Maging Mapagpasalamat at Maging Maligaya
Maging Mapagpasalamat at Maging Maligaya
“ANG tugon ng pasasalamat ay isang mahalagang karanasan ng tao,” ang sabi ng Calgary Herald, isang pahayagan sa Canada. Sinipi ng Herald ang ilang siyam-na-taóng-gulang na mga estudyante sa elementarya na hinilingan ng kanilang guro na sumulat ng tungkol sa lahat ng bagay na kanilang ipinagpapasalamat. Isang kabataan ang nagsabi na siya ay nagpapasalamat sa kaniyang pamilya ‘sapagkat inaruga nila siya.’ Isang kabataang babae rin ang nagpapasalamat sa kaniyang pamilya, na sinasabi: “Pinananatili nila akong ligtas, malusog, inaaruga ako, minamahal ako, pinakakain ako, at kung hindi dahil sa aking mga magulang, wala ako sa daigdig na ito.”
Ang pagiging di-mapagpasalamat ay nagdudulot ng namamalaging kawalan ng kasiyahan. Ayon sa pilosopo at teologo na si J. I. Packer, “tayo ay ginawa upang mabuhay na umaasa sa Diyos at sa isa’t isa.” Ipinaaalaala nito sa atin ang matalinong payo ng Bibliya maraming siglo na ang nakalilipas, na nagsasabi: “Ipakita ninyong kayo ay mapagpasalamat.” (Colosas 3:15) Ang mga kapahayagan ng pasasalamat at taos-pusong pagpapahalaga sa iba ay tumutulong upang malinang ang mapagmalasakit na mga ugnayan.
Bukod dito, sa pamamagitan ng pagpapasalamat at pagpapahalaga sa isa’t isa, ipinakikita rin natin na tayo’y mapagpasalamat kay Jehova, at nakikita niya ito. Sinasabi ng Bibliya: ‘Ang mga mata [ni Jehova] ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.’ (2 Cronica 16:9) Tinitiyak sa atin ng Diyos na kaniyang naaalaala at pinahahalagahan ang pag-ibig na ipinakikita ng mga tao para sa kaniyang pangalan. (Hebreo 6:10) Oo, may mabuti tayong dahilan upang maging mapagpasalamat dahil ang makadiyos na kagalingang ito, kapag ipinakikita araw-araw, ay nakalulugod kay Jehova at nakadaragdag sa ating kaligayahan. Ito ay gaya ng sinasabi ng Kawikaan 15:13: “Ang masayang puso ay may mabuting epekto sa mukha.”