Mayroon Bang Diyablo?
Mayroon Bang Diyablo?
“May panahon sa kasaysayan ng Simbahang Kristiyano nang ang diyablo, si Beelzebub o Satanas, ang hari ng kasamaan, ay isang tunay at makapangyarihang persona gaya rin ng turing sa ‘Diyos’ ng umuunting bilang ng mga tao sa ngayon; inimbento ng mga Judio at ng sinaunang mga Kristiyano upang bigyang kahulugan ang kalahating-tao at kalahating-hayop na anyo ng kabalakyutang nakita nila sa kanilang paligid. Nang maglaon, natanto ng mga Kristiyano na ito ay isang maalamat na persona na sa katunayan ay walang saligan at tahimik nila itong iwinaksi.”—“All in the Mind—A Farewell to God,” ni Ludovic Kennedy.
GAYA ng sinabi ng manunulat at brodkaster na si Ludovic Kennedy, sa loob ng maraming siglo ay walang sinuman sa Sangkakristiyanuhan ang nag-alinlangan sa pagiging tunay ng Diyablo. Sa halip, may mga panahon na ang mga Kristiyano ay “nahumaling sa kapangyarihan ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo,” gaya ng pagkakasabi ni Propesor Norman Cohn. (Europe’s Inner Demons) Ang pagkahumaling na ito ay hindi lamang limitado sa mga hamak at walang pinag-aralang magsasaka. Halimbawa, ang paniniwalang nagkatawang-hayop ang Diyablo upang pangasiwaan ang masasama at mahahalay na ritwal ay “hindi nagmula sa kuwentong-bayan ng mga nakararaming di-marunong bumasa at sumulat, kundi sa kabaligtaran, sa pananaw sa daigdig ng natatanging grupo ng mga intelektuwal,” ang sabi ni Propesor Cohn. Ang “natatanging grupo ng mga intelektuwal” na ito—pati na ang mga edukadong klerigo—ang may kagagawan sa paghahanap sa mga mangkukulam na lumaganap sa buong Europa mula noong ika-15 hanggang ika-17 siglo, nang ang mga awtoridad ng simbahan at ng bayan ay sinasabing nagpahirap at pumatay ng mga 50,000 pinagbintangang mga mangkukulam.
Hindi nga nakapagtataka, tinanggihan ng marami ang itinuturing nilang labis-labis at mapamahiing mga palagay hinggil sa Diyablo. Maging noong 1726, tinuya ni Daniel Defoe ang paniniwala ng mga tao na ang Diyablo ay isang nakapangingilabot na halimaw na “may mga pakpak ng paniki, mga sungay, paa na may biyak sa gitna, mahabang buntot, nagsangang dila, at ang katulad na mga katangian.” Ang gayong mga ideya, ang sabi niya, ay “mababaw at kakatwang kathang-isip” na gawa-gawa ng “mga tagapagtaguyod ng diyablong may anyong halimaw at mga umimbento sa ganitong uri ng diyablo” na “luminlang sa walang-muwang na daigdig sa pamamagitan ng isang diyablo na kanilang inimbento.”
Ganiyan ba ang iyong pangmalas? Sumasang-ayon ka ba na “ang diyablo sa katunayan ay imbensiyon ng tao upang may umako sa kaniyang sariling pagkamakasalanan”? Ang pananalitang iyan ay lumilitaw sa The Zondervan Pictorial Encyclopedia of the Bible, at maraming nag-aangking Kristiyano ang nag-iisip nang ganiyan. Ang mga teologo ng
Sangkakristiyanuhan, sabi ni Jeffrey Burton Russell, sa kalakhan ay “nagturing sa Diyablo at sa mga demonyo bilang mga bakas ng pamahiin.”Gayunman, para sa ilang tao, ang Diyablo ay tunay na tunay. Nangangatuwiran sila na may isang nakahihigit-sa-tao at mapaminsalang puwersa na nasa likod ng paulit-ulit na mga kasamaan na laganap sa kasaysayan ng tao. “Ang mga naganap na kakilabutan sa ikadalawampung siglo,” ang sabi ni Russell, ay naglalaan ng isang dahilan kung bakit “ang paniniwala sa Diyablo ay mabilis na bumabalik pagkatapos ng matagal na panahon.” Ayon sa awtor na si Don Lewis, ang ilang makabago at edukadong mga tao na “napapangising sumasang-ayon” sa mga mapamahiing paniniwala at takot ng “kanilang mangmang na mga ninuno” ay “muling nabibighani sa masamang elemento ng sobrenatural.”—Religious Superstition Through the Ages.
Kung gayon, ano ba talaga ang totoo? Ang Diyablo ba ay isang walang kabuluhang pamahiin lamang? O siya ba’y dapat na seryosohin maging sa ika-21 siglong ito?
[Larawan sa pahina 4]
Gaya ng ipinakikita sa lilok na ito ni Gustave Doré, ang Diyablo ay inilalarawan ng matatandang pamahiin bilang kalahating tao at kalahating hayop
[Credit Line]
The Judecca—Lucifer/The Doré Illustrations For Dante’s Divine Comedy/Dover Publications Inc.