“Magkita Tayo sa Kaharian ng Diyos”
“Magkita Tayo sa Kaharian ng Diyos”
“Mahal na Kaibigan! Rupert, ngayong araw na ito ay sinentensiyahan akong mamatay. Huwag mo akong ipagdalamhati. Ipinaaabot ko sa iyo at sa lahat ng nasa bahay ang aking pag-ibig. Magkita tayo sa Kaharian ng Diyos.”
NOONG Hunyo 8, 1942, isinulat ni Franc Drozg ang mga pananalitang ito nang malapit na siyang barilin ng mga sundalong Nazi. Bakit siya pinatay?
Ayon sa mga ulat sa Museum of National Liberation sa Maribor, Slovenia, ang 38-taóng-gulang na panday na ito ay tumangging umanib sa Wehrmannschaft, isang tulad-militar na tropa ng mga Aleman sa Slovenia na sakop ng Alemanya. Siya ay isang Bibelforscher, o Estudyante ng Bibliya, na siyang pagkakilala noon sa mga Saksi ni Jehova sa lugar na iyon. Sa pagkilos kasuwato ng Isaias 2:4, tumanggi siyang suportahan ang pakikidigma ng mga Nazi, na ipinahahayag ang kaniyang sarili na isang sakop ng Kaharian ng Diyos.—Mateo 6:33.
Sa kaniyang bayan sa Ptuj, si Franc ay kilalá bilang isang masigasig na tagapaghayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Sa kabila ng maraming hirap, ipinangaral niya ang mabuting balita nang walang humpay hanggang sa arestuhin siya noong Mayo 1942.
Maraming Saksi ni Jehova sa Slovenia ang matinding pinag-usig ng mga Nazi. Si Franc ay isa sa mga naunang pinatay sa kanila dahil sa kaniyang relihiyosong mga paninindigan. Tulad ng mga Kristiyano noong unang siglo, siya ay napalakas ng mga pananalitang: “Kailangan tayong pumasok sa kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng maraming kapighatian.” (Gawa 14:22) Ang kaniyang paniniwala sa pagiging totoo ng makalangit na kahariang iyan ay makikita sa kaniyang huling pananalita, “Magkita tayo sa Kaharian ng Diyos.”
[Picture Credit Lines sa pahina 32]
Franc Drozg: Photo Archive-Museum of National Liberation Maribor, Slovenia; liham: Original kept in Museum of National Liberation Maribor, Slovenia