi na nasa silyang de-gulong ang namigay ng tract sa harap ng isang istasyon ng tren. At tunay ngang nakapagpapatibay na makita ang maraming dating di-aktibong Saksi na nakikibahagi sa pantanging gawaing ito!

Walang-alinlangan, ang pamamahaging ito ay nagdulot ng malaking patotoo. Ang mga tao anuman ang kalagayan sa buhay, na karamihan sa kanila ay bibihirang makausap sa kanilang mga tahanan, ay tumanggap ng isang kopya ng tract. Sa palagay ng maraming indibiduwal ay makapupong higit pa ang naisakatuparan ng pagkilos na ito kaysa sa pagbibigay-proteksiyon lamang sa mga kapakanan ng mga Saksi. Minalas ito ng marami bilang isang pagtatanggol sa kalayaan ng budhi at pagsamba para sa lahat ng Pranses. Bilang patotoo nito, ang mga tao ay humingi ng karagdagang mga kopya ng tract upang ipamigay sa mga kaibigan, kasamahan, o mga kamag-anak.

Oo, ipinagmamalaki ng mga Saksi ni Jehova sa Pransiya na maipakilala ang pangalan ni Jehova at maipagtanggol ang mga kapakanan ng Kaharian. (1 Pedro 3:15) Taimtim silang umaasa na sila’y ‘makapagpapatuloy na mamuhay ng isang payapa at tahimik na buhay na may lubos na makadiyos na debosyon at pagkaseryoso’ at na libu-libo pa ang sasama sa kanila sa pagpuri sa kanilang makalangit na Ama, si Jehova.​—1 Timoteo 2:2.

[Talababa]

^ Isang katulad na kampanya ang naganap noong Enero 1999 upang iprotesta ang pagtatangi sa relihiyon. Tingnan Ang Bantayan, Agosto 1, 1999, pahina 9, at ang 2000 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 24-6.