Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Matakot kay Jehova at Tuparin ang Kaniyang mga Utos

Matakot kay Jehova at Tuparin ang Kaniyang mga Utos

Matakot kay Jehova at Tuparin ang Kaniyang mga Utos

“Matakot ka sa tunay na Diyos at tuparin mo ang kaniyang mga utos. Sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.”​—ECLESIASTES 12:13.

1, 2. (a) Paano tayo maaaring ipagsanggalang ng takot sa pisikal na paraan? (b) Bakit sinisikap ng matatalinong magulang na ikintal ang kapaki-pakinabang na takot sa kanilang mga anak?

 “KUNG paanong ang buhay ay isinasapanganib ng tapang, ito naman ay ipinagsasanggalang ng takot,” ang sabi ni Leonardo da Vinci. Ang pagtatapang-tapangan, o pangahas na katapangan, ay humahadlang sa isang tao na makita ang panganib, samantalang ang takot ay nagpapaalaala sa kaniya na maging maingat. Halimbawa, kung lalapit tayo sa gilid ng isang bangin at titingnan kung gaano kataas ang babagsakan natin, karamihan sa atin ay likas lamang na aatras. Gayundin naman, ang kapaki-pakinabang na takot ay hindi lamang nagbubunga ng mabuting kaugnayan sa Diyos, gaya ng natutuhan natin sa naunang artikulo, kundi tumutulong din ito na maingatan tayo mula sa kapinsalaan.

2 Gayunman, kailangang matutuhan ang pagkatakot sa maraming makabagong-panahong panganib. Yamang hindi alam ng mga bata ang mga panganib na dulot ng elektrisidad o ng trapiko sa lunsod, madali silang maaksidente nang malubha. a Sinisikap ng matatalinong magulang na ikintal ang kapaki-pakinabang na takot sa kanilang mga supling, anupat paulit-ulit na nagbababala sa kanila tungkol sa mga panganib sa paligid. Alam ng mga magulang na ang ganitong pagkatakot ay maaaring magligtas sa buhay ng kanilang mga anak.

3. Bakit at paano nagbababala si Jehova sa atin hinggil sa espirituwal na mga panganib?

3 Si Jehova ay may gayunding pagkabahala sa ating kapakanan. Bilang isang maibiging Ama, tinuturuan niya tayo sa pamamagitan ng kaniyang Salita at ng kaniyang organisasyon upang makinabang tayo. (Isaias 48:17) Kalakip sa programang ito ng banal na pagtuturo ang “paulit-ulit” na pagbababala sa atin hinggil sa espirituwal na mga patibong upang magkaroon tayo ng kapaki-pakinabang na takot sa gayong panganib. (2 Cronica 36:15; 2 Pedro 3:1) Sa buong kasaysayan, marami sanang espirituwal na kasakunaan ang naiwasan at maraming pagdurusa ang nahadlangan ‘kung hinubog lamang ng mga tao ang puso nilang ito upang matakot sa Diyos at tuparin ang kaniyang mga utos.’ (Deuteronomio 5:29) Sa “mga panahong [ito na] mapanganib na mahirap pakitunguhan,” paano natin mahuhubog ang ating puso upang matakot sa Diyos at maiwasan ang espirituwal na panganib?​—2 Timoteo 3:1.

Lumayo sa Kasamaan

4. (a) Anong pagkapoot ang dapat linangin ng mga Kristiyano? (b) Ano ang nadarama ni Jehova sa makasalanang paggawi? (Tingnan ang talababa.)

4 Ipinaliliwanag ng Bibliya na “ang pagkatakot kay Jehova ay nangangahulugan ng pagkapoot sa masama.” (Kawikaan 8:13) Inilalarawan ng isang leksikon sa Bibliya ang ganitong pagkapoot bilang “isang damdamin hinggil sa mga tao at mga bagay na kasalungat, kinamumuhian, hinahamak at dito ay ayaw makipag-usap o makipag-ugnayan ng isang tao.” Kaya kalakip sa makadiyos na pagkatakot ang pandidiri o pagkasuklam ng kalooban sa lahat ng masama sa paningin ni Jehova. b (Awit 97:10) Inuudyukan tayo nito na lumayo sa kasamaan, kung paanong lalayo tayo mula sa gilid ng bangin kapag nagbabala sa atin ang ating likas na takot. “Dahil sa pagkatakot kay Jehova ay lumalayo sa kasamaan ang isa,” ang sabi ng Bibliya.​—Kawikaan 16:6.

5. (a) Paano natin mapatitibay ang ating makadiyos na pagkatakot at ang ating pagkapoot sa masama? (b) Ano ang itinuturo sa atin ng kasaysayan ng bansang Israel hinggil sa bagay na ito?

5 Mapatitibay natin ang kapaki-pakinabang na pagkatakot at pagkapoot na ito sa masama sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa nakapipinsalang bunga na idinudulot ng kasalanan sa dakong huli. Tinitiyak sa atin ng Bibliya na aanihin natin kung ano ang ating inihahasik​—naghahasik man tayo ayon sa laman o ayon sa espiritu. (Galacia 6:7, 8) Dahilan dito kung kaya maliwanag na inilarawan ni Jehova ang di-maiiwasang mga resulta ng pagwawalang-bahala sa kaniyang mga utos at pagtalikod sa tunay na pagsamba. Kung wala ang proteksiyon ng Diyos, ang maliit at madaling salakayin na bansang Israel ay masasakop ng malulupit at makapangyarihang mga karatig-bansa. (Deuteronomio 28:15, 45-48) Ang kalunus-lunos na kinalabasan ng pagkamasuwayin ng Israel ay detalyadong iniulat sa Bibliya “bilang babala” upang matutuhan natin ang aral at malinang ang makadiyos na pagkatakot.​—1 Corinto 10:11.

6. Ano ang ilang maka-Kasulatang halimbawa na maaari nating isaalang-alang upang matutuhan ang makadiyos na pagkatakot? (Tingnan ang talababa.)

6 Bukod sa nangyari sa bansang Israel sa kabuuan, ang Bibliya ay naglalaman ng mga karanasan sa tunay na buhay ng mga indibiduwal na nadaig ng paninibugho, imoralidad, kasakiman, o pagmamapuri. c Ang ilan sa mga lalaking ito ay maraming taon nang naglingkod kay Jehova, ngunit sa isang mahalagang sandali ng kanilang buhay, hindi naging sapat ang tibay ng kanilang pagkatakot sa Diyos, at umani sila ng masaklap na mga bunga. Ang pagbubulay-bulay sa mga maka-Kasulatang halimbawang iyon ay makapagpapatibay sa ating determinasyon na huwag gumawa ng gayong mga pagkakamali. Nakalulungkot nga kung naghintay pa tayo hanggang sa personal nating maranasan ang trahedya bago natin dinibdib ang payo ng Diyos! Kabaligtaran ng karaniwang paniwala, ang karanasan​—lalo na yaong bunga ng pagpapalugod sa sarili​—ay hindi siyang pinakamahusay na guro.​—Awit 19:7.

7. Sino ang inaanyayahan ni Jehova sa kaniyang makasagisag na tolda?

7 Ang isa pang matibay na dahilan sa paglilinang ng makadiyos na pagkatakot ay ang ating hangaring ingatan ang ating kaugnayan sa Diyos. Natatakot tayong hindi mapalugdan si Jehova dahil labis nating pinahahalagahan ang kaniyang pakikipagkaibigan sa atin. Sino ang itinuturing ng Diyos bilang kaibigan, isa na aanyayahan niya sa kaniyang makasagisag na tolda? Tanging ang isa na “lumalakad nang walang pagkukulang at nagsasagawa ng katuwiran.” (Awit 15:1, 2) Kung pinahahalagahan natin ang pinagpalang kaugnayang ito sa ating Maylalang, mag-iingat tayo na lumakad nang walang kapintasan sa kaniyang paningin.

8. Paano ipinagwalang-bahala ng ilang Israelita noong panahon ni Malakias ang pakikipagkaibigan sa Diyos?

8 Nakalulungkot, ipinagwalang-bahala ng ilang Israelita noong panahon ni Malakias ang pakikipagkaibigan sa Diyos. Sa halip na katakutan at parangalan si Jehova, naghandog sila ng may sakit at pilay na mga hayop sa kaniyang altar. Ang kanilang kawalan ng pagkatakot sa Diyos ay nakita rin sa kanilang saloobin sa pag-aasawa. Upang makapag-asawa ng mas batang babae, diniborsiyo nila ang asawa ng kanilang kabataan salig sa di-mahalagang mga dahilan. Sinabi sa kanila ni Malakias na kinapopootan ni Jehova ang “pagdidiborsiyo” at ang kanilang may-kataksilang espiritu ang dahilan kaya nahiwalay sila mula sa kanilang Diyos. Paano malulugod ang Diyos sa kanilang mga hain gayong ang altar ay makasagisag na napuno ng mga luha​—ang mga mapait na pagluha ng kanilang mga iniwang asawa? Ang gayong hayagang kawalan ng paggalang sa kaniyang mga pamantayan ang nag-udyok kay Jehova upang magtanong: “Nasaan ang pagkatakot sa akin?”​—Malakias 1:6-8; 2:13-16.

9, 10. Paano natin maipakikita na pinahahalagahan natin ang pakikipagkaibigan ni Jehova?

9 Sa ngayon, nakikita rin ni Jehova ang paghihirap ng damdamin ng maraming walang-kasalanang mga kabiyak at mga anak na ang buhay ay sinira ng sakim at imoral na mga asawang lalaki at mga ama o maging ng mga asawang babae at mga ina. Tunay na ikinalulungkot niya ito. Mamalasin ng isang kaibigan ng Diyos ang mga bagay-bagay ayon sa pangmalas ng Diyos at magpapagal siya upang mapatibay ang kaniyang pag-aasawa, matanggihan ang makasanlibutang kaisipan na humahamak sa kahalagahan ng buklod ng pag-aasawa, at ‘makatakas mula sa pakikiapid.’​—1 Corinto 6:18.

10 Sa pag-aasawa at sa iba pang pitak ng ating buhay, ang pagkapoot sa lahat ng masama sa paningin ni Jehova, lakip na ang matinding pagpapahalaga sa kaniyang pakikipagkaibigan, ay magdudulot ng pabor at pagsang-ayon ni Jehova. May-katatagang sinabi ni apostol Pedro: “Tunay ngang napag-uunawa ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Marami tayong maka-Kasulatang halimbawa na nagpapakita kung paano pinakilos ng makadiyos na pagkatakot ang mga indibiduwal upang gawin ang tama sa iba’t ibang napakahirap na mga kalagayan.

Ang Tatlo na Natakot sa Diyos

11. Sa anong mga kalagayan ipinahayag na “may takot sa Diyos” si Abraham?

11 May isang lalaki sa Bibliya na personal na inilarawan ni Jehova bilang kaniyang kaibigan​—ang patriyarkang si Abraham. (Isaias 41:8) Ang makadiyos na pagkatakot ni Abraham ay nasubok nang hilingin ng Diyos na ihandog niya bilang hain ang kaniyang bugtong na anak, si Isaac, na sa pamamagitan nito ay tutuparin ng Diyos ang kaniyang pangako na magiging isang malaking bansa ang supling ni Abraham. (Genesis 12:2, 3; 17:19) Magtatagumpay kaya ang “kaibigan ni Jehova” sa mahirap na pagsubok na ito? (Santiago 2:23) Sa mismong sandali nang itaas ni Abraham ang kaniyang kutsilyo upang patayin si Isaac, sinabi ng anghel ni Jehova: “Huwag mong iunat ang iyong kamay laban sa bata at huwag kang gumawa ng anumang bagay sa kaniya, sapagkat ngayon ay nalalaman ko ngang ikaw ay may takot sa Diyos sa dahilang hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong anak, ang iyong kaisa-isa.”​—Genesis 22:10-12.

12. Ano ang nag-udyok sa makadiyos na pagkatakot ni Abraham, at paano natin maipamamalas ang gayunding espiritu?

12 Bagaman napatunayan na noon ni Abraham na siya ay isa na natatakot kay Jehova, sa pagkakataong iyon ay naipamalas niya ang kaniyang makadiyos na pagkatakot sa pambihirang paraan. Ang kaniyang pagiging handa na ihain si Isaac ay makapupong higit kaysa sa basta pagpapamalas lamang ng may-paggalang na pagsunod. Si Abraham ay naudyukan ng ganap na pagtitiwala na tutuparin ng kaniyang makalangit na Ama ang Kaniyang pangako sa pamamagitan ng pagbuhay-muli kay Isaac kung kinakailangan. Gaya ng isinulat ni Pablo, si Abraham ay ‘lubusang kumbinsido na ang ipinangako ng Diyos ay kaya rin niyang gawin.’ (Roma 4:16-21) Handa ba nating gawin ang kalooban ng Diyos kahit na humihiling ito ng malalaking sakripisyo? Tayo ba ay may ganap na pagtitiwala na magdudulot ng nagtatagal na mga pakinabang ang gayong pagsunod, yamang nalalaman na si Jehova ang “tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya”? (Hebreo 11:6) Iyan ay tunay na pagkatakot sa Diyos.​—Awit 115:11.

13. Bakit makatuwiran na ilarawan ni Jose ang kaniyang sarili bilang isang lalaki na ‘natakot sa tunay na Diyos’?

13 Suriin natin ang isa pang halimbawa ng makadiyos na pagkatakot na isinagawa​—yaong kay Jose. Bilang isang alipin sa sambahayan ni Potipar, araw-araw na nasusumpungan ni Jose na napapaharap ang kaniyang sarili sa panggigipit na mangalunya. Lumilitaw na walang paraan upang hindi niya makatagpo ang asawa ng kaniyang panginoon, na pilit na gumagawa ng imoral na mga pahiwatig sa kaniya. Sa wakas, nang ‘sunggaban siya’ ng babae, siya ay “tumakas at pumaroon sa labas.” Ano ang nag-udyok sa kaniya upang agad na lumayo sa masama? Walang alinlangan, ang pangunahing salik ay ang pagkatakot sa Diyos, ang pagnanais na iwasan ang paggawa ng “malaking kasamaang ito at magkasala nga laban sa Diyos.” (Genesis 39:7-12) Makatuwiran lamang na ilarawan ni Jose ang kaniyang sarili bilang isang lalaki na ‘natakot sa tunay na Diyos.’​—Genesis 42:18.

14. Paanong ang awa ni Jose ay nagpapamalas ng tunay na pagkatakot sa Diyos?

14 Pagkaraan ng maraming taon ay nakaharap ni Jose nang mukhaan ang kaniyang mga kapatid, na walang-habag na nagbenta sa kaniya sa pagkaalipin. Madali sana niyang nagamit ang kanilang labis na pangangailangan sa pagkain bilang isang pagkakataon upang ipaghiganti ang kamalian na kanilang ginawa sa kaniya. Ngunit ang malupit na pagtrato sa mga tao ay hindi nagpapamalas ng pagkatakot sa Diyos. (Levitico 25:43) Kaya, nang makita ni Jose ang sapat na patotoo na nagbago na ang saloobin ng kaniyang mga kapatid, maawain siyang nagpatawad sa kanila. Gaya ni Jose, ang ating makadiyos na pagkatakot ay magpapakilos sa atin upang daigin ang masama ng mabuti, at hahadlang sa atin na madaig ng tukso.​—Genesis 45:1-11; Awit 130:3, 4; Roma 12:17-21.

15. Bakit nakapagpagalak sa puso ni Jehova ang paggawi ni Job?

15 Si Job ay isa pang namumukod-tanging halimbawa ng isa na natakot sa Diyos. Sinabi ni Jehova sa Diyablo: “Itinuon mo ba ang iyong puso sa aking lingkod na si Job, na walang sinumang tulad niya sa lupa, isang lalaking walang kapintasan at matuwid, na natatakot sa Diyos at lumilihis sa kasamaan?” (Job 1:8) Sa loob ng maraming taon, ang walang-kapintasang paggawi ni Job ay nakapagpagalak sa puso ng kaniyang makalangit na Ama. Natakot si Job sa Diyos dahil alam niya na iyon ang nararapat gawin at ang pinakamainam na paraan ng pamumuhay. “Narito! Ang pagkatakot kay Jehova​—iyon ang karunungan,” ang bulalas ni Job, “at ang paglayo sa kasamaan ay pagkaunawa.” (Job 28:28) Bilang isang may-asawang lalaki, si Job ay hindi nag-ukol ng di-angkop na atensiyon sa mga kabataang babae, ni nagkimkim man siya sa kaniyang puso ng mga pakana sa pangangalunya. Bagaman isang mayamang lalaki, tumanggi siyang ilagak ang kaniyang pagtitiwala sa kayamanan, at iniwasan niya ang lahat ng uri ng idolatriya.​—Job 31:1, 9-11, 24-28.

16. (a) Sa anong mga paraan nagpamalas ng maibiging-kabaitan si Job? (b) Paano ipinakita ni Job na hindi siya nagkait ng kapatawaran?

16 Gayunman, ang pagkatakot sa Diyos ay nangangahulugan ng paggawa ng mabuti at pagtalikod sa masama. Kaya, may-kabaitang nag-ukol ng interes si Job sa mga bulag, pilay, at dukha. (Levitico 19:14; Job 29:15, 16) Naunawaan ni Job na “sinumang nagkakait ng maibiging-kabaitan sa kaniyang sariling kasamahan, kaniya ring iiwanan maging ang takot sa Makapangyarihan-sa-lahat.” (Job 6:14) Maaaring kalakip sa pagkakait ng maibiging-kabaitan ang pagkakait ng kapatawaran o pagkikimkim ng sama ng loob. Sa utos ng Diyos, nanalangin si Job alang-alang sa kaniyang tatlong kasamahan, na labis na nakapighati sa kaniya. (Job 42:7-10) Maipakikita ba natin ang gayunding mapagpatawad na espiritu sa isang kapananampalataya na maaaring nakasakit sa atin sa anumang paraan? Ang taimtim na panalangin alang-alang sa isa na nagkasala sa atin ay malaki ang magagawa upang mapagtagumpayan natin ang paghihinanakit. Ang mga pagpapalang tinamasa ni Job dahil sa kaniyang makadiyos na pagkatakot ay isang patiunang pahiwatig ng ‘saganang kabutihan na pinakaingatan ni Jehova para sa mga may takot sa kaniya.’​—Awit 31:19; Santiago 5:11.

Pagkatakot sa Diyos Laban sa Pagkatakot sa Tao

17. Ano ang maaaring magawa sa atin ng pagkatakot sa tao, ngunit bakit makitid ang pananaw niyaong may gayong pagkatakot?

17 Bagaman ang pagkatakot sa Diyos ay maaaring mag-udyok sa atin na gawin ang tama, ang pagkatakot naman sa tao ay maaaring makasira sa ating pananampalataya. Dahil dito, nang pinasisigla ang mga apostol na maging masisigasig na mángangarál ng mabuting balita, sinabi ni Jesus sa kanila: “Huwag kayong matakot doon sa mga pumapatay ng katawan ngunit hindi makapapatay ng kaluluwa; kundi sa halip ay matakot kayo sa kaniya na makapupuksa kapuwa sa kaluluwa at katawan sa Gehenna.” (Mateo 10:28) Ipinaliwanag ni Jesus na makitid ang pananaw niyaong may pagkatakot sa tao, sapagkat hindi kayang sirain ng mga tao ang mga pag-asa natin sa panghinaharap na buhay. Bukod dito, natatakot tayo sa Diyos dahil kinikilala natin ang kaniyang kasindak-sindak na kapangyarihan, anupat ang kapangyarihan ng lahat ng bansa ay walang kabuluhan kung ihahambing dito. (Isaias 40:15) Gaya ni Abraham, tayo ay may ganap na pagtitiwala sa kapangyarihan ni Jehova na buhaying-muli ang Kaniyang tapat na mga lingkod. (Apocalipsis 2:10) Kaya naman, masasabi natin nang may pagtitiwala: “Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang magiging laban sa atin?”​—Roma 8:31.

18. Sa anong paraan ginagantimpalaan ni Jehova yaong mga natatakot sa kaniya?

18 Kahit na isang miyembro ng pamilya o isang maton sa paaralan ang sumasalansang sa atin, masusumpungan natin na “sa pagkatakot kay Jehova ay may matibay na pagtitiwala.” (Kawikaan 14:26) Makahihiling tayo ng lakas sa Diyos sa panalangin, yamang nalalaman natin na pakikinggan niya tayo. (Awit 145:19) Hindi kailanman kinalilimutan ni Jehova ang mga natatakot sa kaniya. Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Malakias, tinitiyak niya sa atin: “Nang panahong iyon ay nagsalita sa isa’t isa yaong mga natatakot kay Jehova, bawat isa ay sa kaniyang kasamahan, at si Jehova ay patuloy na nagbigay-pansin at nakinig. At isang aklat ng alaala ang pinasimulang isulat sa harap niya para sa mga natatakot kay Jehova at para sa mga palaisip sa kaniyang pangalan.”​—Malakias 3:16.

19. Anu-anong uri ng pagkatakot ang mawawala na, ngunit aling uri ang mananatili magpakailanman?

19 Malapit na ang panahon na ang lahat ng nasa lupa ay sasamba kay Jehova at mawawala na ang pagkatakot sa tao. (Isaias 11:9) Ang pagkatakot sa gutom, sakit, krimen, at digmaan ay mawawala na rin. Ngunit ang pagkatakot sa Diyos ay mananatili magpakailanman yamang ang kaniyang tapat na mga lingkod sa langit at sa lupa ay patuloy na magpapakita ng nararapat na paggalang, pagsunod, at pagpaparangal sa kaniya. (Apocalipsis 15:4) Samantala, dibdibin nawa nating lahat ang kinasihang payo ni Solomon: “Huwag mainggit ang iyong puso sa mga makasalanan, kundi matakot ka kay Jehova buong araw. Sapagkat kung magkagayon ay magkakaroon ng kinabukasan, at ang iyong pag-asa ay hindi maglalaho.”​—Kawikaan 23:17, 18.

[Mga talababa]

a Nawawala ang pagkatakot ng mga adulto sa panganib kapag hinihiling ng kanilang trabaho na regular silang mapaharap sa mapanganib na mga situwasyon. Nang itanong kung bakit napakaraming karpintero ang naputulan ng daliri, simple lamang ang sagot ng isang makaranasang manggagawa: “Nawala ang kanilang takot sa mabibilis na de-kuryenteng lagari na iyon.”

b Nadarama ni Jehova mismo ang ganitong pagkasuklam. Halimbawa, inilalarawan ng Efeso 4:29 ang malaswang pangungusap bilang “bulok na pananalita.” Ang salitang Griego na ginamit para sa “bulok” ay literal na tumutukoy sa nabubulok na prutas, isda, o karne. Malinaw na inilalarawan ng gayong termino ang pagkarimarim na dapat nating madama sa mapang-abuso o malaswang pananalita. Gayundin naman, ang mga idolo ay malimit ilarawan sa Kasulatan bilang “karumal-dumal.” (Deuteronomio 29:17; Ezekiel 6:9) Ang ating likas na pandidiri sa dumi ng tao o hayop ay tumutulong sa atin na maunawaan ang pagkasuklam ng Diyos sa anumang uri ng idolatriya.

c Bilang halimbawa, isaalang-alang ang mga ulat ng Kasulatan tungkol kina Cain (Genesis 4:3-12); David (2 Samuel 11:2–​12:14); Gehazi (2 Hari 5:20-27); at Uzias (2 Cronica 26:16-21).

Natatandaan Mo Ba?

• Paano natin natututuhang kapootan ang masama?

• Paano ipinagwalang-bahala ng ilang Israelita noong panahon ni Malakias ang pakikipagkaibigan ni Jehova?

• Ano ang matututuhan natin mula kina Abraham, Jose, at Job tungkol sa pagkatakot sa Diyos?

• Aling pagkatakot ang hindi kailanman mawawala, at bakit?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 19]

Ikinikintal ng matatalinong magulang ang kapaki-pakinabang na pagkatakot sa kanilang mga supling

[Larawan sa pahina 20]

Kung paanong ang takot ay naglalayo sa atin sa panganib, ang makadiyos na pagkatakot ay naglalayo rin sa atin sa kasamaan

[Larawan sa pahina 23]

Pinanatili ni Job ang kaniyang pagkatakot sa Diyos kahit na nang mapaharap siya sa tatlong huwad na kaibigan

[Credit Line]

From the Bible translation Vulgata Latina, 1795