Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Inaabot Yaong Mahirap Abutin

Inaabot Yaong Mahirap Abutin

Inaabot Yaong Mahirap Abutin

SINISIKAP ng mga Saksi ni Jehova na makausap ang lahat ng maaari nilang kausapin hinggil sa mensahe ng Kaharian. Kung minsan, kailangan ang higit sa karaniwang pagsisikap upang maabot yaong bihirang masumpungan sa tahanan. (Marcos 13:10) Hinggil dito, isang ministrong special pioneer sa isang bansa sa Timog Amerika ang naglahad ng sumusunod na karanasan.

“Isang araw ay napag-alaman ko na dadalaw ang gobernador ng estado sa teritoryong iniatas sa aming mag-asawa. Yamang maliwanag na isa siya sa mga bihirang masumpungan sa tahanan, sinulatan ko siya at inilakip ang ilang publikasyon sa Bibliya, kasama ang brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? at mga aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos at Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Ipinaliwanag ng aking liham ang layunin ng bawat isa sa mga publikasyong ito.

“Dahil interesado ako na malaman ang kaniyang reaksiyon sa literatura, hiniling ko na makipag-usap sa kaniya. Pagkalipas ng ilang linggo ay pinahintulutan akong makipag-usap sa kaniya, at dinala ko ang isang kopya ng video na Jehovah’s Witnesses​—The Organization Behind the Name. Nagtagal nang mga dalawang oras ang pag-uusap. Pagkatapos panoorin ang video kasama ang gobernador, tinanong ko kung anong masasabi niya rito. Tumugon siya: ‘Walang ibang organisasyon sa lupa ang katulad ng sa inyo. Sana’y may mga tauhan akong katulad ninyo na makatutulong sa akin na tapusin ang mga proyekto ko sa pamahalaan!’ Pagkatapos ay tinanong niya ako kung nakapunta na ako sa pandaigdig na punong-tanggapan ng ating organisasyon. Sinabi ko sa kaniya na bagaman tunguhin ko na iyon mula pa noong ako’y 14 na taóng gulang, hindi pa ako nagkaroon ng pagkakataon na madalaw ang ating pandaigdig na punong-tanggapan sa Brooklyn, New York. Isa ito sa mga tunguhing mahirap abutin. Sandaling tiningnan niya akong mabuti. Pagkatapos ay sinabi niya sa akin na nais niyang magkaroon ako ng gayong pagkakataon. Inasikaso niya ang aming mga legal permit at binigyan niya kami ng mga tiket sa eroplano bilang regalo!

“Regular na ngayong tumatanggap ang gobernador ng mga magasing Bantayan at Gumising! Umaasa kami na di-magtatagal at makapagpapasimula kami sa kaniya ng isang pag-aaral sa Bibliya.”