Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Mo Matutulungan ang Isang “Alibughang” Anak?

Paano Mo Matutulungan ang Isang “Alibughang” Anak?

Paano Mo Matutulungan ang Isang “Alibughang” Anak?

“Magalak sapagkat . . . siya ay nawala at nasumpungan.”​—LUCAS 15:32.

1, 2. (a) Paano tumugon ang ilang kabataan sa katotohanang Kristiyano? (b) Ano ang maaaring madama ng mga magulang at mga anak na nasa gayong kalagayan?

 “IIWAN ko na ang katotohanan!” Tunay ngang nakagigitla para sa mga magulang na may-takot sa Diyos at nagsikap nang puspusan na palakihin ang kanilang mga anak sa Kristiyanong pamumuhay na marinig ang mga salitang ito mula sa isang anak! Ang ibang kabataan naman ay basta na lamang ‘naanod papalayo’ nang di-aktuwal na ipinahahayag ang kanilang mga intensiyon. (Hebreo 2:1) Marami sa mga ito ang nakakatulad ng alibughang anak sa talinghaga ni Jesus, na umalis sa bahay ng kaniyang ama at nilustay ang kaniyang mana sa isang malayong lupain.​—Lucas 15:11-16.

2 Bagaman wala namang ganitong problema ang karamihan sa mga Saksi ni Jehova, para doon sa mga mayroon, walang salita ng kaaliwan ang lubusang makapag-aalis ng kanilang hinagpis. At hindi rin dapat ipagwalang-bahala ang kalungkutan na maaaring maranasan mismo ng suwail na kabataan. Sa kaibuturan ng kaniyang puso, baka binabagabag siya ng kaniyang budhi. Sa talinghaga ni Jesus, nang maglaon ay ‘bumalik sa kaniyang katinuan’ ang alibughang anak, na ikinagalak ng kaniyang ama. Paano matutulungan ng mga magulang at iba pa sa kongregasyon ang mga alibugha na ‘bumalik sa kanilang katinuan’?​—Lucas 15:17.

Kung Bakit Nagpapasiya ang Ilan na Iwan ang Katotohanan

3. Ano ang ilang dahilan kung bakit nagpapasiya ang mga kabataan na iwan ang kongregasyong Kristiyano?

3 May daan-daan libong kabataan na maligayang naglilingkod kay Jehova sa kongregasyong Kristiyano. Kung gayon, bakit iniiwan ng ibang kabataan ang katotohanan? Maaaring nanghihinayang sila sa isang bagay na iniaalok ng sanlibutan. (2 Timoteo 4:10) O baka itinuturing nilang napakahigpit ng nagsasanggalang na kulungan ng tupa ni Jehova. Ang bagbag na budhi, matinding interes sa di-kasekso, o pagnanais na tanggapin ng mga kasama ay maaaring maging dahilan din upang maanod papalayo ang isang kabataan mula sa kawan ni Jehova. Maaaring tumigil sa paglilingkod sa Diyos ang isang kabataan dahil sa wari’y pagpapaimbabaw ng kaniyang mga magulang o ng iba pang Kristiyano.

4. Ano ang kadalasang pinakasanhi ng pagkaligáw ng mga kabataan?

4 Ang mapaghimagsik na saloobin at paggawi ng isang anak ay kadalasang mga sintomas ng panghihina sa espirituwal at mga pahiwatig ng nilalaman ng kaniyang puso. (Kawikaan 15:13; Mateo 12:34) Anuman ang dahilan ng pagkaligáw ng isang kabataan, ang kadalasang ugat ng problema ay ang hindi niya pagkakaroon ng “tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (2 Timoteo 3:7) Sa halip na basta sambahin si Jehova dahil sa udyok lamang ng tungkulin, mahalaga na linangin ng mga anak ang isang matalik na kaugnayan sa kaniya. Ano ang makatutulong sa kanila na gawin ang gayon?

Maging Malapít Ka sa Diyos

5. Ano ang kailangan upang malinang ng isang kabataan ang personal na kaugnayan sa Diyos?

5 “Lumapit kayo sa Diyos,” ang isinulat ng alagad na si Santiago, “at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:8) Upang magawa iyon, kailangang matulungan ang isang kabataan na linangin ang hilig sa Salita ng Diyos. (Awit 34:8) Sa simula ay mangangailangan siya ng “gatas”​—ang saligang mga turo ng Bibliya. Ngunit habang nasisiyahan siya sa Salita ng Diyos at nagkakahilig sa “matigas na pagkain,”​—ang malalalim na espirituwal na impormasyon​—di-magtatagal at maaabot niya ang espirituwal na pagkamaygulang. (Hebreo 5:11-14; Awit 1:2) Isang kabataan, na umamin na siya ay lubusang nahumaling sa lakad ng sanlibutan, ang nagsimulang magpahalaga sa espirituwal na mga simulain. Ano ang nakatulong sa kaniya na manumbalik? Palibhasa’y tumugon sa mungkahi na basahin ang buong Bibliya, sinunod niya ang isang regular na iskedyul sa pagbabasa ng Bibliya. Oo, mahalaga ang regular na pagbabasa ng Salita ng Diyos upang malinang ang malapít na buklod kay Jehova.

6, 7. Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na magkaroon ng pagkagiliw sa Salita ng Diyos?

6 Napakahalaga nga na tulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na linangin ang pagkagiliw sa Salita ng Diyos! Bagaman mayroon silang regular na pampamilyang pag-aaral, isang babaing tin-edyer ang nakisama sa mga delingkuwente. Hinggil sa kaniyang pampamilyang pag-aaral, naalaala niya: “Kapag nagbangon si Itay ng mga tanong, basta binabasa ko lamang ang mga sagot, nang hindi man lamang tumitingin sa kaniyang mukha.” Sa halip na basta saklawin ang materyal sa panahon ng pampamilyang pag-aaral, ginagamit ng matatalinong magulang ang sining ng pagtuturo. (2 Timoteo 4:2) Upang masiyahan sa pag-aaral ang isang kabataan, kailangang madama niyang ito’y para sa kaniya. Bakit hindi magbangon ng punto de vistang mga tanong at hayaan siyang ipahayag ang kaniyang sarili? Pasiglahin ang kabataan na gumawa ng praktikal na pagkakapit sa materyal na isinasaalang-alang. a

7 Isa pa, gawing masigla ang pagtalakay sa Kasulatan. Kung angkop, hilingan ang mga kabataan na isadula ang mga pangyayari at mga drama sa Bibliya. Tulungan silang ilarawan sa isipan ang mga lugar at mga katangian ng lupain kung saan naganap ang mga pangyayaring tinatalakay. Maaaring makatulong ang paggamit ng mga mapa at mga tsart. Oo, sa pamamagitan ng kaunting imahinasyon, ang pampamilyang pag-aaral ay maaaring gawing masigla at iba-iba. Dapat ding suriin ng mga magulang ang sarili nilang kaugnayan kay Jehova. Habang sila mismo ay lalong nagiging malapít kay Jehova, matutulungan nila ang kanilang mga anak na gawin ang gayon.​—Deuteronomio 6:5-7.

8. Paano makatutulong sa isa ang panalangin upang maging malapít sa Diyos?

8 Makatutulong din sa isa ang panalangin upang maging malapít sa Diyos. Nadama ng isang dalagita na naiipit siya sa pagitan ng Kristiyanong paraan ng pamumuhay at ng kaniyang pakikisama sa mga kaibigan na hindi niya kapananampalataya. (Santiago 4:4) Ano ang ginawa niya hinggil dito? “Sa kauna-unahang pagkakataon,” pagtatapat niya, “talagang nanalangin ako kay Jehova hinggil sa aking nadarama.” Natanto niya na sinagot ang kaniyang panalangin nang makasumpong siya nang maglaon sa loob ng kongregasyong Kristiyano ng isang kaibigan na mapaghihingahan niya. Palibhasa’y nadaramang pinapatnubayan siya ni Jehova, sinimulan niyang bumuo ng personal na kaugnayan sa Diyos. Matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagpapahusay sa kalidad ng kanila mismong panalangin. Kapag nananalangin bilang isang pamilya, maaaring ibuhos ng mga magulang ang kanilang puso upang madama ng kanilang mga anak ang personal na buklod sa pagitan ng mga magulang at ni Jehova.

Maging Matiisin Ngunit Matatag

9, 10. Anong halimbawa ng mahabang pagtitiis ang ipinakita ni Jehova sa suwail na mga Israelita?

9 Kapag ang isang kabataan ay nagsimulang maanod papalayo, baka tangkain niyang ibukod ang kaniyang sarili at tanggihan ang anumang pagsisikap ng kaniyang mga magulang na kausapin siya tungkol sa espirituwal na mga bagay. Ano ang magagawa ng mga magulang sa gayong mapanubok na kalagayan? Isaalang-alang ang ginawa ni Jehova sa sinaunang Israel. Pinagtiisan niya ang mga Israelitang “matigas ang leeg” sa loob ng mahigit na 900 taon bago sila pinabayaan sa kanilang suwail na landasin. (Exodo 34:9; 2 Cronica 36:17-21; Roma 10:21) Bagaman paulit-ulit nilang ‘inilalagay siya sa pagsubok,’ si Jehova “ay maawain” sa kanila. “Maraming ulit niyang pinawi ang kaniyang galit, at hindi niya pinupukaw ang buo niyang pagngangalit.” (Awit 78:38-42) Walang-pagkukulang ang Diyos sa pakikitungo niya sa kanila. Tinutularan ng maibiging mga magulang si Jehova at sila ay matiisin kapag ang anak ay hindi agad tumutugon sa kanilang mga pagsisikap na tulungan siya.

10 Ang pagtataglay ng mahabang pagtitiis, o pagiging matiisin, ay hindi nangangahulugan ng “pagtitiis nang mahaba”; nagpapahiwatig ito ng pagtangging isuko ang pag-asa na bubuti pa ang isang magulong relasyon. Nagpakita si Jehova ng halimbawa ng mahabang pagtitiis. Kusa niyang isinugo ang kaniyang mga mensahero sa mga Israelita “nang paulit-ulit.” Si Jehova ay “nahabag sa kaniyang bayan,” kahit na “patuloy nilang kinakantiyawan ang mga mensahero ng tunay na Diyos at hinahamak ang kaniyang mga salita.” (2 Cronica 36:15, 16) Nanawagan siya sa mga Israelita, na sinasabi: “Manumbalik kayo, pakisuyo, bawat isa mula sa kaniyang masamang lakad.” (Jeremias 25:4, 5) Gayunman, hindi ikinompromiso ni Jehova ang kaniyang matuwid na mga simulain. Ang mga Israelita ay tinagubilinan na “manumbalik” sa Diyos at sa kaniyang mga daan.

11. Paano maaaring taglayin ng mga magulang ang mahabang pagtitiis ngunit matatag sa pakikitungo sa isang lumilihis na anak?

11 Matutularan ng mga magulang si Jehova sa pagtataglay ng mahabang pagtitiis sa pamamagitan ng hindi agad-agad na pagsuko sa lumilihis na anak. Habang hindi nawawalan ng pag-asa, maaari silang magkusa na panatilihing bukas ang linya ng pakikipagtalastasan o muling makipagtalastasan. Samantalang nangungunyapit sa matuwid na mga simulain, maaari silang manawagan “nang paulit-ulit” sa anak na manumbalik sa daan ng katotohanan.

Kapag Natiwalag ang Isang Menor-de-Edad

12. Ano ang pananagutan ng mga magulang sa isang menor-de-edad na nakapisan sa kanila ngunit itiniwalag mula sa kongregasyon?

12 Paano kung ang isang menor-de-edad na nakapisan sa kaniyang mga magulang ay masangkot sa malubhang pagkakasala at dahil sa kaniyang di-nagsisising saloobin ay itiniwalag mula sa kongregasyon? Yamang ang anak ay nakapisan sa kaniyang mga magulang, sila pa rin ang may pananagutan sa pagtuturo at pagdisiplina sa kaniya kasuwato ng Salita ng Diyos. Paano ito magagawa?​—Kawikaan 6:20-22; 29:17.

13. Paano maaaring sikapin ng mga magulang na abutin ang puso ng isang nagkamaling supling?

13 Baka posible​—sa katunayan, pinakamabuti​—​na ibigay ang gayong pagtuturo at disiplina sa panahon ng pribadong pag-aaral sa Bibliya. Hindi dapat husgahan ng isang magulang ang tumigas na saloobin ng anak kundi sikaping tingnan kung ano ang nasa kaniyang puso. Gaano ba kalubha ang kaniyang sakit sa espirituwal? (Kawikaan 20:5) Maaari kayang abutin ang malambot na bahagi ng kaniyang puso? Anong mga kasulatan ang maaaring epektibong gamitin? Tinitiyak sa atin ni apostol Pablo: “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas at mas matalas kaysa sa anumang tabak na may dalawang talim at tumatagos maging hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, at ng mga kasukasuan at ng kanilang utak sa buto, at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” (Hebreo 4:12) Oo, malaki pa ang magagawa ng mga magulang kaysa sa basta pagsasabi sa kanilang supling na huwag na muling masangkot sa paggawa ng masama. Maaari nilang sikaping pasimulan at alalayan ang proseso ng paghihilom.

14. Ano ang unang hakbang na dapat gawin ng isang nagkamaling kabataan upang maibalik ang kaniyang kaugnayan kay Jehova, at paano matutulungan ng mga magulang ang anak na gawin ang hakbang na iyon?

14 Kailangang maibalik ng isang nagkamaling kabataan ang kaniyang kaugnayan kay Jehova. Ang unang hakbang na dapat niyang gawin ay ang “magsisi . . . at manumbalik.” (Gawa 3:19; Isaias 55:6, 7) Upang matulungan ang kabataan na nasa kanilang tahanan na magsisi, ang mga magulang ay dapat ‘magpigil sa ilalim ng kasamaan, na tinuturuan nang may kahinahunan’ ang anak na hindi nakahilig sa mabuti. (2 Timoteo 2:24-26) Kailangan nilang ‘sawayin’ siya ayon sa diwa nito sa Bibliya. Ang salitang Griego na isinaling ‘sawayin’ ay maaari ring isalin na ‘magbigay ng nakakakumbinsing katibayan.’ (Apocalipsis 3:19; Juan 16:8) Kung gayon, kalakip sa pagsaway ang pagpapakita ng sapat na katibayan upang makumbinsi ang anak na makasalanan ang kaniyang landasin. Sabihin pa, hindi ito madaling gawin. Kailanma’t posible, maaaring antigin ng mga magulang ang kaniyang puso, na ginagamit ang lahat ng paraan na naaangkop sa Kasulatan upang kumbinsihin siya. Dapat nila siyang tulungan na maunawaan ang pangangailangan na ‘kapootan ang kasamaan, at ibigin ang kabutihan.’ (Amos 5:15) Baka bumalik siya sa kaniyang “wastong katinuan mula sa silo ng Diyablo.”

15. Anong papel ang ginagampanan ng panalangin sa pagpapanumbalik sa kaugnayan kay Jehova ng isang nagkamali?

15 Sa pagpapanumbalik ng kaugnayan ng isa kay Jehova, mahalaga ang panalangin. Sabihin pa, walang sinuman ang dapat na “humiling” may kaugnayan sa tahasang kasalanan na maliwanag na isinasagawa ng sinumang di-nagsisisi na dating nakikisama sa kongregasyong Kristiyano. (1 Juan 5:16, 17; Jeremias 7:16-20; Hebreo 10:26, 27) Gayunman, makahihiling ang mga magulang kay Jehova na bigyan sila ng karunungan upang maharap ang kalagayan. (Santiago 1:5) Kung ang isang natiwalag na kabataan ay nagpapakita ng katibayan ng pagsisisi ngunit walang “kalayaan sa pagsasalita sa Diyos,” maaaring manalangin ang mga magulang na kung makasumpong ang Diyos ng saligan upang patawarin ang pagkakamali ng anak, na maganap nawa ang Kaniyang kalooban. (1 Juan 3:21) Ang pagkarinig sa mga panalanging ito ay makatutulong sa kabataan na malasin si Jehova bilang isang maawaing Diyos. b​—Exodo 34:6, 7; Santiago 5:16.

16. Paano natin matutulungan ang mga miyembro ng pamilya ng mga menor-de-edad na natiwalag?

16 Kung ang isang bautisadong kabataan ay natiwalag, ang mga miyembro ng kongregasyon ay inaasahang ‘titigil sa pakikihalubilo sa’ kaniya. (1 Corinto 5:11; 2 Juan 10, 11) Sa kalaunan, ito ang maaaring makatulong sa kaniya na ‘bumalik sa kaniyang katinuan’ at bumalik sa nagsasanggalang na kawan ng Diyos. (Lucas 15:17) Gayunman, manumbalik man siya o hindi, mapatitibay ng mga miyembro ng kongregasyon ang pamilya ng natiwalag na kabataan. Lahat tayo ay maaaring humanap ng mga pagkakataon upang maipakita ang “pakikipagkapuwa-tao” at maging “mahabagin na may paggiliw” sa kanila.​—1 Pedro 3:8, 9.

Kung Paano Makatutulong ang Iba

17. Ano ang dapat tandaan ng mga miyembro ng kongregasyon kapag sinisikap nilang tulungan ang isang naliligáw na anak?

17 Kumusta naman ang isang kabataan na hindi naman itiniwalag sa kongregasyong Kristiyano ngunit naging mahina ang pananampalataya? “Kung ang isang sangkap ay nagdurusa,” ang isinulat ni apostol Pablo, “ang lahat ng iba pang sangkap ay nagdurusang kasama [niya].” (1 Corinto 12:26) Ang iba ay makapagpapakita ng aktibong interes sa gayong kabataan. Sabihin pa, kailangan ang pag-iingat, yamang ang isang kabataan na may sakit sa espirituwal ay maaaring makaimpluwensiya sa ikasasamâ ng ibang kabataan. (Galacia 5:7-9) Sa isang kongregasyon, ninais ng nagmamalasakit na mga adulto na tulungan ang ilang kabataan na naging mahina sa espirituwal. Inanyayahan nila ang mga ito sa mga pagtitipon upang tumugtog ng popular na mga musika nang magkakasama. Bagaman ang mga kabataan ay malugod na nagpaunlak at nasiyahan sa gayong mga pagtitipon, ang kanilang impluwensiya sa isa’t isa ay umakay sa kanila nang maglaon na putulin ang kanilang kaugnayan sa kongregasyon. (1 Corinto 15:33; Judas 22, 23) Ang makatutulong sa anak na may sakit sa espirituwal ay hindi ang mga sosyal na pagtitipon na walang espirituwal na patnubay, kundi ang pakikisama na tutulong sa kaniya na linangin ang hilig sa espirituwal na mga bagay. c

18. Paano natin matutularan ang saloobin ng ama ng alibughang anak sa talinghaga ni Jesus?

18 Kapag ang isang kabataan na iniwan ang kongregasyon ay bumalik sa Kingdom Hall o dumalo sa isang asamblea, isip-isipin kung ano kaya ang nadarama niya. Hindi ba’t dapat nating ipakita ang saloobin ng pagtanggap ng ama ng alibughang anak sa talinghaga ni Jesus? (Lucas 15:18-20, 25-32) Isang tin-edyer na iniwan ang kongregasyong Kristiyano at nang maglaon ay dumalo sa isang pandistritong kombensiyon ang nagsabi: “Akala ko ay hindi papansinin ng lahat ang isang taong gaya ko, ngunit nilapitan ako ng mga kapatid at malugod na tinanggap ako. Lubha akong naantig.” Nagsimula siyang mag-aral muli ng Bibliya at nabautismuhan nang maglaon.

Huwag Susuko

19, 20. Bakit dapat nating panatilihin ang positibong saloobin hinggil sa isang alibughang anak?

19 Ang pagtulong sa isang “alibughang” anak na ‘makabalik sa kaniyang katinuan’ ay nangangailangan ng pagtitiis at maaaring maging isang hamon sa mga magulang at sa iba. Ngunit huwag susuko. “Si Jehova ay hindi mabagal may kinalaman sa kaniyang pangako, gaya ng itinuturing ng ilang tao na kabagalan, kundi siya ay matiisin sa inyo sapagkat hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Pedro 3:9) Mayroon tayong maka-Kasulatang katiyakan na nais ni Jehova na ang mga tao ay magsisi at mabuhay. Sa katunayan, siya ang nagkusang gumawa ng kaayusan upang ipagkasundo ang mga tao sa kaniyang sarili. (2 Corinto 5:18, 19) Dahil sa kaniyang pagtitiis ay naging posible para sa milyun-milyon na makabalik sa kanilang katinuan.​—Isaias 2:2, 3.

20 Kung gayon, hindi ba dapat gamitin ng mga magulang ang bawat posibleng pamamaraan sa Kasulatan upang tulungan ang kanilang alibughang menor-de-edad na makabalik sa kaniyang katinuan? Bilang pagtulad kay Jehova, magkaroon ng mahabang pagtitiis habang gumagawa ka ng positibong mga hakbang upang tulungan ang iyong anak na manumbalik kay Jehova. Matatag na mangunyapit sa mga simulain ng Bibliya, at sikaping ipakita ang mga katangian ni Jehova ng pag-ibig, katarungan, at karunungan habang nananalangin ka sa kaniya ukol sa kaniyang tulong. Kung paanong maraming mapagmatigas na rebelde ang tumugon sa maibiging paanyaya ni Jehova na manumbalik, ang iyong alibughang anak ay maaaring manumbalik sa nagsasanggalang na kawan ng Diyos.​—Lucas 15:6, 7.

[Mga talababa]

a Para sa higit pang mga mungkahi kung paano matuturuan nang epektibo ang mga kabataan, tingnan Ang Bantayan, Hulyo 1,1999, pahina 13-17.

b Ang gayong mga panalangin alang-alang sa natiwalag na menor-de-edad ay hindi bibigkasin sa madla sa mga pulong ng kongregasyon, yamang ang iba ay maaaring di-nakababatid sa kalagayan ng taong natiwalag.​—Tingnan ang The Watchtower, Oktubre 15, 1979, pahina 31.

c Para sa espesipikong mga mungkahi, tingnan ang Awake! ng Hunyo 22, 1972, pahina 13-16; Setyembre 22, 1996, pahina 21-3.

Natatandaan Mo Ba?

• Ano ang maaaring ugat ng problema kapag iniiwan ng mga kabataan ang kongregasyon?

• Paano matutulungan ang mga kabataan na linangin ang personal na kaugnayan kay Jehova?

• Bakit kailangan ng mga magulang na magtaglay ng mahabang pagtitiis subalit maging matatag sa pagtulong sa alibughang anak?

• Paano matutulungan ng mga nasa kongregasyon ang isang alibughang anak na manumbalik?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 15]

Ang pagbabasa ng Salita ng Diyos ay mahalaga sa paglinang ng malapít na buklod kay Jehova

[Larawan sa pahina 15]

Ang taos-pusong pananalangin ng mga magulang ay makatutulong upang madama ng kanilang mga anak ang personal na buklod sa pagitan ng mga magulang at ni Jehova

[Larawan sa pahina 17]

Malugod na tanggapin ang isang alibughang anak kapag siya’y ‘bumalik sa kaniyang katinuan’

[Larawan sa pahina 18]

Gumawa ng positibong mga hakbang upang matulungan ang iyong anak na manumbalik kay Jehova