Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Ang tagubilin ba ng Diyos na nakaulat sa Jeremias 7:16 ay nangangahulugan na hindi mananalangin ang mga Kristiyano tungkol sa isa na itiniwalag sa kongregasyong Kristiyano dahil sa ito ay isang di-nagsisising makasalanan?

Matapos ipahayag ang kaniyang hatol laban sa di-tapat na Juda, sinabi ni Jehova kay Jeremias: “Ikaw naman, huwag kang manalangin para sa bayang ito, ni magpailanlang para sa kanila ng pagsusumamo o ng panalangin ni mamanhik man sa akin, sapagkat hindi ako makikinig sa iyo.”​—Jeremias 7:16.

Bakit pinagbawalan ni Jehova si Jeremias na manalangin para sa mga Israelita? Maliwanag, iyon ay dahil sa kanilang lantarang mga paglabag sa kaniyang Kautusan. Hayagan at walang-kahihiyan silang ‘nagnanakaw, pumapaslang at nangangalunya at sumusumpa nang may kabulaanan at gumagawa ng haing usok para kay Baal at sumusunod sa ibang mga diyos.’ Kaya, sinabi ni Jehova sa mga walang-pananampalatayang Judio: “Palalayasin ko kayo mula sa harap ng aking mukha, gaya ng pagpapalayas ko sa lahat ng inyong mga kapatid, ang buong supling ni Efraim.” Hindi nga magiging angkop para kay Jeremias, ni sa kanino pa man, na ipanalangin kay Jehova na baligtarin sana ang Kaniyang hatol.​—Jeremias 7:9, 15.

Kasuwato nito, sumulat si apostol Juan tungkol sa angkop na panalangin sa Diyos. Una, tiniyak niya sa mga Kristiyano: “Anumang bagay ang hingin natin ayon sa kaniyang kalooban, tayo ay pinakikinggan niya.” (1 Juan 5:14) Pagkatapos, tungkol naman sa pananalangin alang-alang sa iba, nagpatuloy si Juan: “Kung makita ng sinuman ang kaniyang kapatid na nagkakasala ng isang kasalanan na hindi ikamamatay, siya ay hihingi, at bibigyan niya siya ng buhay, oo, yaong mga hindi nagkakasala ng ikamamatay. May kasalanan na ikamamatay. May kinalaman sa kasalanang iyon ay hindi ko sinasabi sa kaniya na humiling.” (1 Juan 5:16) Binanggit din ni Jesus ang kasalanan na ‘hindi patatawarin,’ samakatuwid nga, ang kasalanan laban sa banal na espiritu.​—Mateo 12:31, 32.

Nangangahulugan ba ito na lahat ng itinitiwalag sa kongregasyong Kristiyano dahil sa nagkasala nang di-nagsisisi ay nakagawa ng mga kasalanan na “ikamamatay” at sa gayo’y hindi dapat na ipanalangin? Hindi naman palaging gayon ang kalagayan dahil sa ilang pagkakataon, ang gayong mga pagkakasala ay hindi naman mga kasalanan na ikamamatay. Sa katunayan, mahirap malaman kung gayon nga ang isang kasalanan. Ang isang karaniwang halimbawa ay si Haring Manases ng Juda. Nagtayo siya ng mga altar para sa mga huwad na diyos, naghandog ng kaniyang sariling mga anak na lalaki bilang hain, nagsagawa ng espiritismo, at naglagay ng mga inukit na imahen sa templo ni Jehova. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya na ginawa ni Manases at ng bayan “ang masama nang higit pa kaysa sa mga bansa na nilipol ni Jehova mula sa harap ng mga anak ni Israel.” Dahil sa lahat ng ito, pinarusahan ni Jehova si Manases sa pamamagitan ng pagpapangyaring dalhin siya bilang bihag na may mga pangaw patungo sa Babilonya.​—2 Hari 21:1-9; 2 Cronica 33:1-11.

Ang mga kasalanan ba ni Manases, bagaman napakalubha, ay yaong uri na ikamamatay? Maliwanag na hindi, sapagkat nagpatuloy ang ulat tungkol sa kaniya: “Nang mapighati siya nito, pinalambot niya ang mukha ni Jehova na kaniyang Diyos at patuloy na nagpakumbaba nang lubha dahil sa Diyos ng kaniyang mga ninuno. At patuloy siyang nanalangin sa Kaniya, kung kaya hinayaan Niya na siya ay mapamanhikan nito at dininig Niya ang kaniyang paghiling ng lingap at isinauli siya sa Jerusalem sa kaniyang paghahari; at nakilala ni Manases na si Jehova ang tunay na Diyos.”​—2 Cronica 33:12, 13.

Kaya, hindi tayo dapat na padalus-dalos sa pagsasabing ang isang tao ay tiyak na nakagawa ng kasalanang ikamamatay dahil lamang sa siya ay natiwalag sa kongregasyon. Maaaring mangailangan ng panahon bago mahayag ang tunay na kalagayan ng puso ng isang indibiduwal. Sa katunayan, madalas sabihin na ang isa sa mga layunin ng pagtitiwalag ay upang matauhan ang nagkasala at sana’y magsisi ito at manumbalik.

Yamang hindi na bahagi ng kongregasyon ang taong iyon, anumang pagbabago sa puso at saloobin ay maaaring mapansin muna niyaong mga malapít sa kaniya, gaya ng kaniyang asawa o mga kapamilya. Yaong mga nakapapansin ng gayong mga pagbabago ay maaaring manghinuha na ang nagkasala ay hindi nakagawa ng kasalanan na ikamamatay. Maaari silang maudyukang manalangin na kumuha sana siya ng lakas mula sa kinasihang Salita ng Diyos at na makikitungo si Jehova sa nagkasala kasuwato ng Kaniyang kalooban.​—Awit 44:21; Eclesiastes 12:14.

Samantalang ang iba ay nasa kalagayang makakita ng sapat na ebidensiya upang maniwala na ang nagkasala ay nagsisisi, maaaring hindi ganito ang kalagayan sa kongregasyon sa pangkalahatan. Sila ay malilito, mababahala, matitisod pa nga kung maririnig nila ang isa na nananalangin nang hayagan tungkol sa isang natiwalag. Dahil dito, yaong mga nauudyukang manalangin tungkol sa nagkasala ay dapat na gumawa lamang ng gayon nang sarilinan, na ipinauubaya na lamang ang anumang karagdagang pagbabago sa bagay na iyon sa kamay ng mga responsableng matatanda sa kongregasyon.

[Larawan sa pahina 31]

Pinatawad ang malulubhang kasalanan ni Manases nang magpakumbaba siya sa harap ni Jehova

[Picture Credit Line sa pahina 30]

Reproduced from Illustrirte Pracht - Bibel/Heilige Schrift des Alten und Neuen Testaments, nach der deutschen Uebersetzung D. Martin Luther’s