Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mayroon ba Talagang Makapagkakaisa sa mga Tao?

Mayroon ba Talagang Makapagkakaisa sa mga Tao?

Mayroon ba Talagang Makapagkakaisa sa mga Tao?

ANUMAN ang iyong mga paniniwala, malamang na sumasang-ayon ka na may mga umiibig sa katotohanan sa halos lahat ng relihiyon. Ang mga taong lubhang nagpapahalaga sa kung ano ang totoo at nakahanda na hanapin ito ay masusumpungan sa mga Hindu, Katoliko, Judio, at sa iba pang relihiyon. Gayunman, waring binabaha-bahagi ng relihiyon ang sangkatauhan. Ginagamit pa nga ng ilan ang relihiyon sa masasamang layunin. Posible pa kayang magkaisa ang taimtim na mga tao mula sa lahat ng relihiyon na umiibig sa kung ano ang mabuti at totoo? Mapagsasama-sama kaya sila para sa iisang layunin?

Nakababahala ngang makita na ang relihiyon ay lalong nagiging sanhi ng pagkakabaha-bahagi! Isaalang-alang ang ilan sa mga alitang ito. Ang mga Hindu at mga Budista ay naglalaban-laban sa Sri Lanka. Ang mga Protestante, Katoliko, at mga Judio ay nagbububo ng dugo sa iba’t ibang alitan. Ang mga “Kristiyano” at mga Muslim ay naglalaban-laban sa Bosnia, Chechnya, Indonesia, at Kosovo. At noong Marso 2000, ang dalawang araw na hidwaang may kaugnayan sa relihiyon ay naging dahilan ng kamatayan ng 300 taga-Nigeria. Sa katunayan, pinag-alab ng relihiyosong pagkapoot ang kabagsikan ng mga alitang ito.

Ang taimtim na mga tao ay madalas na nasisiraan ng loob sa mga kasamaang isinagawa sa pangalan ng relihiyon. Halimbawa, maraming palasimba ang nagigitla na ang mga klerigong seksuwal na nang-abuso ng mga bata ay opisyal na kinukunsinti ng ilang simbahan. Lubhang ikinahihiya ng ibang mga mananampalataya ang pagkakabaha-bahagi sa gitna ng maraming tinaguriang mga sektang Kristiyano hinggil sa mga isyu na gaya ng homoseksuwalidad at aborsiyon. Maliwanag, hindi pinagkakaisa ng relihiyon ang sangkatauhan. Gayunman, may mga tunay na umiibig sa katotohanan sa maraming relihiyon, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na mga karanasan.

Minimithi Nila ang Katotohanan

Si Fidelia ay isang taimtim at debotong nagsisimba sa Katolikong Simbahan ng San Francisco sa La Paz, Bolivia. Nagpapatirapa siya sa harap ng imahen ni Maria at nagtitirik sa harap ng krus ng pinakamaiinam na kandila na mabibili niya. Linggu-linggo, nag-aabuloy siya ng napakaraming pagkain sa pari upang maipamahagi sa mahihirap. Gayunman, lima sa mga sanggol ni Fidelia ay namatay bago pa man sila nabinyagan. Nang sabihin sa kaniya ng pari na silang lahat ay nagdurusa sa kadiliman ng Limbo, naisip ni Fidelia, ‘Kung ang Diyos ay mabuti, paano mangyayari iyon?’

Si Tara, isang doktor sa medisina, ay pinalaki bilang isang Hindu sa Kathmandu, Nepal. Sa pagsunod sa napakatagal nang mga kaugalian ng kaniyang mga ninuno, sinamba niya ang kaniyang mga diyos sa mga templong Hindu at mayroon siyang mga idolo sa kaniyang tahanan. Ngunit si Tara ay nagugulumihanan sa mga tanong na gaya nito: Bakit napakaraming pagdurusa? Bakit namamatay ang mga tao? Halos wala siyang masumpungang kasiya-siyang sagot sa kaniyang relihiyon.

Sa kabilang dako naman, si Panya ay lumaki bilang isang Budista sa isang bahay na nasa tabi ng kanal sa Bangkok, Thailand. Itinuro sa kaniya na ang pagdurusa ay bunga ng mga nagawa sa nakalipas na buhay at na mapalalaya lamang ang isa mula rito kung iwawaksi sa sarili ang lahat ng pagnanasa. Gaya ng ibang taimtim na mga Budista, tinuruan siyang mag-ukol ng matinding paggalang sa karunungan ng nakadilaw-na-tunikang mga monghe na pumupunta sa bahay tuwing bukang-liwayway para mamalimos. Nagsagawa siya ng pagbubulay-bulay at nangolekta ng mga imahen ni Buddha sa paniniwalang nagdudulot ng proteksiyon ang mga ito. Pagkatapos na maaksidente nang malubha na nagparalisa sa kaniya mula baywang pababa, dinalaw ni Panya ang mga monasteryong Budista, anupat taimtim na umaasa ng isang makahimalang pagpapagaling. Hindi siya napagaling ni nakasumpong man siya ng espirituwal na kaliwanagan. Sa halip, nahantad siya sa espiritismo at nagsimulang magsagawa nito.

Si Virgil ay isinilang sa Estados Unidos at nakianib sa mga Black Muslim sa kolehiyo. Masigasig siyang namahagi ng kanilang literatura, na nagsasaad na ang puting tao ay siyang Diyablo. Iyon daw ang dahilan kung bakit ang mga puti ay nakagawa ng napakaraming kalupitan laban sa mga itim. Bagaman taimtim sa kaniyang mga paniniwala, si Virgil ay binagabag ng mga tanong na: Paano magiging masama ang lahat ng puti? At bakit ang karamihan sa mga pangangaral ay nakasentro sa salapi?

Bagaman si Charo ay lumaki sa Timog Amerika na doo’y nakararami ang mga Katoliko, siya ay isang taimtim na Protestante. Ikinalulugod niya na hindi siya bahagi ng idolatriya na nakapalibot sa kaniya. Nasisiyahan si Charo sa pagsisimba tuwing Linggo para sa nakapupukaw-damdaming serbisyo, kung saan siya ay sumisigaw ng “Aleluya!” at nakikisali sa kasunod na relihiyosong awitan at sayawan. Taimtim na naniniwala si Charo na siya ay ligtas na at naipanganak nang muli. Ibinibigay niya ang ikapu ng kaniyang kita sa simbahan, at nang humingi ng kontribusyon ang kaniyang paboritong ebanghelista sa TV, pinadalhan niya ito ng salapi para sa mga bata sa Aprika. Gayunman, nang tanungin niya ang kaniyang pastor kung bakit pinahihirapan ng Diyos ng pag-ibig ang mga kaluluwa sa impiyerno, natanto niya na wala itong makabuluhang sagot. Nang maglaon, natuklasan din niya na ang kaniyang mga abuloy ay hindi ginamit upang tulungan ang mga bata sa Aprika.

Bagaman galing sa iba’t ibang pinagmulan, ang limang indibiduwal na ito ay may pagkakatulad. Sila ay pawang umiibig sa katotohanan at taimtim na naghahanap ng makatotohanang mga sagot sa kanilang mga tanong. Ngunit sila kaya’y talagang mapagkakaisa sa tunay na pagsamba? Sasagutin ng susunod na artikulo ang tanong na iyan.

[Larawan sa pahina 4]

Posible ba talagang magkaisa ang mga taong may iba’t ibang pinagmulan?

[Picture Credit Line sa pahina 3]

G.P.O., Jerusalem