Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang New World Translation Pinahahalagahan ng Milyun-Milyon sa Buong Daigdig

Ang New World Translation Pinahahalagahan ng Milyun-Milyon sa Buong Daigdig

Ang New World Translation Pinahahalagahan ng Milyun-Milyon sa Buong Daigdig

INABOT ito ng 12 taon, 3 buwan, at 11 araw ng maingat na pagpapagal. Gayunman, noong Marso 13, 1960, ang huling bahagi ng teksto para sa isang bagong salin ng Bibliya ay natapos. Tinawag itong New World Translation of the Holy Scriptures.

Pagkalipas ng isang taon, inilathala ng mga Saksi ni Jehova ang saling ito sa iisang tomo. May inilimbag na isang milyong kopya ng edisyong iyon noong 1961. Sa ngayon, ang bilang ng inilimbag na kopya ay lumampas na sa isang daang milyong kopya, na nagpapangyari sa New World Translation na maging isa sa mga pinakamalawak na naipamahaging Bibliya. Gayunman, ano ba ang nag-udyok sa mga Saksi na ihanda ang saling ito?

Bakit Kailangan ang Isang Bagong Salin ng Bibliya?

Upang maunawaan at maihayag ang mensahe ng Banal na Kasulatan, ang mga Saksi ni Jehova ay gumamit sa nakalipas na mga taon ng maraming iba’t ibang salin ng Bibliya sa Ingles. Bagaman ang mga bersiyong ito ay may kapaki-pakinabang na mga aspekto, kadalasang may bahid ang mga ito ng relihiyosong mga tradisyon at ng mga kredo ng Sangkakristiyanuhan. (Mateo 15:6) Kaya nakita ng mga Saksi ni Jehova ang pangangailangan para sa isang salin ng Bibliya na may katumpakang naghaharap ng kung ano ang nasa orihinal na kinasihang mga kasulatan.

Ang unang hakbang upang matugunan ang pangangailangang ito ay isinagawa noong Oktubre 1946 nang si Nathan H. Knorr, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ay nagmungkahi na gumawa ng isang bagong salin ng Bibliya. Noong Disyembre 2, 1947, sinimulang ihanda ng New World Bible Translation Committee ang isang salin na magiging tapat sa orihinal na teksto, maglalakip ng pinakabagong mga tuklas ng mga iskolar na natipon mula sa bagong nadiskubring mga manuskrito ng Bibliya, at gagamit ng wikang madaling mauunawaan ng mga mambabasa sa ngayon.

Sa paglalathala ng unang tomo nito​—ang New World Translation of the Christian Greek Scriptures​—noong 1950, naging maliwanag na naabot ng mga tagapagsalin ang kanilang mga tunguhin. Ang mga teksto sa Bibliya na dati’y halos di-maunawaan ay naging napakalinaw. Halimbawa, isaalang-alang ang nakalilitong teksto sa Mateo 5:3: “Mapapalad ang mga mapagpakumbabang-loob.” (King James Version) Ito ay isinalin na: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” Ang tanong ng mga alagad ni Jesus sa kaniya na isinaling “ano ang magiging tanda ng iyong pagparito . . . ?” (King James Version) ay isinalin na: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto . . . ?” (Mateo 24:3) At ang pagtukoy ni apostol Pablo sa “hiwaga ng kabanalan” (King James Version) ay mababasa na, ‘sagradong lihim ng makadiyos na debosyon.’ (1 Timoteo 3:16) Maliwanag, iniharap ng New World Translation ang isang bagong uri ng pagkaunawa.

Humanga ang iba’t ibang iskolar. Halimbawa, ang Britanong iskolar sa Bibliya na si Alexander Thomson ay nagsabi na ang New World Translation ay namumukod-tangi sa tumpak na pagsasalin ng pandiwang Griego na pangkasalukuyan. Upang ilarawan: Mababasa sa Efeso 5:25 “Mga asawang lalaki, patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae” sa halip na basta lamang sabihin na “Mga lalake, ibigin ninyo ang inyo-inyong asawa.” (King James Version) “Lumilitaw na walang ibang bersiyon ang gayon na lamang kalubos at kadalas sa paggamit ng mainam na pitak na ito,” ang sabi ni Thomson hinggil sa New World Translation.

Isa pang namumukod-tanging pitak ng New World Translation ay ang paggamit nito sa personal na pangalan ng Diyos, Jehova, kapuwa sa Hebreo at Griegong bahagi ng Kasulatan. Yamang ang Hebreong pangalan ng Diyos ay lumilitaw ng halos 7,000 ulit sa tinatawag na Lumang Tipan pa lamang, maliwanag na nais ng ating Maylalang na gamitin ng kaniyang mga mananamba ang kaniyang pangalan at makilala siya bilang isang persona. (Exodo 34:6, 7) Ang New World Translation ay nakatulong sa milyun-milyong tao upang gawin nga ang gayon.

Isinasalin ang New World Translation sa Maraming Wika

Mula nang lumabas ito sa Ingles, nanabik ang mga Saksi ni Jehova sa palibot ng daigdig na tumanggap ng New World Translation sa kanilang katutubong wika​—at may mabuting dahilan naman. Sa ilang bansa, mahirap makakuha ng mga salin sa lokal na mga wika sapagkat ang mga kinatawan ng mga Samahan Ukol sa Bibliya na namamahagi ng mga ito ay hindi natutuwang makita na ang kanilang mga kopya ng Bibliya ay mapasakamay ng mga Saksi ni Jehova. Bukod diyan, kadalasang ikinukubli ng mga Bibliyang ito sa lokal na mga wika ang mahahalagang turo. Isang karaniwang halimbawa ay ang bersiyon sa isang wika sa timugang Europa na ikinukubli ang mahalagang pagtukoy sa pangalan ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapalit sa mga salita ni Jesus na “Pakabanalin nawa ang iyong pangalan” tungo sa “Igalang ka nawa ng mga tao.”​—Mateo 6:9.

Noong 1961 pa lamang, sinimulan nang isalin ng mga tagapagsalin ang tekstong Ingles ng New World Translation sa ibang mga wika. Pagkalipas lamang ng dalawang taon, ang New World Translation of the Christian Greek Scriptures ay natapos na sa anim na karagdagang wika. Noong panahong iyon, 3 sa bawat 4 na Saksi ay nakababasa na ng Bibliyang ito sa kanilang sariling wika. Gayunman, mas marami pang gawain ang dapat isakatuparan upang maipasakamay ng mga Saksi ni Jehova ang kopya ng Bibliyang ito sa milyun-milyong tao.

Noong 1989, ang tunguhing iyan ay naging mas posible sa pagtatatag ng Translation Services sa punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova. Ang departamentong iyon ay bumuo ng pamamaraan ng pagsasalin na pinagsama ang pag-aaral ng mga salita sa Bibliya at teknolohiya ng computer. Ang paggamit ng sistemang ito ay nagpangyari na maisalin ang Kristiyanong Griegong Kasulatan sa iba pang mga wika sa loob ng isang taon at ang Kasulatang Hebreo sa loob ng dalawang taon​—mas maikling panahon kaysa sa karaniwan nang kailangan para sa proyektong pagsasalin ng Bibliya. Mula nang mabuo ang pamamaraang ito, 29 na edisyon ng New World Translation ang naisalin na mula sa Ingles at nailabas sa mga wika na sinasalita ng mahigit sa dalawang bilyong katao. Kasalukuyang isinasalin ito sa 12 iba pang wika. Sa ngayon, ang Ingles na New World Translation ay naisalin na, sa kabuuan o sa bahagi nito, sa 41 iba pang wika.

Mahigit na 50 taon na ngayon ang lumipas mula nang inilabas ang unang bahagi ng New World Translation noong Agosto 3, 1950, sa Paglago ng Teokrasya na Asamblea ng mga Saksi ni Jehova sa New York City. Sa okasyong iyon, hinimok ni Nathan H. Knorr ang mga kombensiyonista: “Kumuha ng kopya ng salin na ito. Basahin ito nang buo at tiyak na gagawin ninyo ito nang may kasiyahan. Pag-aralan ito, sapagkat tutulungan ka nito na mapalalim ang iyong kaalaman sa Salita ng Diyos. Ipasakamay ito sa iba.” Pinasisigla ka namin na basahin ang Bibliya araw-araw, sapagkat ang mensahe nito ay makatutulong sa iyo na ‘tumayong ganap at may matibay na pananalig sa buong kalooban ng Diyos.’​—Colosas 4:12.

[Graph/Mga larawan sa pahina 8, 9]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

“Mga Inilabas na New World Translation”

Unang inilabas sa Ingles, ang New World Translation ay makukuha na ngayon sa kabuuan o sa bahagi nito sa 41 karagdagang wika

Kristiyanong Griegong Kumpletong

Kasulatan Bibliya

1950 1

1960-69 6 5

1970-79 4 2

1980-89 2 2

1990-Kasalukuyan 29 19