Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Ginintuang Alituntunin—Isang Pandaigdig na Turo

Ang Ginintuang Alituntunin—Isang Pandaigdig na Turo

Ang Ginintuang Alituntunin​—Isang Pandaigdig na Turo

“Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.”​—Mateo 7:12.

ANG mga salitang iyon ay binanggit ni Jesu-Kristo halos dalawang libong taon na ang nakalilipas sa kaniyang bantog na Sermon sa Bundok. Maraming siglo mula noon, napakarami nang nasabi at naisulat hinggil sa simpleng pananalitang iyon. Halimbawa, lubha itong pinuri bilang “ang mismong diwa ng Kasulatan,” “isang sumaryo ng tungkulin ng Kristiyano sa kaniyang kapuwa,” at “isang mahalagang simulain sa etika.” Naging bantog ito anupat kadalasan itong tinatawag na Ginintuang Alituntunin.

Gayunman, hindi lamang ang tinatawag na daigdig ng mga Kristiyano ang tumatanggap sa ideya ng Ginintuang Alituntunin. Pawang pinalawak ng Judaismo, Budismo, at pilosopiyang Griego ang simulaing ito sa etika sa maraming paraan. Kilaláng-kilalá, lalo na sa mga tao sa Malayong Silangan, ang isang pananalita ni Confucius, na pinakukundanganan sa Silangan bilang ang pinakadakilang pantas at guro. Sa The Analects, ang ikatlo sa Four Books ni Confucius, masusumpungan natin ang kaisipang ito na ipinahayag nang tatlong ulit. Bilang sagot sa mga katanungan ng mga estudyante, dalawang beses na sinabi ni Confucius: “Kung ano ang ayaw ninyong gawin sa inyo, huwag ninyong gawin sa iba.” Sa isa pang pagkakataon, nang maghambog ang kaniyang estudyante na si Zigong, “Kung ano ang ayaw kong gawin ng iba sa akin, ayaw ko rin itong gawin sa kanila,” ang guro ay tumugon sa pamamagitan ng nakapupukaw-kaisipang sagot na ito, “Oo, ngunit hindi mo pa nagagawa ito.”

Kapag nabasa ang mga salitang ito, makikita ng isa na ang pananalita ni Confucius ay isang negatibong bersiyon ng sinabi ni Jesus nang maglaon. Ang maliwanag na pagkakaiba ay na ang Ginintuang Alituntunin na sinabi ni Jesus ay humihiling ng positibong mga pagkilos sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti sa iba. Ipagpalagay na ang mga tao ay kikilos kasuwato ng positibong pananalita ni Jesus, anupat nagmamalasakit at gumagawa ng mga hakbang upang tulungan ang iba at namumuhay ayon sa kodigong ito sa araw-araw. Sa palagay mo ba’y magagawa nitong maging isang mas mabuting dako ang daigdig sa ngayon? Tiyak na gayon nga.

Sabihin man ang alituntuning ito sa positibo, sa negatibo, o sa iba pang paraan, ang mahalaga ay na ang mga tao sa iba’t ibang panahon at mga lugar at may sari-saring pinagmulan ay may malaking tiwala sa ideya ng Ginintuang Alituntunin. Ipinakikita lamang nito na ang sinabi ni Jesus sa Sermon sa Bundok ay isang pandaigdig na turo na nakaaapekto sa buhay ng mga tao sa lahat ng dako sa lahat ng panahon.

Tanungin ang iyong sarili: ‘Nais ko bang pakitunguhan ako sa magalang, makatarungan, at matapat na paraan? Nais ko bang mabuhay sa isang daigdig na walang pagtatangi ng lahi, krimen, at digmaan? Nais ko bang mapabilang sa isang pamilya kung saan ang lahat ay nagpapakita ng pagmamalasakit sa damdamin at kapakanan ng iba?’ Ang totoo, sino ang tatanggi sa gayong mga posibilidad? Ang di-nagbabagong katunayan ay na iilan lamang ang nagtatamasa ng mga kalagayang ito. Para sa karamihan ng tao, hindi man lamang sila umaasa sa gayong mga bagay.

Nadungisan ang Ginintuang Alituntunin

Sa buong kasaysayan, may mga naganap na krimen laban sa sangkatauhan kung saan ang mga karapatan ng mga tao ay lubusang ipinagwalang-bahala. Kabilang dito ang bentahan ng mga alipin mula sa Aprika, ang mga patayang kampo ng mga Nazi, sapilitang pagpapatrabaho sa mga bata, at malulupit na paglipol ng lahi sa maraming dako. Ang nakapanghihilakbot na listahan ay maaaring mas mahaba pa.

Sa ngayon, ang ating daigdig na makabago sa teknolohiya ay makasarili. Iilang tao ang nagsasaalang-alang sa iba kapag ang kanilang sariling kaalwanan o di-umano’y mga karapatan ang nakataya. (2 Timoteo 3:1-5) Bakit napakarami ang naging mapag-imbot, malupit, manhid, at makasarili? Hindi ba’t ito’y dahilan sa ang Ginintuang Alituntunin, bagaman bantog pa rin, ay isinasaisantabi bilang di-makatotohanan at makaluma na sa moral? Nakalulungkot, ganito ang kalagayan maging ng marami na nag-aangking naniniwala sa Diyos. At batay sa kalakaran, ang mga tao ay lalo lamang magiging makasarili.

Kung gayon, ang mahahalagang katanungan na dapat isaalang-alang ay: Ano ang nasasangkot sa pamumuhay ayon sa Ginintuang Alituntunin? Mayroon pa bang namumuhay ayon dito? At darating kaya ang panahon kapag ang buong sangkatauhan ay mamumuhay kasuwato ng Ginintuang Alituntunin? Para sa makatotohanang mga sagot sa mga katanungang ito, pakisuyong basahin ang susunod na artikulo.

[Larawan sa pahina 3]

Itinuro ni Confucius at ng iba pa ang iba’t ibang bersiyon ng Ginintuang Alituntunin