Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aabot Kaya sa Iyo ang Pagpapala ni Jehova?

Aabot Kaya sa Iyo ang Pagpapala ni Jehova?

Aabot Kaya sa Iyo ang Pagpapala ni Jehova?

“Ang lahat ng mga pagpapalang ito ay darating sa iyo at aabot sa iyo, sapagkat patuloy kang nakikinig sa tinig ni Jehova na iyong Diyos.”​—DEUTERONOMIO 28:2.

1. Ano ang magtatakda kung ang mga Israelita ay tatanggap ng mga pagpapala o mga sumpa?

 NANG malapit nang matapos ang kanilang 40-taóng paglalakbay sa ilang, nagkampo ang mga Israelita sa Kapatagan ng Moab. Nasa harapan na nila ang Lupang Pangako. Isinulat na noon ni Moises ang aklat ng Deuteronomio, na naglalakip ng sunud-sunod na mga pagpapala at mga sumpa. Kung ang bayan ng Israel ay ‘patuloy na makikinig sa tinig ni Jehova’ sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniya, “aabot” sa kanila ang mga pagpapala. Inibig sila ni Jehova bilang kaniyang “pantanging pag-aari” at nais niyang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa kanila. Ngunit kung hindi sila patuloy na makikinig sa kaniya, tiyak na aabot sa kanila ang sumpa sa gayunding paraan.​—Deuteronomio 8:10-14; 26:18; 28:2, 15.

2. Ano ang kahulugan ng mga pandiwang Hebreo na isinaling ‘patuloy na nakikinig’ at “aabot” sa Deuteronomio 28:2?

2 Ang pandiwang Hebreo na isinaling ‘patuloy na nakikinig’ sa Deuteronomio 28:2 ay nangangahulugan ng patuluyang pagkilos. Ang bayan ni Jehova ay hindi lamang dapat makinig sa kaniya nang paminsan-minsan; sila’y dapat na patuloy na makinig sa lahat ng pagkakataon. Saka lamang aabot sa kanila ang mga pagpapala ng Diyos. Ang pandiwang Hebreo na isinaling “aabot” ay kinikilalang termino sa pangangaso na kadalasang nangangahulugan na “maabutan” o “maabot.”

3. Paano tayo magiging kagaya ni Josue, at bakit napakahalaga nito?

3 Pinili ng lider ng Israel na si Josue na makinig kay Jehova at sa gayo’y nakaranas siya ng mga pagpapala. Sinabi ni Josue: “Piliin ninyo ngayon para sa inyong sarili kung sino ang paglilingkuran ninyo . . . Kung para sa akin at sa aking sambahayan, maglilingkod kami kay Jehova.” Nang marinig iyon, ang bayan ay tumugon: “Malayong mangyari, sa ganang amin, na iwan si Jehova upang maglingkod sa ibang mga diyos.” (Josue 24:15, 16) Dahil sa mainam na saloobin ni Josue, kabilang siya sa iilan sa kaniyang salinlahi na nagkapribilehiyong makapasok sa Lupang Pangako. Sa ngayon, nakatayo tayo sa bukana ng lalong nakahihigit na Lupang Pangako​—isang paraisong lupa na kung saan ang mga pagpapalang di-hamak na mas sagana kaysa sa noong kaarawan ni Josue ay naghihintay sa lahat ng may pagsang-ayon ng Diyos. Aabot kaya sa iyo ang gayong mga pagpapala? Aabot ang mga ito kung patuloy kang makikinig kay Jehova. Upang mapatibay ang iyong pasiya na gawin ang gayon, isaalang-lang ang pambansang kasaysayan ng sinaunang Israel gayundin ang nakapagtuturong halimbawa ng mga indibiduwal.​—Roma 15:4.

Pagpapala o Sumpa?

4. Bilang sagot sa panalangin ni Solomon, ano ang ipinagkaloob sa kaniya ng Diyos, at ano ang dapat na madama natin sa gayong mga pagpapala?

4 Sa kalakhang bahagi ng paghahari ni Haring Solomon, ang mga Israelita ay tumanggap ng pambihirang mga pagpapala mula kay Jehova. Nagtamasa sila ng katiwasayan at maraming mabubuting bagay. (1 Hari 4:25) Naging bantog ang kayamanan ni Solomon, bagaman hindi materyal na mga kayamanan ang hiniling niya sa Diyos. Sa halip, nang bata pa siya at walang karanasan, nanalangin siya ukol sa isang masunuring puso​—isang kahilingan na ipinagkaloob ni Jehova sa kaniya sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng karunungan at kaunawaan. Ito ang nagpangyari kay Solomon na humatol nang wasto sa mga tao, anupat napag-uunawa ang pagkakaiba ng mabuti at masama. Bagaman binigyan din siya ng Diyos ng kayamanan at kaluwalhatian, bilang isang kabataan, lubhang pinahalagahan ni Solomon ang nakahihigit na halaga ng espirituwal na mga kayamanan. (1 Hari 3:9-13) Sagana man tayo o hindi sa materyal na paraan, kay laki ngang pasasalamat natin kung tinatamasa natin ang pagsang-ayon ni Jehova at mayaman tayo sa espirituwal!

5. Ano ang nangyari nang ang bayan ng Israel at Juda ay hindi patuloy na nakinig kay Jehova?

5 Hindi nagpakita ang mga Israelita ng pagpapahalaga sa pagpapala ni Jehova. Dahil hindi sila patuloy na nakinig sa kaniya, umabot sa kanila ang inihulang mga sumpa. Nagbunga ito ng pagkalupig sa kanila ng kanilang mga kaaway at pagkakatapon naman sa mga naninirahan sa Israel at Juda. (Deuteronomio 28:36; 2 Hari 17:22, 23; 2 Cronica 36:17-20) Natutuhan ba ng bayan ng Diyos mula sa gayong pagdurusa na ang mga pagpapalang mula sa Diyos ay aabot lamang sa mga patuloy na nakikinig kay Jehova? Ang nalabing mga Judio na bumalik sa kanilang bayang tinubuan noong 537 B.C.E. ay nagkaroon ng pagkakataon na ipakita kung sila ay nakapagtamo ng “pusong may karunungan” at kung nakita na nila noon ang pangangailangan na patuloy na makinig sa Diyos.​—Awit 90:12.

6. (a) Bakit isinugo ni Jehova sina Hagai at Zacarias upang humula sa kaniyang bayan? (b) Anong simulain ang inilarawan ng mensahe ng Diyos sa pamamagitan ni Hagai?

6 Ang nagsibalik na mga Judio ay nagtayo ng isang altar at pinasimulan ang paggawa sa templo sa Jerusalem. Ngunit nang bumangon ang matinding pagsalansang, ang kanilang sigasig ay nagsimulang humina at tumigil ang pagtatayo. (Ezra 3:1-3, 10; 4:1-4, 23, 24) Sinimulan din nilang unahin ang personal na mga kaalwanan. Kaya isinugo ng Diyos sina propeta Hagai at Zacarias upang muling paningasin ang sigasig ng kaniyang bayan sa tunay na pagsamba. Sa pamamagitan ni Hagai, sinabi ni Jehova: “Ito ba ang panahon upang tumahan kayo sa inyong mga bahay na may mga entrepanyo, samantalang ang bahay na ito [ng pagsamba] ay giba? . . . Ituon ninyo ang inyong puso sa inyong mga lakad. Naghasik kayo ng maraming binhi, ngunit ang ipinapasok ay kakaunti. May kainan, ngunit hindi hanggang sa mabusog. . . . At siya na nagpapaupa ay nagpapaupa kapalit ng isang supot na may mga butas.” (Hagai 1:4-6) Ang pagsasakripisyo ng mga espirituwal na kapakanan upang matamo ang materyal na mga kapakinabangan ay hindi nagdudulot ng pagpapala ni Jehova.​—Lucas 12:15-21.

7. Bakit sinabi ni Jehova sa mga Judio: “Ituon ninyo ang inyong puso sa inyong mga lakad”?

7 Palibhasa’y abala sa pang-araw-araw na mga alalahanin, nakalimutan ng mga Judio na ang mga pagpapala ng Diyos sa anyong ulan at mabubungang kapanahunan ay aabot lamang sa kanila kung mananatili silang masunurin sa Diyos, maging sa harap ng pagsalansang. (Hagai 1:9-11) Angkop nga, kung gayon, ang payo: “Ituon ninyo ang inyong puso sa inyong mga lakad”! (Hagai 1:7) Sa diwa ay sinasabi ni Jehova sa kanila: ‘Mag-isip kayo! Tingnan ninyo ang kaugnayan ng inyong walang kabuluhang pagpapagal sa mga bukid at ang tiwangwang na kalagayan ng aking bahay ng pagsamba.’ Ang kinasihang mga salita ng mga propeta ni Jehova ay tumagos din sa wakas sa puso ng kanilang mga tagapakinig, sapagkat ipinagpatuloy ng bayan ang paggawa sa templo, anupat natapos ito noong 515 B.C.E.

8. Anong payo ang ibinigay ni Jehova sa mga Judio noong kaarawan ni Malakias, at bakit?

8 Nang maglaon, noong kaarawan ni propeta Malakias, ang mga Judio ay muling nag-urong-sulong sa espirituwal, na naghahandog pa nga ng di-kaayaayang mga hain sa Diyos. (Malakias 1:6-8) Kaya, pinayuhan sila ni Jehova na dalhin ang ikasampung bahagi ng kanilang ani sa kaniyang kamalig at subukin siya upang makita kung hindi niya bubuksan sa kanila ang mga pintuan ng tubig sa langit at ibubuhos sa kanila ang isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan. (Malakias 3:10) Kay mangmang nga ng mga Judio na magpagal sa mismong mga bagay na saganang ibibigay ng Diyos sa kanila kung patuloy lamang silang makikinig sa kaniyang tinig!​—2 Cronica 31:10.

9. Kaninong buhay ng tatlong indibiduwal sa ulat ng Bibliya ang susuriin natin?

9 Bukod pa sa paglalahad ng pambansang kasaysayan ng Israel, iniuulat din ng Bibliya ang buhay ng maraming indibiduwal na tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos o mga sumpa, depende kung patuloy silang nakikinig kay Jehova o hindi. Tingnan natin kung ano ang matutuhan natin sa tatlo sa kanila​—sina Boaz, Nabal, at Hana. Hinggil dito, baka nanaisin mong basahin ang aklat ni Ruth gayundin ang 1 Samuel 1:1–​2:21 at 1 Samuel 25:2-42.

Nakinig si Boaz sa Diyos

10. Ano ang pagkakatulad nina Boaz at Nabal?

10 Bagaman sina Boaz at Nabal ay hindi sabay na nabuhay, magkatulad sila sa ilang bagay. Halimbawa, ang dalawang lalaking ito ay nabuhay sa lupain ng Juda. Sila ay mayayamang may-ari ng mga lupain, at kapuwa nagkaroon ng pantanging pagkakataon na magpakita ng maibiging kabaitan sa nangangailangan. Ngunit hanggang doon lamang sila magkatulad.

11. Paano ipinakita ni Boaz na patuloy siyang nakikinig kay Jehova?

11 Nabuhay si Boaz noong panahon ng mga hukom sa Israel. Pinakitunguhan niya ang iba nang may paggalang, at mataas ang pagtingin sa kaniya ng mga mang-aani niya. (Ruth 2:4) Bilang pagsunod sa Kautusan, tiniyak ni Boaz na sa kaniyang bukid, ang mga himalay ay maiiwan para sa napipighati at dukha. (Levitico 19:9, 10) Ano ang ginawa ni Boaz nang malaman niya ang tungkol kina Ruth at Noemi at makita ang kasipagan ni Ruth sa paglalaan para sa kaniyang matanda nang biyenang-babae? Binigyan niya si Ruth ng pantanging konsiderasyon at inutusan ang kaniyang mga tauhan na hayaan itong maghimalay sa kaniyang bukid. Sa kaniyang mga salita at maibiging mga gawa, isiniwalat ni Boaz na siya ay isang espirituwal na tao na nakikinig kay Jehova. Kaya tumanggap siya ng lingap at pagsang-ayon ng Diyos.​—Levitico 19:18; Ruth 2:5-16.

12, 13. (a) Paano ipinakita ni Boaz ang malalim na pagpapahalaga sa kautusan ni Jehova sa pagtubos? (b) Anong mga pagpapala mula sa Diyos ang umabot kay Boaz?

12 Ang pinakanatatanging patotoo na patuloy na nakinig si Boaz kay Jehova ay ang walang-pag-iimbot na paraan ng pagkilos niya ukol sa batas ng Diyos sa pagtubos. Ginawa ni Boaz ang lahat ng kaniyang makakaya upang tiyakin na ang mana ng kaniyang kamag-anak​—ang namatay na asawa ni Noemi, si Elimelec​—ay mananatili sa pamilya ni Elimelec. Sa pamamagitan ng “pag-aasawa bilang bayaw,” pakakasalan ng isang babaing-balo ang pinakamalapit na kamag-anak ng kaniyang namatay na asawa upang mapanatili ng kanilang magiging anak na lalaki ang mana. (Deuteronomio 25:5-10; Levitico 25:47-49) Iniharap ni Ruth ang kaniyang sarili para sa pag-aasawa kahalili ni Noemi, na lampas na sa edad para magkaanak. Matapos tumangging tumulong kay Noemi ang isang mas malapit na kamag-anak ni Elimelec, kinuha ni Boaz si Ruth bilang kaniyang asawa. Ang kanilang anak na si Obed ay itinuring na supling ni Noemi at legal na tagapagmana ni Elimelec.​—Ruth 2:19, 20; 4:1, 6, 9, 13-16.

13 Umabot kay Boaz ang saganang mga pagpapala dahil sa kaniyang walang pag-iimbot na pagsunod sa kautusan ng Diyos. Sa pamamagitan ng kanilang anak na si Obed, sila ni Ruth ay pinagpala ng pribilehiyo na maging mga ninuno ni Jesu-Kristo. (Ruth 2:12; 4:13, 21, 22; Mateo 1:1, 5, 6) Mula sa walang pag-iimbot na mga gawa ni Boaz, natutuhan natin na ang mga pagpapala ay aabot sa mga nagpapakita ng pag-ibig sa iba at kumikilos kasuwato ng mga kahilingan ng Diyos.

Hindi Nakinig si Nabal

14. Anong uri ng tao si Nabal?

14 Kabaligtaran ni Boaz, hindi nakinig si Nabal kay Jehova. Nilabag niya ang kautusan ng Diyos: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Levitico 19:18) Si Nabal ay hindi isang espirituwal na lalaki; siya ay “mabagsik at masasama ang kaniyang mga gawa.” Itinuturing siyang “napakawalang-kabuluhang tao” maging ng kaniyang mga lingkod. Angkop naman, ang kaniyang pangalang Nabal ay nangangahulugang “hangal,” o “mangmang.” (1 Samuel 25:3, 17, 25) Kaya paano tumugon si Nabal nang magkaroon siya ng pagkakataon na magpakita ng kabaitan sa isa na nangangailangan​—si David, ang pinahiran ni Jehova?​—1 Samuel 16:13.

15. Paano pinakitunguhan ni Nabal si David, at paano naiba si Abigail sa kaniyang asawa sa bagay na ito?

15 Nang magkampo malapit sa mga kawan ni Nabal, si David at ang kaniyang mga tauhan, na walang hinihiling na anumang kabayaran, ay naglaan ng proteksiyon mula sa pangkat ng mga mandarambong. “Naging pader sila sa palibot namin kapuwa sa gabi at sa araw,” sabi ng isa sa mga pastol ni Nabal. Gayunman, nang humingi ng kaunting pagkain ang mga mensahero ni David, ‘sinigawan sila [ni Nabal] ng mga panlalait’ at pinaalis silang walang anumang dala. (1 Samuel 25:2-16) Ang asawa ni Nabal, si Abigail, ay kaagad na nagdala ng mga pagkain kay David. Palibhasa’y nag-init sa galit, lilipulin na sana ni David si Nabal at ang mga tauhan nito. Kaya ang pagkukusa ni Abigail ay nagligtas sa buhay ng marami at humadlang kay David na magkasala sa dugo. Ngunit labis-labis ang kasakiman at kalupitan ni Nabal. Mga sampung araw pagkatapos nito, “sinaktan ni Jehova si Nabal, anupat ito ay namatay.”​—1 Samuel 25:18-38.

16. Paano natin matutularan si Boaz at maitatakwil ang mga daan ni Nabal?

16 Kay laki ngang pagkakaiba sa pagitan nina Boaz at Nabal! Bagaman dapat nating tanggihan ang malupit at mapag-imbot na mga landasin ni Nabal, tularan naman natin ang kabaitan at kawalang pag-iimbot ni Boaz. (Hebreo 13:16) Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagkakapit sa payo ni apostol Pablo: “Habang tayo ay may panahong kaayaaya para rito, gumawa tayo ng mabuti sa lahat, ngunit lalo na roon sa mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya.” (Galacia 6:10) Sa ngayon, ang “ibang tupa” ni Jesus, ang mga Kristiyano na may makalupang pag-asa, ay may pribilehiyo na gumawa ng mabuti sa pinahiran ni Jehova, ang nalabi ng 144,000, na pagkakalooban ng imortalidad sa langit. (Juan 10:16; 1 Corinto 15:50-53; Apocalipsis 14:1, 4) Minamalas ni Jesus ang gayong maibiging mga gawa na para bang ginawa ang mga ito sa kaniya mismo, at ang paggawa ng mabubuting bagay na ito ay nagdudulot ng mayamang pagpapala ni Jehova.​—Mateo 25:34-40; 1 Juan 3:18.

Ang mga Pagsubok at mga Pagpapala kay Hana

17. Anong mga pagsubok ang napaharap kay Hana, at anong saloobin ang ipinakita niya?

17 Ang pagpapala ni Jehova ay umabot din sa makadiyos na babaing si Hana. Namuhay siya sa bulubunduking pook ng Efraim kasama ang kaniyang asawang Levita, si Elkana. Gaya ng ipinahihintulot at inuugitan ng Kautusan, nagkaroon ito ng isa pang asawa​—si Penina. Si Hana ay nanatiling baog, isang kadustaan para sa isang babaing Israelita, samantalang si Penina ay may ilang anak. (1 Samuel 1:1-3; 1 Cronica 6:16, 33, 34) Gayunman, sa halip na aliwin si Hana, kumilos si Penina sa di-maibiging paraan na lumigalig kay Hana hanggang sa mapaluha siya at mawalan ng ganang kumain. Ang lalong masama pa, nangyayari ito “taun-taon,” sa tuwing nagtutungo ang pamilya sa bahay ni Jehova sa Shilo. (1 Samuel 1:4-8) Napakawalang-puso nga ni Penina, at kay laking pagsubok kay Hana! Gayunman, hindi kailanman sinisi ni Hana si Jehova; ni nagpaiwan man siya sa bahay kapag nagtutungo ang kaniyang asawa sa Shilo. Kung kaya, nang maglaon, isang mayamang pagpapala ang tiyak na umabot sa kaniya.

18. Anong halimbawa ang ipinakita ni Hana?

18 Si Hana ay nagpakita ng mainam na halimbawa para sa bayan ni Jehova sa ngayon, lalo na sa mga nasaktan dahil sa masasakit na salita ng iba. Sa gayong mga kalagayan, ang pagbubukod sa sarili ay hindi siyang kasagutan. (Kawikaan 18:1) Hindi pinahintulutan ni Hana ang mga pagsubok sa kaniya na makabawas sa kaniyang pagnanais na pumaroon kung saan itinuturo ang Salita ng Diyos at kung saan nagtitipon ang kaniyang bayan para sa pagsamba. Kaya nanatili siyang malakas sa espirituwal. Ang lalim ng kaniyang espirituwalidad ay isinisiwalat sa magandang panalangin niya na nakaulat sa 1 Samuel 2:1-10. a

19. Paano natin maipakikita ang ating pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay?

19 Bilang mga lingkod ni Jehova sa kasalukuyang panahon, hindi tayo sumasamba sa isang tabernakulo. Gayunman, maipakikita natin ang ating pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay, gaya ng ginawa ni Hana. Halimbawa, maipakikita natin ang ating malalim na pagpapahalaga sa espirituwal na mga kayamanan sa pamamagitan ng ating regular na pagdalo sa mga pulong Kristiyano, mga asamblea, at mga kombensiyon. Gamitin natin ang mga pagkakataong ito upang patibayin ang isa’t isa sa tunay na pagsamba kay Jehova, na nagkaloob sa atin ng “pribilehiyo ng walang-takot na pag-uukol ng sagradong paglilingkod sa kaniya taglay ang pagkamatapat at katuwiran.”​—Lucas 1:74, 75; Hebreo 10:24, 25.

20, 21. Paano ginantimpalaan si Hana dahil sa kaniyang makadiyos na debosyon?

20 Napansin ni Jehova ang makadiyos na debosyon ni Hana at ginantimpalaan siya nang sagana. Sa isa sa mga taunang paglalakbay ng pamilya patungo sa Shilo, ang lumuluhang si Hana ay marubdob na nanalangin sa Diyos at nanata: “O Jehova ng mga hukbo, kung walang pagsalang titingnan mo ang kapighatian ng iyong aliping babae at aalalahanin mo nga ako, at hindi mo kalilimutan ang iyong aliping babae at bibigyan mo nga ang iyong aliping babae ng isang supling na lalaki, ibibigay ko siya kay Jehova sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay.” (1 Samuel 1:9-11) Pinakinggan ng Diyos ang pagsusumamo ni Hana at pinagpala siya ng isang anak na lalaki, na pinanganlan niyang Samuel. Nang ito ay maawat sa suso, dinala niya ito sa Shilo upang makapaglingkod ito sa tabernakulo.​—1 Samuel 1:20, 24-28.

21 Ipinakita ni Hana ang pag-ibig sa Diyos at tinupad ang panata niya sa kaniya may kaugnayan kay Samuel. At isip-isipin ang mayamang pagpapala na tinamasa niya at ni Elkana sapagkat ang kanilang mahal na anak ay naglingkod sa tabernakulo ni Jehova! Maraming magulang na Kristiyano ang may katulad na kagalakan at mga pagpapala sapagkat ang kanilang mga anak na lalaki at babae ay naglilingkod bilang buong-panahong mga ministrong payunir, mga miyembro ng pamilyang Bethel, o sa ibang paraan na nagpaparangal kay Jehova.

Patuloy na Makinig kay Jehova!

22, 23. (a) Sa ano tayo makatitiyak kung patuloy tayong makikinig sa tinig ni Jehova? (b) Ano ang isasaalang-alang sa susunod na artikulo?

22 Sa ano tayo makatitiyak kung patuloy tayong makikinig kay Jehova? Tayo ay magiging mayaman sa espirituwal kung ipakikita natin ang buong-kaluluwang pag-ibig sa Diyos at tutuparin ang ating pag-aalay sa kaniya. Kahit na ang pagtataguyod sa gayong landasin ay nangangahulugan na kailangan nating magbata ng matitinding pagsubok, ang pagpapala ni Jehova ay walang-pagsalang aabot sa atin​—kadalasan ay sa mas malalaking paraan kaysa sa maguguniguni natin.​—Awit 37:4; Hebreo 6:10.

23 Maraming pagpapala ang ipagkakaloob sa bayan ng Diyos sa hinaharap. Dahil sa masunuring pakikinig kay Jehova, “isang malaking pulutong” ang maliligtas sa “malaking kapighatian” at magtatamasa ng mga kagalakan sa buhay sa bagong sanlibutan ng Diyos. (Apocalipsis 7:9-14; 2 Pedro 3:13) Doon ay lubusang sasapatan ni Jehova ang matutuwid na nasa ng kaniyang buong bayan. (Awit 145:16) Gayunman, gaya ng ipakikita ng susunod na artikulo, maging yaong mga patuloy na nakikinig sa tinig ni Jehova ngayon ay tumatanggap ng ‘mabubuting kaloob at sakdal na mga regalo mula sa itaas.’​—Santiago 1:17.

[Talababa]

a Ang mga kapahayagan ni Hana ay may ilang pagkakatulad sa mga kapahayagan ng dalagang birhen na si Maria, na sinambit niya di-nagtagal matapos niyang malaman na siya ang magiging ina ng Mesiyas.​—Lucas 1:46-55.

Natatandaan Mo Ba?

• Ano ang maituturo sa atin ng kasaysayan ng Israel tungkol sa mga pagpapala ng Diyos?

• Ano ang pagkakaiba nina Boaz at Nabal?

• Paano natin matutularan si Hana?

• Bakit dapat tayong patuloy na makinig sa tinig ni Jehova?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 10]

Nanalangin si Haring Solomon ukol sa isang masunuring puso, at pinagpala siya ni Jehova ng karunungan

[Larawan sa pahina 12]

Pinakitunguhan ni Boaz ang iba nang may paggalang at kabaitan

[Larawan sa pahina 15]

Saganang pinagpala si Hana dahil sa pagtitiwala kay Jehova