“Mali ang Numerong Tinawagan Mo”
“Mali ang Numerong Tinawagan Mo”
SA Johannesburg, Timog Aprika, nagsasalitan sina Leslie at Caroline sa pagpapatotoo sa pamamagitan ng telepono sa mga tao na nakatira sa isang komunidad para sa mga retirado na guwardado ang mga tarangkahan. Iilan lamang ang nasusumpungan nila na nasa tahanan at kakaunti ang interesado sa kanilang mensaheng Kristiyano, kaya napasigla si Caroline nang isang babae ang sumagot sa telepono.
“Ito po ba si Gng. B—?” ang tanong ni Caroline.
“Ah, hindi,” sabi ng isang palakaibigang tinig, “Ako si Gng. G—. Mali ang numerong tinawagan mo.”
Palibhasa’y napansin ang masiglang tinig nito, sabi ni Caroline: “Buweno, hayaan po ninyong ipaliwanag ko ang nais kong sabihin kay Gng. B—.” Saka niya sinimulang sabihin ang tungkol sa mga pagpapala ng dumarating na Kaharian ng Diyos. Matapos gumawa ng kaayusan para dalhin ang brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?, si Gng. G— ay nagtanong: “Siyanga pala, ano ba ang relihiyon ninyo?”
“Kami po ay mga Saksi ni Jehova,” sagot ni Caroline.
“Naku, hindi, hindi ang relihiyong iyan! Hindi ko na yata gustong makita ka.”
“Pero Gng. G—,” ang pakiusap ni Caroline, “sa nakaraang 20 minuto, naibahagi ko sa inyo ang isang napakagandang pag-asa, na itinuturo mula sa Bibliya kung ano ang malapit nang gawin ng Kaharian ng Diyos para sa sangkatauhan. Natuwa kayong marinig ang mga bagay na ito—nasabik pa nga—at ibig ninyong makaalam pa ng higit. Ano ba ang talagang nalalaman ninyo tungkol sa mga Saksi ni Jehova? Kung may sakit kayo, pupunta ba kayo sa isang mekaniko? Bakit hindi ninyo hayaang ako ang magsabi sa inyo ng paniniwala ng mga Saksi ni Jehova?”
Pagkaraan ng sandaling katahimikan, sumagot ito: “Sa palagay ko’y tama ka. Mabuti pa ay pumarito ka. Pero sinasabi ko sa iyo, hinding-hindi mo ako makukumberte!”
“Gng. G—, hinding-hindi kita makukumberte kahit na gusto ko,” sagot ni Caroline. “Si Jehova lamang ang makagagawa niyan.”
Naging maayos naman ang pagdalaw upang dalhin ang brosyur, at pumayag si Gng. G— (Betty) na dalawin siyang muli. Nang bumalik si Caroline, sinabi ni Betty na binanggit niya sa mga babae na kasama niya sa kaniyang mesang kainan na siya ay nakikipag-usap sa mga Saksi ni Jehova. “Paano mo nagawa iyan?” ang tanong nila, anupat ikinumpas pa ang kanilang mga kamay. “Hindi pa man din naniniwala kay Jesus ang mga taong iyan!”
Agad na ipinaalaala ni Caroline kay Betty ang isang pangunahing punto sa huli nilang pag-uusap tungkol sa Kaharian ng Diyos.
“Sino ba ang magiging Hari?” ang tanong ni Caroline.
“Aba, si Jesus,” sagot ni Betty.
“Siyempre pa,” sabi ni Caroline. Pagkatapos ay ipinaliwanag niya na ang mga Saksi ni Jehova ay naniniwala na si Jesus ang Anak ng Diyos, ngunit hindi siya kapantay ng Diyos bilang bahagi ng isang Trinidad.—Marcos 13:32; Lucas 22:42; Juan 14:28.
Pagkaraan ng ilan pang pagdalaw, naging maliwanag na bagaman siya ay may positibo at masayang kalooban, si Betty ay pinahihirapan ng mahinang kalusugan. Sa katunayan, siya ay may kanser at natatakot mamatay. “Sana’y noon ko pa narinig ang mga bagay na ito at nagkaroon ng pananampalataya na taglay mo,” ang pagtatapat niya. Inaliw siya ni Caroline sa pamamagitan ng pagpapakita sa kaniya ng mga kasulatan na naglalarawan sa kamatayan bilang isang mahimbing na pagkakatulog na mula roo’y maaaring bumangon ang isa sa pagkabuhay-muli. (Juan 11:11, 25) Napakahalaga nito kay Betty, na ngayo’y nasisiyahan sa regular na pag-aaral sa Bibliya. Tanging ang kaniyang humihinang kalusugan ang nakahahadlang sa kaniya sa pagdalo sa mga pulong sa Kingdom Hall.
Ganito ang sabi ni Caroline: “Maliwanag sa akin na ang mga anghel ang nangangasiwa sa gawaing ito. Si Betty ay isang ‘maling numero,’ at isipin na lamang, siya’y 89 na taóng gulang!”—Apocalipsis 14:6.