Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pagpapala ni Jehova ang Nagpapayaman sa Atin

Ang Pagpapala ni Jehova ang Nagpapayaman sa Atin

Ang Pagpapala ni Jehova ang Nagpapayaman sa Atin

“Ang pagpapala ni Jehova​—iyon ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.”​—KAWIKAAN 10:22.

1, 2. Bakit hindi nauugnay ang kaligayahan sa materyal na kayamanan?

 INUUGITAN ng materyalistikong mga hangarin ang buhay ng milyun-milyon sa ngayon. Ngunit napaliligaya ba sila ng materyal na mga bagay? “Wala pa akong maalaalang panahon na ang mga tao ay naging labis na malungkot sa kanilang kalagayan sa buhay na gaya ngayon,” sabi ng The Australian Women’s Weekly. Idinagdag pa nito: “Ito’y isang kabalintunaan. Sinabi sa amin na ang Australia ay nasa napakainam na kalagayan sa ekonomiya, na ang buhay ay hindi pa naging ganito kaganda kailanman. . . . Sa kabila nito, laganap ang pesimismo sa buong bansa. Kapuwa ang mga lalaki at mga babae ay nakadarama na may kulang sa kanilang buhay ngunit hindi nila matukoy kung ano iyon.” Totoong-totoo nga ang Kasulatan sa pagsasabing hindi nagmumula ang kaligayahan ni ang buhay sa mga bagay na tinataglay natin!​—Eclesiastes 5:10; Lucas 12:15.

2 Itinuturo ng Bibliya na ang pinakamasidhing kaligayahan ay nagmumula sa pagpapala ng Diyos. Hinggil dito, ang Kawikaan 10:22 ay nagsasabi: “Ang pagpapala ni Jehova​—iyon ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.” Ang kirot ay kadalasang nagmumula sa sakim na pagkakamal ng materyal na mga kayamanan. Angkop naman, nagbabala si apostol Pablo: “Yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming hangal at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkapahamak. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay, at sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay nailigaw mula sa pananampalataya at napagsasaksak ng maraming kirot ang kanilang sarili.”​—1 Timoteo 6:9, 10.

3. Bakit dumaranas ang mga lingkod ng Diyos ng mga pagsubok?

3 Sa kabilang panig, ang walang-kirot na mga pagpapala ay aabot sa lahat ng ‘patuloy na nakikinig sa tinig ni Jehova.’ (Deuteronomio 28:2) Gayunman, maaaring itanong ng ilan, ‘Kung walang idinaragdag na kirot sa pagpapala ni Jehova, bakit nagdurusa ang marami sa mga lingkod ng Diyos?’ Isinisiwalat ng Bibliya na ang mga pagsubok sa atin ay pinahihintulutan ng Diyos ngunit sa katunayan ay nagmumula kay Satanas, sa kaniyang balakyot na sistema, at sa ating sariling likas na di-kasakdalan. (Genesis 6:5; Deuteronomio 32:4, 5; Juan 15:19; Santiago 1:14, 15) Si Jehova ang pinagmumulan ng ‘bawat mabuting kaloob at bawat sakdal na regalo.’ (Santiago 1:17) Kaya naman, ang mga pagpapala niya ay hindi kailanman nagdudulot ng kirot. Kung gayon ay isaalang-alang natin ang ilan sa mga sakdal na kaloob ng Diyos.

Ang Salita ng Diyos​—Isang Walang-Katumbas na Kaloob

4. Anong pagpapala at walang-katumbas na kaloob ang tinatamasa ng bayan ni Jehova nitong “panahon ng kawakasan”?

4 Hinggil sa “panahon ng kawakasan,” ang hula ni Daniel ay nagsasabi: “Ang tunay na kaalaman ay sasagana.” Gayunman, ito ay nilimitahan ng mga pananalitang: “Walang sinumang balakyot ang makauunawa; ngunit silang may kaunawaan ay makauunawa.” (Daniel 12:4, 10) Gunigunihin iyan! Ang Salita ng Diyos​—partikular na ang mga hula​—ay ipinahahayag taglay ang gayong makadiyos na karunungan anupat hindi maunawaan ng balakyot ang tunay na diwa nito, bagaman nauunawaan ito ng bayan ni Jehova. “Hayagan kitang pinupuri, Ama, Panginoon ng langit at lupa,” dalangin ng Anak ng Diyos, “sapagkat maingat mong ikinubli ang mga bagay na ito mula sa marurunong at matatalino, at isiniwalat ang mga ito sa mga sanggol.” (Lucas 10:21) Kay laking pagpapala nga na magkaroon ng walang-katumbas na kaloob na nasusulat na Salita ng Diyos, ang Bibliya, at mapabilang sa mga pinagkalooban ni Jehova ng espirituwal na kaunawaan!​—1 Corinto 1:21, 27, 28; 2:14, 15.

5. Ano ang karunungan, at paano natin matatamo ito?

5 Hindi tayo magkakaroon ng espirituwal na kaunawaan sa anumang paraan kung hindi dahil sa “karunungan mula sa itaas.” (Santiago 3:17) Ang karunungan ay ang kakayahang gamitin ang kaalaman at kaunawaan upang malutas ang mga suliranin, maiwasan o malayuan ang panganib, maabot ang mga tunguhin, o maglaan ng tamang payo. Paano natin matatamo ang makadiyos na karunungan? Sinasabi ng Kawikaan 2:6: “Si Jehova ay nagbibigay ng karunungan; sa kaniyang bibig ay nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan.” Oo, pagpapalain tayo ni Jehova ng karunungan kung matiyaga tayong mananalangin ukol dito, kung paanong binigyan niya si Haring Solomon ng “isang marunong at may-unawang puso.” (1 Hari 3:11, 12; Santiago 1:5-8) Upang matamo ang karunungan, dapat din tayong patuloy na makinig kay Jehova sa pamamagitan ng regular na pag-aaral at pagkakapit ng kaniyang Salita.

6. Bakit katalinuhan na ikapit ang mga kautusan at mga simulain ng Diyos sa ating buhay?

6 Ang pangunahing mga halimbawa ng makadiyos na debosyon ay masusumpungan sa mga kautusan at mga simulain ng Bibliya. Nakikinabang tayo sa mga ito sa lahat ng paraan​—sa pisikal, mental, emosyonal, at espirituwal na paraan. Angkop na umawit ang salmista: “Ang kautusan ni Jehova ay sakdal, na nagpapanauli ng kaluluwa. Ang paalaala ni Jehova ay mapagkakatiwalaan, na nagpaparunong sa walang-karanasan. Ang mga pag-uutos mula kay Jehova ay matuwid, na nagpapasaya ng puso; ang utos ni Jehova ay malinis, na nagpapaningning ng mga mata. Ang pagkatakot kay Jehova ay dalisay, na nananatili magpakailanman. Ang mga hudisyal na pasiya ni Jehova ay totoo; ang mga iyon ay lubos na matuwid. Ang mga iyon ay higit na nanasain kaysa sa ginto, oo, kaysa sa maraming dalisay na ginto.”​—Awit 19:7-10; 119:72.

7. Ano ang ibinubunga ng pagwawalang-bahala sa matutuwid na pamantayan ng Diyos?

7 Sa kabilang panig naman, hindi natatagpuan ng mga nagwawalang-bahala sa matutuwid na pamantayan ng Diyos ang kaligayahan at kalayaan na kanilang hinahanap. Sa malao’t madali, natutuklasan nila na ang Diyos ay hindi isa na malilibak, sapagkat aanihin ng isang tao ang kaniyang inihahasik. (Galacia 6:7) Inaani ng milyun-milyong nagwawalang-bahala sa mga simulain ng Bibliya ang gayong kalunus-lunos na mga bunga gaya ng di-ninanais na mga pagdadalang-tao, karima-rimarim na mga sakit, o nakapanghihinang mga pagkasugapa. Malibang may-pagsisisi nilang baguhin ang kanilang landasin sa buhay, ang kanilang landas ay sa dakong huli hahantong sa kamatayan at marahil sa pagkapuksa sa kamay ng Diyos.​—Mateo 7:13, 14.

8. Bakit maligaya ang mga umiibig sa Salita ng Diyos?

8 Gayunman, yaong mga umiibig sa Salita ng Diyos at nagkakapit nito ay aabutan ng mayayamang pagpapala ngayon at sa hinaharap. Sila’y may dahilan upang madama na pinalaya sila ng kautusan ng Diyos, na maging tunay na maligaya, at may-pananabik na naghihintay sa panahon na palalayain sila mula sa kasalanan at sa nakamamatay na mga epekto nito. (Roma 8:20, 21; Santiago 1:25) Ang pag-asang ito ay tiyak sapagkat nakasalalay ito sa pinakamaibiging kaloob ng Diyos sa sangkatauhan​—ang haing pantubos ng kaniyang bugtong na Anak, si Jesu-Kristo. (Mateo 20:28; Juan 3:16; Roma 6:23) Ang gayong sukdulang kaloob ay tumitiyak sa lalim ng pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan at gumagarantiya sa walang-hanggang pagpapala para sa lahat ng patuloy na nakikinig kay Jehova.​—Roma 8:32.

Nagpapasalamat sa Kaloob na Banal na Espiritu

9, 10. Paano tayo nakikinabang sa kaloob ni Jehova na banal na espiritu? Magbigay ng halimbawa.

9 Ang isa pang maibiging kaloob ng Diyos na dapat nating ipagpasalamat ay ang kaniyang banal na espiritu. Noong araw ng Pentecostes 33 C.E., hinimok ni apostol Pedro ang karamihan na naroroon sa Jerusalem: “Magsisi kayo, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Kristo ukol sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan, at tatanggapin ninyo ang walang-bayad na kaloob ng banal na espiritu.” (Gawa 2:38) Sa ngayon, nagbibigay si Jehova ng banal na espiritu sa kaniyang nakaalay na mga lingkod na nananalangin ukol dito at nagnanais na gawin ang kaniyang kalooban. (Lucas 11:9-13) Noong sinaunang panahon, ang pinakamalakas na puwersang ito sa uniberso​—ang banal na espiritu, o aktibong puwersa ng Diyos​—ay nagbigay-kapangyarihan sa mga lalaki at mga babae na may pananampalataya, kabilang na ang mga unang Kristiyano. (Zacarias 4:6; Gawa 4:31) Magagawa rin nito ang gayon para sa atin, kahit na mapaharap tayo sa napakalalaking hadlang o hamon bilang bayan ni Jehova.​—Joel 2:28, 29.

10 Isaalang-alang ang halimbawa ni Laurel, na nagkasakit ng polio at nabuhay sa loob ng isang artipisyal na baga (iron lung) sa loob ng 37 taon. a Sa kabila ng kaniyang lubhang napakahirap na kalagayan, masigasig siyang naglingkod sa Diyos hanggang sa kaniyang kamatayan. Sa loob ng maraming taon, umabot kay Laurel ang mayamang pagpapala ni Jehova. Halimbawa, natulungan niya ang mga 17 katao na sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan ng Bibliya, bagaman ang kaniyang katawan ay nasa loob ng artipisyal na baga sa loob ng 24 na oras araw-araw! Ipinaaalaala ng kaniyang situwasyon ang mga salita ni Pablo: “Kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas.” (2 Corinto 12:10) Oo, anumang tagumpay na natatamo natin sa pangangaral ng mabuting balita ay nagmumula, hindi sa ating sariling kakayahan at kapangyarihan, kundi sa tulong ng Diyos sa pamamagitan ng banal na espiritu, na ibinibigay niya sa mga patuloy na nakikinig sa kaniyang tinig.​—Isaias 40:29-31.

11. Anong mga katangian ang iniluluwal ng espiritu ng Diyos sa mga nagsusuot ng “bagong personalidad”?

11 Kung masunurin tayong makikinig sa Diyos, ang kaniyang espiritu ay magluluwal sa atin ng mga katangian ng pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. (Galacia 5:22, 23) Ang “mga bunga ng espiritu” na ito ay bahagi ng “bagong personalidad” na isinusuot ng mga Kristiyano kapalit ng anumang ganid at makahayop na mga katangian na dati nilang ipinakikita. (Efeso 4:20-24; Isaias 11:6-9) Ang pinakamahalaga sa mga bungang ito ay pag-ibig, “isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”​—Colosas 3:14.

Kristiyanong Pag-ibig​—Isang Kaloob na Dapat Pakamahalin

12. Paano nagpakita ng pag-ibig si Tabita at ang iba pang mga Kristiyano noong unang siglo?

12 Ang Kristiyanong pag-ibig ay isa pang pinagpalang kaloob mula kay Jehova​—isa na dapat nating pakamahalin. Ito ay inuugitan ng simulain, ngunit napakasagana nito sa pagmamahal anupat napaglalapit nito ang mga mananampalataya nang higit pa kaysa sa magagawa ng mga ugnayan sa laman. (Juan 15:12, 13; 1 Pedro 1:22) Halimbawa, isaalang-alang si Tabita, isang mahusay na babaing Kristiyano noong unang siglo. “Siya ay nanagana sa mabubuting gawa at mga kaloob ng awa,” lalo na sa kapakanan ng mga babaing balo sa kongregasyon. (Gawa 9:36) Ang mga babaing ito ay maaaring may mga kamag-anak sa laman, ngunit nais ni Tabita na gawin ang magagawa niya upang matulungan at mapatibay sila. (1 Juan 3:18) Kay inam na halimbawa ang ipinakita ni Tabita! Pag-ibig na pangkapatid ang nagpakilos kay Prisca at Aquila na ‘isapanganib ang kanilang sariling mga leeg’ para kay Pablo. Pag-ibig din ang nag-udyok kay Epafras, Lucas, Onesiforo, at sa iba pa na tulungan ang apostol habang siya ay nakabilanggo sa Roma. (Roma 16:3, 4; 2 Timoteo 1:16; 4:11; Filemon 23, 24) Oo, ang gayong uri ng mga Kristiyano sa ngayon ay “may pag-ibig sa isa’t isa,” isang pinagpalang kaloob mula sa Diyos na nagpapakilala sa kanila bilang tunay na mga alagad ni Jesus.​—Juan 13:34, 35.

13. Paano natin maipakikita na lubha nating pinahahalagahan ang ating kapatirang Kristiyano?

13 Pinahahalagahan mo ba ang pag-ibig na ipinakikita sa kongregasyong Kristiyano? Nagpapasalamat ka ba dahil sa ating espirituwal na kapatiran, na umaabot sa buong daigdig? Ang mga ito rin ay nakapagpapaligaya at nakapagpapayamang kaloob mula sa itaas. Paano natin maipakikita na pinahahalagahan natin ang mga ito? Sa pamamagitan ng pag-uukol ng sagradong paglilingkod sa Diyos, pakikibahagi sa mga pulong Kristiyano, at pagpapakita ng pag-ibig at ng iba pang mga bunga ng espiritu ng Diyos.​—Filipos 1:9; Hebreo 10:24, 25.

“Mga Kaloob na mga Tao”

14. Ano ang hinihiling sa isang Kristiyano kung maglilingkod siya bilang isang matanda o ministeryal na lingkod?

14 Ang Kristiyanong mga lalaki na nagnanais maglingkod sa kanilang mga kapananampalataya bilang matatanda o ministeryal na mga lingkod ay may mainam na tunguhin. (1 Timoteo 3:1, 8) Upang maging kuwalipikado sa mga pribilehiyong ito, ang isang kapatid na lalaki ay dapat na maging espirituwal na tao, bihasa sa Kasulatan at masigasig sa ministeryo sa larangan. (Gawa 18:24; 1 Timoteo 4:15; 2 Timoteo 4:5) Dapat siyang magpakita ng kapakumbabaan, kahinhinan, at pagtitiis, sapagkat hindi aabot ang mga pagpapala ng Diyos sa pangahas, mapagmapuri, at ambisyosong mga tao. (Kawikaan 11:2; Hebreo 6:15; 3 Juan 9, 10) Kung may-asawa, siya ay dapat na maging isang maibiging ulo ng pamilya na may kakayahang mamuno nang mahusay sa kaniyang buong sambahayan. (1 Timoteo 3:4, 5, 12) Sapagkat pinahahalagahan niya ang espirituwal na mga kayamanan, ang gayong tao ay tatanggap ng pagpapala ni Jehova.​—Mateo 6:19-21.

15, 16. Sino ang napatunayang “mga kaloob na mga tao”? Magbigay ng mga halimbawa.

15 Kapag yaong mga naglilingkod bilang matatanda sa kongregasyon ay nagpupunyagi bilang mga ebanghelisador, mga pastol, at mga guro, binibigyan nila tayo ng mabubuting dahilan upang pahalagahan natin ang gayong “mga kaloob na mga tao.” (Efeso 4:8, 11) Yaong mga nakikinabang sa kanilang maibiging paglilingkod ay maaaring hindi laging nakapagpapahayag ng kanilang pagpapahalaga, ngunit nakikita ni Jehova ang lahat ng ginagawa ng tapat na matatanda. Hindi niya kalilimutan ang pag-ibig na ipinakikita nila para sa kaniyang pangalan sa pamamagitan ng paglilingkod sa kaniyang bayan.​—1 Timoteo 5:17; Hebreo 6:10.

16 Isaalang-alang ang kalagayan ng isang masipag na matanda na dumalaw sa isang Kristiyanong batang babae na malapit nang operahan sa utak. “Napakabait niya, napakamatulungin, napakamaibigin,” ang isinulat ng isang kaibigan ng kanilang pamilya. “Humingi siya ng pahintulot na manalangin kay Jehova kasama namin. Habang siya’y nananalangin, ang ama [hindi isang Saksi ni Jehova] ay humikbi, at tumulo ang luha sa mga mata ng lahat na nasa silid ng ospital. Napakagiliw ng panalangin na iyon ng matanda, at napakamaibigin ni Jehova sa pagsusugo sa kaniya sa gayong tamang-tamang panahon!” Isa pang pasyenteng Saksi ang nagsabi tungkol sa matatanda na dumalaw sa kaniya: “Nang lumapit sila sa aking higaan sa intensive care unit, alam ko na anuman ang mangyari mula noon, makakayanan ko iyon. Lumakas ako at naging mahinahon.” Mabibili ba ng sinuman ang gayong maibiging pagmamalasakit? Hinding-hindi kailanman! Ito ay isang kaloob mula sa Diyos, na inilaan sa pamamagitan ng kongregasyong Kristiyano.​—Isaias 32:1, 2.

Ang Kaloob na Ministeryo sa Larangan

17, 18. (a) Anong kaloob na paglilingkod ang inilaan ni Jehova sa kaniyang buong bayan? (b) Anong tulong ang inilaan ng Diyos upang maisakatuparan natin ang ating ministeryo?

17 Wala nang hihigit pang karangalan ang maipagkakaloob sa sinumang tao kaysa sa yaong paglingkuran si Jehova, ang Kataas-taasan. (Isaias 43:10; 2 Corinto 4:7; 1 Pedro 2:9) Sa kabila nito, ang pribilehiyo na makibahagi sa pangmadlang ministeryo ay bukas sa lahat​—bata at matanda, lalaki at babae​—na may tunay na pagnanais na maglingkod sa Diyos. Ginagamit mo ba ang mahalagang kaloob na ito? Maaaring mag-atubili ang ilan dahil nadarama nilang hindi sapat ang kanilang kakayahan, ngunit tandaan na nagbibigay si Jehova ng banal na espiritu sa mga naglilingkod sa kaniya, at ito ang pumupuno sa anumang pagkukulang na maaaring taglay natin.​—Jeremias 1:6-8; 20:11.

18 Ipinagkatiwala ni Jehova ang gawaing pangangaral ng Kaharian sa kaniyang mapagpakumbabang mga lingkod, hindi sa mga indibiduwal na nakahilig na magmapuri at umasa sa kanilang sariling mga kakayahan. (1 Corinto 1:20, 26-29) Ang mapagpakumbaba at mahinhing mga tao ay kumikilala sa kanilang mga limitasyon at umaasa sa tulong ng Diyos habang sila ay nakikibahagi sa ministeryo sa larangan. Pinahahalagahan din nila ang espirituwal na tulong na inilalaan niya sa pamamagitan ng “tapat na katiwala.”​—Lucas 12:42-44; Kawikaan 22:4.

Maligayang Buhay Pampamilya​—Isang Mainam na Kaloob

19. Anong mga salik ang umaakay sa matagumpay na pagpapalaki sa mga anak?

19 Ang pag-aasawa at ang maligayang buhay pampamilya ay mga kaloob mula sa Diyos. (Ruth 1:9; Efeso 3:14, 15) Ang mga anak din ay mahalagang “mana mula kay Jehova,” na nagdudulot ng kagalakan sa mga magulang na matagumpay na nagkintal ng makadiyos na mga katangian sa kanila. (Awit 127:3) Kung isa kang magulang, patuloy na makinig sa tinig ni Jehova sa pamamagitan ng pagsasanay sa iyong maliliit na anak ayon sa kaniyang Salita. Yaong mga gumagawa ng gayon ay tiyak na makararanas ng alalay at mayamang pagpapala ni Jehova.​—Kawikaan 3:5, 6; 22:6; Efeso 6:1-4.

20. Ano ang maaaring makatulong sa mga magulang na ang mga anak ay lumayo sa tunay na pagsamba?

20 Sa kabila ng maingat na pagsisikap ng makadiyos na mga magulang, marahil ay pinili ng ilan sa kanilang mga anak na lumayo sa tunay na pagsamba nang lumaki na sila. (Genesis 26:34, 35) Ito ay maaaring lubhang nakaliligalig sa damdamin ng mga magulang. (Kawikaan 17:21, 25) Gayunman, sa halip na lubusang mawalan ng pag-asa, maaaring makatulong sa kanila na alalahanin ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa alibughang anak. Bagaman nilisan ng anak na iyon ang kanilang tahanan at itinaguyod ang isang suwail na landasin, nang maglaon ay bumalik siya sa tahanan ng kaniyang ama, na tumanggap sa kaniya sa isang nagagalak at maibiging paraan. (Lucas 15:11-32) Anuman ang maaaring mangyari, ang tapat na mga Kristiyanong magulang ay makatitiyak sa pang-unawa ni Jehova, sa kaniyang maibiging pagmamalasakit, at sa kaniyang di-nagmamaliw na pag-alalay.​—Awit 145:14.

21. Kanino tayo dapat makinig, at bakit?

21 Kung gayon, tiyakin nawa ng bawat isa sa atin kung ano ang tunay na mahalaga sa ating buhay. Buong pananabik ba nating itinataguyod ang materyal na kasaganaan, na maaaring magdulot ng kirot sa atin at sa ating pamilya? O itinataguyod ba natin ang ‘mabubuting kaloob at sakdal na mga regalo’ na nagmumula sa “Ama ng makalangit na mga liwanag”? (Santiago 1:17) Nais ni Satanas, ang “ama ng kasinungalingan,” na magpagal tayo ukol sa materyal na kayamanan at maiwala natin kapuwa ang kaligayahan at buhay. (Juan 8:44; Lucas 12:15) Gayunman, si Jehova ay tunay na nagmamalasakit sa atin at nais niya ang pinakamabuti para sa atin. (Isaias 48:17, 18) Kung gayon, patuloy tayong makinig sa ating maibiging makalangit na Ama at laging ‘magkaroon ng masidhing kaluguran’ sa kaniya. (Awit 37:4) Kung itataguyod natin ang gayong landasin, ang walang-katumbas na mga kaloob at saganang pagpapala ni Jehova ay magpapayaman sa atin​—at iyon ay walang anumang bahid ng kirot.

[Talababa]

Natatandaan Mo Ba?

• Saan masusumpungan ang pinakamasidhing kaligayahan?

• Ano ang ilan sa mga kaloob na ibinibigay ni Jehova sa kaniyang bayan?

• Bakit isang kaloob ang ministeryo sa larangan?

• Ano ang magagawa ng mga magulang upang matamo nila ang pagpapala ng Diyos habang pinalalaki nila ang kanilang mga anak?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 16]

Nagpapakita ka ba ng pagpapahalaga sa kaloob na nasusulat na Salita ng Diyos?

[Larawan sa pahina 17]

Sa kabila ng napakahirap na mga kalagayan, masigasig na naglingkod sa Diyos si Laurel Nisbet

[Mga larawan sa pahina 18]

Gaya ni Tabita, ang mga Kristiyano sa kasalukuyang panahon ay kilaláng-kilalá sa kanilang mga gawa ng pag-ibig

[Larawan sa pahina 19]

Ang Kristiyanong matatanda ay may maibiging pagmamalasakit sa mga kapananampalataya