‘Hanapin ang Kapayapaan at Itaguyod Iyon’
‘Hanapin ang Kapayapaan at Itaguyod Iyon’
“Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.”—ROMA 12:18.
1, 2. Ano ang ilang dahilan kung bakit walang gawang-taong kapayapaan ang magtatagal?
GUNIGUNIHIN ang isang bahay na may mahinang pundasyon, nabubulok na mga biga, at lumulundong bubong. Gugustuhin mo kayang lumipat at tumira sa bahay na iyon? Malamang na hindi. Kahit ang bagong pahid na pintura ay hindi makapagpapabago sa katotohanan na ang bahay na iyon ay mabuway. Sa malao’t madali, malamang na guguho ito.
2 Anumang kapayapaan na nagmumula sa sanlibutang ito ay gaya ng bahay na iyon. Ito ay itinayo sa mahinang pundasyon—ang mga pangako at mga estratehiya ng tao, “na sa kaniya ay walang pagliligtas.” (Awit 146:3) Ang kasaysayan ay isang mahabang serye ng mga tunggalian sa pagitan ng mga bansa, etnikong pangkat, at mga tribo. Totoo, nagkaroon ng maiikling panahon ng kapayapaan, ngunit anong uri ng kapayapaan? Kung nagdidigmaan ang dalawang bansa at pagkatapos ay idineklara ang kapayapaan, dahil sa natalo man ang isang bansa o dahil sa wala nang nakikita pang bentaha ang dalawang bansa sa paglalabanan, anong uri ng kapayapaan iyon? Ang pagkapoot, paghihinala, at paninibugho na nagpasiklab sa digmaang iyon ay umiiral pa rin. Ang kapayapaan na pabalat-bunga lamang, gaya ng bagong pahid na pintura upang itago ang alitan, ay hindi isang namamalaging kapayapaan.—Ezekiel 13:10.
3. Bakit naiiba ang kapayapaan ng bayan ng Diyos sa anumang gawang-taong kapayapaan?
3 Sa kabila nito, ang tunay na kapayapaan ay talagang umiiral sa daigdig na ito na giniyagis ng digmaan. Saan? Sa gitna ng mga tagasunod-yapak ni Jesu-Kristo, mga tunay na Kristiyano na nakikinig sa mga salita ni Jesus at nagsisikap na tularan ang kaniyang landasin ng buhay. (1 Corinto 11:1; 1 Pedro 2:21) Ang kapayapaan na umiiral sa pagitan ng mga tunay na Kristiyano na iba’t iba ang lahi, katayuan sa lipunan, at nasyonalidad ay tunay sapagkat nagmumula ito sa kanilang mapayapang kaugnayan sa Diyos, na nakasalig sa kanilang pananampalataya sa haing pantubos ni Jesu-Kristo. Ang kanilang kapayapaan ay isang kaloob mula sa Diyos, hindi isang bagay na kinatha ng mga tao. (Roma 15:33; Efeso 6:23, 24) Ito ay bunga ng kanilang pagpapasakop sa “Prinsipe ng Kapayapaan,” si Jesu-Kristo, at pagsamba kay Jehova, “ang Diyos ng pag-ibig at ng kapayapaan.”—Isaias 9:6; 2 Corinto 13:11.
4. Paano ‘itinataguyod’ ng isang Kristiyano ang kapayapaan?
4 Ang kapayapaan ay hindi basta na lamang dumarating sa di-sakdal na mga indibiduwal. Kaya naman, sinabi ni Pedro na dapat ‘hanapin [ng bawat Kristiyano] ang kapayapaan at itaguyod iyon.’ (1 Pedro 3:11) Paano natin magagawa iyan? Isang sinaunang hula ang nagtuturo sa sagot. Sa pagsasalita sa pamamagitan ni Isaias, sinabi ni Jehova: “Ang lahat ng iyong mga anak ay magiging mga taong naturuan ni Jehova, at ang kapayapaan ng iyong mga anak ay sasagana.” (Isaias 54:13; Filipos 4:9) Oo, ang tunay na kapayapaan ay dumarating sa mga nakikinig sa mga itinuturo ni Jehova. Karagdagan pa, ang kapayapaan, kalakip ng “pag-ibig, kagalakan, . . . mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili,” ay mga bunga ng banal na espiritu ng Diyos. (Galacia 5:22, 23) Hindi ito maaaring tamasahin ng isa na di-maibigin, di-maligaya, mainipin, di-mabait, masama, di-matapat, mabangis, o walang pagpipigil sa sarili.
‘Makipagpayapaan sa Lahat ng Tao’
5, 6. (a) Ano ang pagkakaiba ng pagiging mapayapa at pagiging mapagpayapa? (b) Kanino dapat magsikap ang mga Kristiyano na makipagpayapaan?
5 Ang kapayapaan ay binigyang-kahulugan bilang isang kalagayan ng kapanatagan o katahimikan. Ang gayong pagpapakahulugan ay sasaklaw sa maraming situwasyon kung saan walang alitan. Aba, maging ang isang patay na tao ay payapa! Gayunman, upang magtamasa ng tunay na kapayapaan, higit pa sa pagkakaroon ng mapayapang saloobin ang kailangan ng isa. Sa kaniyang Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mga mapagpayapa, yamang sila ay tatawaging ‘mga anak ng Diyos.’ ” (Mateo 5:9) Si Jesus ay nakikipag-usap noon sa mga indibiduwal na sa kalaunan ay magkakaroon ng pagkakataong maging espirituwal na mga anak ng Diyos at tumanggap ng imortal na buhay sa langit. (Juan 1:12; Roma 8:14-17) At sa dakong huli, ang lahat ng tapat na sangkatauhan na walang makalangit na pag-asa ay magtatamasa ng “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Roma 8:21) Tanging ang mapagpayapa ang maaaring magkaroon ng gayong pag-asa. Ang salitang Griego para sa “mapagpayapa” ay literal na nangangahulugang “mga tagapamayapa.” Kadalasa’y may pagkakaiba ang pagiging mapayapa (peaceful)—nasa kapayapaan (at peace)—at pagiging mapagpayapa (peaceable). Ang pagiging mapagpayapa ayon sa diwa ng Bibliya ay nagpapahiwatig ng aktibong pagtataguyod ng kapayapaan, anupat kung minsan ay nakikipagpayapaan kung saan wala ito dati.
6 Taglay ito sa isipan, isaalang-alang ang payo ni apostol Pablo sa mga taga-Roma: “Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.” (Roma 12:18) Hindi sinasabi ni Pablo sa mga taga-Roma na basta lamang maging panatag, bagaman makatutulong iyon. Pinasisigla niya sila na makipagpayapaan. Kanino? Sa “lahat ng tao”—mga kapamilya, kapananampalataya, maging sa mga hindi nila kapananampalataya. Pinasigla niya ang mga taga-Roma na makipagpayapaan sa iba ‘hangga’t nakasalalay iyon sa kanila.’ Hindi naman niya nais na ikompromiso nila ang kanilang mga paniniwala alang-alang sa kapayapaan. Sa halip na galitin nang di-kinakailangan ang iba, dapat na lapitan nila ang mga ito taglay ang mapayapang layunin. Dapat na gayon ang gawin ng mga Kristiyano sila man ay nakikitungo sa mga nasa loob o nasa labas ng kongregasyon. (Galacia 6:10) Kasuwato nito, sumulat si Pablo: “Laging itaguyod kung ano ang mabuti sa isa’t isa at sa lahat ng iba pa.”—1 Tesalonica 5:15.
7, 8. Paano at bakit nakikipagpayapaan ang mga Kristiyano sa mga hindi nila kapananampalataya?
7 Paano tayo makikipagpayapaan sa mga hindi natin kapananampalataya at maaari pa ngang sumasalansang sa mga paniniwala natin? Ang isang paraan ay iwasan natin ang mag-astang nakatataas. Halimbawa, hindi pagiging mapagpayapa ang tukuyin ang mga espesipikong indibiduwal sa pamamagitan ng mapanghamak na mga bansag. Isiniwalat ni Jehova ang kaniyang paghatol laban sa mga organisasyon at mga pangkat, ngunit wala tayong karapatan na magsalita tungkol sa sinumang indibiduwal na para bang siya’y nahatulan na. Ang totoo, hindi natin hinahatulan ang iba, maging ang mga sumalansang sa atin. Matapos sabihin kay Tito na payuhan ang mga Kristiyano sa Creta tungkol sa kanilang pakikitungo sa mga taong may awtoridad, sinabi ni Pablo na paalalahanan sila na “huwag magsalita nang nakapipinsala tungkol sa kaninuman, huwag maging palaaway, maging makatuwiran, nagpapakita ng buong kahinahunan sa lahat ng tao.”—Tito 3:1, 2.
8 Ang pagiging mapagpayapa sa mga hindi natin kapananampalataya ay lubhang nakatutulong upang maiharap natin ang katotohanan sa kanila. Sabihin pa, hindi natin nililinang ang mga pakikipagkaibigan na “sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Corinto 15:33) Gayunman, maaari tayong maging mapitagan, at dapat nating pakitunguhan ang lahat ng tao nang may dignidad at makataong kabaitan. Sumulat si Pedro: “Panatilihing mainam ang inyong paggawi sa gitna ng mga bansa, upang, sa bagay na sinasalita nila laban sa inyo na gaya ng mga manggagawa ng kasamaan, luwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagsisiyasat bilang resulta ng inyong maiinam na gawa na dito sila ay mga saksi.”—1 Pedro 2:12.
Mapagpayapa sa Ministeryo
9, 10. Anong halimbawa ng mapagpayapang pakikitungo sa mga di-sumasampalataya ang ipinakita ni apostol Pablo?
9 Ang mga Kristiyano noong unang siglo ay kilalá sa kanilang katapangan. Hindi nila pinagaan ang kanilang mensahe, at kapag napaharap sa pagsalansang, determinado silang sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao. (Gawa 4:29; 5:29) Sa kabila nito, hindi nila ipinagkakamali na katapangan ang kagaspangan. Isaalang-alang ang paglapit ni Pablo nang ipagtanggol niya ang kaniyang pananampalataya sa harap ni Haring Herodes Agripa II. Si Herodes Agripa ay may insestong relasyon sa kaniyang kapatid na babae, si Bernice. Gayunman, hindi nilayon ni Pablo na pangaralan si Agripa tungkol sa moral. Sa halip, idiniin niya ang mga punto na nagkakasundo sila, anupat pinapupurihan si Agripa sa pagiging isang dalubhasa sa mga kaugaliang Judio at pagiging isang mananampalataya sa mga propeta.—Gawa 26:2, 3, 27.
10 Labis bang naging mapamuri si Pablo sa taong makapagkakaloob sa kaniya ng kalayaan? Hindi. Sinunod ni Pablo ang kaniyang sariling payo at nagsalita ng katotohanan. Wala siyang sinabi kay Herodes Agripa na kasinungalingan. (Efeso 4:15) Ngunit si Pablo ay isang tagapamayapa at alam niya kung paano maging “lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao.” (1 Corinto 9:22) Ang kaniyang tunguhin ay ang ipagtanggol ang kaniyang karapatang mangaral tungkol kay Jesus. Bilang isang mahusay na guro, nagsimula siya sa pamamagitan ng pagbanggit sa isang bagay na mapagkakasunduan nila ni Agripa. Sa gayo’y natulungan ni Pablo ang imoral na haring iyon na magkaroon ng kaayaayang pananaw sa Kristiyanismo.—Gawa 26:28-31.
11. Paano tayo magiging mga tagapamayapa sa ating ministeryo?
11 Paano tayo magiging mga tagapamayapa sa ating ministeryo? Tulad ni Pablo, dapat nating iwasan ang mga pakikipagtalo. Totoo, kung minsan ay kailangan nating “salitain ang salita ng Diyos nang walang takot,” na buong-katapangang ipinagtatanggol ang ating pananampalataya. (Filipos 1:14) Ngunit kadalasan, ang ating pangunahing tunguhin ay maipangaral ang mabuting balita. (Mateo 24:14) Kung makikita ng isang tao ang katotohanan tungkol sa mga layunin ng Diyos, maaari na niyang simulang alisin ang huwad na mga relihiyosong ideya at linisin ang kaniyang sarili mula sa maruruming gawain. Kung gayon, mas mabuting idiin hangga’t maaari ang mga bagay na makaaakit sa ating mga tagapakinig, anupat nagsisimula sa mga bagay na nagkakasundo tayo. Hindi magiging mabunga na galitin ang isang tao na maaaring makinig sa ating mensahe kung mataktika itong lalapitan.—2 Corinto 6:3.
Mga Tagapamayapa sa Pamilya
12. Sa anu-anong paraan maaari tayong maging mga tagapamayapa sa pamilya?
12 Sinabi ni Pablo na yaong mga nag-aasawa “ay magkakaroon ng kapighatian sa kanilang laman.” (1 Corinto 7:28) Iba’t ibang hirap ang mararanasan. Ang isa rito, magkakaroon ng di-pagkakaunawaan ang ilang mag-asawa paminsan-minsan. Paano dapat harapin ang mga ito? Sa isang mapagpayapang paraan. Ang isang tagapamayapa ay magsisikap na pigilin ang paglalâ ng isang alitan. Paano? Una, sa pamamagitan ng pagbabantay sa dila. Kapag ginamit ito upang gumawa ng mapanlait at mapang-insultong mga pananalita, ang maliit na sangkap na ito ay talagang maaaring maging “isang di-masupil at nakapipinsalang bagay, . . . punô ng nakamamatay na lason.” (Santiago 3:8) Ginagamit ng isang tagapamayapa ang kaniyang dila upang magpatibay sa halip na manira.—Kawikaan 12:18.
13, 14. Paano natin mapananatili ang kapayapaan kapag nagkamali tayo sa pagsasalita o kapag nagpupuyos ang ating damdamin?
13 Palibhasa’y di-sakdal, lahat tayo ay nagkapagsasalita paminsan-minsan ng mga bagay na pinagsisisihan natin sa dakong huli. Kapag nangyari ito, maging mabilis na makipag-ayos—makipagpayapaan. (Kawikaan 19:11; Colosas 3:13) Iwasang maipit sa “mga debate tungkol sa mga salita” at “mararahas na pagtatalo tungkol sa maliliit na bagay.” (1 Timoteo 6:4, 5) Sa halip, tingnan ang nasa likod ng mga bagay-bagay at sikaping unawain ang damdamin ng iyong kabiyak. Kung pagsalitaan ka ng masasakit na salita, huwag gumanti. Tandaan na “ang sagot, kapag mahinahon, ay pumapawi ng pagngangalit.”—Kawikaan 15:1.
14 Kung minsan, baka kailangan mong isaalang-alang ang payo ng Kawikaan 17:14: “Bago sumiklab ang away, umalis ka na.” Umatras sa mainit na situwasyong iyon. Pagkatapos nito, kapag ang mga damdamin ay humupa na, malamang na malulutas na ninyo ang suliranin sa mapayapang paraan. Sa ilang kalagayan, baka makabubuting humingi ng tulong sa isang may-gulang na Kristiyanong tagapangasiwa. Ang gayong makaranasan at madamaying mga lalaki ay maaaring maging nakagiginhawang tulong kapag nanganganib ang kapayapaan ng mag-asawa.—Isaias 32:1, 2.
Mga Tagapamayapa sa Kongregasyon
15. Ayon kay Santiago, anong masamang espiritu ang nabuo sa gitna ng ilang Kristiyano, at bakit ang espiritung iyon ay “makalupa,” “makahayop,” at “makademonyo”?
15 Nakalulungkot, ang ilang Kristiyano noong unang siglo ay nagpakita ng espiritu ng paninibugho at hilig na makipagtalo—ang mismong kabaligtaran ng kapayapaan. Sinabi ni Santiago: “Hindi ito ang karunungan na bumababa mula sa itaas, kundi yaong makalupa, makahayop, makademonyo. Sapagkat kung saan may paninibugho at hilig na makipagtalo, naroon ang kaguluhan at bawat buktot na bagay.” (Santiago 3:14-16) Naniniwala ang ilan na ang salitang Griego na isinaling “hilig na makipagtalo” ay nagpapahiwatig ng mapag-imbot na ambisyon, isang pakikipag-agawan sa posisyon. May mabuting dahilan kung bakit binansagan ito ni Santiago na “makalupa, makahayop, makademonyo.” Sa buong kasaysayan, ang mga tagapamahala sa daigdig ay nagpamalas ng hilig na makipagtalo, na gaya ng mababangis na hayop na naglalaban-laban. Ang hilig na makipagtalo ay talagang “makalupa” at “makahayop.” Ito rin ay “makademonyo.” Ang mapanlinlang na katangiang ito ay unang ipinakita ng gutom-sa-kapangyarihan na anghel na naghimagsik laban sa Diyos na Jehova at naging Satanas, ang tagapamahala ng mga demonyo.
16. Paano ipinakita ng ilang Kristiyano noong unang siglo ang espiritu na katulad ng kay Satanas?
16 Hinimok ni Santiago ang mga Kristiyano na labanan ang pagkakaroon ng hilig na makipagtalo, sapagkat ito ay humahadlang sa kapayapaan. Sumulat siya: “Ano ang pinagmumulan ng mga digmaan at ano ang pinagmumulan ng mga pag-aaway sa gitna ninyo? Hindi ba ang mga iyon ay nagmumula rito, samakatuwid nga, mula sa inyong mga pagnanasa sa kaluguran ng laman na nakikipagbaka sa inyong mga sangkap?” (Santiago 4:1) Dito, ang “pagnanasa sa kaluguran ng laman” ay maaaring tumukoy sa sakim na paghahangad sa materyal na mga bagay o sa pagnanasa sa katanyagan, kapangyarihan, o impluwensiya. Tulad ni Satanas, ang ilan na nasa mga kongregasyon ay malamang na nagnais maging tanyag sa halip na maging “nakabababa,” na siyang sinabi ni Jesus na dapat igawi ng kaniyang tunay na mga tagasunod. (Lucas 9:48) Ang gayong espiritu ay makapag-aalis ng kapayapaan sa kongregasyon.
17. Paano maaaring maging mga tagapamayapa sa kongregasyon ang mga Kristiyano sa ngayon?
17 Sa ngayon, dapat din nating labanan ang hilig sa materyalismo, paninibugho, o walang-kabuluhang ambisyon. Kung tayo’y tunay na mga tagapamayapa, hindi tayo mababahala kung ang ilan sa kongregasyon ay mas dalubhasa kaysa sa atin sa ilang gawain, ni sisiraan natin sila sa pangmalas ng iba sa pamamagitan ng pagkuwestiyon sa kanilang mga motibo. Kung nagtataglay tayo ng isang kapansin-pansing kakayahan, hindi natin gagamitin ito upang magtinging nakahihigit sa iba, na para bang ipinahihiwatig natin na ang kongregasyon ay uunlad lamang dahil sa ating kahusayan at kadalubhasaan. Ang gayong espiritu ay magdudulot ng pagkakabaha-bahagi; hindi ito magdudulot ng kapayapaan. Hindi ipinagyayabang ng mga tagapamayapa ang kanilang mga talento, kundi may kahinhinang ginagamit nila ang mga ito upang paglingkuran ang kanilang mga kapatid at magdulot ng karangalan kay Jehova. Natatanto nila na sa dakong huli, pag-ibig—hindi abilidad—ang pagkakakilanlan ng isang tunay na Kristiyano.—Juan 13:35; 1 Corinto 13:1-3.
“Kapayapaan Bilang Iyong mga Tagapangasiwa”
18. Paano itinataguyod ng matatanda ang kapayapaan sa gitna nila?
18 Ang matatanda sa kongregasyon ang nangunguna sa pagiging mga tagapamayapa. Humula si Jehova tungkol sa kaniyang bayan: “Aatasan ko ang kapayapaan bilang iyong mga tagapangasiwa at ang katuwiran bilang iyong mga tagapagbigay-atas.” (Isaias 60:17) Kasuwato ng makahulang mga salitang ito, yaong mga naglilingkod bilang mga Kristiyanong pastol ay nagsisikap na itaguyod ang kapayapaan sa gitna nila at sa gitna ng kawan. Mapananatili ng matatanda ang kapayapaan sa gitna nila sa pamamagitan ng pagpapakita ng mapagpayapa at makatuwirang “karunungan mula sa itaas.” (Santiago 3:17) Dahil sa kanilang iba’t ibang pinagmulan at mga karanasan sa buhay, ang matatanda sa kongregasyon ay magkakaroon kung minsan ng iba’t ibang pangmalas. Nangangahulugan ba ito na wala silang kapayapaan? Hindi nga, kung ang gayong situwasyon ay wastong mapapangasiwaan. May kahinhinang ipinahahayag ng mga tagapamayapa ang kanilang mga kaisipan at pagkatapos ay magalang na nakikinig sa kaisipan ng iba. Sa halip na ipilit ang kaniyang sariling opinyon, may pananalanging isasaalang-alang ng isang tagapamayapa ang pangmalas ng kaniyang kapatid. Kung walang simulain sa Bibliya ang nalalabag, kadalasang may lugar para sa iba’t ibang pangmalas. Kapag hindi sang-ayon ang iba sa kaniya, ang isang tagapamayapa ay magbibigay-daan at susuporta sa pasiya ng nakararami. Sa gayo’y maipakikita niya na siya ay makatuwiran. (1 Timoteo 3:2, 3) Alam ng makaranasang mga tagapangasiwa na ang pagpapanatili ng kapayapaan ay mas mahalaga kaysa sa masunod ang opinyon ng isa.
19. Paano kumikilos ang matatanda bilang mga tagapamayapa sa loob ng kongregasyon?
19 Itinataguyod ng matatanda ang kapayapaan sa mga miyembro ng kawan sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila at sa pamamagitan ng pagiging di-labis na mapamuna sa kanilang mga pagsisikap. Totoo, kung minsan ay baka kailangang ibalik sa ayos ang ilan. (Galacia 6:1) Ngunit ang pangunahing gawain ng Kristiyanong tagapangasiwa ay hindi ang magpataw ng disiplina. Madalas siyang nagbibigay ng komendasyon. Sinisikap ng maibiging matatanda na makita ang mabubuting katangian ng iba. Pinahahalagahan ng mga tagapangasiwa ang pagpapagal ng mga kapuwa Kristiyano, at may tiwala sila na ginagawa ng kanilang mga kapananampalataya ang kanilang buong makakaya.—2 Corinto 2:3, 4.
20. Sa anong paraan nakikinabang ang kongregasyon kung ang lahat ay mga tagapamayapa?
20 Kaya naman, sa pamilya, sa kongregasyon, at sa pakikitungo sa mga hindi natin kapananampalataya, sinisikap nating maging mapagpayapa at magkaroon ng kapayapaan. Kung masikap nating lilinangin ang kapayapaan, makatutulong tayo sa kaligayahan ng kongregasyon. Kasabay nito, maipagsasanggalang at mapatitibay tayo sa maraming paraan, gaya ng makikita natin sa susunod na artikulo.
Natatandaan Mo Ba?
• Ano ang kahulugan ng pagiging mapagpayapa?
• Paano tayo maaaring maging mapagpayapa kapag nakikitungo sa mga di-Saksi?
• Ano ang ilang paraan ng paglinang sa kapayapaan ng pamilya?
• Paano maitataguyod ng matatanda ang kapayapaan sa loob ng kongregasyon?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 9]
Iniiwasan ng mga tagapamayapa na mag-astang nakatataas
[Mga larawan sa pahina 10]
Ang mga Kristiyano ay mga tagapamayapa sa ministeryo, sa tahanan, at sa kongregasyon