Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Ano ang “kapahingahan” na tinutukoy sa Hebreo 4:9-11, at paano ‘pumapasok [ang isa] sa kapahingahang iyon’?

Sumulat si apostol Pablo sa mga Kristiyanong Hebreo noong unang siglo: “May nananatili pang sabbath na pagpapahinga para sa bayan ng Diyos. Sapagkat ang tao na pumasok sa kapahingahan ng Diyos ay nagpahinga na rin naman mula sa kaniyang sariling mga gawa, gaya ng ginawa ng Diyos mula sa kaniyang mga gawa. Samakatuwid ay gawin natin ang ating buong makakaya na pumasok sa kapahingahang iyon.”​—Hebreo 4:9-11.

Nang banggitin ni Pablo ang hinggil sa pagpapahinga ng Diyos mula sa Kaniyang gawa, malamang na tinutukoy niya ang sinasabi sa Genesis 2:2, kung saan mababasa natin: “Sa ikapitong araw ay natapos ng Diyos ang kaniyang gawain na ginawa niya, at siya ay nagpasimulang magpahinga noong ikapitong araw mula sa lahat ng kaniyang gawain na ginawa niya.” Bakit nagpasimulang “magpahinga noong ikapitong araw” si Jehova? Tiyak na hindi dahil sa kailangan niyang magpanumbalik ng lakas dahil “sa lahat ng kaniyang gawain na ginawa niya.” Ang sumunod na talata ay naglalaan ng karagdagang impormasyon: “Pinasimulang pagpalain ng Diyos ang ikapitong araw at ginawa itong sagrado, sapagkat noon ay nagpapahinga na siya mula sa lahat ng kaniyang gawa na nilalang ng Diyos upang gawin.”​—Genesis 2:3; Isaias 40:26, 28.

Ang “ikapitong araw” ay naiiba sa naunang anim na araw sa dahilang ito ang araw na pinagpala at ginawang sagrado ng Diyos, samakatuwid nga, isang araw na ibinukod, o inialay, para sa isang pantanging layunin. Ano ba ang layuning iyon? Bago nito, isiniwalat ng Diyos ang kaniyang layunin ukol sa sangkatauhan at sa lupa. Sinabi ng Diyos sa unang lalaki at sa kaniyang asawa: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at supilin iyon, at magkaroon kayo ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat at sa mga lumilipad na nilalang sa langit at sa bawat nilalang na buháy na gumagala sa ibabaw ng lupa.” (Genesis 1:28) Bagaman binigyan ng Diyos ang sangkatauhan at ang lupa ng isang sakdal na pasimula, nangangailangan ng panahon upang ang buong lupa ay masupil at gawing isang paraiso na punô ng isang sakdal na pamilyang tao, tulad ng nilayon ng Diyos. Kaya, noong “ikapitong araw,” ang Diyos ay nagpahinga, o huminto, sa karagdagang mga gawain ng paglalang sa lupa upang pahintulutan ang mga nalalang na niya na sumulong ayon sa kaniyang kalooban. Sa katapusan ng “araw” na iyon, ang lahat ng nilayon ng Diyos ay magiging isang katotohanan. Gaano katagal ang kapahingahang iyon?

Sa pagbabalik sa sinabi ni Pablo sa mga Hebreo, mapapansin natin na binanggit niya na “may nananatili pang sabbath na pagpapahinga para sa bayan ng Diyos,” at hinimok niya ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano na gawin ang kanilang buong makakaya “na pumasok sa kapahingahang iyon.” Ipinakikita nito na noong isinulat ni Pablo ang mga pananalitang iyon, nagpapatuloy pa ang “ikapitong araw” ng kapahingahan ng Diyos, na nagsimula mga 4,000 taon bago nito. Hindi ito matatapos hangga’t ang layunin ng Diyos hinggil sa sangkatauhan at sa lupa ay hindi pa lubos na natutupad sa katapusan ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesu-Kristo, na siyang “Panginoon ng sabbath.”​—Mateo 12:8; Apocalipsis 20:1-6; 21:1-4.

Yamang taglay ang kamangha-manghang pag-asang iyan, ipinaliwanag ni Pablo kung paano makapapasok ang isa sa kapahingahan ng Diyos. Sumulat siya: “Ang tao na pumasok sa kapahingahan ng Diyos ay nagpahinga na rin naman mula sa kaniyang sariling mga gawa.” Sinasabi sa atin nito na bagaman may sakdal na pasimula, ang sangkatauhan sa kabuuan ay hindi pa nakapasok sa kapahingahan ng Diyos. Ito ay dahil sa hindi tinupad nang mahabang panahon nina Adan at Eva ang kapahingahan ng Diyos sa “ikapitong araw” sa pamamagitan ng pagtanggap sa kaniyang kaayusan para sa kanila. Sa halip, naghimagsik sila at naghangad na maging hiwalay sa Diyos. Sa katunayan, sumama sila sa pakana ni Satanas sa halip na tanggapin ang maibiging patnubay ng Diyos. (Genesis 2:15-17) Bilang resulta, naiwala nila ang pag-asa na mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa. Mula noon, ang buong sangkatauhan ay naging alipin ng kasalanan at kamatayan.​—Roma 5:12, 14.

Hindi binigo ng paghihimagsik ng sangkatauhan ang layunin ng Diyos. Nagpapatuloy ang kaniyang araw ng kapahingahan. Gayunman, gumawa si Jehova ng isang maibiging paglalaan​—ang pantubos​—sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, upang ang lahat ng tatanggap nito salig sa pananampalataya ay makaaasa sa paglaya at kapahingahan mula sa pasanin ng kasalanan at kamatayan. (Roma 6:23) Iyan ang dahilan kung bakit hinimok ni Pablo ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano na ‘magpahinga mula sa kanilang sariling mga gawa.’ Kailangan nilang tanggapin ang paglalaan ng Diyos para sa kaligtasan at huwag sikaping isagawa ang kanilang sariling kinabukasan sa sarili nilang paraan, tulad ng ginawa nina Adan at Eva. Kailangan din nilang iwasan ang pagtataguyod ng kanila mismong mga gawa ng pagmamatuwid-sa-sarili.

Ang pagsasaisantabi sa makasarili o makalupang mga hangarin ng isa upang gawin ang kalooban ng Diyos ay talagang nakagiginhawa at nakapagdudulot ng kapahingahan. Ipinahayag ni Jesus ang paanyayang ito: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat ang aking pamatok ay may-kabaitan at ang aking pasan ay magaan.”​—Mateo 11:28-30.

Ang pagtalakay ni Pablo hinggil sa kapahingahan ng Diyos at kung paano makapapasok ang isa rito ay tiyak na naging isang pampatibay-loob sa mga Kristiyanong Hebreo sa Jerusalem, na nagbata ng maraming pag-uusig at panunuya dahil sa kanilang pananampalataya. (Gawa 8:1; 12:1-5) Sa katulad na paraan, ang mga pananalita ni Pablo ay maaaring maging isang pampatibay-loob sa mga Kristiyano sa ngayon. Yamang natatanto na napakalapit na ng katuparan ng pangako ng Diyos na magdulot ng isang paraisong lupa sa ilalim ng kaniyang matuwid na Kaharian, dapat din tayong magpahinga mula sa ating sariling mga gawa at gawin ang ating buong makakaya upang makapasok sa kapahingahang iyon.​—Mateo 6:10, 33; 2 Pedro 3:13.

[Mga larawan sa pahina 31]

Matutupad ang ipinangako ng Diyos na isang makalupang paraiso sa katapusan ng araw ng kaniyang kapahingahan