Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Susi sa Isang Maligayang Daigdig

Ang Susi sa Isang Maligayang Daigdig

Ang Susi sa Isang Maligayang Daigdig

“ANG nag-iisang pinakamakapangyarihang persona​—hindi lamang nitong nakaraang dalawang milenyo kundi sa buong kasaysayan ng tao​—ay si Jesus ng Nazaret,” ang sabi ng magasing Time. Nang si Jesus ay nasa lupa, kinilala ng libu-libong tapat-pusong mga tao, hindi lamang ang kaniyang kadakilaan, kundi maging ang kaniyang pagmamalasakit sa iba. Kaya naman, hindi nakapagtataka na ibig nilang gawin siyang hari. (Juan 6:10, 14, 15) Gayunman, gaya ng nabanggit sa naunang artikulo, tumanggi si Jesus na masangkot sa pulitika.

ANG sagot ni Jesus ay batay sa di-kukulangin sa tatlong salik: ang pangmalas ng kaniyang Ama sa mga kapahayagan ng mga tao na magpasiya sa ganang sarili, na doo’y kasali ang pamamahala ng tao; ang kabatiran ni Jesus na may makapangyarihan at nakakubling mga puwersa na sumasalungat maging sa pinakamahuhusay na pagsisikap ng mga tao na mamahala; at ang layunin ng Diyos na magtatag ng isang makalangit na gobyerno na mamamahala sa buong lupa. Habang sinusuri nating mabuti ang tatlong puntong ito, makikita natin kung bakit nabigo ang mga pagsisikap ng sangkatauhan na mapabuti ang daigdig. Makikita rin natin kung paano matatamo ang tagumpay.

Mapamamahalaan ba ng mga Tao ang Kanilang Sarili?

Nang lalangin ng Diyos ang mga tao, binigyan niya sila ng awtoridad sa mga hayop. (Genesis 1:26) Ngunit nasa ilalim ng soberanya ng Diyos ang sangkatauhan. Mapatutunayan ng unang lalaki at babae ang kanilang pagpapasakop sa Diyos sa pamamagitan ng masunuring pag-iwas sa bunga ng isang partikular na punungkahoy, ang “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.” (Genesis 2:17) Nakalulungkot, inabuso nina Adan at Eva ang kanilang kalayaang magpasiya at sinuway nila ang Diyos. Ang pagkuha sa ipinagbabawal na prutas ay hindi basta isang pagnanakaw. Katumbas ito ng paghihimagsik sa soberanya ng Diyos. Sinasabi ng isang talababa ng Genesis 2:17 sa The New Jerusalem Bible na inangkin nina Adan at Eva ang “ganap na kalayaan sa moral na sa pamamagitan nito ay tumanggi ang tao na kilalanin ang kaniyang katayuan bilang isang nilalang . . . Ang unang kasalanan ay ang pagsalakay sa soberanya ng Diyos.”

Dahil sa maseselan na usaping moral na nasasangkot, pinahintulutan ng Diyos sina Adan at Eva at ang kanilang mga inapo na piliin ang kanilang sariling landas sa buhay, at nagtatag sila ng kanilang sariling mga pamantayan ng tama at mali. (Awit 147:19, 20; Roma 2:14) Sa diwa, nagsimula ang pag-eeksperimento ng tao na magpasiya sa ganang sarili. Naging matagumpay ba ito? Dahil sa bentaha ng pagkaunawa sa nakaraang libu-libong taon, masasabi nating hindi! Sinasabi ng Eclesiastes 8:9: “Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.” Ang nakapanlulumong rekord na ito ng pamamahala ng tao sa sarili ay nagpapatunay sa katotohanan ng Jeremias 10:23: “Nalalaman kong lubos, O Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” Pinatunayan ng kasaysayan na hindi matagumpay na makapamamahala ang mga tao nang wala ang kanilang Maylalang.

Lubusang sumang-ayon dito si Jesus. Ang paghiwalay sa Diyos ay kasuklam-suklam sa kaniya. “Wala akong ginagawang anuman sa sarili kong pagkukusa,” ang sabi niya. “Lagi kong ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa [Diyos].” (Juan 4:34; 8:28, 29) Kaya naman, dahil sa walang pahintulot ng Diyos na tanggapin ang paghahari mula sa mga tao, hindi man lang pinag-isipan ni Jesus na tanggapin iyon. Subalit hindi ito nangangahulugan na atubili siyang tumulong sa kaniyang kapuwa. Sa kabaligtaran, ginawa niya ang buong makakaya niya upang tulungan ang mga tao na masumpungan ang pinakamatinding kaligayahan noon at sa hinaharap. Ibinigay pa man din niya ang kaniyang buhay para sa sangkatauhan. (Mateo 5:3-11; 7:24-27; Juan 3:16) Ngunit batid ni Jesus na “sa lahat ng bagay ay may takdang panahon,” kasali na ang panahon ng Diyos upang ipahayag ang kaniyang karapatang mamahala sa sangkatauhan. (Eclesiastes 3:1; Mateo 24:14, 21, 22, 36-39) Subalit tandaan na sa Eden, ang ating unang mga magulang ay nagpasakop sa kalooban ng isang balakyot na espiritung nilalang na nagsalita sa pamamagitan ng isang nakikitang serpiyente. Aakayin tayo nito sa pangalawang dahilan kung bakit umiwas si Jesus sa pulitika.

Ang Lihim na Tagapamahala ng Sanlibutan

Sinasabi sa atin ng Bibliya na inialok ni Satanas kay Jesus “ang lahat ng kaharian ng sanlibutan at ang kanilang kaluwalhatian” kapalit ang isang gawa ng pagsamba. (Mateo 4:8-10) Ang totoo, inialok kay Jesus ang pamamahala sa daigdig​—pero depende sa mga kondisyon ng Diyablo. Hindi napadala si Jesus sa tuksong ito. Subalit, talaga nga bang tukso iyon? Talaga nga bang makagagawa si Satanas ng gayon kalaking alok? Oo, sapagkat tinawag mismo ni Jesus ang Diyablo bilang “ang tagapamahala ng sanlibutan,” at inilarawan siya ni apostol Pablo bilang ang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay.”​—Juan 14:30; 2 Corinto 4:4; Efeso 6:12.

Sabihin pa, alam ni Jesus na hindi ang kapakanan ng sangkatauhan ang pangunahing interes ng Diyablo. Inilarawan niya si Satanas bilang “isang mamamatay-tao” at “ang ama ng kasinungalingan at ng lahat ng kabulaanan.” (Juan 8:44, The Amplified Bible) Maliwanag, ang isang daigdig na “nasa kapangyarihan” ng gayong balakyot na espiritu ay hindi kailanman magiging tunay na maligaya. (1 Juan 5:19) Ngunit may hangganan ang pagtataglay ng Diyablo ng ganitong awtoridad. Malapit nang ibagsak ni Jesus, na ngayo’y isa nang makapangyarihang espiritung nilalang, si Satanas at lubusang alisin ang kaniyang impluwensiya.​—Hebreo 2:14; Apocalipsis 20:1-3.

Alam ni Satanas mismo na biláng na ang mga araw niya bilang tagapamahala ng sanlibutan. Kaya naman, siya’y desperado at gumagawa ng lahat ng pagsisikap na pasamain ang mga tao hanggang sa hindi na sila maaari pang magbago, gaya ng ginawa niya bago ang Baha noong mga araw ni Noe. (Genesis 6:1-5; Judas 6) “Sa aba ng lupa at ng dagat,” sabi ng Apocalipsis 12:12, “sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.” Ipinakikita ng hula sa Bibliya at ng mga pangyayari sa daigdig na tayo ay nabubuhay malapit sa pagtatapos ng “maikling yugto[ng ito] ng panahon.” (2 Timoteo 3:1-5) Abot-tanaw na ang lunas.

Isang Pamahalaan na Magdudulot ng Kaligayahan

Ang ikatlong dahilan kung bakit umiwas si Jesus sa pulitika ay sapagkat batid niya na sa isang itinakdang panahon sa hinaharap, magtatatag ang Diyos ng isang makalangit na gobyerno na mamamahala sa lupa. Tinatawag ng Bibliya na Kaharian ng Diyos ang gobyernong ito, at ito ang pangunahing tema sa pagtuturo ni Jesus. (Lucas 4:43; Apocalipsis 11:15) Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na ipanalangin ang pagdating ng Kahariang iyan, sapagkat sa ilalim lamang ng pamamahalang iyan ‘mangyayari ang kalooban ng Diyos sa lupa kung paano sa langit.’ (Mateo 6:9, 10) Baka itanong mo, ‘Kung mamamahala sa buong lupa ang Kahariang ito, ano naman ang mangyayari sa gawang-taong mga pamahalaan?’

Ang sagot ay masusumpungan sa Daniel 2:44: “Sa mga araw ng mga haring iyon [na namamahala sa katapusan ng kasalukuyang sistema] ay magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng [gawang-taong] mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.” Bakit kailangang ‘durugin’ ng Kaharian ng Diyos ang mga pamahalaan sa lupa? Sapagkat iginigiit ng mga ito ang pagpapanatili sa lumalapastangan-sa-Diyos na espiritu ng pagpapasiya-sa-ganang-sarili na itinaguyod ni Satanas doon sa hardin ng Eden. Bukod sa ito’y salungat sa kapakanan ng sangkatauhan, yaong mga nagtatangkang panatilihin ang espiritung ito ay naglalagay ng kanilang sarili sa isang landas ng pakikipagbanggaan sa Maylalang. (Awit 2:6-12; Apocalipsis 16:14, 16) Samakatuwid, dapat nating itanong sa ating sarili, ‘Tayo ba ay panig o laban sa pamamahala ng Diyos?’

Kaninong Soberanya ang Pipiliin Mo?

Upang matulungan ang mga tao na makagawa ng may-kabatirang pasiya tungkol sa pamamahala, inatasan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na ipangaral ang ‘mabuting balita ng kaharian . . . sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa,’ bago dumating ang wakas ng kasalukuyang sistema ng mga bagay. (Mateo 24:14) Sino sa ngayon ang kilalá sa buong daigdig dahil sa pangangaral ng Kaharian ng Diyos? Ang mga Saksi ni Jehova. Sa katunayan, matagal nang nasa unahang pabalat ng magasing ito ang mga salitang “Naghahayag ng Kaharian ni Jehova.” Ngayon, mga anim na milyong Saksi sa mahigit na 230 lupain ang tumutulong sa mga tao na magtamo ng tumpak na kaalaman tungkol sa Kahariang iyan. a

Mga Pagpapala Para sa mga Sakop ng Kaharian

Laging isinagawa ni Jesus ang mga bagay-bagay ayon sa paraan ng Diyos. Kaya naman, sa halip na pumili ng sariling landasin at sikaping itaguyod at mapabuti ang kasalukuyang sistema ng mga bagay sa pamamagitan ng pulitika, nagpagal siya upang isulong ang mga kapakanan ng Kaharian ng Diyos, ang tanging lunas sa mga suliranin ng sanlibutan. Dahil sa kaniyang katapatan, siya’y ginantimpalaan ng isang maluwalhating trono sa langit bilang ang mismong Hari sa Kahariang iyan. Tunay ngang isang kamangha-manghang gantimpala dahil sa kaniyang pagpapasakop sa Diyos!​—Daniel 7:13, 14.

Milyun-milyon sa ngayon na tumutulad kay Jesus sa pag-una sa Kaharian ng Diyos at pagpapasakop sa kalooban ng Diyos ay magtatamasa rin ng isang kamangha-manghang kaloob​—ang pribilehiyo na makabilang sa mga makalupang sakop ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 6:33) Sa ilalim ng maibiging pamamahala nito, sila’y dadalhin tungo sa kasakdalan bilang tao, taglay ang pag-asang mabuhay magpakailanman. (Apocalipsis 21:3, 4) Ganito ang sabi ng 1 Juan 2:17: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” Palibhasa’y naglaho na si Satanas at ang kaniyang mga tagasunod at ang lupa ay naging isang pangglobong paraiso na malaya mula sa nasyonalismo na nagdudulot ng pagkakabaha-bahagi, mga tiwaling sistema ng komersiyo, at huwad na relihiyon, tunay na isang matinding kagalakan ang manatili rito magpakailanman!​—Awit 37:29; 72:16.

Oo, Kaharian ng Diyos ang talagang susi sa isang tunay na maligayang daigdig, at ang mensaheng naghahayag nito ay angkop lamang na tawaging mabuting balita. Kung hindi mo pa nagagawa ito, sa susunod na dumalaw ang mga Saksi ni Jehova sa iyong tahanan, bakit hindi malugod na tanggapin ang mabuting balitang ito na inihahatid sa iyo?

[Talababa]

a Sa pagtataguyod sa Kaharian ng Diyos, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nakikilahok sa pulitika o nagsusulsol ng paghihimagsik laban sa mga pamahalaan ng sanlibutan, maging sa mga lupain na doo’y ipinagbabawal o pinag-uusig ang mga Saksi. (Tito 3:1) Sa halip, sinisikap nilang makapagbigay ng positibo, espirituwal at di-pulitikal na tulong gaya ng ginawa ni Jesus at ng kaniyang mga alagad noong unang siglo. Sinisikap ng mga Saksi na tulungan ang mga taong nakahilig sa katuwiran sa kanilang mga pamayanan na ikapit ang mga kapaki-pakinabang na pamantayan sa Bibliya, gaya ng pagmamahalan sa pamilya, katapatan, kalinisan sa moral, at mabuting asal sa trabaho. Pangunahin na, sinisikap nilang ituro sa kanila kung paano susundin ang mga simulain sa Bibliya at paano aasa sa Kaharian ng Diyos bilang tunay na pag-asa ng sangkatauhan.

[Mga larawan sa pahina 5]

Pinatutunayan ng kasaysayan na hindi matagumpay na makapamamahala ang mga tao nang wala ang Diyos

[Larawan sa pahina 5]

Dahil siya ang namamahala sa kasalukuyang “sistema ng mga bagay,” maiaalok ni Satanas kay Jesus “ang lahat ng kaharian ng sanlibutan”

[Mga larawan sa pahina 7]

Itinuro ni Jesus na sa ilalim ng kaayusan ng Kaharian ng Diyos, magiging isang kamangha-manghang dako ang daigdig