Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magtamo ng Pusong Kalugud-lugod kay Jehova

Magtamo ng Pusong Kalugud-lugod kay Jehova

Magtamo ng Pusong Kalugud-lugod kay Jehova

“Likhain mo sa akin ang isang dalisay na puso, O Diyos, at maglagay ka sa loob ko ng isang bagong espiritu, yaong matatag.”​—AWIT 51:10.

1, 2. Bakit dapat tayong maging interesado sa ating puso?

 MATANGKAD siya at kaakit-akit ang anyo. Nang makita siya, gayon na lamang ang paghanga ni propeta Samuel anupat inakala niya na ang panganay na anak na lalaking ito ni Jesse ang siyang pinili ng Diyos upang maging hari na kahalili ni Saul. Ngunit ipinahayag ni Jehova: “Huwag kang tumingin sa . . . anyo [ng anak na iyon] at sa taas ng kaniyang tindig, sapagkat itinakwil ko siya. . . . Sapagkat ang tao ay tumitingin sa kung ano ang nakikita ng mga mata; ngunit kung tungkol kay Jehova, tumitingin siya sa kung ano ang nasa puso.” Ang pinili ni Jehova ay ang bunsong anak na lalaki ni Jesse, si David​—“isang lalaking kalugud-lugod sa kaniyang puso.”​—1 Samuel 13:14; 16:7.

2 Kayang basahin ng Diyos ang puso ng tao, gaya ng niliwanag niya nang dakong huli: “Akong si Jehova ang sumisiyasat sa puso, sumusuri sa mga bato, upang ibigay nga sa bawat isa ang ayon sa kaniyang mga lakad, ayon sa bunga ng kaniyang mga pakikitungo.” (Jeremias 17:10) Oo, “si Jehova ang tagasuri ng mga puso.” (Kawikaan 17:3) Gayunman, ano ang puso na nasa isang tao na sinusuri ni Jehova? At ano ang magagawa natin upang makapagtamo ng isang pusong kalugud-lugod sa kaniya?

“Ang Lihim na Pagkatao ng Puso”

3, 4. Sa anong diwa pangunahing ginagamit ang salitang “puso” sa Bibliya? Magbigay ng halimbawa.

3 Ang salitang “puso” ay lumilitaw ng mga sanlibong ulit sa Banal na Kasulatan. Kadalasan ay ginagamit ito sa makasagisag na diwa. Halimbawa, sinabi ni Jehova sa propetang si Moises: “Magsalita ka sa mga anak ni Israel, upang lumikom sila ng abuloy para sa akin: Mula sa bawat tao na pinakikilos ng kaniyang puso ay lilikumin ninyo ang abuloy para sa akin.” At yaong mga nagbigay ng abuloy ay ‘lumapit, ang bawat isang naudyukan ng kaniyang puso.’ (Exodo 25:2; 35:21) Maliwanag, ang isang aspekto ng makasagisag na puso ay pangganyak​—ang panloob na puwersa na nag-uudyok sa atin upang kumilos. Ipinaaaninag din ng ating makasagisag na puso ang ating mga emosyon at damdamin, ang ating mga nasa at pagmamahal. Ang isang puso ay maaaring malipos ng galit o mapuspos ng takot, mahapis sa pamimighati o labis na magalak. (Awit 27:3; 39:3; Juan 16:22; Roma 9:2) Ito ay maaaring maging mapagmapuri o mapagpakumbaba, maibigin o malipos ng poot.​—Kawikaan 16:5; Mateo 11:29; 1 Pedro 1:22.

4 Alinsunod dito, ang “puso” ay kadalasang nauugnay sa pangganyak at mga emosyon, samantalang ang ‘isip’ ay pangunahin nang may kinalaman sa talino. Ganito dapat unawain ang mga salitang ito kapag lumilitaw ang mga ito sa iisang konteksto sa Kasulatan. (Mateo 22:37; Filipos 4:7) Ngunit ang puso at isip ay hindi ganap na natatangi sa isa’t isa. Halimbawa, hinimok ni Moises ang mga Israelita: “Alalahanin mo sa iyong puso [o, “gunitain sa iyong isip,” talababa sa Ingles] na si Jehova ang tunay na Diyos.” (Deuteronomio 4:39) Sa mga eskriba na nagpapakana laban sa kaniya, sinabi ni Jesus: “Bakit kayo nag-iisip ng mga balakyot na bagay sa inyong mga puso?” (Mateo 9:4) Ang “unawa,” “kaalaman,” at ‘pangangatuwiran’ ay maaari ring maiugnay sa puso. (1 Hari 3:12; Kawikaan 15:14; Marcos 2:6) Kung gayon, ang makasagisag na puso ay maaaring magsangkot din ng ating talino​—ng ating mga kaisipan o ng ating unawa.

5. Ano ang kinakatawan ng makasagisag na puso?

5 Ayon sa isang reperensiyang akda, ang makasagisag na puso ay kumakatawan sa “pinakapangunahing bahagi sa kabuuan, ang kalooban, at kung gayon ay nangangahulugang ang panloob na pagkatao na inihahayag ang sarili sa lahat ng kaniyang iba’t ibang gawain, sa kaniyang mga nasa, pagmamahal, emosyon, pita, layunin, sa kaniyang mga kaisipan, pagkaunawa, guniguni, sa kaniyang karunungan, kaalaman, kasanayan, sa kaniyang mga paniniwala at sa kaniyang mga pangangatuwiran, sa kaniyang alaala at sa kaniyang kamalayan.” Kumakatawan ito sa kung ano talaga tayo sa loob, “ang lihim na pagkatao ng puso.” (1 Pedro 3:4) Iyan ang nakikita at sinusuri ni Jehova. Kaya naman si David ay makapananalangin: “Likhain mo sa akin ang isang dalisay na puso, O Diyos, at maglagay ka sa loob ko ng isang bagong espiritu, yaong matatag.” (Awit 51:10) Paano tayo makapagtatamo ng isang dalisay na puso?

“Ituon Ninyo ang Inyong mga Puso” sa Salita ng Diyos

6. Anong payo ang ibinigay ni Moises sa Israel habang sila ay nagkakampo sa Kapatagan ng Moab?

6 Nang pinapayuhan ang mga anak ni Israel na nagkatipon sa Kapatagan ng Moab bago ang pagpasok sa Lupang Pangako, sinabi ni Moises: “Ituon ninyo ang inyong mga puso sa lahat ng mga salita na sinasalita ko bilang babala sa inyo ngayon, upang mautusan ninyo ang inyong mga anak na maingat na isagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.” (Deuteronomio 32:46) Ang mga Israelita ay kailangang “magbigay ng matamang pansin.” (Knox) Maikikintal lamang nila sa kanilang mga supling ang mga utos ng Diyos sa pamamagitan ng pagiging lubos na pamilyar sa mga ito.​—Deuteronomio 6:6-8.

7. Ano ang nasasangkot sa ‘pagtutuon natin ng ating puso’ sa Salita ng Diyos?

7 Isang pangunahing kahilingan sa pagtatamo ng dalisay na puso ang pagkakamit ng tumpak na kaalaman sa kalooban at mga layunin ng Diyos. Mayroon lamang isang mapagkukunan ng gayong kaalaman, ang kinasihang Salita ng Diyos. (2 Timoteo 3:16, 17) Gayunman, ang basta kaalaman lamang ay hindi makatutulong sa atin na makapagtamo ng isang pusong nakalulugod kay Jehova. Upang ang kaalaman ay makaapekto sa kung ano talaga tayo sa loob, dapat na ‘ituon natin ang ating puso,’ o “isapuso,” ang ating natututuhan. (Deuteronomio 32:46, An American Translation) Paano ito ginagawa? Ipinaliliwanag ng salmistang si David: “Naaalaala ko ang mga araw noong sinaunang panahon; binubulay-bulay ko ang lahat ng iyong mga gawa; kusang-loob kong itinutuon ang aking pansin sa gawa ng iyong mga kamay.”​—Awit 143:5.

8. Anong mga tanong ang maaari nating muni-munihin habang nag-aaral tayo?

8 Dapat din tayong magbulay-bulay nang may pagpapahalaga sa gawa ni Jehova. Kapag nagbabasa ng Bibliya o ng salig-Bibliyang mga publikasyon, kailangang muni-munihin natin ang ganitong mga tanong: ‘Ano ang itinuturo nito sa akin tungkol kay Jehova? Anong mga katangian ni Jehova ang nakikita kong ipinamamalas dito? Ano ang itinuturo sa akin ng ulat na ito tungkol sa kung ano ang gusto at di-gusto ni Jehova? Ano ang mga bunga ng pagsunod sa isang landasin na iniibig ni Jehova kung ihahambing sa pagsunod sa isa na kinapopootan niya? Paano nauugnay ang impormasyong ito sa dati ko nang alam?’

9. Gaano kahalaga ang personal na pag-aaral at pagbubulay-bulay?

9 Ipinaliliwanag ng 32-taóng-gulang na si Lisa a kung paano niya napahalagahan ang kapakinabangan ng makabuluhang pag-aaral at pagbubulay-bulay: “Pagkaraang ako ay mabautismuhan noong 1994, lubha akong naging aktibo sa katotohanan sa loob ng mga dalawang taon. Dinaluhan ko ang lahat ng mga Kristiyanong pagpupulong, nag-ukol ng mula 30 hanggang 40 oras bawat buwan sa ministeryo sa larangan, at nakisama sa mga kapuwa Kristiyano. Pagkatapos ay nagsimula akong maanod palayo. Humina ako nang husto anupat nilabag ko pa nga ang kautusan ng Diyos. Ngunit natauhan ako at nagpasiyang linisin ang aking buhay. Laking galak ko na kinilala ni Jehova ang aking pagsisisi at tinanggap akong muli! Madalas akong nagmumuni-muni: ‘Bakit ako naanod palayo?’ Ang sagot na laging pumapasok sa aking isip ay na napabayaan ko ang makabuluhang pag-aaral at pagbubulay-bulay. Ang katotohanan sa Bibliya ay talagang hindi umabot sa aking puso. Mula ngayon, ang personal na pag-aaral at pagbubulay-bulay ay lagi nang magiging mahalagang bahagi ng aking buhay.” Habang lumalago ang ating kaalaman kay Jehova, sa kaniyang Anak, at sa kaniyang Salita, napakahalaga nga na maglaan tayo ng panahon para sa makabuluhang pagninilay-nilay!

10. Bakit apurahan na maglaan tayo ng panahon para sa personal na pag-aaral at pagbubulay-bulay?

10 Sa abalang daigdig na ito, ang paglalaan ng panahon para sa pag-aaral at pagbubulay-bulay ay talagang isang hamon. Gayunman, ang mga Kristiyano sa ngayon ay nakatayo sa bungad ng kahanga-hangang Lupang Pangako​—ang matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos. (2 Pedro 3:13) Ang nakagugulantang na mga pangyayari, gaya ng pagkapuksa ng “Babilonyang Dakila” at ng pagsalakay ni “Gog ng lupain ng Magog” sa bayan ni Jehova, ay malapit na. (Apocalipsis 17:1, 2, 5, 15-17; Ezekiel 38:1-4, 14-16; 39:2) Ang mangyayari sa hinaharap ay maaaring sumubok sa ating pag-ibig kay Jehova. May-pagkaapurahan na bilhin natin ngayon ang naaangkop na panahon at ituon natin ang ating puso sa Salita ng Diyos!​—Efeso 5:15, 16.

‘Ihanda ang Iyong Puso Upang Sumangguni sa Salita ng Diyos’

11. Paano maihahalintulad sa lupa ang ating puso?

11 Ang makasagisag na puso ay maihahalintulad sa lupa na maaaring pagtamnan ng binhi ng katotohanan. (Mateo 13:18-23) Ang literal na lupa ay karaniwan nang binubungkal upang matiyak na malusog ang pagtubo ng mga pananim. Gayundin naman, ang puso ay dapat na linangin, o ihanda, upang ito ay lalong maging handang tumanggap sa Salita ng Diyos. “Inihanda ni Ezra [na saserdote] ang kaniyang puso upang sumangguni sa kautusan ni Jehova at upang magsagawa niyaon.” (Ezra 7:10) Paano natin maihahanda ang ating puso?

12. Ano ang tutulong upang maihanda ang puso sa pag-aaral?

12 Ang taos-pusong panalangin ay isang napakahusay na paghahanda sa puso kapag sumasangguni tayo sa Salita ng Diyos. Ang mga Kristiyanong pagpupulong ng tunay na mga mananamba ay sinisimulan at tinatapos sa pamamagitan ng panalangin. Napakaangkop nga na simulan natin ang bawat sesyon ng personal na pag-aaral ng Bibliya sa pamamagitan ng isang marubdob na panalangin at pagkatapos ay panatilihin ang isang taimtim na saloobin sa panahon ng ating pag-aaral!

13. Upang magtamo ng isang pusong kalugud-lugod kay Jehova, ano ang dapat nating gawin?

13 Ang makasagisag na puso ay dapat na handang magwaksi ng dating pinanghahawakang mga opinyon. Ayaw itong gawin ng mga relihiyosong lider noong panahon ni Jesus. (Mateo 13:15) Sa kabilang dako, ang ina ni Jesus, si Maria, ay bumuo ng mga palagay “sa kaniyang puso” salig sa mga katotohanan na narinig niya. (Lucas 2:19, 51) Siya ay naging tapat na alagad ni Jesus. Si Lydia ng Tiatira ay nakinig kay Pablo, “at binuksang mabuti ni Jehova ang kaniyang puso upang magbigay-pansin.” Siya man ay naging mananampalataya. (Gawa 16:14, 15) Huwag nawa tayong manghawakan nang buong-higpit sa personal na mga ideya o sa kinagigiliwang mga pangmalas sa doktrina. Sa halip, maging handa nawa tayo na ‘masumpungang tapat ang Diyos, bagaman ang bawat tao ay masumpungang sinungaling.’​—Roma 3:4.

14. Paano natin maihahanda ang ating puso upang makinig sa mga Kristiyanong pagpupulong?

14 Ang paghahanda sa puso upang makinig sa mga Kristiyanong pagpupulong ay lalo nang mahalaga. Maaaring ilayo ng mga panggambala ang ating pansin mula sa ipinapahayag doon. Ang binigkas na mga salita ay di-gaanong makaiimpluwensiya sa atin kung masyado nating pinag-iisipan ang mga bagay na nangyari sa maghapon o nababahala tayo tungkol sa mga mapapaharap sa atin sa kinabukasan. Kailangang maging matatag ang ating kapasiyahan na makinig at matuto kung gusto nating makinabang mula sa ipinapahayag doon. Kay laking kapakinabangan nga ang matatanggap natin kung determinado tayong unawain ang mga kasulatan na ipinaliliwanag at ang mga pagpapakahulugan sa mga ito!​—Nehemias 8:5-8, 12.

15. Paano tayo tinutulungan ng kapakumbabaan na maging mas madaling turuan?

15 Kung paanong ang pagdaragdag ng angkop na mga suplemento ay makapagpapabuti sa pisikal na lupa, ang paglilinang natin ng kapakumbabaan, pananabik sa espirituwal na mga bagay, pagtitiwala, makadiyos na pagkatakot, at pag-ibig sa Diyos ay makapagpapabuti rin sa ating makasagisag na puso. Pinalalambot ng kapakumbabaan ang puso, anupat tinutulungan tayo na maging mas madaling turuan. Sinabi ni Jehova kay Haring Josias ng Judea: “Sa dahilang malambot ang iyong puso anupat nagpakumbaba ka dahil kay Jehova sa pagkarinig mo sa sinalita ko . . . at nagsimulang tumangis sa harap ko, ako, ako nga, ay nakinig.” (2 Hari 22:19) Ang puso ni Josias ay mapagpakumbaba at handang tumanggap. Pinangyari ng kapakumbabaan na ang “walang pinag-aralan at pangkaraniwan” na mga alagad ni Jesus ay makaunawa at makapagkapit ng espirituwal na mga katotohanan na hindi naunawaan ng mga taong “marurunong at matatalino.” (Gawa 4:13; Lucas 10:21) Nawa’y ‘magpakumbaba tayo sa harap ng ating Diyos’ habang nagsisikap tayong magtamo ng isang pusong kalugud-lugod kay Jehova.​—Ezra 8:21.

16. Bakit kailangan ang pagsisikap upang malinang ang pananabik sa espirituwal na pagkain?

16 Sinabi ni Jesus: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Bagaman pinagkalooban tayo ng kakayahang pang-espirituwal, ang mga panggigipit mula sa balakyot na sanlibutang ito o ang mga ugali na gaya ng katamaran ay maaaring makabawas sa ating pagiging palaisip sa ating pangangailangan. (Mateo 4:4) Dapat na magkaroon tayo ng nakapagpapalusog na pananabik sa espirituwal na pagkain. Bagaman sa simula ay hindi tayo nalulugod sa pagbabasa ng Bibliya at personal na pag-aaral, sa pamamagitan ng pagtitiyaga ay masusumpungan natin na ang kaalaman ay ‘magiging kaiga-igaya sa atin mismong kaluluwa,’ anupat may-kasabikan nating aasam-asamin ang mga panahon ng pag-aaral.​—Kawikaan 2:10, 11.

17. (a) Bakit karapat-dapat si Jehova sa ating ganap na pagtitiwala? (b) Paano natin malilinang ang pagtitiwala sa Diyos?

17 “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa,” ang payo ni Haring Solomon. (Kawikaan 3:5) Ang puso na nagtitiwala kay Jehova ay nakababatid na anuman ang Kaniyang hilingin o iutos sa pamamagitan ng kaniyang Salita ay laging tama. (Isaias 48:17) Tiyak na si Jehova ay karapat-dapat sa ating ganap na pagtitiwala. Kaya niyang isakatuparan ang lahat ng kaniyang nilayon. (Isaias 40:26, 29) Aba, ang mismong pangalan niya ay literal na nangangahulugang “Kaniyang Pinangyayaring Magkagayon,” na nagpapatibay sa pagtitiwala sa kaniyang kakayahang tuparin ang kaniyang ipinangako! Siya ay “matuwid sa lahat ng kaniyang mga daan at matapat sa lahat ng kaniyang mga gawa.” (Awit 145:17) Siyempre pa, upang malinang ang pagtitiwala sa kaniya, kailangang ‘tikman natin at tingnan na si Jehova ay mabuti’ sa pamamagitan ng pagkakapit ng ating natututuhan mula sa Bibliya sa ating personal na buhay at pagninilay-nilay sa kabutihang naidudulot nito.​—Awit 34:8.

18. Paano tayo tinutulungan ng makadiyos na pagkatakot na maging handang tumanggap ng patnubay ng Diyos?

18 Sa pagtukoy sa isa pang katangian na nagpapangyari sa ating puso na maging handang tumanggap ng patnubay ng Diyos, sinabi ni Solomon: “Matakot ka kay Jehova at lumayo ka sa kasamaan.” (Kawikaan 3:7) Sinabi ni Jehova may kinalaman sa sinaunang Israel: “Kung huhubugin lamang nila ang puso nilang ito upang matakot sa akin at tuparin ang lahat ng aking mga utos sa tuwina, upang mapabuti sila at ang kanilang mga anak hanggang sa panahong walang takda!” (Deuteronomio 5:29) Oo, yaong mga natatakot sa Diyos ay tumatalima sa kaniya. May kakayahan si Jehova na “ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya” at ilapat ang parusa sa mga sumusuway sa kaniya. (2 Cronica 16:9) Ang may-pagpipitagang pagkatakot na di-mapalugdan ang Diyos ang umugit nawa sa lahat ng ating mga kilos, kaisipan, at emosyon.

‘Ibigin si Jehova Nang Iyong Buong Puso’

19. Anong papel ang ginagampanan ng pag-ibig upang ang ating puso ay maging handang tumugon sa utos ni Jehova?

19 Higit sa lahat ng iba pang katangian, ang pag-ibig ang talagang nagpapangyari na maging handang tumugon sa utos ni Jehova ang ating puso. Ang isang pusong lipos ng pag-ibig sa Diyos ay nagpapasabik sa isang tao na malaman kung ano ang nakalulugod sa Diyos at kung ano ang di-nakalulugod sa kaniya. (1 Juan 5:3) Sinabi ni Jesus: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.” (Mateo 22:37) Mapasidhi nawa natin ang ating pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng pagsisikap na gawing kaugalian ang pagninilay-nilay sa kaniyang kabutihan, regular na pakikipag-usap sa kaniya na gaya sa isang matalik na kaibigan, at may-kasabikang pakikipag-usap sa iba tungkol sa kaniya.

20. Paano tayo makapagtatamo ng isang pusong kalugud-lugod kay Jehova?

20 Bilang repaso: Nasasangkot sa pagtatamo ng isang pusong kalugud-lugod kay Jehova ang pagpapahintulot na makaimpluwensiya ang Salita ng Diyos sa kung ano tayo sa loob, ang lihim na pagkatao ng puso. Kailangan ang makabuluhang personal na pag-aaral ng Kasulatan at ang mapagpahalagang pagbubulay-bulay. Pinakamabuti na gawin ito taglay ang isang inihandang puso​—isang puso na malaya mula sa dating pinanghahawakang mga ideya, isa na lipos ng mga katangian na nagpapangyari na tayo ay maging madaling turuan! Oo, sa tulong ni Jehova, maaaring matamo ang isang mabuting puso. Gayunman, anong mga hakbang ang magagawa natin upang maingatan ang ating puso?

[Talababa]

a Binago ang pangalan.

Paano Ka Tutugon?

• Ano ang makasagisag na puso na sinusuri ni Jehova?

• Paano natin ‘maitutuon ang ating puso’ sa Salita ng Diyos?

• Paano natin dapat ihanda ang ating puso upang sumangguni sa Salita ng Diyos?

• Pagkatapos isaalang-alang ang materyal na ito, nauudyukan ka na gawin ang ano?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 17]

May-pagpapahalagang binulay-bulay ni David ang espirituwal na mga bagay. Ganoon ka rin ba?

[Mga larawan sa pahina 18]

Ihanda ang iyong puso bago mag-aral ng Salita ng Diyos