Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ingatan ang Iyong Puso

Ingatan ang Iyong Puso

Ingatan ang Iyong Puso

“Higit sa lahat na dapat bantayan, ingatan mo ang iyong puso, sapagkat nagmumula rito ang mga bukal ng buhay.”​—KAWIKAAN 4:23.

1, 2. Bakit kailangan nating ingatan ang ating puso?

 ISANG matandang lalaki sa isang isla sa Caribbean ang lumabas sa kaniyang kublihan pagkatapos ng isang malakas na bagyo. Habang pinagmamasdan niya ang napinsala sa kaniyang paligid, natanto niya na ang isang napakalaking punungkahoy na maraming dekada nang nakatayo malapit sa kaniyang pintuang-daan sa harapan ay wala na. ‘Paano nangyari iyon,’ ang pagtataka niya, ‘gayong nakapanatili ang mas maliliit na punungkahoy sa paligid?’ Nalaman ang sagot nang tingnan ang tuod ng nabuwal na punungkahoy. Ang loob ng waring di-matitinag na punungkahoy ay bulok na, at inihantad lamang ng bagyo ang di-nakikitang pagkabulok na iyon.

2 Kay laking trahedya nga kapag ang isang tunay na mananamba na waring matatag na nakaugat sa Kristiyanong landasin ng pamumuhay ay nadaig ng isang pagsubok sa pananampalataya. May-kawastuang sinasabi ng Bibliya na “ang hilig ng puso ng tao ay masama magmula sa kaniyang pagkabata.” (Genesis 8:21) Nangangahulugan ito na kung walang palagiang pagbabantay, maging ang pinakamabuting puso ay maaaring mahikayat na gumawa ng masama. Yamang walang di-sakdal na puso ng tao ang di-naaapektuhan ng katiwalian, kailangang dibdibin natin ang payo: “Higit sa lahat na dapat bantayan, ingatan mo ang iyong puso.” (Kawikaan 4:23) Kaya paano natin maiingatan ang ating makasagisag na puso?

Regular na Pagsusuri​—Kinakailangan

3, 4. (a) Anong mga tanong ang maaaring ibangon hinggil sa isang literal na puso? (b) Ano ang tutulong sa atin upang masuri ang ating makasagisag na puso?

3 Kung magpapatingin ka sa isang manggagamot, malamang na susuriin niya ang iyong puso. Ang kalusugan mo ba sa kabuuan, pati na ang iyong puso, ay nagpapahiwatig na nakakakuha ka ng sapat na mga sustansiya? Kumusta ang presyon ng iyong dugo? Ang pintig ba ng iyong puso ay di-pabagu-bago at malakas? Sapat ba ang iyong ehersisyo? Nakararanas ba ang iyong puso ng di-nararapat na kaigtingan?

4 Kung ang literal na puso ay nangangailangan ng regular na pagsusuri, kumusta naman ang iyong makasagisag na puso? Sinusuri ito ni Jehova. (1 Cronica 29:17) Dapat na gayon din ang gawin natin. Paano? Sa pamamagitan ng pagtatanong ng ganito: Ang puso ko ba ay nakakakuha ng sapat na espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng regular na personal na pag-aaral at pagdalo sa pulong? (Awit 1:1, 2; Hebreo 10:24, 25) Ang mensahe ba ni Jehova ay malapit sa aking puso gaya ng “nagniningas na apoy na nakukulong sa aking mga buto,” anupat nagpapakilos sa akin na makibahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad? (Jeremias 20:9; Mateo 28:19, 20; Roma 1:15, 16) Ako ba’y napakikilos na magpunyagi nang buong-lakas, anupat nakikibahagi sa isang pitak ng buong-panahong ministeryo kapag posible? (Lucas 13:24) Sa anong uri ng kapaligiran inihahantad ko ang aking makasagisag na puso? Nagsisikap ba akong makisama sa iba na ang mga puso ay nagkakaisa sa tunay na pagsamba? (Kawikaan 13:20; 1 Corinto 15:33) Nawa ay mabilis nating mapansin ang anumang pagkukulang at agad na gumawa ng pagtutuwid.

5. Ano bang kapaki-pakinabang na layunin ang ginagampanan ng mga pagsubok sa pananampalataya?

5 Madalas tayong makaranas ng mga pagsubok sa pananampalataya. Ang mga ito ay naglalaan sa atin ng mga pagkakataon upang mapansin ang kalagayan ng ating puso. Sa mga Israelita na papasok na noon sa hangganan ng Lupang Pangako, sinabi ni Moises: ‘Pinalakad ka ni Jehova na iyong Diyos nang apatnapung taon sa ilang, sa layuning pagpakumbabain ka, na ilagay ka sa pagsubok upang malaman kung ano ang nasa iyong puso, kung tutuparin mo ang kaniyang mga utos o hindi.’ (Deuteronomio 8:2) Hindi ba tayo malimit na nagugulat sa mga damdamin, nasa, o mga reaksiyon na lumilitaw kapag napapaharap tayo sa di-inaasahang mga situwasyon o tukso? Ang mga pagsubok na pinahihintulutang maganap ni Jehova ay tiyak na magpapabatid sa atin ng ating mga kahinaan, anupat magbibigay sa atin ng pagkakataon upang makagawa ng pagsulong. (Santiago 1:2-4) Huwag nawa nating kaligtaang nilay-nilayin nang may pananalangin ang ating pagtugon sa mga pagsubok!

Ano ang Isinisiwalat ng Ating Pananalita?

6. Ano ang maaaring isiwalat hinggil sa ating puso ng mga paksang gusto nating ipakipag-usap?

6 Paano natin matitiyak kung ano ang iniingat-ingatan natin sa ating puso? Sinabi ni Jesus: “Ang mabuting tao ay naglalabas ng mabuti mula sa mabuting kayamanan ng kaniyang puso, ngunit ang balakyot na tao ay naglalabas ng bagay na balakyot mula sa kaniyang balakyot na kayamanan; sapagkat mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kaniyang bibig.” (Lucas 6:45) Ang madalas na ipinakikipag-usap natin ay isang mainam na palatandaan kung ano ang ipinasiyang gawin ng ating puso. Madalas ba nating ipinakikipag-usap ang tungkol sa materyal na mga bagay at sekular na mga tagumpay? O malimit na nakatuon ang ating pakikipag-usap sa espirituwal na mga bagay at teokratikong mga tunguhin? Sa halip na ipamalita ang mga pagkakamali ng iba, may pag-ibig ba nating nakahihiligan na pagtakpan ang mga ito? (Kawikaan 10:11, 12) Nahihilig ba tayong magkuwento nang magkuwento tungkol sa mga tao at sa mga nangyayari sa kanilang buhay ngunit walang gaanong nasasabi tungkol sa espirituwal at moral na mga bagay? Hindi kaya ito isang palatandaan na nagkakaroon tayo ng di-nararapat na interes sa personal na buhay ng ibang tao?​—1 Pedro 4:15.

7. Anong aral hinggil sa pag-iingat sa ating puso ang matututuhan natin mula sa ulat tungkol sa sampung kapatid na lalaki ni Jose?

7 Isaalang-alang ang nangyari sa isang malaking pamilya. Ang sampung nakatatandang anak na lalaki ni Jacob ay ‘hindi makapagsalita nang mapayapa’ sa kanilang nakababatang kapatid na si Jose. Bakit? Sila ay naninibugho dahil siya ang paboritong anak na lalaki ng kanilang ama. Sa kalaunan, nang si Jose ay pinagpala ng mga panaginip mula sa Diyos, na nagpapatunay na taglay niya ang pagsang-ayon ni Jehova, sila ay nagkaroon ng “karagdagang dahilan upang kapootan siya.” (Genesis 37:4, 5, 11) Buong-kalupitan nilang ipinagbili ang kanilang kapatid para maging alipin. Pagkatapos, sa pagtatangkang pagtakpan ang kanilang masamang gawa, nilinlang nila ang kanilang ama para isipin nito na si Jose ay pinatay ng isang mabangis na hayop. Sampu sa mga kapatid na lalaki ni Jose ang nabigong ingatan ang kanilang puso sa pagkakataong iyon. Kung tayo ay madaling mamintas sa iba, hindi kaya iyan isang katibayan ng inggit o paninibugho sa ating puso? Kailangang maging mapagbantay tayo upang masuri kung ano ang lumalabas sa ating bibig at maging mabilis sa pagwawaksi ng di-angkop na mga hilig.

8. Ano ang tutulong sa atin upang masuri ang ating puso kapag nakapagsinungaling tayo?

8 Bagaman “imposibleng magsinungaling ang Diyos,” ang di-sakdal na mga tao ay madaling nakapagsisinungaling. (Hebreo 6:18) “Ang lahat ng tao ay sinungaling,” ang hinagpis ng salmista. (Awit 116:11) Maging si apostol Pedro ay may-kasinungalingang nagkaila kay Jesus nang tatlong beses. (Mateo 26:69-75) Maliwanag, dapat tayong mag-ingat upang maiwasan ang pagsisinungaling, sapagkat kinapopootan ni Jehova ang “bulaang dila.” (Kawikaan 6:16-19) Kung sakali mang makapagsinungaling tayo, makabubuti na suriin ang dahilan nito. Dahil ba ito sa pagkatakot sa tao? Ang pagkatakot ba sa parusa ang siyang dahilan? Marahil ang pag-iwas na masira ang reputasyon o baka ang tahasang kasakiman ang siyang ugat ng problema? Anuman ang dahilan, angkop na angkop nga na nilay-nilayin ang bagay na iyon, mapagpakumbabang aminin ang ating pagkukulang, at magsumamo kay Jehova ukol sa kapatawaran, anupat hinihingi ang kaniyang tulong upang mapanagumpayan ang kahinaang iyon! Maaaring “ang matatandang lalaki ng kongregasyon” ang pinakamabuting makapagbibigay ng gayong tulong.​—Santiago 5:14.

9. Ano ang maaaring isiwalat ng ating mga panalangin tungkol sa ating puso?

9 Bilang tugon sa hinihiling na karunungan at kaalaman ng kabataang si Haring Solomon, sinabi ni Jehova: “Sa dahilang malapit ito sa iyong puso at hindi ka humingi ng materyal na pag-aari, kayamanan at karangalan . . . , ang karunungan at ang kaalaman ay ibinibigay sa iyo; gayundin ang materyal na pag-aari at ang kayamanan at ang karangalan ay ibibigay ko sa iyo.” (2 Cronica 1:11, 12) Mula sa hiniling at hindi hiniling ni Solomon, nalaman ni Jehova kung ano ang malapit sa puso ni Solomon. Ano ang isinisiwalat ng ating pakikipag-usap sa Diyos tungkol sa ating puso? Inihahayag ba ng ating mga panalangin ang ating pagkauhaw sa kaalaman, karunungan, at kaunawaan? (Kawikaan 2:1-6; Mateo 5:3) Malapit ba sa ating puso ang mga kapakanan ng Kaharian? (Mateo 6:9, 10) Kung ang ating mga panalangin ay naging iyon at iyon din at walang-sigla, ito ay maaaring magpahiwatig ng pangangailangang gumugol ng panahon sa pagbubulay-bulay sa mga gawa ni Jehova. (Awit 103:2) Ang lahat ng mga Kristiyano ay dapat na maging alisto upang matalos ang isinisiwalat ng kanilang mga panalangin.

Ano ang Sinasabi ng Ating mga Kilos?

10, 11. (a) Saan ba nagmumula ang pangangalunya at pakikiapid? (b) Ano ang tutulong sa atin upang hindi ‘makagawa ng pangangalunya sa puso’?

10 Sinasabi na mas malakas mangusap ang mga kilos kaysa sa mga salita. Tiyak na malaki ang isinisiwalat ng ating mga kilos tungkol sa kung ano tayo sa loob. Halimbawa, sa mga bagay hinggil sa moralidad, ang pag-iingat sa puso ay nagsasangkot ng higit pa kaysa sa basta pag-iwas sa isang gawa ng pakikiapid o pangangalunya. Sa kaniyang Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus: “Bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso.” (Mateo 5:28) Paano natin maiiwasan na mangalunya kahit sa ating puso?

11 Ang tapat na patriyarkang si Job ay nagpakita ng halimbawa para sa may-asawang Kristiyanong mga lalaki at babae. Walang-alinlangan na pangkaraniwan ang naging pakikitungo ni Job sa mas nakababatang mga babae at may-kabaitan pa nga siyang tumulong sa kanila kung nangangailangan sila ng tulong. Ngunit ang pag-iisip na magkaroon ng romantikong interes sa kanila ay hindi mapapayagan ng tapat na lalaking ito. Bakit? Dahil gumawa siya ng matatag na kapasiyahan na huwag tumingin nang may pagnanasa sa mga babae. “Nakipagtipan ako sa aking mga mata,” ang sabi niya. “Kaya paano ako makapagbibigay-pansin sa isang dalaga?” (Job 31:1) Gumawa nawa tayo ng gayunding tipan sa ating mga mata at ingatan ang ating puso.

12. Paano mo ikakapit ang Lucas 16:10 kung tungkol sa pag-iingat sa iyong puso?

12 “Ang taong tapat sa pinakakaunti ay tapat din sa marami,” ang pahayag ng Anak ng Diyos, “at ang taong di-matuwid sa pinakakaunti ay hindi rin matuwid sa marami.” (Lucas 16:10) Oo, kailangang suriin natin ang ating paggawi sa waring di-gaanong mahahalagang bagay sa araw-araw na buhay, maging sa mga paggawi natin sa loob ng ating tahanan. (Awit 101:2) Habang nakaupo sa ating bahay, nanonood ng telebisyon, o nakakonekta sa Internet, tinitiyak ba natin na nasusunod natin ang payo ng Kasulatan: “Ang pakikiapid at bawat uri ng karumihan o kasakiman ay huwag man lamang mabanggit sa gitna ninyo, gaya ng angkop sa mga taong banal; ni ang kahiya-hiyang paggawi ni ang mangmang na usapan ni ang malaswang pagbibiro, mga bagay na hindi nararapat”? (Efeso 5:3, 4) At kumusta naman ang karahasan na maaaring mapanood sa telebisyon o sa mga video game? “Si Jehova ang sumusuri sa matuwid at gayundin sa balakyot,” ang sabi ng salmista, “at ang sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan nga ng Kaniyang kaluluwa.”​—Awit 11:5.

13. Anong babala ang naaangkop kapag nagninilay-nilay hinggil sa kung ano ang lumalabas sa ating puso?

13 “Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib,” ang babala ni Jeremias. (Jeremias 17:9) Ang pandarayang ito ng puso ay maaaring makita kapag nagdadahilan tayo para sa ating mga pagkakamali, pinagagaan ang mga pagkukulang, ipinangangatuwiran ang malulubhang kahinaan sa personalidad, o pinalalabis ang mga naisasagawa. Ang mapanganib na puso ay may kakayahan ding magtaglay ng salawahang katayuan​—madudulas na labi na nagsasabi ng isang bagay at mga kilos na nagpapahiwatig naman ng ibang bagay. (Awit 12:2; Kawikaan 23:7) Napakahalaga nga na maging tapat tayo habang sinusuri natin kung ano ang lumalabas sa puso!

Simple ba ang Ating Mata?

14, 15. (a) Ano ang isang ‘simpleng’ mata? (b) Paanong ang pagpapanatiling simple ang mata ay tumutulong sa atin na maingatan ang puso?

14 “Ang lampara ng katawan ay ang mata,” ang sabi ni Jesus. Sinabi pa niya: “Kaya nga, kung ang iyong mata ay simple, ang buong katawan mo ay magiging maliwanag.” (Mateo 6:22) Ang simpleng mata ay nakapako sa iisang tunguhin, o layunin, anupat hindi nagagambala o naililihis mula rito. Ang totoo, ang ating mata ay dapat na nakapako sa ‘paghanap muna sa kaharian at sa katuwiran [ng Diyos].’ (Mateo 6:33) Ano ang maaaring mangyari sa ating makasagisag na puso kung ang ating mata ay hindi pinanatiling simple?

15 Kuning halimbawa ang paghanap ng ikabubuhay. Ang paglalaan sa mga pangangailangan ng ating pamilya ay isang kahilingang Kristiyano. (1 Timoteo 5:8) Ngunit paano kung natutukso tayong maghangad ng pinakabago, ng pinakamahusay, at ng pinakakanais-nais na mga pagkain, pananamit, tirahan, at iba pang bagay? Hindi kaya aalipinin nga niyaon ang ating puso at isip, anupat nagiging hati ang ating puso sa ating pagsamba? (Awit 119:113; Roma 16:18) Bakit tayo magpapakaabala nang husto sa pangangalaga sa pisikal na mga pangangailangan anupat ang ating buhay ay umiikot na lamang sa pamilya, negosyo, at materyal na mga bagay? Tandaan ang kinasihang payo: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay, at bigla na lang na ang araw na iyon ay kagyat na mapasainyo na gaya ng silo. Sapagkat darating ito sa lahat ng mga nananahanan sa ibabaw ng buong lupa.”​—Lucas 21:34, 35.

16. Anong payo ang ibinigay ni Jesus may kinalaman sa mata, at bakit?

16 Ang mata ay isang mahalagang alulod ng pakikipagtalastasan sa isip at sa puso. Ang pinagtutuunan nito ng pansin ay may malakas na impluwensiya sa ating mga kaisipan, emosyon, at mga kilos. Ginagamit ang naglalarawang pananalita, tinukoy ni Jesus ang kapangyarihan ng nakikitang tukso at sinabi: “Ngayon, kung ang kanang mata mong iyan ay nagpapatisod sa iyo, dukitin mo ito at itapon mula sa iyo. Sapagkat higit na kapaki-pakinabang sa iyo na isa sa iyong mga sangkap ang mawala sa iyo kaysa ang buong katawan mo ang ihagis sa Gehenna.” (Mateo 5:29) Ang mata ay dapat na pigilan sa pagtitig sa di-wastong mga panoorin. Halimbawa, hindi ito dapat pahintulutang tumingin sa materyal na dinisenyo upang magpasigla o pumukaw ng mahahalay na pita at nasa.

17. Paanong ang pagkakapit sa Colosas 3:5 ay tumutulong sa atin na maingatan ang puso?

17 Siyempre pa, hindi lamang ang paningin ang tanging pandamdam na ginagamit natin sa pakikipagtalastasan sa labas ng ating katawan. Ang iba pang pandamdam, tulad ng pandama at pandinig, ay gumaganap ng kanilang papel, at kailangan din tayong magpakaingat kung tungkol sa iba pang sangkap ng katawan. Nagpayo si apostol Pablo: “Patayin ninyo, kung gayon, ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa may kinalaman sa pakikiapid, karumihan, pita sa sekso, nakasasakit na pagnanasa, at kaimbutan, na siyang idolatriya.”​—Colosas 3:5.

18. Anong mga hakbang ang dapat nating gawin may kinalaman sa di-wastong mga kaisipan?

18 Ang di-wastong nasa ay maaaring magmula sa kaloob-looban ng ating isip. Ang pag-iisip sa bagay na iyon ay karaniwan nang nagpapasidhi sa maling nasa, anupat nakaiimpluwensiya sa puso. “Pagkatapos ang pagnanasa, kapag naglihi na ito, ay nagsisilang ng kasalanan.” (Santiago 1:14, 15) Inaamin ng marami na sa ganitong paraan karaniwan nang nangyayari ang pag-abuso sa sarili. Napakahalaga nga na lagi nating punuin ang ating isip ng espirituwal na mga bagay! (Filipos 4:8) At kung pumasok man ang di-wastong kaisipan sa ating isip, dapat tayong magsikap na iwaksi iyon.

‘Maglingkod kay Jehova Nang May Sakdal na Puso’

19, 20. Paano tayo magtatagumpay sa paglilingkod kay Jehova nang may sakdal na puso?

19 Sa kaniyang katandaan, sinabi ni Haring David sa kaniyang anak: “Solomon na aking anak, kilalanin mo ang Diyos ng iyong ama at maglingkod ka sa kaniya nang may sakdal na puso at may nakalulugod na kaluluwa; sapagkat ang lahat ng puso ay sinasaliksik ni Jehova, at ang bawat hilig ng mga kaisipan ay kaniyang natatalos.” (1 Cronica 28:9) Si Solomon mismo ay nanalangin ukol sa “isang masunuring puso.” (1 Hari 3:9) Subalit napaharap siya sa hamon na panatilihin ang gayong puso sa buong buhay niya.

20 Upang magtagumpay tayo sa bagay na ito, hindi lamang tayo kailangang magtamo ng isang pusong kalugud-lugod kay Jehova kundi kailangan din nating ingatan ito. Upang magawa ito, dapat na ang mga paalaala ng Salita ng Diyos ay panatilihin nating malapit sa ating puso​—‘sa kaibuturan nito.’ (Kawikaan 4:20-22) Dapat din nating ugaliin na suriin ang ating puso, anupat may-pananalanging nagninilay-nilay kung ano ang isinisiwalat ng ating pananalita at kilos. Ano ang kabuluhan ng gayong pagninilay-nilay kung hindi natin buong-kataimtimang hihingin ang tulong ni Jehova upang ituwid ang anumang kahinaan na mapapansin natin? At napakahalaga nga na manatili tayong mapagbantay sa kung ano ang nakukuha natin sa pamamagitan ng ating mga pandamdam! Sa paggawa nito, makatitiyak tayo na “ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa [ating] mga puso at sa [ating] mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:6, 7) Oo, maging determinado nawa tayong ingatan ang ating puso nang higit sa lahat ng iba pang dapat na ingatan at maglingkod kay Jehova nang may sakdal na puso.

Natatandaan Mo Ba?

• Bakit mahalaga na ingatan ang puso?

• Paanong ang pagsusuri sa sinasabi natin ay tumutulong sa atin na maingatan ang ating puso?

• Bakit dapat nating panatilihing “simple” ang ating mata?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 23]

Ano ang karaniwang pinag-uusapan natin sa paglilingkod sa larangan, sa mga pulong, at sa tahanan?

[Mga larawan sa pahina 25]

Ang simpleng mata ay hindi nagagambala