Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Aral Mula sa Puno ng Palma

Isang Aral Mula sa Puno ng Palma

Isang Aral Mula sa Puno ng Palma

“ISANG marikit na anyo ng pambihirang kagandahan.” Ganiyan ang pagkakalarawan ng isang ensayklopidiya sa Bibliya sa palmang datiles (date palm). Noong panahon ng Bibliya at sa ngayon, pinagaganda ng mga palmang datiles ang Nile Valley ng Ehipto, at naglalaan ang mga ito ng nakagiginhawang lilim sa palibot ng mga oasis ng Negeb Desert.

Tulad ng karamihan sa mga uri ng puno ng palma, kapansin-pansin ang tikas ng palmang datiles. Ang ilan ay umaabot sa taas na 30 metro at patuloy na namumunga sa loob ng 150 taon. Oo, ang palmang datiles ay lubhang nakalulugod sa mata at totoong napakabunga. Bawat taon ay namumunga ito ng ilang kumpol ng mga datiles. Ang isang kumpol lamang ay maaaring maglaman ng mahigit sa 1,000 datiles. Isang awtoridad ang sumulat hinggil sa datiles: “Yaong . . . nakatitikim lamang ng pinatuyo at nakabalot na datiles na nakikita sa mga iskaparate ng tindahan ay mahihirapan na maguniguni kung gaano ito kasarap kapag kinain nang sariwa.”

Angkop na itulad ng Bibliya ang ilang tao sa mga puno ng palma. Upang maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, gaya ng isang mabungang puno ng palma, dapat na ang isang tao ay maging matuwid sa moral at magpatuloy sa pagluluwal ng mabubuting gawa. (Mateo 7:17-20) Sa dahilang ito, ang mga nililok na larawan ng mga puno ng palma ay ginamit bilang dekorasyon kapuwa sa templo ni Solomon at sa templo sa pangitain ni Ezekiel. (1 Hari 6:29, 32, 35; Ezekiel 40:14-16, 20, 22) Kaya para maging kaayaaya sa Diyos ang pagsamba ng isa, dapat na taglayin ng isa ang kanais-nais na mga katangian ng isang palmang datiles. Ipinaliliwanag ng Salita ng Diyos: “Ang matuwid ay mamumukadkad na gaya ng puno ng palma.”​—Awit 92:12.