Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Paano ba nakapuwesto ang mga pingga na ginagamit sa pagdadala ng kaban ng tipan, yamang ipinahihiwatig ng 1 Hari 8:8 na nakikita ang mga ito mula sa dakong Banal?

Nang ibigay ni Jehova kay Moises ang disenyo para sa tabernakulo sa ilang, ang pangunahing pitak nito ay ang kaban ng tipan. Ang parihaba at balót-sa-ginto na baul na ito ang kinaroroonan ng mga tapyas ng Kautusan at iba pang bagay. Ito ay nakalagay sa kaloob-loobang silid, ang Kabanal-banalan. Sa takip ng Kaban ay may dalawang ginintuang pigura ng kerubin na nakaunat ang mga pakpak. Sa bawat tagiliran ng Kaban, may mga argolya upang ito ay mabuhat sa pamamagitan ng dalawang pingga, na gawa sa kahoy ng akasya na kinalupkupan ng ginto. Makatuwiran lamang, ang mga pingga ay nakapasok sa mga argolya at paayon sa haba ng Kaban. Kung gayon, yamang ang Kaban na nakalagay sa Kabanal-banalang dako ng tabernakulo ay nakaharap sa silangan, ang mga pingga ay nakaturo sa hilaga at sa timog. Gayundin ang posisyon nito nang ang Kaban ay nasa templo na itinayo ni Solomon.​—Exodo 25:10-22; 37:4-9; 40:17-21. a

Isang kurtina ang naghihiwalay sa Kabanal-banalan at sa dakong Banal (ang silid sa dakong labas). Ang mga saserdote sa dakong Banal ay hindi maaaring sumilip sa Kabanal-banalan at tingnan ang Kaban, kung saan iniharap ng Diyos ang kaniyang sarili. (Hebreo 9:1-7) Kaya, ang 1 Hari 8:8 ay waring palaisipan: “Ang mga pingga ay mahahaba, kaya ang mga dulo ng mga pingga ay nakikita mula sa dakong Banal sa harap ng kaloob-loobang silid, ngunit ang mga iyon ay hindi nakikita sa labas.” Ang katulad na punto ay mababasa sa 2 Cronica 5:9. Paano nakikita ng sinuman ang mga pingga sa dakong Banal ng templo?

Naguguniguni ng iba na ang mga pingga ay sumayad sa kurtina, na nagbubunga ng nakikitang mga umbok. Ngunit hindi magiging gayon kung ang mga pingga ay nakaturo sa hilaga at sa timog, anupat ang kurtina ay paayon sa mga pingga. (Bilang 3:38) May mas makatuwirang paliwanag. Ang mga pingga ay maaaring nakikita kung may bahagyang siwang sa pagitan ng kurtina at ng pader ng templo o kapag ang mataas na saserdote ay kailangang pumasok sa Kabanal-banalan. Natatabingan ng kurtina ang anumang bahagi ng Kaban mismo, ngunit ang mga pingga na nakausli sa magkabilang gilid ay maaaring makita sa siwang. Bagaman ang paliwanag na ito ay medyo makatuwiran, hindi tayo maaaring maging dogmatiko hinggil dito.

Maliwanag, maraming detalye ang matututuhan pa natin. Binanggit ni apostol Pablo ang ilang aspekto sa kaniyang liham sa mga Hebreo. Pagkatapos ay nagkomento siya: “Hindi ngayon ang panahon upang magsalita nang detalyado may kinalaman sa mga bagay na ito.” (Hebreo 9:5) Ang dumarating na pagkabuhay-muli ng mga tapat ay magbubukas ng kapana-panabik na mga pagkakataon upang matuto mula sa mga lalaking gaya nina Moises, Aaron, Bezalel, at iba pa na personal na nakababatid sa disenyo at gamit ng tabernakulo.​—Exodo 36:1.

[Talababa]

a Ang mga pingga ay hindi dapat alisin sa mga argolya kahit na ang Kaban ay nakalagay sa tabernakulo. Dahil dito, ang mga pingga ay hindi maaaring gamitin sa iba pang layunin. Gayundin, ang Kaban ay hindi dapat hawakan; kung hinuhugot ang mga pingga sa mga argolya, tuwing bubuhatin ito ay kakailanganing hawakan ang sagradong Kaban upang muling maipasok ang mga pingga sa mga argolya. Ang komento sa Bilang 4:6 tungkol sa ‘paglalagay ng mga pingga’ ay maaaring tumukoy sa pagsasaayos sa mga pingga bilang paghahanda sa pagbuhat sa mabigat na kaban tungo sa isang bagong kampamento.