Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tularan si Jehova Kapag Sinasanay ang Iyong mga Anak

Tularan si Jehova Kapag Sinasanay ang Iyong mga Anak

Tularan si Jehova Kapag Sinasanay ang Iyong mga Anak

“Hindi ba’t lahat ng magulang ay nagtutuwid sa kanilang mga anak?”​—HEBREO 12:7, Contemporary English Version.

1, 2. Bakit nahihirapan ang mga magulang sa pagpapalaki ng kanilang mga anak sa ngayon?

 ISINIWALAT ng isang surbey na ginawa sa Hapon ilang taon na ang nakalilipas na halos kalahati ng mga adultong kinapanayam ang nakadama na ang pag-uusap sa pagitan ng mga magulang at ng kanilang mga anak ay lubhang napakadalang at na labis na mapagpalayaw ang mga magulang sa kanilang mga anak. Sa isa pang surbey sa bansang iyon, halos sangkapat ng mga tumugon ang umamin na hindi nila alam kung paano makipag-usap sa kanilang mga anak. Ang kalagayang ito ay hindi lamang sa Silangan umiiral. “Maraming magulang na taga-Canada ang umamin na hindi sila nakatitiyak kung paano maging mabubuting magulang,” ang ulat ng The Toronto Star. Sa lahat ng dako, nahihirapan ang mga magulang na palakihin ang kanilang mga anak.

2 Bakit nahihirapan ang mga magulang sa pagpapalaki ng kanilang mga anak? Ang isang pangunahing dahilan ay sapagkat nabubuhay tayo sa “mga huling araw,” at “ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan” ay naririto na. (2 Timoteo 3:1) Isa pa, “ang hilig ng puso ng tao ay masama magmula sa kaniyang pagkabata,” ang sabi ng Bibliya. (Genesis 8:21) At ang mga kabataan ay lalo nang madaling tablan ng mga pagsalakay ni Satanas, na tulad ng “isang leong umuungal” ay naninila ng mga walang karanasan. (1 Pedro 5:8) Tunay na napakarami ang mga suliranin ng mga magulang na Kristiyano, na naglalayong palakihin ang kanilang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4) Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na lumaki upang maging may-gulang na mga mananamba ni Jehova, na may kakayahang kumilala ‘kapuwa ng tama at ng mali’?​—Hebreo 5:14.

3. Bakit mahalaga ang pagsasanay at patnubay ng mga magulang sa matagumpay na pagpapalaki sa mga anak?

3 “Ang kamangmangan ay nakatali sa puso ng bata,” ang sabi ng matalinong si Haring Solomon. (Kawikaan 13:1; 22:15) Upang maalis sa kanilang puso ang gayong kamangmangan, nangangailangan ang mga kabataan ng maibiging pagtutuwid mula sa kanilang mga magulang. Gayunman, ang mga kabataan ay hindi laging nasisiyahan sa gayong pagtutuwid. Sa katunayan, kadalasan ay ipinagdaramdam nila ang payo maging sinuman ang magbigay nito. Kung gayon, dapat matutuhan ng mga magulang na ‘sanayin ang bata ayon sa daang nararapat sa kaniya.’ (Kawikaan 22:6) Kapag nanghawakan ang mga anak sa gayong disiplina, maaari itong mangahulugan ng buhay sa kanila. (Kawikaan 4:13) Napakahalaga ngang malaman ng mga magulang kung ano ang nasasangkot sa pagsasanay sa kanilang mga anak!

Disiplina​—Kung Ano ang Kahulugan Nito

4. Ano ang pangunahing kahulugan ng “disiplina” ayon sa pagkakagamit sa Bibliya?

4 Dahil sa takot na maparatangan ng pang-aabuso​—sa pisikal, berbal, o sa emosyonal na paraan​—​umiiwas ang ilang magulang sa pagtutuwid sa kanilang mga anak. Hindi tayo dapat magkaroon ng gayong takot. Ang salitang “disiplina” ayon sa pagkakagamit sa Bibliya ay hindi nagpapahiwatig ng anumang uri ng pang-aabuso o kalupitan. Ang salitang Griego para sa “disiplina” ay pangunahin nang tumutukoy sa instruksiyon, edukasyon, pagtutuwid at, kung minsan, matatag ngunit maibiging paglalapat ng parusa.

5. Bakit kapaki-pakinabang na isaalang-alang ang paraan ng pakikitungo ni Jehova sa kaniyang bayan?

5 Sa paglalaan ng gayong disiplina, nagpakita ang Diyos na Jehova ng isang sakdal na halimbawa. Sa paghahambing kay Jehova sa isang taong ama, si apostol Pablo ay sumulat: “Hindi ba’t lahat ng magulang ay nagtutuwid sa kanilang mga anak? . . . Itinutuwid tayo ng ating mga taong ama sa maikling panahon, at ginagawa nila ito kung kailan nila inaakalang makabubuti. Ngunit itinutuwid tayo ng Diyos para sa ating ikabubuti, sapagkat nais niya na tayo’y maging banal.” (Hebreo 12:7-10, Contemporary English Version) Oo, dinidisiplina ni Jehova ang kaniyang bayan sa layuning sila ay maging banal, o dalisay. Tiyak na marami tayong matututuhan tungkol sa pagdidisiplina ng mga anak sa pagsasaalang-alang kung paano sinanay ni Jehova ang kaniyang bayan.​—Deuteronomio 32:4; Mateo 7:11; Efeso 5:1.

Pag-ibig​—Ang Nag-uudyok na Puwersa

6. Bakit maaaring maging mahirap para sa mga magulang na tularan ang pag-ibig ni Jehova?

6 “Ang Diyos ay pag-ibig,” ang sabi ni apostol Juan. Kung gayon, ang pagsasanay na inilalaan ni Jehova ay laging inuudyukan ng pag-ibig. (1 Juan 4:8; Kawikaan 3:11, 12) Nangangahulugan ba ito na magiging madali sa mga magulang na may likas na pagmamahal sa kanilang mga supling na tularan si Jehova sa bagay na ito? Hindi naman. Ang pag-ibig ng Diyos ay may-simulaing pag-ibig. At binanggit ng isang iskolar ng wikang Griego na ang gayong pag-ibig “ay hindi laging kaakibat ng likas na mga hilig.” Ang Diyos ay hindi naiimpluwensiyahan ng sentimyento. Lagi niyang isinasaalang-alang kung ano ang pinakamabuti para sa kaniyang bayan.​—Isaias 30:20; 48:17.

7, 8. (a) Anong halimbawa ng may-simulaing pag-ibig ang ipinakita ni Jehova sa pakikitungo sa kaniyang bayan? (b) Paano matutularan ng mga magulang si Jehova sa pagtulong sa kanilang mga anak na magkaroon ng kakayahang sundin ang mga simulain ng Bibliya?

7 Isaalang-alang ang pag-ibig na ipinakita ni Jehova sa pakikitungo sa mga Israelita. Gumamit si Moises ng makabagbag-damdaming paghahambing upang ilarawan ang pag-ibig ni Jehova para sa bagong bansang Israel. Mababasa natin: “Gaya ng isang agila na gumagalaw ng kaniyang pugad, umaali-aligid sa kaniyang mga inakáy, nag-uunat ng kaniyang mga pakpak, kumukuha sa kanila, nagdadala sa kanila sa kaniyang mga bagwis, si Jehova lamang ang pumatnubay [kay Jacob].” (Deuteronomio 32:9, 11, 12) Upang maturuan ang kaniyang inakáy na lumipad, ‘ginagalaw [ng inang agila] ang kaniyang pugad,’ ipinapagaspas at ikinakampay ang kaniyang mga pakpak upang pakilusin ang kaniyang mga inakáy na lumipad. Kapag lumipad na sa wakas ang isang inakáy mula sa pugad, na kadalasang nasa isang mataas at malaking bato, ang inahin ay “umaali-aligid” sa inakáy. Kung sa wari’y lalagpak sa lupa ang inakáy, sasalimbay pababa ang inahin sa ilalim nito, anupat dinadala ito “sa kaniyang mga bagwis.” Sa maibiging paraan, inalagaan ni Jehova ang bagong silang na bansang Israel sa katulad na paraan. Ibinigay niya sa bayan ang Kautusang Mosaiko. (Awit 78:5-7) Pagkatapos ay maingat na binantayan ni Jehova ang bansa, anupat handa siyang sumaklolo kapag ang kaniyang bayan ay nasa kagipitan.

8 Paano matutularan ng mga magulang na Kristiyano ang pag-ibig ni Jehova? Una, dapat nilang ituro sa kanilang mga anak ang mga simulain at mga pamantayan na masusumpungan sa Salita ng Diyos. (Deuteronomio 6:4-9) Ang tunguhin ay upang tulungan ang anak na matutong gumawa ng mga pasiya na kasuwato ng mga simulain sa Bibliya. Sa paggawa nito, ang maibiging mga magulang ay umaali-aligid sa kanilang mga anak, wika nga, na inoobserbahan kung paano nila ikinakapit ang mga simulaing kanilang natutuhan. Habang lumalaki ang mga anak at unti-unting binibigyan ng higit na kalayaan, ang mapagmalasakit na mga magulang ay handang “sumalimbay pababa” at ‘dalhin ang kanilang inakáy sa kanilang mga bagwis’ kailanma’t may panganib. Anong uri ng panganib?

9. Sa anong partikular na panganib dapat maging alisto ang mga magulang? Ilarawan.

9 Binabalaan ng Diyos na Jehova ang mga Israelita sa mga epekto ng masasamang kasama. (Bilang 25:1-18; Ezra 10:10-14) Ang pakikisama sa di-kanais-nais na mga tao ay isa ring karaniwang panganib sa ngayon. (1 Corinto 15:33) Dapat tularan ng mga magulang na Kristiyano si Jehova sa bagay na ito. Isang 15-taóng-gulang na dalagita na nagngangalang Lisa ang nagkagusto sa isang binatilyo na may ibang mga simulain sa moral at espirituwal kaysa sa pamilya ni Lisa. “Kaagad na napansin ng aking mga magulang ang pagbabago ng aking saloobin at nabahala sila,” ang sabi ni Lisa. “Kung minsan ay itinutuwid nila ako, at sa ibang pagkakataon naman ay magiliw nila akong pinasisigla.” Kinausap nila si Lisa at matiyagang nakinig, sa gayo’y tinutulungan siyang harapin ang napag-unawa nilang pinakaugat ng suliranin​—ang pagnanais na tanggapin ng kaniyang mga kaedad. a

Panatilihing Nakabukas ang mga Linya ng Pakikipagtalastasan

10. Sa anu-anong paraan nagpakita si Jehova ng mainam na halimbawa sa pakikipag-usap sa mga Israelita?

10 Upang maging matagumpay sa pagsasanay sa mga anak, kailangang magsikap ang mga magulang na panatilihing nakabukas ang linya ng pakikipagtalastasan sa kanilang mga anak. Bagaman lubusan niyang nababatid kung ano ang nasa puso natin, pinasisigla tayo ni Jehova na makipag-usap sa kaniya. (1 Cronica 28:9) Matapos ibigay sa mga Israelita ang Kautusan, inatasan ni Jehova ang mga Levita na turuan sila, at isinugo niya ang mga propeta upang makipagkatuwiranan sa kanila at ituwid sila. Nagpakita rin siya ng pagnanais na makinig sa kanilang mga panalangin.​—2 Cronica 17:7-9; Awit 65:2; Isaias 1:1-3, 18-20; Jeremias 25:4; Galacia 3:22-24.

11. (a) Paano maitataguyod ng mga magulang ang mabuting pakikipagtalastasan sa kanilang mga anak? (b) Bakit mahalaga para sa mga magulang na maging mabubuting tagapakinig kapag nakikipag-usap sa kanilang mga anak?

11 Paano matutularan ng mga magulang si Jehova kapag nakikipag-usap sila sa kanilang mga anak? Una sa lahat, dapat silang maglaan ng panahon para sa kanilang mga anak. Dapat ding iwasan ng mga magulang ang padalus-dalos na mga komento na nanunuya, gaya ng, “Iyan lang ba? Akala ko pa naman importante”; “Kalokohan ‘yan”; “Ano pa nga ba ang inaasahan mo? Bata ka pa kasi.” (Kawikaan 12:18) Upang mapasigla ang mga anak na makipag-usap, nagsisikap ang matatalinong magulang na maging mabubuting tagapakinig. Maaaring masumpungan ng mga magulang na nagwawalang-bahala sa kanilang mga anak kapag ito’y maliliit pa na sila naman ang winawalang-bahala kapag malalaki na ang mga ito. Si Jehova ay laging handang makinig sa kaniyang bayan. Nakikinig siya sa mga bumabaling sa kaniya nang may kapakumbabaan sa panalangin.​—Awit 91:15; Jeremias 29:12; Lucas 11:9-13.

12. Anong mga katangian sa bahagi ng mga magulang ang magpapadali para sa mga anak na lumapit sa kanila?

12 Isaalang-alang din kung paanong ang ilang aspekto ng personalidad ng Diyos ay nagpadali na makalapit sa kaniya nang may kalayaan ang kaniyang bayan. Halimbawa, nagkasala nang malubha si Haring David ng sinaunang Israel dahilan sa mapangalunyang kaugnayan niya kay Bat-sheba. Palibhasa’y isang di-sakdal na tao, nakagawa si David ng iba pang malulubhang kasalanan sa kaniyang buhay. Gayunman, lagi siyang lumalapit kay Jehova at humihiling ng kaniyang kapatawaran at pagsaway. Walang alinlangan, ang maibiging-kabaitan at awa ng Diyos ay lalong nagpadali kay David na manumbalik kay Jehova. (Awit 103:8) Sa pagpapakita ng gayong makadiyos na mga katangiang gaya ng habag at awa, mapananatili ng mga magulang na bukás ang linya ng pakikipagtalastasan kahit kapag nagkamali ang mga anak.​—Awit 103:13; Malakias 3:17.

Maging Makatuwiran

13. Ano ang kalakip sa pagiging makatuwiran?

13 Kapag nakikinig sa kanilang mga anak, ang mga magulang ay dapat na maging makatuwiran at magpakita ng “karunungan mula sa itaas.” (Santiago 3:17) “Makilala nawa ng lahat ng tao ang inyong pagkamakatuwiran,” ang isinulat ni apostol Pablo. (Filipos 4:5) Ano ang kahulugan ng pagiging makatuwiran? Ang isang kahulugan ng salitang Griego na isinaling “makatuwiran” ay “hindi ipinipilit ang sinasabi ng kautusan.” Habang itinataguyod ang matatag na mga pamantayan sa moral at espirituwal, paano kaya maaaring maging makatuwiran ang mga magulang?

14. Paano ipinakita ni Jehova ang pagkamakatuwiran sa pakikitungo kay Lot?

14 Si Jehova ay nagpakita ng namumukod-tanging halimbawa sa pagkamakatuwiran. (Awit 10:17) Nang himukin niya si Lot at ang kaniyang pamilya na lisanin ang hinatulang lunsod ng Sodoma, si Lot ay “nagluluwat.” Sa kalaunan, nang hiniling sa kaniya ng anghel ni Jehova na tumakas patungo sa bulubunduking pook, sinabi ni Lot: “Hindi ako makatatakas patungo sa bulubunduking pook . . . Pakisuyo ngayon, ang lunsod na ito [Zoar] ay malapit upang doon tumanan at iyon ay maliit na bagay lamang. Pakisuyo, maaari bang doon ako tumakas​—hindi ba iyon ay maliit na bagay lamang?” Paano tumugon si Jehova rito? Sinabi niya: “Narito, ako ay nagpapakita sa iyo ng konsiderasyon maging sa bagay na ito, sa hindi ko paggiba sa lunsod na iyong sinalita.” (Genesis 19:16-21, 30) Handa si Jehova na pagbigyan ang kahilingan ni Lot. Oo, kailangan ng mga magulang na manghawakan sa mga pamantayang itinakda ng Diyos na Jehova sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Magkagayunman, baka posibleng pagbigyan ang mga kahilingan ng mga anak kung hindi naman maisasapanganib ang mga simulain ng Bibliya.

15, 16. Anong aral ang matutuhan ng mga magulang mula sa ilustrasyon na matatagpuan sa Isaias 28:24, 25?

15 Kalakip sa pagiging makatuwiran ang paghahanda sa puso ng mga bata upang maging handa silang tumanggap ng payo. Sa makasagisag na paraan, inihambing ni Isaias si Jehova sa isang magsasaka at sinabi: “Buong araw bang nag-aararo ang tagapag-araro upang maghasik ng binhi, na kaniyang binubungkal at sinusuyod ang kaniyang lupa? Hindi ba, kapag napatag na niya ang ibabaw nito, kaniya ngang ikakalat ang kominong itim at isasabog ang komino, at hindi ba siya maglalagay ng trigo, mijo, at sebada sa takdang dako, at ng espelta bilang kaniyang hangganan?”​—Isaias 28:24, 25.

16 Si Jehova ay ‘nag-aararo upang maghasik ng binhi’ at “binubungkal at sinusuyod ang kaniyang lupa.” Sa gayo’y naihahanda niya ang puso ng kaniyang bayan bago niya disiplinahin sila. Sa pagtutuwid sa kanilang mga anak, paano ‘aararuhin’ ng mga magulang ang puso ng kanilang supling? Tinularan ng isang ama si Jehova nang itinutuwid niya ang kaniyang apat-na-taóng-gulang na anak na lalaki. Nang suntukin ng kaniyang anak ang isang batang kapitbahay, matiyagang pinakinggan muna ng ama ang mga dahilan ng kaniyang anak. Pagkatapos, upang sa diwa’y ‘araruhin’ ang puso ng anak, isinalaysay ng ama ang kuwento ng isang maliit na batang lalaki na dumanas ng matinding paghihirap sa mga kamay ng isang maton. Matapos pakinggan ang kuwento, napakilos ang bata na sabihing ang maton ay dapat na parusahan. Ang gayong ‘pag-aararo’ ay naghanda sa puso ng bata at nagpadali sa kaniya na makita na ang pagsuntok sa batang kapitbahay ay gawain ng isang maton at ito ay mali.​—2 Samuel 12:1-14.

17. Anong aral hinggil sa pagtutuwid na inilalapat ng mga magulang ang inilalaan sa Isaias 28:26-29?

17 Inihambing pa ni Isaias ang pagtutuwid ni Jehova sa isa pang proseso sa pagsasaka​—ang paggiik. Gumagamit ang isang magsasaka ng iba’t ibang kasangkapang panggigiik ayon sa tigas ng ipa ng butil. Ginagamit ang tungkod para sa malambot na kominong itim at ang baston para sa komino, ngunit kareta o gulong ng kariton ang ginagamit para sa mga butil na mas matigas ang ipa. Gayunman, hindi niya ginigiik ang mas matitigas na butil hanggang sa madurog ang mga ito. Sa katulad na paraan, kapag nais ni Jehova na alisin ang anumang di-kanais-nais na bagay sa kaniyang bayan, ibinabagay niya ang kaniyang pakikitungo ayon sa kasalukuyang mga pangangailangan at mga kalagayan. Hindi siya kailanman naging di-makatuwiran o mabagsik at mapaniil. (Isaias 28:26-29) Ang ilang anak ay tumutugon sa isang tingin lamang ng kanilang mga magulang, at sapat na iyon. Ang iba ay nangangailangan ng paulit-ulit na mga paalaala, samantalang ang iba naman ay maaaring mangailangan ng mas matinding panghihikayat. Ang makatuwirang mga magulang ay maglalapat ng pagtutuwid ayon sa indibiduwal na mga pangangailangan ng anak.

Gawing Kasiya-siya ang mga Pagtalakay ng Pamilya

18. Paano makapaglalaan ng panahon ang mga magulang para sa regular na pampamilyang pag-aaral ng Bibliya?

18 Kabilang sa pinakamaiinam na paraan upang turuan ang iyong mga anak ay ang regular na pampamilyang pag-aaral ng Bibliya at pang-araw-araw na pagtalakay sa Kasulatan. Totoong mabisa ang pampamilyang pag-aaral kapag ito ay regular. Kung ipauubaya na lamang sa pagkakataon o sa biglaang pagpapasiya, malamang na magiging madalang ito. Kaya kailangan ng mga magulang na ‘bilhin ang panahon’ para sa pag-aaral. (Efeso 5:15-17) Maaaring maging isang hamon ang pagpili ng tiyak na panahon na maalwan para sa lahat. Nasumpungan ng isang ulo ng pamilya na habang lumalaki ang mga anak, ang kanilang magkakaibang mga iskedyul ay lalong nagpapahirap na pagsama-samahin ang buong pamilya. Gayunman, ang pamilya ay laging magkakasama sa mga gabi ng mga pulong ng kongregasyon. Kaya isinaayos ng ama na idaos ang pampamilyang pag-aaral sa isa sa mga gabing iyon. Naging epektibo ito. Ang lahat ng tatlong anak ay mga bautisadong lingkod na ni Jehova ngayon.

19. Paano matutularan ng mga magulang si Jehova kapag nagdaraos ng pampamilyang pag-aaral?

19 Gayunman, hindi sapat na isaalang-alang lamang ang ilang maka-Kasulatang materyal sa panahon ng pag-aaral. Tinuruan ni Jehova ang isinauling mga Israelita sa pamamagitan ng mga saserdote, na ‘nagpaliwanag at nagbigay kahulugan’ sa Kautusan, na “nagbibigay ng unawa sa pagbasa.” (Nehemias 8:8) Isang ama na matagumpay na tumulong sa lahat ng kaniyang pitong anak na ibigin si Jehova ay laging nagtutungo sa kaniyang silid bago ang pampamilyang pag-aaral upang maghanda, anupat ibinabagay ang materyal sa pangangailangan ng bawat anak. Ginawa niyang kasiya-siya ang pag-aaral para sa kaniyang mga anak. “Ang pag-aaral namin ay laging kasiya-siya,” ang naalaala ng isa sa kaniyang malalaki nang anak na lalaki. “Kung nasa labas kami at naglalaro ng bola sa bakuran kapag tinawag kami para sa pampamilyang pag-aaral, kaagad naming inililigpit ang aming bola at nagmamadali para sa pag-aaral. Iyon ay isa sa pinakakasiya-siyang gabi ng sanlinggo.”

20. Anong posibleng problema sa pagpapalaki sa mga anak ang isasaalang-alang pa?

20 Ang salmista ay nagpahayag: “Narito! Ang mga anak ay mana mula kay Jehova; ang bunga ng tiyan ay isang gantimpala.” (Awit 127:3) Ang pagsasanay sa ating mga anak ay nangangailangan ng panahon at pagsisikap, ngunit ang paggawa nito nang wasto ay maaaring mangahulugan ng buhay na walang hanggan sa ating mga anak. Kay inam ngang gantimpala niyan! Kung gayon, nawa’y may-pananabik nating tularan si Jehova kapag sinasanay ang ating mga anak. Gayunman, bagaman ang mga magulang ay pinagkatiwalaan ng pananagutan na “palakihin [ang mga anak] sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova,” walang katiyakan ang tagumpay. (Efeso 6:4) Maging sa pinakamainam na pangangalaga, ang isang anak ay maaaring maging mapaghimagsik at tumigil sa paglilingkod kay Jehova. Ano ngayon ang dapat gawin? Iyan ang magiging paksa sa susunod na artikulo.

[Talababa]

a Ang mga karanasan na masusumpungan sa artikulong ito at sa susunod ay maaaring nagmula sa mga lupain na naiiba ang kultura kaysa sa inyo. Sikaping unawain ang mga simulaing nasasangkot, at ikapit ang mga ito sa kalagayan ng inyong kultura.

Ano ang Sagot Mo?

• Paano matutularan ng mga magulang ang pag-ibig ni Jehova na inilarawan sa Deuteronomio 32:11, 12?

• Ano ang natutuhan mo sa paraan ng pakikipag-usap ni Jehova sa mga Israelita?

• Ano ang itinuturo sa atin ng pakikinig ni Jehova sa pamamanhik ni Lot?

• Anong aral sa pagtutuwid sa mga anak ang natutuhan mo sa Isaias 28:24-29?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 8, 9]

Inihalintulad ni Moises ang pagsasanay ni Jehova sa kaniyang bayan sa pakikitungo ng isang agila sa inakáy nito

[Mga larawan sa pahina 10]

Kailangang maglaan ng panahon ang mga magulang para sa kanilang mga anak

[Larawan sa pahina 12]

“Iyon ay isa sa pinakakasiya-siyang gabi ng sanlinggo”