Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Buhay na Maraming Sorpresa sa Paglilingkuran kay Jehova

Isang Buhay na Maraming Sorpresa sa Paglilingkuran kay Jehova

Isang Buhay na Maraming Sorpresa sa Paglilingkuran kay Jehova

AYON SA SALAYSAY NINA ERIC AT HAZEL BEVERIDGE

“Hinahatulan kita ng anim na buwan sa bilangguan.” Taglay sa isipan ang mga pananalitang iyon, dinala ako sa Strangeways Prison sa Manchester, Inglatera. Noon ay Disyembre 1950, at 19 na taóng gulang ako. Katatapos ko pa lamang harapin ang isa sa pinakamahihirap na pagsubok sa aking buhay bilang kabataan​—tumanggi akong magpatala sa paglilingkurang militar.​—2 Corinto 10:3-5.

ISA akong buong-panahong ministrong pioneer ng mga Saksi ni Jehova, na dapat sana’y mangahulugan ng eksemsiyon sa paglilingkurang militar, ngunit hindi tinanggap ng batas ng Britanya ang katayuan namin bilang ministro. Kaya napunta ako sa isang selda ng bilangguan nang nag-iisa. At naisip ko ang aking ama. Sa di-tuwirang paraan, nabilanggo ako dahil sa kaniya.

Kasi, si Itay, isang opisyal ng bilangguan, ay nagmula sa Yorkshire at may matibay na paninindigan at mga simulain. Dahil sa kaniyang mga karanasan sa pagsusundalo at sa paglilingkuran sa bilangguan, matindi ang pagkayamot niya sa Katolisismo. Una niyang nakausap ang mga Saksi noong kaagahan ng dekada 1930 nang magtungo siya sa pintuan upang paalisin sila​—subalit nagbalik na dala-dala ang ilan sa kanilang mga aklat! Nang maglaon ay kumuha siya ng suskrisyon ng magasing Consolation (ngayon ay Gumising!). Taun-taon ay dumadalaw noon ang mga Saksi upang pasiglahin siya na ipagpatuloy ang kaniyang suskrisyon. Nang ako’y mga edad 15, muli silang nakipag-usap kay Itay, at pumanig ako sa mga Saksi. Noon ako nagsimulang mag-aral ng Bibliya.

Sa edad na 17, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng pagpapabautismo noong Marso 1949. Noong huling bahagi ng taóng iyon ay nakilala ko sina John at Michael Charuk, mga bagong nagtapos sa paaralang pangmisyonero ng Gilead at noon ay patungo sa Nigeria. Lubha akong namangha sa kanilang espiritu ng pagmimisyonero. Batid man nila ito o hindi, naitanim nila ang espiritung iyon sa aking puso.

Habang nag-aaral ng Bibliya, nawalan ako ng interes na itaguyod ang pagkuha ng puwesto sa isang unibersidad. Sa loob ng isang taon mula nang lumisan ako sa tahanan upang magtrabaho sa opisina ng Customs and Excise sa London, nadama kong hindi ko matutupad ang aking pag-aalay sa Diyos kung patuloy akong magtatrabaho sa gobyerno. Nang magbitiw ako sa aking trabaho sa opisina, binati ako ng isang matagal nang empleado na ka-opisina ko dahil iniwan ko ang “isang trabahong nakasisira ng disposisyon.”

Bago nito ay napaharap ako sa isa pang pagsubok​—kung paano sasabihin sa aking ama na gusto kong magbitiw sa aking matatag na trabaho upang maging isang buong-panahong ministro. Isang gabi habang nagbabakasyon sa bahay, sinabi ko ang nakagigitlang balita. Hinintay kong ibulalas ni Itay ang kaniyang damdamin. Nagulat ako sapagkat sinabi lamang niya: “Desisyon mo iyan; panindigan mo. Ngunit kung mabigo ka, huwag kang tatakbo-takbo sa akin.” Ganito ang isinulat ko sa aking talaarawan noong Enero 1, 1950: “Sinabi ko kay Itay ang hinggil sa pagpapayunir. Gulat na gulat ako sa kaniyang makatuwiran at matulunging saloobin. Hindi ko mapigilan ang pag-iyak dahil sa kaniyang kabaitan.” Nagbitiw ako sa pagtatrabaho sa gobyerno at tinanggap ang atas na maging isang buong-panahong payunir.

Isang Atas na May “Maliit na Bahay”

Pagkatapos ay dumating ang sumunod na pagsubok sa aking debosyon sa Diyos. Inalukan ako ng isang atas sa pagpapayunir, kalakip ang pagtira sa isang “maliit na bahay” sa Lancashire kasama si Lloyd Griffiths, isang kapuwa Kristiyano mula sa Wales. Habang iniisip-isip ang magagandang tunguhin at pangarap hinggil sa maliit na bahay na iyon, dumating ako sa walang-kabuhay-buhay at maulang bayan ng Bacup. Di-nagtagal at nagising ako sa katotohanan na ang maliit na bahay pala ay tumutukoy sa isang silong! Marami kaming kasamang daga at ipis sa gabi. Muntik-muntikan na akong umurong at umuwi sa amin. Sa halip, tahimik akong nanalangin at humingi ng lakas upang maharap ang pagsubok na ito. Bigla akong nakadama ng kapayapaan, at sinimulan kong malasin ang situwasyon nang makatotohanan. Ito ang atas ko mula sa organisasyon ni Jehova. Magtitiwala ako kay Jehova para sa tulong. Laking pasasalamat ko na nagbata ako sa kalagayang iyon, sapagkat kung sumuko ako ay baka nabago ang aking buhay magpakailanman!​—Isaias 26:3, 4.

Nangaral ako sa Rossendale Valley, na noon ay naghihirap sa ekonomiya, sa loob ng mga siyam na buwan bago ako ibinilanggo dahil sa pagtanggi sa paglilingkurang militar. Pagkalipas ng dalawang linggo sa Strangeways Prison, inilipat ako sa Lewes Prison sa timugang baybayin ng Inglatera. Nang maglaon ay lima na kaming Saksi roon na magkakasama, at naipagdiwang namin ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo sa isang selda ng bilangguan.

Minsan ay dinalaw ako ni Itay. Malamang na iyan ay naging pagsubok sa kaniyang amor propyo​—isang kilaláng opisyal ng bilangguan na dinadalaw ang kaniyang nakabilanggong anak! Lagi kong ipinagpapasalamat ang pagdalaw na iyon. Sa wakas, dumating ang araw ng aking paglaya noong Abril 1951.

Sa aking paglaya mula sa Lewes, sumakay ako sa tren patungong Cardiff, Wales, kung saan naglilingkod ang aking ama bilang pangunahing opisyal sa bilangguan. Ako ang panganay sa apat na anak​—tatlong lalaki at isang babae. Kinailangan kong maghanap ng trabahong part-time upang matustusan ko ang aking sarili at manatiling payunir. Nagtrabaho ako sa isang tindahan ng damit, ngunit ang pangunahing layunin ko sa buhay ay ang aking ministeryong Kristiyano. Nang panahong ito ay iniwan kami ng aming ina. Matinding dagok iyon kay Itay at sa aming mga anak, na ang mga edad ay mula 8 hanggang 19. Nakalulungkot, nagdiborsiyo ang aming mga magulang.

Siya na Nakasumpong ng Mabuting Asawang Babae . . .

May ilang payunir sa kongregasyon. Ang isa sa kanila ay isang sister na bumababâ araw-araw mula sa minahan-ng-uling na Rhondda Valley upang magtrabaho at mangaral. Ang pangalan niya’y Hazel Green​—isang napakahusay na payunir. Mas matagal nang alam ni Hazel ang katotohanan kaysa sa akin​—dumadalo na ang kaniyang mga magulang sa mga pulong ng mga Estudyante ng Bibliya (na ngayon ay kilalá bilang mga Saksi ni Jehova) noon pang dekada ng 1920. Ngunit hayaan nating siya ang maglahad ng kaniyang sariling kasaysayan.

“Hindi ko sineryoso ang Bibliya hanggang noong 1944 nang mabasa ko ang buklet na Religion Reaps the Whirlwind. Inudyukan ako ng aking ina na dumalo sa pansirkitong asamblea sa Cardiff. Bagaman halos walang kaalam-alam sa Bibliya, napapunta ako sa pangunahing shopping center na may suot na plakard na nagpapatalastas ng isang pahayag pangmadla. Napagtagumpayan ko ang karanasan sa kabila ng panliligalig ng mga klerigo at iba pa. Nabautismuhan ako noong 1946 at nagsimulang magpayunir noong Disyembre nang taóng iyon. Pagkatapos, noong 1951, isang kabataang payunir ang lumitaw sa Cardiff, na kalalabas pa lamang sa bilangguan. Si Eric iyon.

“Nangaral kaming magkasama. Nagkasundo naman kami. Pareho ang aming mga tunguhin sa buhay​—ang pagpapasulong ng mga kapakanan ng Kaharian ng Diyos. Kaya nagpakasal kami noong Disyembre 1952. Bagaman pareho kaming nasa buong-panahong paglilingkod bilang mga payunir at limitado lamang ang kinikita, kailanman ay hindi kami nagkulang sa pangunahing mga pangangailangan. Minsan ay nakatatanggap kami ng regalo mula sa isang Saksi na nagkataong bumili ng sobrang palaman o sabon​—sa panahong kailangan namin ang mga ito! Lubha naming pinahahalagahan ang gayong praktikal na pagbibigay. Ngunit mas malalaking sorpresa pa ang naghihintay sa amin.”

Isang Sorpresa na Bumago sa Aming Buhay

Noong Nobyembre 1954, tumanggap kami ni Hazel ng isang di-inaasahang sorpresa​—isang aplikasyon mula sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa London upang ako’y maging isang naglalakbay na tagapangasiwa, na dumadalaw sa iba’t ibang kongregasyon bawat linggo. Kumbinsido kami na ito’y isa lamang pagkakamali, kaya wala kaming sinabihan sa kongregasyon. Gayunman, pinunan ko ang aplikasyon at ibinalik ito, at balisang naghintay. Makalipas ang ilang araw, dumating ang tugon: “Pumunta ka sa London para sa pagsasanay”!

Sa tanggapan sa London, hindi ako makapaniwala na, sa edad na 23, naroroon ako kasama ang namumukod-tanging mga kapatid na sa akin ay waring mga higante sa espirituwal​—sina Pryce Hughes, Emlyn Wynes, Ernie Beavor, Ernie Guiver, Bob Gough, Glynn Parr, Stan at Martin Woodburn, at marami pang iba, na ang karamihan ay matagal nang pumanaw. Nakapaglatag sila ng matibay na pundasyon ng kasigasigan at katapatan sa Britanya noong mga dekada ng 1940 at 1950.

Pansirkitong Gawain sa Inglatera​—Kailanma’y Hindi Nakababagot

Nagsimula ang aming gawaing paglalakbay noong mayelong taglamig ng 1954/55. Inatasan kami sa East Anglia, isang patag na lugar sa Inglatera na nakahantad sa malalamig na hangin ng North Sea. Mayroon lamang 31,000 Saksi noon sa Britanya. Ang unang sirkitong iyon ay isang mahirap at nakapagtuturong karanasan para sa amin; hindi rin ito laging madali para sa mga kapatid na aming dinadalaw. Yamang ako’y walang-karanasan at prangkang magsalita dahil sa aking pagiging taga-Yorkshire, minsan ay nakasasakit ako ng damdamin ng ibang kapatid. Sa paglipas ng mga taon, kinailangan kong matutuhan na mas mahalaga ang kabaitan kaysa sa kahusayan at na mas mahalaga ang mga tao kaysa sa mga pamamaraan. Nagsisikap pa rin ako, bagaman hindi laging matagumpay, na sundin ang halimbawa ni Jesus ng pagiging kaginhawahan sa iba.​—Mateo 11:28-30.

Pagkalipas ng 18 buwan sa East Anglia, inatasan kaming maglingkod sa isang sirkito sa hilagang-silangan ng Inglatera, sa Newcastle sa Tyne at Northumberland. Gustung-gusto ko ang magiliw na mga tao sa rehiyong iyon na may magagandang tanawin. Malaki ang naitulong sa akin ng dumadalaw na pandistritong tagapangasiwa na si Don Ward, mula sa Seattle, Washington, E.U.A. Nagtapos siya sa ika-20 klase ng Gilead. Bilang isang tagapagsalita, napakabilis kong magbitiw ng impormasyon. Tinuruan niya akong maghinay-hinay, humintu-hinto, at magturo.

Isa Pang Sorpresa na Bumago sa Aming Buhay

Noong 1958, nakatanggap kami ng isang liham na bumago sa aming buhay. Inanyayahan kaming dumalo sa Paaralang Gilead sa South Lansing, New York, E.U.A. Ipinagbili namin ang aming maliit na kotseng 1935 Austin Seven at bumili ng aming mga tiket upang maglayag patungong New York. Dumalo muna kami sa internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa New York City. Mula roon ay pumunta kami sa Peterborough, Ontario, upang magpayunir sa loob ng anim na buwan bago tumungo sa timog sa Paaralang Gilead.

Kasama sa mga instruktor ng paaralan si Albert Schroeder, na ngayon ay miyembro ng Lupong Tagapamahala, gayundin sina Maxwell Friend at Jack Redford, na mga namatay na. Ang pagsasamahan sa gitna ng 82 estudyante mula sa 14 na lupain ay lubhang nakapagpapatibay. Unti-unti naming naunawaan ang kultura ng isa’t isa. Ang pakikihalubilo sa mga estudyanteng nagmula sa iba’t ibang bansa na nahihirapang magsalita ng Ingles ay nagbigay sa amin ng patikim ng mga problema na haharapin namin kapag mag-aaral ng ibang wika. Sa loob ng limang buwan ay natapos namin ang aming pagsasanay at inatasan kami sa 27 bansa. Pagkatapos ay dumating ang aming gradwasyon, at sa loob ng ilang araw ay nasa New York City na kami, na hinihintay ang aming barko, ang Queen Elizabeth, upang dalhin kami pabalik sa Europa.

Ang Aming Unang Atas sa Ibang Bansa

Anong atas ang ibinigay sa amin? Portugal! Dumating kami sa Lisbon noong Nobyembre 1959. Ngayon ay dumating ang pagsubok sa aming kakayahang makibagay sa bagong wika at kultura. Noong 1959, may 643 aktibong Saksi sa Portugal, na may populasyon na halos 9 na milyon. Ngunit ang aming gawaing pangangaral ay hindi pa legal na kinikilala. Bagaman mayroon kaming mga Kingdom Hall, walang mga karatula sa labas.

Pagkatapos maturuan ng wikang Portuges ng misyonerang si Elsa Piccone, dinalaw namin ni Hazel ang mga kongregasyon at mga grupo sa palibot ng Lisbon, Faro, Evora, at Beja. Pagkatapos, noong 1961 ay nagsimulang magbago ang mga bagay-bagay. Nagdaraos ako noon ng pag-aaral sa Bibliya sa isang kabataang lalaki na nagngangalang João Gonçalves Mateus. Nagpasiya siyang manindigan bilang isang Kristiyano na neutral sa isyu ng paglilingkurang militar. Di-nagtagal pagkatapos nito, inanyayahan ako sa tanggapan ng pulisya upang pagtatanungin. Isa pang sorpresa! Pagkalipas ng ilang araw, sinabihan kami na mayroon kaming 30 araw para umalis sa bansa! Ganiyan din ang nangyari sa mga kapuwa misyonero na sina Eric at Christina Britten at Domenick at Elsa Piccone.

Umapela ako para sa isang pagdinig, at pinahintulutan kami na makipagkita sa hepe ng sekreta. Buong-linaw niyang sinabi sa amin kung bakit kami pinaaalis at binanggit ang isang pangalan​—João Gonçalves Mateus​—ang aking estudyante sa Bibliya! Sinabi niya na di-tulad sa Britanya, hindi maaaring pahintulutan ng Portugal ang pagtutol dahil sa budhi. Kaya kinailangan naming umalis sa Portugal, at nawalan na ako ng pakikipag-ugnayan kay João. Pagkatapos, makalipas ang 26 na taon, tunay na isang kagalakan na makita siya kasama ang kaniyang asawa at tatlong anak na babae sa pag-aalay ng bagong Bethel sa Portugal! Hindi nawalan ng kabuluhan ang aming ministeryo sa Portugal!​—1 Corinto 3:6-9.

Ano ang aming susunod na atas? Isa na namang sorpresa! Ang katabing Espanya. Bagaman napapaluha, noong Pebrero 1962 ay sumakay kami sa tren sa Lisbon at tumungo sa Madrid.

Pakikibagay sa Iba na Namang Kultura

Sa Espanya, kinailangan naming masanay sa palihim na pangangaral at pagdaraos ng aming mga pulong. Kapag nangangaral, karaniwan nang hindi namin dinadalaw ang dalawang magkatabing bahay. Pagkatapos na magpatotoo sa isang pintuan, pupunta kami sa ibang kalye at sa ibang gusali. Dahil diyan ay nahirapan ang mga pulis​—o mga pari​—na hulihin kami. Tandaan na kami’y namumuhay sa ilalim ng diktadurang Katoliko at Pasista, at ang aming gawaing pangangaral ay ipinagbabawal. Bilang mga banyaga, mga pangalang Kastila ang ginamit namin bilang proteksiyon sa aming pagkakakilanlan. Ako’y naging Pablo, at naging Juana naman si Hazel.

Pagkalipas ng ilang buwan sa Madrid, inatasan kami sa pansirkitong gawain sa Barcelona. Dinalaw namin ang iba’t ibang kongregasyon sa lunsod, na madalas ay gumugugol ng dalawa o tatlong linggo sa bawat kongregasyon. Inaabot nang ganoon katagal ang mga pagdalaw dahil kailangan naming dalawin ang bawat grupo sa pag-aaral ng aklat na para bang isang kongregasyon ang mga ito, at karaniwan nang nangangahulugan ito ng dalawang grupo linggu-linggo.

Isang Di-Inaasahang Hamon

Noong 1963 ay inanyayahan kami sa pandistritong gawain sa Espanya. Upang mapaglingkuran ang halos 3,000 aktibong Saksi, kailangan naming kubrehan ang buong bansa, anupat dinadalaw ang siyam na sirkito na umiiral noon. Idinaos namin ang ilan sa aming pinaka-di-malilimutang palihim na mga pansirkitong asamblea sa kakahuyang malapit sa Seville, sa isang parang malapit sa Gijon, at sa tabi ng mga ilog na malapit sa Madrid, Barcelona, at Logroño.

Bilang pag-iingat kapag nangangaral sa bahay-bahay, tinitingnan ko muna ang pagkakaayos ng kalapit na mga kalye para sa daan na matatakasan kung sakaling magkaproblema. Minsan habang nangangaral sa Madrid, kami ng isang Saksi ay nasa itaas na palapag nang bigla kaming makarinig ng sigawan at hiyawan sa ibaba. Nang manaog kami, may isang grupo ng mga babaing tin-edyer, mga miyembro ng isang grupong Katoliko na tinatawag na Hijas de María (Mga Anak na Babae ni Maria). Binabalaan nila ang mga kapitbahay tungkol sa amin. Hindi kami maaaring makipagkatuwiranan sa kanila, at alam ko na dapat na kaming umalis kaagad dahil kung hindi ay mahuhuli kami ng pulis. Kaya tumakas kami​—at talagang madalian!

Iyon ay kapana-panabik na mga taon na mapasa-Espanya. Sinisikap naming pasiglahin ang mahuhusay na mga kapatid doon, kasama na ang mga ministrong special pioneer. Isinapanganib nila ang kanilang mga sarili na mabilanggo at madalas na binatá ang kasalatan upang maipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at maitatag at mapalakas ang mga kongregasyon.

Nang panahong ito ay nakatanggap din kami ng ilang masamang balita. Ipinaliwanag ni Hazel: “Noong 1964, namatay ang aking ina, isang tapat na Saksi. Isa ngang nakalulungkot na dagok na mawala siya nang hindi man lamang nakapagpapaalam. Isa iyan sa mga sakripisyo ng gawaing pagmimisyonero na naranasan din ng maraming iba pa.”

Kalayaan sa Wakas

Pagkatapos ng maraming taon ng pag-uusig, sa wakas ay legal na kinilala ang aming gawain noong Hulyo 1970 ng pamahalaang Franco. Tuwang-tuwa kami ni Hazel sa pagbubukas ng mga Kingdom Hall, ang una ay sa Madrid at ang ikalawa ay sa Lesseps, Barcelona. Laging malalaki ang karatula ng mga ito, na madalas ay iniilawan. Nais naming malaman ng mga tao na kami ay legal na at mananatili na rito! Sa puntong ito, noong 1972, mayroon nang halos 17,000 Saksi sa Espanya.

Nang panahong ito, nakatanggap ako ng lubhang nakapagpapasiglang balita mula sa Inglatera. Dinalaw kami sa Espanya ng aking ama noong 1969. Hangang-hanga siya sa paraan ng pakikitungo sa kaniya ng mga Kastilang Saksi anupat nang bumalik siya sa Inglatera, nagsimula siyang mag-aral ng Bibliya. Pagkatapos, noong 1971, ibinalita sa akin na nabautismuhan na si Itay! Isang nakaaantig na sandali nang dumalaw kami sa amin at siya, bilang aking kapatid na Kristiyano, ang nanalangin sa aming pagkain. Dalawampung taon kong hinintay na dumating ang araw na iyon. Ang aking kapatid na si Bob at ang kaniyang asawa na si Iris ay naging mga Saksi noong 1958. Ang kanilang anak na si Phillip ay naglilingkod ngayon bilang isang tagapangasiwa ng sirkito sa Espanya kasama ang kaniyang asawa na si Jean. Lubha naming ikinalulugod na makita silang naglilingkod sa kamangha-manghang bansang iyon.

Ang Aming Pinakabagong Sorpresa

Noong Pebrero 1980, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ang dumalaw sa Espanya bilang tagapangasiwa ng sona. Laking gulat ko nang nais niyang sumama sa akin sa ministeryo. Wala akong kaalam-alam na sinisiyasat pala niya ako! Pagkatapos, noong Setyembre ay inanyayahan kami na lumipat sa pandaigdig na punong-tanggapan sa Brooklyn, New York! Gulat na gulat kami. Tinanggap namin ang paanyaya, bagaman masakit na iwan ang aming mga kapatid na Kastila. Noon ay mayroon nang 48,000 Saksi!

Nang papaalis na kami, isang kapatid ang nagbigay sa akin ng isang pocket watch bilang regalo. Doon ay iniukit niya ang dalawang teksto​—“Lucas 16:10; Lucas 17:10.” Sinabi niya na iyon ang aking mga temang teksto. Idiniriin ng Lucas 16:10 na dapat tayong maging tapat sa maliliit na bagay, at sinasabi ng Lucas 17:10 na tayo’y “walang-kabuluhang mga alipin” at samakatuwid ay walang dahilan upang maghambog. Palagi kong natatanto na anuman ang ating ginagawa sa paglilingkuran kay Jehova ay tungkulin lamang natin bilang nakaalay na mga Kristiyano.

Isang Sorpresa sa Kalusugan

Noong 1990, nagsimula akong magkaroon ng mga problema sa puso. Nang maglaon, kinailangan akong gamitan ng stent upang mabuksan ang isang nagbarang ugat. Sa yugtong ito ng pisikal na panghihina, sinuportahan ako ni Hazel sa maraming paraan, anupat kadalasa’y dinadala ang mga bag at maleta na hindi ko na mabuhat dahil sa aking lubhang panghihina. Pagkatapos, noong Mayo 2000, nilagyan ako ng isang pacemaker. Napakalaking bagay nga ang nagawa niyaon!

Nitong nakalipas na 50 taon, nakita namin ni Hazel na hindi maikli ang kamay ni Jehova at na natutupad ang kaniyang mga layunin sa kaniyang takdang kapanahunan, hindi sa ating itinakdang panahon. (Isaias 59:1; Habakuk 2:3) Nagkaroon kami ng maraming nakagagalak na sorpresa sa aming buhay at mayroon ding ilan na nakalulungkot, ngunit sa lahat ng ito ay inalalayan kami ni Jehova. Dito sa pandaigdig na punong-tanggapan ng bayan ni Jehova, araw-araw ay pinagpapala kami sa pakikihalubilo sa mga miyembro ng Lupong Tagapamahala. Kung minsan ay tinatanong ko ang aking sarili, ‘Talaga bang naririto kami?’ Ito’y isang di-sana-nararapat na kabaitan. (2 Corinto 12:9) Nagtitiwala kami na patuloy kaming ipagsasanggalang ni Jehova laban sa mga pakana ni Satanas at iingatan kami upang matamasa namin ang araw ng kaniyang matuwid na pamamahala sa ibabaw ng lupa.​—Efeso 6:11-18; Apocalipsis 21:1-4.

[Larawan sa pahina 26]

Strangeways Prison, Manchester, kung saan ako unang ibinilanggo

[Larawan sa pahina 27]

Kasama ang aming Austin Seven sa pansirkitong gawain sa Inglatera

[Larawan sa pahina 28]

Isang palihim na asamblea sa Cercedilla, Madrid, Espanya, noong 1962

[Larawan sa pahina 29]

Sa aming mesa na ginagamit sa pagpapatotoo sa Brooklyn