Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sumisikat ang Espirituwal na Liwanag sa Gitnang Silangan

Sumisikat ang Espirituwal na Liwanag sa Gitnang Silangan

Sumisikat ang Espirituwal na Liwanag sa Gitnang Silangan

AYON SA SALAYSAY NI NAJIB SALEM

Noong unang siglo C.E., ang liwanag ng Salita ng Diyos ay sumikat mula sa Gitnang Silangan at umabot sa malalayong sulok ng lupa. Sa ika-20 siglo, ang liwanag na iyon ay bumalik upang minsan pang bigyang-liwanag ang bahaging iyon ng daigdig. Hayaan ninyong isalaysay ko sa inyo kung paano iyon naganap.

AKO ay isinilang noong 1913 sa bayan ng Amioun, sa hilagang Lebanon. Iyon ang huling taon na medyo may katatagan at katahimikan sa daigdig, sapagkat sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I nang sumunod na taon. Nang matapos ang digmaan noong 1918, ang Lebanon, na kilala noon bilang perlas ng Gitnang Silangan, ay lubhang salat kapuwa sa kabuhayan at sa pulitika.

Noong 1920, nang magsimulang muli ang serbisyo ng koreo sa Lebanon, natanggap ang mga liham mula sa mga taga-Lebanon na nanirahan sa ibang bansa. Kabilang sa mga ito ang aking mga tiyuhin na sina Abdullah at George Ghantous. Sumulat sila sa kanilang ama, si Habib Ghantous, ang lolo ko, anupat ibinabalita sa kaniya ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Kahit ang pagkukuwento lamang sa kaniyang mga kababayan hinggil sa nilalaman ng mga liham ng kaniyang mga anak ay naging dahilan na upang tuyain ang aking lolo. Ipinagkalat ng mga taong-bayan ang tsismis na hinihikayat ng mga anak ni Habib ang kanilang ama na ibenta ang kaniyang lupa, bumili ng buriko, at humayo upang mangaral.

Maagang Paglaganap ng Liwanag

Nang sumunod na taon, 1921, si Michel Aboud, na naninirahan sa Brooklyn, New York, E.U.A., ay bumalik sa Tripoli, Lebanon. Siya’y naging isang Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Bagaman ang karamihan sa mga kaibigan at mga kamag-anak ni Brother Aboud ay hindi tumugon sa mensahe ng Bibliya, dalawang kilaláng tao ang tumugon, isang propesor, si Ibrahim Atiyeh, at isang dentista, si Hanna Shammas. Sa katunayan, ipinagamit ni Dr. Shammas ang kaniyang bahay at klinika para sa mga Kristiyanong pagpupulong.

Bata pa ako noon nang dumalaw sina Brother Aboud at Brother Shammas sa Amioun, kung saan ako nakatira. Lubhang nakaantig sa akin ang pagdalaw nila, at nagsimula akong sumama kay Brother Aboud sa gawaing pangangaral. Sa loob ng 40 taon, kaming dalawa ay regular na magkasama sa ministeryo, hanggang sa mamatay si Brother Aboud noong 1963.

Sa pagitan ng 1922 at 1925, ang liwanag ng katotohanan sa Bibliya ay lumaganap nang malawakan sa maraming nayon sa hilagang bahagi ng Lebanon. Mga 20 hanggang 30 katao ang nagtitipon upang talakayin ang Bibliya sa mga pribadong tahanan, gaya ng bahay namin sa Amioun. Inutusan ng klero ang mga bata na kalampagin ang mga lata at sumigaw at tumili sa pagsisikap na guluhin ang aming mga pulong, kaya kung minsan ay nagtitipun-tipon kami sa kagubatan ng pino.

Nang ako ay bata pa, ang aking sigasig sa ministeryo​—at sa pagdalo sa bawat Kristiyanong pagpupulong​—ay naging dahilan upang bansagan akong Timoteo. Inutusan ako ng direktor ng paaralan na huminto sa pagdalo sa tinawag niyang “mga pulong na iyon.” Nang ako ay tumanggi, pinatalsik ako sa paaralan.

Pangangaral sa mga Lupain Noong Panahon ng Bibliya

Di-nagtagal pagkatapos ng aking bautismo noong 1933, nagsimula ako sa paglilingkurang payunir, gaya ng tawag ng mga Saksi ni Jehova sa buong-panahong ministeryo. Bagaman kaunti lamang ang bilang namin noon, hindi lamang kami nangaral sa karamihan ng mga nayon sa hilagang bahagi ng Lebanon kundi umabot din kami sa Beirut at sa mga lugar sa labas ng lunsod na ito at hanggang sa timog ng Lebanon. Noong mga sinaunang taon na iyon, kadalasa’y naglalakad kami o sumasakay sa buriko, gaya ng ginawa ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga tagasunod noong unang siglo.

Noong 1936, si Yousef Rahhal, isang Saksing taga-Lebanon na nanirahan sa Estados Unidos sa loob ng maraming taon, ay bumalik sa Lebanon para dumalaw. Nagdala siya ng kagamitan sa sound at dalawang ponograpo. Ikinabit namin ang kagamitan sa isang awtong 1931 Ford at naglakbay sa buong Lebanon at Syria, na dala-dala ang mensahe ng Kaharian sa liblib na mga lugar. Ang amplipayer ay maririnig sa layong mahigit na 10 kilometro. Umaakyat ang mga tao sa mga bubungan ng kanilang bahay upang marinig ang inilalarawan nila bilang mga tinig na nagmumula sa langit. Iniiwan ng mga nasa bukirin ang kanilang trabaho at lumalapit upang makinig.

Ang isa sa mga huling biyahe ko kasama si Yousef Rahhal ay patungo sa Aleppo, Syria, noong taglamig ng 1937. Bago siya bumalik sa Estados Unidos, naglakbay rin kami patungong Palestina. Doon ay dinalaw namin ang mga lunsod ng Haifa at Jerusalem, gayundin ang mga nayon sa bansa. Ang isa sa mga kausap namin ay si Ibrahim Shehadi, na nauna ko nang nakilala sa pamamagitan ng liham. Sumulong si Ibrahim sa kaalaman sa Bibliya hanggang sa punto na sa panahon ng aming pagdalaw, nagsimula siyang makibahagi kasama namin sa ministeryong pagbabahay-bahay.​—Gawa 20:20.

Sabik din akong makilala nang personal si Propesor Khalil Kobrossi, isang masigasig na Katoliko na nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng liham. Paano niya nakuha ang direksiyon ng mga Saksi sa Lebanon? Buweno, sa isang tindahan sa Haifa, binalot ng tindero ang ilan sa mga groseri ni Khalil sa papel na pinilas mula sa isa sa mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova. Nasa papel na iyon ang aming direksiyon. Naging kasiya-siya ang pagdalaw naming magkasama, at nang maglaon, noong 1939, dumalaw siya sa Tripoli upang magpabautismo.

Noong 1937, si Petros Lagakos at ang kaniyang asawa ay dumating sa Tripoli. Nang sumunod na ilang taon, sinaklaw naming tatlo ang kalakhang bahagi ng Lebanon at Syria, anupat dinadalaw ang mga tao sa kanilang mga tahanan taglay ang mensahe ng Kaharian. Nang mamatay si Brother Lagakos noong 1943, nadala na ng mga Saksi ang espirituwal na liwanag sa karamihan ng mga lunsod at mga nayon sa Lebanon, Syria, at Palestina. Kung minsan, mga 30 sa amin ang nagsisimula nang sing-aga ng 3:00 n.u. na sakay ng kotse o bus upang marating ang liblib na mga lugar.

Noong 1940, isinalin ni Ibrahim Atiyeh ang The Watchtower sa Arabe. Pagkatapos, gagawa ako ng apat na sulat-kamay na kopya ng magasin at ipinadadala ang mga ito sa mga Saksi sa Palestina, Syria, at Ehipto. Nang mga panahong iyon noong Digmaang Pandaigdig II, napakatindi ng pagsalansang sa aming pangangaral, ngunit ipinagpatuloy namin ang pakikipag-ugnayan sa lahat ng umiibig sa katotohanan sa Bibliya sa Gitnang Silangan. Personal akong gumuhit ng mga mapa ng mga lunsod at nakapalibot na mga nayon, at tiniyak naming mapaabutan sila ng mabuting balita.

Noong 1944, samantalang nasa kasagsagan ang Digmaang Pandaigdig II, pinakasalan ko si Evelyn, ang anak ng kasama kong payunir na si Michel Aboud. Nang maglaon ay nagkaroon kami ng tatlong anak, isang babae at dalawang lalaki.

Paggawang Kasama ng mga Misyonero

Di-nagtagal pagkatapos ng digmaan, dumating sa Lebanon ang unang mga nagsipagtapos sa Gilead School para sa mga misyonero. Bunga nito, ang unang kongregasyon sa Lebanon ay naitatag, at ako ang nahirang na company servant. Pagkatapos, noong 1947, dumalaw sa Lebanon si Nathan H. Knorr at ang kaniyang kalihim, si Milton G. Henschel, at naglaan ng lubhang kinakailangang pampatibay-loob sa mga kapatid. Di-nagtagal at dumating ang mas maraming misyonero, at malaking tulong sila sa amin sa pag-oorganisa sa aming ministeryo at sa pagdaraos ng mga pulong sa kongregasyon.

Sa isa sa mga paglalakbay namin sa isang liblib na lugar sa Syria, napaharap kami sa pagsalansang ng isang obispo roon. Inakusahan niya kami ng pamamahagi ng tinatawag niyang mga publikasyong Zionista. Kakatwa naman, bago ang 1948 ay madalas kaming bansagan ng mga klero bilang “mga Komunista.” Sa pagkakataong ito, kami ay inaresto at pinagtatanong sa loob ng dalawang oras, na sa panahong iyon naibigay ang isang mahusay na patotoo.

Nang dakong huli, ang hukom na duminig sa kaso ay nagpahayag: “Bagaman isinusumpa ko ang balbas [isang salitang patalinghaga na tumutukoy sa obispo] na nagparatang laban sa inyo, dapat kong pasalamatan ito sa pagbibigay sa akin ng pagkakataong ito na makilala kayo at malaman ang inyong mga turo.” Pagkatapos ay humingi siya ng paumanhin sa pagkaabala sa amin.

Habang patungo sa Beirut sakay ng bus pagkalipas ng sampung taon, nakipag-usap ako sa isang lalaking katabi ko sa upuan, isang inhinyero sa agrikultura. Pagkatapos ng ilang minutong pakikinig sa aming paniniwala, sinabi niyang nakarinig na siya ng katulad na pahayag mula sa isang kaibigan sa Syria. Sino ang kaibigan niya? Ang hukom na duminig sa aming kaso sampung taon na noon ang nakalilipas!

Noong dekada ng 1950, dinalaw ko ang mga Saksi sa Iraq at nakibahagi sa pagpapatotoo sa bahay-bahay kasama nila. Naglakbay rin ako ng maraming beses sa Jordan at sa West Bank. Noong 1951, isa ako sa grupo ng apat na Saksi na nagtungo sa Betlehem. Ipinagdiwang namin doon ang Hapunan ng Panginoon. Maaga nang araw na iyon, lahat niyaong naroroon para sa okasyon ay nagtungo sakay ng bus sa Ilog Jordan, kung saan 22 ang nabautismuhan bilang sagisag ng kanilang pag-aalay kay Jehova. Tuwing napapaharap kami sa pagsalansang sa lugar na iyon, sasabihin namin: “Pumarito kami upang sabihin sa inyo na isa sa inyong sariling katutubong anak ay magiging Hari sa buong lupa! Bakit kayo nagagalit? Dapat kayong magalak!”

Pangangaral sa Gitna ng mga Kahirapan

Ang mga tao sa Gitnang Silangan ay karaniwan nang mabuti ang kalooban, mapagpakumbaba, at mapagpatuloy. Marami ang nakikinig sa mensahe ng Kaharian ng Diyos taglay ang interes. Tunay naman, wala nang mas makagiginhawa pa kaysa sa pagkaalam na di-magtatagal ang pangakong ito ng Bibliya ay matutupad na: “At ang Diyos mismo ay [sasakaniyang bayan]. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.”​—Apocalipsis 21:3, 4.

Nasumpungan ko na karamihan sa mga tao na sumasalansang sa aming gawain ay hindi talaga nakauunawa sa aming gawain at sa mensahe na aming dala. Napakalaki ng ginawa ng klero ng Sangkakristiyanuhan upang kami ay may-kamaliang maipakilala! Kaya naman, sa panahon ng digmaang sibil na nagsimula sa Lebanon noong 1975 at tumagal nang mahigit sa 15 taon, napaharap ang mga Saksi sa maraming kagipitan.

Minsan, nagdaraos ako ng isang pag-aaral sa Bibliya sa isang pamilya na dating mga palasimba. Ang kanilang mabuting pagsulong sa pag-aaral ng mga katotohanan sa Bibliya ay ikinagalit ng mga klero. Bunga nito, isang gabi ay inudyukan ng isang lokal na relihiyosong grupo ang mga miyembro nito na pasukin ang tindahan ng pamilya, at kanilang sinunog ang mga panindang nagkakahalaga ng di-kukulangin sa $10,000, U.S. Nang gabi ring iyon, dumating sila at dinukot ako. Gayunman, nagawa kong makipagkatuwiranan sa kanilang pinuno, anupat ipinaliwanag na kung sila’y talagang mga Kristiyano, hindi sana sila gagawi sa marahas na paraan. Nang magkagayon, iniutos niya na ihinto ang kotse at inutusan akong bumaba.

Sa isa pang pagkakataon, ako ay kinidnap ng apat na kalalakihan ng militia. Pagkatapos ng maraming pagbabanta, ang kanilang lider, na nagsasabing babarilin niya ako, ay biglang nagbago ng isip at pinakawalan ako. Dalawa sa mga lalaking ito ay nakabilanggo na ngayon dahil sa pagpatay at pagnanakaw, at ang dalawa pa ay binitay.

Ibang mga Pagkakataon Upang Magpatotoo

Lagi akong may pagkakataon na lumipad patungo sa iba’t ibang bansa. Minsan habang nakasakay ako sa eroplano mula sa Beirut patungong Estados Unidos, nakatabi ko si Charles Malek, isang dating ministro ng ugnayang panlabas ng Lebanon. Matama siyang nakinig, anupat pinahahalagahan ang bawat talatang binasa ko sa kaniya mula sa Bibliya. Sa wakas, sinabi niya na nag-aral siya sa isang paaralan sa Tripoli kung saan ang kaniyang guro ay si Ibrahim Atiyeh, ang lalaki na pinangaralan ng aking biyenan ng katotohanan sa Bibliya! Sinabi ni G. Malek na itinuro ni Ibrahim sa kaniya na igalang ang Bibliya.

Sa isa pang biyahe sa eroplano, nakatabi ko sa upuan ang isang kinatawan ng Palestina sa United Nations. Nagkaroon ako ng pagkakataon na sabihin sa kaniya ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Nang maglaon ay ipinakilala niya ako sa pamilya ng kaniyang kapatid na lalaki sa New York, at madalas ko silang dalawin doon. Mayroon din akong isang kamag-anak na nagtatrabaho sa gusali ng United Nations sa New York. Ang pagdalaw ko sa kaniyang opisina isang araw ay umabot ng tatlong oras, na sa panahong iyon ay nagawa kong magpatotoo sa kaniya hinggil sa Kaharian ng Diyos.

Ako’y 88 taóng gulang na ngayon, at nagagawa ko pa ring magkaroon ng aktibong bahagi sa pag-aasikaso ng mga pananagutan sa kongregasyon. Ang aking asawa, si Evelyn, ay naglilingkuran pa rin kay Jehova kasama ko. Napangasawa ng aming anak na babae ang isang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova, na naglilingkod ngayon bilang elder sa isang kongregasyon sa Beirut. Ang kanilang anak na babae ay isa ring Saksi. Ang aming bunsong anak na lalaki at ang kaniyang asawa ay mga Saksi, at ang kanilang anak na babae ay nasa katotohanan din. Kung tungkol sa panganay naming anak na lalaki, ang pananampalatayang Kristiyano ay naitimo sa kaniyang puso, at umaasa ako na darating ang panahon, magagawa rin niyang yakapin ito.

Noong 1933, ako ay hinirang na maglingkod bilang isang payunir​—ang kauna-unahan sa Gitnang Silangan. Wala na akong mas mabuting magagawa sa aking buhay kaysa sa paglingkuran si Jehova bilang isang payunir sa buong nakalipas na 68 taon. At ako ay determinado na patuloy na lumakad sa espirituwal na liwanag na inilalaan niya.

[Larawan sa pahina 23]

Si Najib noong 1935

[Larawan sa pahina 24]

Katabi ng isang “sound car” sa Bulubundukin ng Lebanon, 1940

[Mga larawan sa pahina 25]

Itaas pakanan mula sa kaliwang itaas: Najib, Evelyn, ang kanilang anak na babae, Brother Aboud at panganay na anak na lalaki ni Najib, 1952

Ibaba (harapang hanay): Sina Brother Shammas, Knorr, Aboud, at Henschel sa bahay ni Najib, sa Tripoli, 1952

[Larawan sa pahina 26]

Si Najib at ang kaniyang asawa, si Evelyn