Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nagbibigay-Buhay na Tubig ang Umaagos sa Andes

Nagbibigay-Buhay na Tubig ang Umaagos sa Andes

Nagbibigay-Buhay na Tubig ang Umaagos sa Andes

Ang Kabundukan ng Andes ay umaabot hanggang sa kalagitnaan ng Peru, anupat hinahati ang bansa sa isang tigang na rehiyon sa kahabaan ng baybayin sa gawing kanluran at sa isang makapal at maalinsangang gubat sa silangan. Sa bulubunduking gulugod na ito naninirahan ang mahigit sa sangkatlo ng 27 milyong tao sa Peru. Alinman sa sila’y naroroon sa matataas na talampas at matatarik na gilid ng bundok ng Andes o sa mga bangin na waring di-maarok ang lalim at sa matatabang libis ng kabundukang iyon.

HINDI madaling makapasok sa Andes dahil sa matatarik na bundok nito. Kaya naman, ang milyun-milyong naninirahan doon ay halos nabubukod at karaniwan nang hindi naaapektuhan ng mga pangyayari at mga pagbabago sa labas ng kanilang teritoryo.

Nagkaroon ng maliliit na nayon sa mga tabing-batis upang madaling makakuha ng tubig na kailangan ng mga pananim at mga kawan ng llama, alpaca, vicuña, at mga tupa. Gayunman, may isa pang uri ng mahalagang tubig na umaagos sa Andes​—ang nakagiginhawang espirituwal na tubig na nagmumula kay Jehova, “ang bukal ng tubig na buháy.” (Jeremias 2:13) Ginagamit ng Diyos ang kaniyang mga Saksi upang tulungan ang mga tao sa mga pamayanan sa itaas ng Andes na matamo ang tumpak na kaalaman tungkol sa kaniya at sa kaniyang mga layunin.​—Isaias 12:3; Juan 17:3.

Yamang kalooban ng Diyos na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan,” nagsisikap nang husto ang mga ministrong ito na dalawin ang mga pamayanang mahirap marating taglay ang nagbibigay-buhay na mensahe mula sa Bibliya. (1 Timoteo 2:4) Nakapagtuturo at marangal ang mensaheng ito na salig sa Bibliya. Pinalalaya nito ang tapat-pusong mga tao roon mula sa mga pamahiin, kaugalian, at mga ideya na nagpapangyaring matakot sila sa mga patay, sa balakyot na mga espiritu, at sa mga puwersa ng kalikasan. Higit na mahalaga, binibigyan sila ng mensaheng ito ng maluwalhating pag-asa na mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa.

Pagsisikap

Kinakailangang gumawa ng maraming pagbabago ang mga tagapangaral ng Kaharian na dumadalaw sa malalayong pook na ito. Upang maabot ang puso ng mga tao, ang mga guro sa Bibliya ay kailangang marunong ng Quechua o Aymara, ang dalawang lokal na wika.

Hindi madali ang pagpunta sa mga nayon sa Andes. Kakaunti lamang ang mga riles ng tren sa mga lugar na iyon. Hindi maaasahan ang transportasyon at apektado pa ito ng masamang kalagayan ng panahon at di-pangkaraniwang katangian ng lupain. Kung gayon, paano naaabot ng mga Saksi ang mga tao upang dalhin sa kanila ang mensahe ng Kaharian?

Ang hamon ay tinanggap ng malalakas-loob na mangangaral ng mabuting balita at tumugon sila taglay ang espiritu na gaya ng kay propeta Isaias: “Narito ako! Isugo mo ako.” (Isaias 6:8) Gumagamit sila ng tatlong mobile home upang maglakbay patungo sa mga lugar sa hilaga, sentral, at timog. Dala-dala ang maraming karton ng Bibliya at literatura sa Bibliya, ang masisigasig na payunir, o buong-panahong mga ministro, ay naghahasik ng mga binhi ng katotohanan sa Bibliya sa palakaibigan, mapagpatuloy, at tapat-pusong mga tao na naninirahan doon.

Lalo nang mapanganib ang mga kurbada sa mga daan sa bundok. Upang matagumpay na makaraan sa mga ito, ang mga sasakyan ay kailangang huminto, umatras at umabanteng muli. Sa isa sa gayong pagmamaniobra, sumilip sa bintana ang isang misyonero na nakaupo sa hulihan ng bus at napansin niya na ang isa sa mga gulong sa likuran ay nasa mismong gilid na ng isang bangin na mahigit na 190 metro ang lalim! Pumikit siya hanggang sa makalampas ang bus.

Ang ilang daan ay sira-sira at napakakitid. Sa pagbibiyahe sa gayong baku-bakong daan, palusong sa isang makitid na kalye ang isa sa mga mobile home nang makasalubong nito ang isang trak na paahon. Kinailangang umatras nang paakyat ang mobile home hanggang sa isang lugar na doo’y eksakto lamang na makapagsasalubong at makalalampas sa isa’t isa ang dalawang sasakyan.

Gayunpaman, napakahusay ng mga resulta ng gayong matiyagang pagsisikap. Gusto mo bang malaman pa ang tungkol sa mga pagsisikap na iyon?

“Pagdidilig” sa Lawa ng Titicaca

Nasa lunas ng Kabundukan ng Andes na may taas na 3,800 metro mula sa kapantayan ng dagat, ang Lawa ng Titicaca ang siyang pinakamataas na interyor at nadaraanan ng bapor na katubigan sa daigdig. Ang mga tuktok ng bundok na nababalutan ng niyebe, na ang ilan sa mga ito ay mahigit na 6,400 metro ang taas, ang siyang bukal ng karamihan sa 25 ilog na tumutustos sa Titicaca. Dahil sa napakataas nito, malamig ang klima, at yaong mga hindi lumaki sa lugar na iyon ay kailangang makipagbaka sa sakit na sanhi ng kakulangan ng oksiheno sa matataas na lugar.

Minsan, isang grupo ng mga payunir na nagsasalita ng Quechua at Aymara ang nagbiyahe patungo sa mga isla ng Amantani at Taquile sa Lawa ng Titicaca. Nagdala sila ng isang presentasyon sa mga slide na pinamagatang “Isang Masusing Pagmamasid sa mga Simbahan,” isang taimtim na pagsusuri sa mga kabulaanan ng Sangkakristiyanuhan. Maganda ang naging pagtanggap dito. Ang mga kapatid ay malugod na tinanggap ng isang lalaki at inialok niya ang isang maluwang na silid sa kaniyang tahanan na doo’y maaari silang tumuloy at magturo ng Bibliya.

Dinaluhan ng 100 katao ang unang pulong sa Amantani; 140 naman ang dumalo sa pulong sa Taquile. Ang presentasyon ay sa wikang Quechua. Ganito ang sabi ng isang mag-asawa na dating naninirahan sa pangunahing bahagi ng lupain: “Panahon na para sa inyo na mga Saksi ni Jehova na maalaala kami. Nananalangin kami na dumating sana kayo.”

Bukod sa dalawang mas malalaking islang ito, ang ilan sa tinatayang 40 “lumulutang” na isla sa Lawa ng Titicaca ay napaabutan na rin ng mabuting balita. Lumulutang na mga isla? Oo, ang mga ito ay yari sa totora, mga halamang tambo na tumutubo sa ilang mas mabababaw na bahagi ng lawa. Ang mga totora ay tumutubo nang lampas sa tubig at kumakalat sa ibabaw. Upang makagawa ng isang isla, binabaluktot ng mga tagaroon ang mga tambo, na nakaugat pa sa pinakasahig ng lawa, at nilalala ang mga ito upang makagawa ng sahig. Pagkatapos, ang sahig ay tinatambakan ng putik at pinatitibay sa pamamagitan ng karagdagang pinutol na mga tambo. Nakatira ang mga tao sa mga kubong yari sa tambo na itinayo sa ibabaw.

Nakabili ang mga Saksi ni Jehova ng isang bangka para makapangaral sa mga tao sa mga isla sa Lawa ng Titicaca. Ang bangka ay kayang maglulan ng 16 na tao. Matapos dumaong sa lumulutang na mga isla, naglalakad ang mga Saksi sa ibabaw ng tambong sahig papunta sa bawat tirahan. Sinasabi nila na nararamdaman nilang bahagyang gumagalaw ang ilalim ng kanilang tinutuntungan. Hindi ito ang lugar para sa mga madaling malula!

Kung tungkol naman sa populasyong nagsasalita ng Aymara, naninirahan sila sa maraming pamayanan at nayon sa kahabaan ng mga dalampasigan at sa mga peninsula na nakaungos sa lawa. Mas madaling marating ang mga ito sakay ng bangka kaysa kung daraan sa lupa. Lahat-lahat, tinatayang halos 400,000 katao ang naninirahan sa rehiyon na pinaglilingkuran ng mga bangka na dala ang mensahe ng Kaharian. Magiging abala ang mga bangka sa loob ng mahaba-habang panahon sa hinaharap.

Pinapawi ang Pagkauhaw sa Espirituwal

Nakatira si Flavio sa nayon ng Santa Lucía, malapit sa Juliaca, sa Andes. Naturuan siya ng doktrina ng apoy ng impiyerno sa kaniyang Simbahang Ebangheliko. Maraming taon siyang namuhay taglay ang takot sa gayong walang-katapusan at maapoy na parusa. Malimit niyang itanong kung paano nagagawa ng isang Diyos ng pag-ibig na parusahan ang mga tao nang walang-hanggan sa apoy. Nang dumalaw sa nayong iyon si Tito, isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova, nagpunta siya kay Flavio.

Isa sa mga kauna-unahang tanong na ibinangon ni Flavio ay, “Itinuturo ba ng inyong relihiyon na ang mga tao ay pinahihirapan sa apoy ng impiyerno?” Sumagot si Tito na ang gayong ideya ay kasuklam-suklam sa Maylalang at nagdudulot din ng upasala sa pangalan ni Jehova, ang Diyos ng pag-ibig. Ginagamit ang sariling bersiyon ng Bibliya ni Flavio, ipinakita sa kaniya ni Tito na ang mga patay ay walang anumang kabatiran at sila’y naghihintay ng pagkabuhay-muli sa lupa sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. (Eclesiastes 9:5; Juan 5:28, 29) Ito ang nagbukas sa kaisipan ni Flavio. Agad siyang pumayag na makipag-aral sa Bibliya at di-nagtagal ay naging bautisadong Kristiyano.

Isang Mapagpahalagang Nayon

Isip-isipin na lamang kung gaano kapana-panabik na dalhin ang Kasulatan sa mga taganayon na hindi pa kailanman nakakita ng isang kopya ng Bibliya o na mangaral sa mga nayon na doo’y hindi pa kailanman narinig ng mga tao ang tungkol sa mga Saksi ni Jehova o sa mabuting balita na kanilang ipinangangaral! Iyan ang karanasan ng tatlong sister na payunir​—sina Rosa, Alicia, at Cecilia​—​na nangaral sa mga nayon ng Izcuchaca at Conayca, na matatagpuan sa taas na mahigit sa 3,600 metro sa sentral ng Peru.

Pagdating nila sa unang nayon, wala silang matuluyan. Kinausap nila ang komander ng pulisya sa lugar na iyon, na ipinaliliwanag ang dahilan ng kanilang pagdalaw. Ang resulta? Pinayagan niya sila na magpalipas ng magdamag sa himpilan ng pulisya. Kinabukasan, nakakita ang mga payunir ng mas permanenteng mga matutuluyan na siyang naging sentro ng kanilang gawain.

Di-nagtagal at dumating ang panahon para sa taunang Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Dinalaw ng mga payunir ang lahat ng bahay sa nayon ng Izcuchaca, nakapagpasakamay ng maraming Bibliya, at nakapagsimula ng ilang pag-aaral sa Bibliya. Bago ang Memoryal, namahagi sila ng mga imbitasyon para sa okasyong ito, na ipinaliliwanag ang layunin ng pagdiriwang at ang kahulugan ng mga emblema na ginagamit sa pag-alaala. Inanyayahan ang isang grupo ng mga kapatid na lalaki para tumulong sa okasyong iyon, at isa sa kanila ang nagpahayag. Tunay na isang kagalakan na makita ang 50 katao mula sa munting nayong iyon na dumalo sa pantanging okasyong ito! Sa kauna-unahang pagkakataon, naunawaan nila ang talagang kahulugan ng Hapunan ng Panginoon. Gayundin, napakahalaga nga para sa kanila na hawak nila ang Salita ng Diyos!

Paglaya Mula sa Mabibigat na Pasanin

Lagi nang isang kagalakan ang magdala ng nakagiginhawang tubig ng katotohanan sa Bibliya sa mga bihag ng huwad na relihiyon. Ang Pisac ay isang moog ng sinaunang Imperyong Inca. Karamihan sa mga taong naninirahan doon ngayon ay naturuan ng di-makakasulatang doktrina ng apoy ng impiyerno. Sinasabi sa kanila ng kanilang mga pari na makararating lamang sila sa langit sa pamamagitan ng mga pakiusap ng mga pari.

Mauunawaan naman na ang gayong mga tao ay uhaw sa nakagiginhawang tubig ng katotohanan sa Bibliya. Habang nagbabahay-bahay, nagkaroon ng pagkakataon si Santiago, isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova, na ipaliwanag sa isang lalaki na ang mga matuwid ay nakatakdang mabuhay sa paraisong lupa. (Awit 37:11) Ipinakita ni Santiago mula sa Bibliya na ang mga patay ay bubuhaying-muli at ang sangkatauhan ay tuturuan sa sakdal na mga daan ni Jehova taglay ang pag-asang buhay na walang hanggan. (Isaias 11:9) Bago nito, ang lalaking iyon ay isang debotong Katoliko, nagsasagawa ng espiritismo, at mahilig maglasing. Ngayon ay mayroon siyang pag-asang salig sa Bibliya at tunguhin sa buhay​—ang mabuhay sa Paraiso. Sinunog niya ang lahat ng kaniyang gamit sa espiritismo at tinigilan na ang paglalasing. Tinipon niya ang kaniyang pamilya at pumayag na mag-aral sa Bibliya. Nang maglaon, ang buong pamilya ay nag-alay ng kanilang sarili sa Diyos na Jehova at nabautismuhan.

Malugod na Tinanggap ang Pagkamapagpatuloy

Talagang mapagpatuloy ang mga naninirahan sa bundok. Bagaman simple lamang ang kanilang mga bahay at mahirap ang mga tao, inaalok nila ang mga bisita kung ano ang mayroon sila. Bago natutuhan ang matataas na pamantayan sa Bibliya, ang isang may-bahay ay baka mag-alok sa bisita ng mga dahon ng coca para nguyain habang sila’y nag-uusap. Ngunit kapag naging isa nang Saksi, baka mag-alok na siya ng isang kutsarang asukal, na siyang kasinghalaga ng dahon ng coca sa nabubukod na lalawigan.

Isang misyonero ang pinakiusapan ng isang kapatid na lalaki na samahan siya sa isang pagdalaw muli. Matapos ang nakapapagod na pag-akyat sa isang matarik na landas sa bundok, pumalakpak sila upang ipabatid sa may-bahay ang kanilang pagdating. Inanyayahan silang pumasok sa bahay na ang atip ay pawid, anupat kailangang yumuko para makapasok sa mababang pasukan. Maingat silang humakbang paikot sa gitna ng sahig na lupa, kung saan ang ina ay humukay ng isang butas, sinapnan iyon ng isang kumot, at doon inilagay ang kaniyang sanggol. Palibhasa’y hindi makaalis, ang sanggol na ito ay kontento na lamang na humahagikgik habang nag-uusap ang matatanda. Pagkatapos ng kanilang masiglang pag-uusap tungkol sa mga pagpapala ng Kaharian, naglabas ang babae ng isang mataas na lalagyan ng lokal na inumin. Di-nagtagal at lumusong na ang mga kapatid sa gilid ng bundok para dumalaw sa iba pa.

Saganang Ani

Ngayon sa rehiyong ito ay may mga isang daang nabubukod na mga grupo na may mahigit na isang libo katao na nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Ipinadadala roon ang mga nagtapos sa Ministerial Training School sa Lima upang gawing mga kongregasyon ang mga grupong ito. Nasumpungan ng matuwid ang pusong mga tao na matagal nang bihag ng huwad na relihiyon at mga pamahiin ang kalayaan sa pamamagitan ng mabuting balita ng Kaharian! (Juan 8:32) Pinapawi ang kanilang pagkauhaw sa tubig ng katotohanan.

[Larawan sa pahina 10]

Pagpapatotoo sa “lumulutang” na mga isla sa Lawa ng Titicaca