Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinagkakaisa ng Tunay na Pagsamba ang mga Tao

Pinagkakaisa ng Tunay na Pagsamba ang mga Tao

Pinagkakaisa ng Tunay na Pagsamba ang mga Tao

BAGAMAN sa pangkalahatan ay karaniwan nang binabaha-bahagi ng relihiyon ang sangkatauhan, ang pagsamba sa tanging tunay na Diyos ay may kapangyarihang pagkaisahin ang mga tao. Noong ang Israel ay piniling bansa ng Diyos, maraming taimtim na Gentil ang naakit sa tunay na pagsamba. Halimbawa, iniwan ni Ruth ang mga diyos ng kaniyang tinubuang-bayan na Moab at sinabi kay Noemi: “Ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos.” (Ruth 1:16) Pagsapit ng unang siglo C.E., isang malaking bilang ng mga Gentil ang naging mga mananamba ng tunay na Diyos. (Gawa 13:48; 17:4) Sa kalaunan, nang ang mga apostol ni Jesus ay nagsimulang maglakbay patungo sa malalayong lugar taglay ang mabuting balita, ang ibang taimtim na mga tao ay naging kaisa nila sa pagsamba sa tunay na Diyos. ‘Kayo ay bumaling sa Diyos mula sa inyong mga idolo upang magpaalipin sa isang buháy at tunay na Diyos,’ ang sulat ni apostol Pablo. (1 Tesalonica 1:9) Ang pagsamba ba sa tunay na Diyos ay may gayong kapangyarihan na magdulot ng pagkakaisa sa ngayon?

Iginigiit ng mga mapag-alinlangan na mali ang magsalita tungkol sa “mga tunay na mananamba” o sa “tunay na Diyos.” Maaaring gayon ang kanilang palagay dahil wala silang alam na anumang mapagkukunan na doo’y matututuhan ang katotohanan. Ngunit natanto ng mga naghahanap ng katotohanan na may iba’t ibang pinagmulan na ang pagsamba ay hindi nakasalig sa personal na kagustuhan. Ang tanging isa na karapat-dapat sa ating pagsamba ay ang Maylalang ng lahat ng bagay​—ang Diyos na Jehova. (Apocalipsis 4:11) Siya ang tunay na Diyos, at siya ang may karapatang magpasiya kung paano siya sasambahin.

Upang tulungan tayong maunawaan ang kaniyang mga kahilingan, nakikipagtalastasan sa atin si Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya. Halos lahat ng nasa lupa ngayon ay makakukuha ng buong Bibliya o ng mga bahagi nito. Bukod dito, sinabi ng Anak ng Diyos: “Kung kayo ay nananatili sa aking salita, . . . malalaman ninyo ang katotohanan.” (Juan 8:31, 32) Kung gayon, ang katotohanan ay maaaring malaman. At milyun-milyong tapat-pusong tao na nagmula sa iba’t ibang relihiyon ang may-katapangang yumayakap sa katotohanang ito at pinagkakaisa sa tunay na pagsamba.​—Mateo 28:19, 20; Apocalipsis 7:9, 10.

Pambuong-Daigdig na Pagkakaisa sa Ating Panahon!

Binabanggit ng isang kapansin-pansing hula sa aklat ng Bibliya na Zefanias ang tungkol sa pagsasama-sama ng mga tao na may iba’t ibang pinagmulan. Iyon ay nagsasabi: “Kung magkagayon ay ibibigay ko [ng Diyos na Jehova] sa mga bayan ang pagbabago tungo sa isang dalisay na wika, upang silang lahat ay tumawag sa pangalan ni Jehova, upang paglingkuran siya nang balikatan.” (Zefanias 3:9) Kay ganda ngang larawan ito ng mga taong nagbago na naglilingkod sa Diyos nang may pagkakaisa!

Kailan ito mangyayari? Sinasabi ng Zefanias 3:8: “ ‘Patuloy kayong maghintay sa akin,’ ang sabi ni Jehova, ‘hanggang sa araw ng aking pagbangon ukol sa pangangamkam, sapagkat ang aking hudisyal na pasiya ay ang tipunin ang mga bansa, ang pisanin ko ang mga kaharian, upang ibuhos sa kanila ang aking pagtuligsa, ang aking buong nag-aapoy na galit; sapagkat sa pamamagitan ng apoy ng aking sigasig ay lalamunin ang buong lupa.’ ” Oo, sa panahon na tinitipon ni Jehova ang mga bansa ngunit bago niya ibuhos sa kanila ang kaniyang nag-aapoy na galit, ibinibigay niya sa mga maaamo sa lupa ang pagbabago tungo sa isang dalisay na wika. Ngayon na ang panahong iyon, sapagkat ang pagtitipon sa lahat ng mga bansa tungo sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat sa Armagedon ay nagaganap na.​—Apocalipsis 16:14, 16.

Upang pagkaisahin ang kaniyang bayan, binibigyan sila ni Jehova ng isang dalisay na wika. Kalakip sa bagong wikang ito ang wastong pagkaunawa sa katotohanan sa Bibliya tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin. Kasali sa pagsasalita ng dalisay na wika ang paniniwala sa katotohanan, pagtuturo nito sa iba, at pamumuhay na kasuwato ng mga kautusan at mga simulain ng Diyos. Hinihiling nito ang pagwawaksi sa bumabahaging pulitika at ang pag-aalis sa makasariling mga saloobin ng puso, tulad ng pagtatangi ng lahi at bumabahaging nasyonalismo na kapansin-pansin sa sanlibutang ito. (Juan 17:14; Gawa 10:34, 35) Ang lahat ng tapat-pusong tao na umiibig sa katotohanan ay maaaring matuto ng wikang ito. Isaalang-alang kung paanong ang limang tao na binanggit sa naunang artikulo​—dating magkaibang-magkaiba dahil sa relihiyon​—ay nagkakaisa na ngayon sa pagsamba sa iisa at tanging tunay na Diyos, si Jehova.

Nagkakaisa Sila sa Tunay na Pagsamba

Nang si Fidelia, isang debotong Romano Katoliko, ay bumili ng isang Bibliya para sa aralin ng kaniyang anak na babae sa paaralan, hiniling niya sa kanilang pari na ipaliwanag mula roon kung ano ang nangyari sa kaniyang limang anak na namatay. “Talagang nakasisira ng loob!” ang sabi niya. Kaya nang dumalaw sa kaniya ang mga Saksi ni Jehova, ibinangon niya sa kanila ang gayunding tanong. Nang mabasa sa kaniyang sariling Bibliya ang katotohanan tungkol sa kalagayan ng mga patay, natanto niya kung paano siya nilinlang ng simbahan. Natutuhan niya na ang mga patay ay walang anumang kabatiran at kung gayon ay hindi sila nagdurusa sa Limbo o saanmang lugar. (Awit 146:4; Eclesiastes 9:5) Itinapon ni Fidelia ang lahat ng kaniyang mga relihiyosong imahen, umalis sa simbahan, at nagsimulang mag-aral ng Bibliya. (1 Juan 5:21) Sa nakaraang sampung taon, nasisiyahan siyang magturo ng maka-Kasulatang katotohanan sa iba.

Si Tara na mula sa Kathmandu ay lumipat sa isang bansa na doo’y kakaunti ang mga templong Hindu. Kaya dumalo siya sa isang simbahang Metodista na umaasang masasapatan ang kaniyang espirituwal na mga pangangailangan. Ngunit wala siyang nasumpungang sagot sa kaniyang tanong tungkol sa pagdurusa ng tao. Pagkatapos ay dinalaw siya ng mga Saksi ni Jehova at inalok siyang mag-aral ng Bibliya kasama nila. Sinabi ni Tara: “Natanto ko na ang isang Diyos ng pag-ibig ay hindi maaaring maging responsable sa lahat ng pagdurusa sa daigdig . . . Ako ay natuwa sa pag-asa tungkol sa isang bagong sanlibutan ng kapayapaan at pagkakaisa.” (Apocalipsis 21:3, 4) Itinapon ni Tara ang kaniyang mga imaheng Hindu, inihinto ang pagsunod sa relihiyosong mga kaugalian ng kaniyang tinubuang lupa, at nakasumpong ng tunay na kaligayahan sa pagtulong na masapatan ang espirituwal na mga pangangailangan ng iba bilang isang Saksi ni Jehova.

Si Panya, ang Budista, ay isang manghuhula nang unang dumalaw sa kaniya ang mga Saksi ni Jehova sa Bangkok, kaya naakit siya sa mga hula sa Bibliya. Sinabi ni Panya: “Nang malaman ko kung bakit ang kasalukuyang mga kalagayan ay naiiba sa orihinal na layunin ng Maylalang at kung paano niya isinaayos na mapawalang-bisa ang pinsalang dulot ng mga tumanggi sa kaniya at sa kaniyang soberanya, para bang isang talukbong ang naalis sa aking mga mata. Ang lahat ng may kinalaman sa mensahe ng Bibliya ay lubhang magkakasuwato. Natutuhan kong ibigin si Jehova bilang isang persona; ito ang gumanyak sa akin upang isagawa ko ang alam kong tama. Sabik akong tulungan ang iba na makita ang pagkakaiba ng karunungan ng tao at ng makadiyos na karunungan. Talagang binago ng tunay na karunungan ang aking buhay.”

Nang maglaon, si Virgil ay nagsimulang magkaroon ng malubhang pag-aalinlangan tungkol sa kaniyang relihiyosong mga paniniwala. Sa halip na manalangin sa Diyos para matulungan ang mga itim na tao at para sa itinuring niyang isang organisasyon na nagtatangi ng lahi na waring nagbubunsod ng pagkapoot sa mga puti, nanalangin siya ukol sa katotohanan, anuman iyon, saanman iyon. “Nang magising ako kinabukasan pagkatapos ng aking taimtim na pananalangin sa Diyos,” ang gunita ni Virgil, “nasumpungan ko ang isang magasing Watchtower sa bahay. . . . Malamang na isiningit iyon sa ilalim ng pinto.” Di-nagtagal ay puspusan na siyang nag-aaral ng Bibliya kasama ng mga Saksi ni Jehova. Sinabi pa niya: “Sa kauna-unahang pagkakataon sa aking buhay, nakadama ako ng kasiyahan. . . . Isang sinag ng pag-asa ang nagsimulang sumikat sa akin.” Di-nagtagal at naging kaisa si Virgil ng mga nag-aalok sa mga tao ng tanging tunay na pag-asa na gaya ng nakasaad sa Salita ng Diyos, ang Bibliya.

Si Charo na mula sa Latin Amerika ay humanga nang isang Saksing nagngangalang Gladys ang tumulong sa kaniya sa pamamagitan ng paghahatid sa kaniya sa palengke nang makitang nahihirapan siya sa kaniyang maliliit na anak. Nang maglaon, tinanggap ni Charo ang alok ni Gladys​—isang walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Nang malaman ni Charo mula sa kaniyang sariling Bibliya na hindi lahat ng mabubuting tao ay pupunta sa langit kundi pagpapalain din ni Jehova ng buhay na walang hanggan ang mga tao sa lupa, siya ay namangha. (Awit 37:11, 29) Ibinabahagi na mismo ni Charo sa iba ang pag-asang ito sa loob ng nakalipas na 15 taon.

Gunigunihin na ang buong lupa ay tinatahanan ng taimtim na mga tao na nagkakaisa sa pagsamba kay Jehova, ang tanging tunay na Diyos! Hindi ito isang kathang-isip. Ito ang ipinangako ni Jehova. Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Zefanias, ipinahayag ng Diyos: “Mag-iiwan ako sa gitna mo ng isang bayan na mapagpakumbaba at mababa, at manganganlong sila sa pangalan ni Jehova. . . . Hindi sila gagawa ng kalikuan, ni magsasalita man ng kasinungalingan, ni masusumpungan man sa kanilang mga bibig ang mapandayang dila; . . . at walang sinumang magpapanginig sa kanila.” (Zefanias 3:12, 13) Kung kaakit-akit sa iyo ang pangakong ito, isapuso ang payo ng Bibliya: “Hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa, na nagsasagawa ng Kaniyang hudisyal na pasiya. Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Baka sakaling makubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.”​—Zefanias 2:3.