Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Nagkukusang Espiritu ang Nagpapangyari sa mga Tao na Magtungo sa Gilead

Isang Nagkukusang Espiritu ang Nagpapangyari sa mga Tao na Magtungo sa Gilead

Isang Nagkukusang Espiritu ang Nagpapangyari sa mga Tao na Magtungo sa Gilead

ANG Watchtower Bible School of Gilead ay umiiral upang sanayin ang nakaalay na mga lalaki’t babae para maglingkod bilang mga misyonero sa ibang bansa. Sino ang mga nagtutungo sa Gilead? Yaong may nagkukusang espiritu. (Awit 110:3) Tiyak na iyan ay kapansin-pansin noong Setyembre 8, 2001, nang magtapos ang ika-111 klase.

Kusang-loob na iniwan na ng ilang estudyante ng klaseng iyon ang mga kapamilya, kaibigan, at lupang tinubuan upang maglingkod kung saan may higit na pangangailangan. Sa paggawa ng gayon, sinubok nila ang kanilang mga sarili kung makagagawa sila ng mga pagbabago upang manirahan sa waring naiibang kapaligiran. Halimbawa, isinaayos nina Richer at Nathalie ang kanilang pamumuhay upang lumipat sa Bolivia, sina Todd at Michelle naman sa Dominican Republic, at sina David at Monique sa isang bansa sa Asia upang ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Ang ibang mga estudyante ay nakapaglingkod na sa Nicaragua, Ecuador, at Albania.

Napasigla si Christy na mag-aral ng wikang Kastila noong nasa haiskul siya, na tumulong sa kaniya na makapaghanda upang gumugol ng dalawang taon sa Ecuador bago siya nag-asawa. Ang iba ay sumama sa mga kongregasyong banyaga ang wika sa kanilang lupang tinubuan. Napaharap naman sa naiibang hamon sina Saul at Priscilla na nagpamalas ng nagkukusang espiritu sa pamamagitan ng lubos na pagsisikap na pagbutihin ang kanilang pagsasalita ng Ingles bago sila nagtungo sa paaralan.

Ang 20 linggo ng pagsasanay sa misyonero ay mabilis na lumipas. Dumating ang araw ng gradwasyon, at kasama ng mga estudyante ang kanilang mga kaibigan at kapamilya, na nakikinig sa matalinong payo at mga pananalita ng pamamaalam na nakapagpapatibay-loob.

Ang tsirman ng programa ay si Theodore Jaracz, na nagtapos sa ikapitong klase ng Paaralang Gilead at naglilingkod ngayon bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Ang kaniyang pambungad na mga pananalita ay nagtampok sa katotohanan na bilang isang organisasyon, hindi tayo kailanman lumihis sa tunguhin ng pagsasanay sa mga estudyante sa Gilead, samakatuwid nga ay ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa buong tinatahanang lupa. (Marcos 13:10) Tinutulungan ng Gilead ang kuwalipikadong mga estudyante na isagawa ang pangangaral na ito sa isang mas malaking antas kaysa sa ginawa nila noong nakalipas at sa mga lugar sa daigdig kung saan ang sinanay na mga misyonero ay partikular na kinakailangan. Pinayuhan ni Brother Jaracz ang mga estudyante na gamitin nilang mabuti ang kanilang pagsasanay sa Gilead yamang sasama na sila ngayon sa mga misyonero na kasalukuyang naglilingkod sa 19 na bansa kung saan inatasan ang mga nagtapos.

Napapanahong Payo Para sa mga Nagtapos

Isang serye ng mga pahayag ang sumunod. Nagsalita si William Van De Wall, isang miyembro ng Komite sa Sangay sa Estados Unidos, hinggil sa paksang “Kasigasigan sa Pagmimisyonero​—Isang Tanda ng Tunay na mga Kristiyano.” Itinuon niya ang pansin sa atas na “gumawa ng mga alagad,” na nakaulat sa Mateo 28:19, 20, at pinayuhan niya ang mga estudyante: “Tularan ninyo si Jesus, na nagsagawa ng kaniyang misyonerong atas taglay ang kasigasigan at pananabik.” Upang matulungan ang mga magiging misyonero na mapanatili ang kanilang kasigasigan sa gawaing misyonero, pinasigla niya sila: “Manghawakan sa isang praktikal na iskedyul; panatilihin ang mabubuting kaugalian sa personal na pag-aaral, manatiling may kabatiran sa bagong teokratikong mga bagay; at palaging isaisip ang mga dahilan kung bakit kayo nasa inyong atas.”

Ang sumunod na nagpahayag sa programa ay si Guy Pierce, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala. Binuo niya ang temang “Patuloy na Linangin ang ‘Inyong Kakayahan sa Pangangatuwiran.’ ” (Roma 12:1) Nagbigay siya ng praktikal na payo sa nagtapos na klase, na pinasisigla sila na gamitin ang kanilang bigay-Diyos na kakayahan na mag-isip at mangatuwiran. “Patuloy na magbulay-bulay hinggil sa sinasabi ni Jehova sa inyo sa pamamagitan ng kaniyang Salita. Ito ang mag-iingat sa inyo,” ang sabi niya. (Kawikaan 2:11) Pinaalalahanan din ni Brother Pierce ang klase na huwag maging dogmatiko sa kanilang mga pangmalas upang hindi nila mapigilan ang kanilang “kakayahan sa pangangatuwiran.” Walang alinlangan, ang napapanahong mga paalaalang ito ay mapatutunayang kapaki-pakinabang habang naglilingkod bilang mga misyonero ang mga nagtapos.

Sumunod ay ipinakilala ng tsirman ang isa sa mga tagapagturo ng Gilead, si Lawrence Bowen, na nagsalita hinggil sa temang “Magpasiyang Huwag Alamin ang Anumang Bagay.” Sinabi niya na may kaugnayan sa kaniyang gawaing misyonero sa Corinto, si apostol Pablo ay ‘nagpasiyang huwag alamin ang anumang bagay . . . maliban kay Jesu-Kristo, at siya na ibinayubay.’ (1 Corinto 2:2) Alam ni Pablo na ang pinakamalakas na puwersa sa sansinukob, ang banal na espiritu, ang sumusuporta sa mensaheng makikita sa buong Bibliya: ang pagbabangong-puri sa pagkasoberano ni Jehova sa pamamagitan ng ipinangakong Binhi. (Genesis 3:15) Ang 48 estudyanteng nagtapos ay hinimok na tularan sina Pablo at Timoteo at na maging matagumpay na mga misyonero, na nanghahawakan “sa parisan ng nakapagpapalusog na mga salita.”​—2 Timoteo 1:13.

“Pahalagahan ang Inyong Pribilehiyo, Isang Kaloob Mula sa Diyos” ang tema ng huli sa serye ng pambungad na mga pahayag. Tinulungan ng tagapagrehistro ng Paaralang Gilead na si Wallace Liverance ang mga nagtapos na unawain na ang mga pribilehiyo sa paglilingkod ay mga kapahayagan ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos, hindi isang bagay na nararapat nilang tanggapin o kamtin. Sa pagtukoy sa halimbawa ni apostol Pablo, binanggit ni Brother Liverance: “Ang pagpili ni Jehova kay Pablo upang maging kaniyang apostol sa mga bansa ay hindi batay sa mga gawa, anupat para bang nakamit ni Pablo ang karapatang taglayin ang atas na iyon o na nararapat siya rito. Hindi ito nakasalalay sa tagal ng paglilingkod o karanasan ng isa. Sa pangmalas ng tao, maaaring lumitaw na si Bernabe ang makatuwirang piliin. Hindi ito nakasalig sa personal na kakayahan; maliwanag na mas mahusay magsalita si Apolos kaysa kay Pablo. Ito ay isang kapahayagan ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.” (Efeso 3:7, 8) Pinasigla ni Brother Liverance ang mga nagtapos na gamitin ang kanilang kaloob, o pribilehiyo sa paglilingkod, upang tulungan ang iba na maging mga kaibigan ng Diyos at maging mga tagatanggap ng “kaloob na ibinibigay ng Diyos . . . , buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.”​—Roma 6:23.

Kasunod nito, isinagawa ni Mark Noumair, isa pang tagapagturo sa Gilead, ang isang masiglang pakikipagtalakayan kasama ng ilang estudyante hinggil sa temang “Ang Paghahanda ay Umaakay sa Mabubuting Resulta.” (Kawikaan 21:5) Inilarawan ng mga karanasang ito na kapag ang isang ministro ay naghahandang mabuti sa ministeryo, lalo na sa pamamagitan ng paghahanda sa kaniyang puso, magkakaroon siya ng tunay na interes sa mga tao. Hindi siya kailanman mauubusan ng sasabihin. Sa halip, magsasalita siya at gagawa ng mga bagay upang matulungan sila sa espirituwal na paraan. “Ito ang susi sa pagiging isang matagumpay na misyonero,” ang sabi ni Brother Noumair, habang inilalahad niya ang kaniyang sariling karanasan bilang isang misyonero sa Aprika.

Paglilingkod Bilang Misyonero​—Isang Nakasisiyang Karera

Kinapanayam nina Ralph Walls at Charles Woody ang ilang makaranasang misyonero, na naroroon din sa Patterson Educational Center para sa pantanging pagsasanay. Idiniin ng mga panayam na ang pag-ibig sa mga tao ang nagdudulot ng kagalakan sa paglilingkod bilang misyonero. Nakapagpapatibay para sa mga estudyante at para sa kanilang mga kapamilya at kaibigan na kabilang sa mga tagapakinig na mapakinggan ang makaranasang mga misyonerong ito habang sila mismo ang nagpapaliwanag kung bakit isang kasiya-siyang karera ang paglilingkod bilang misyonero.

Si John E. Barr, na naglilingkod sa Lupong Tagapamahala, ang nagbigay ng pangunahing pahayag ng araw na iyon, na pinamagatang “Umawit Kayo kay Jehova ng Isang Bagong Awit.” (Isaias 42:10) Binanggit ni Brother Barr na ang kapahayagang “isang bagong awit” ay lumilitaw sa Bibliya nang siyam na beses. Nagtanong siya, “Tungkol saan ang bagong awit na ito?” Pagkatapos ay sumagot siya: “Isinisiwalat ng konteksto na isang bagong awit ang inaawit dahil sa mga bagong kaganapan sa paggamit ni Jehova sa kaniyang pagkasoberano.” Hinimok niya ang mga estudyante na ipagpatuloy ang pagsama ng kanilang mga tinig sa pag-awit ng mga papuri sa matagumpay na Kaharian ng Diyos na nasa kamay ng Mesiyanikong Hari, si Kristo Jesus. Binanggit ni Brother Barr na ang pagsasanay na tinanggap nila sa Gilead ay tumulong sa kanila na unawain nang higit kailanman ang iba’t ibang aspekto ng “bagong awit” na ito. “Idiniin ng paaralan ang pangangailangan ninyong ‘umawit’ ng mga papuri kay Jehova kaisa ng inyong mga kapatid saanman kayo pumaroon; palaging linangin ang pakikipagkaisa sa iba sa inyong mga atas.”

Pagkatapos ibigay ang mga diploma ng mga estudyante, binasa ng isang tagapagsalita ng klase ang isang liham ng taimtim na pagpapahalaga sa pagsasanay na tinanggap nila sa Gilead.

Maaari mo bang palawakin ang iyong paglilingkod sa Diyos at gawin itong mas mabunga? Kung gayon, magsikap na mabuti kagaya ng ginawa ng nagtapos na mga estudyanteng ito. Ito ang tumulong sa kanila na maging kuwalipikado sa larangan ng pagmimisyonero. Malaking kagalakan ang nasusumpungan kapag ang isa ay may-kasiyahang nagbibigay ng sarili nang kusa sa paglilingkod sa Diyos.​—Isaias 6:8.

[Kahon sa pahina 25]

ESTADISTIKA NG KLASE

Bilang ng mga bansang may kinatawan: 10

Bilang ng mga bansang magiging atas: 19

Kabuuang bilang ng mga estudyante: 48

Katamtamang edad: 33.2

Katamtamang taon sa katotohanan: 16.8

Katamtamang taon sa buong-panahong ministeryo: 12.6

[Larawan sa pahina 26]

Ang Ika-111 Klase na Nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead

Sa talaan sa ibaba, ang mga hanay ay nilagyan ng bilang mula sa unahan patungo sa likuran, at itinala ang mga pangalan mula sa kaliwa pakanan sa bawat hanay.

(1) Yeomans, C.; Toukkari, A.; Nuñez, S.; Phillips, J.; Dawkin, M.; Silvestri, P. (2) Morin, N.; Biney, J.; López, M.; Van Hout, M.; Cantú, A.; Szilvassy, F. (3) Williams, M.; Itoh, M.; Van Coillie, S.; Levering, D.; Fuzel, F.; Geissler, S. (4) Yeomans, J.; Moss, M.; Hodgins, M.; Dudding, S.; Briseño, J.; Phillips, M. (5) López, J.; Itoh, T.; Sommerud, S.; Kozza, C.; Fuzel, G.; Moss, D. (6) Williams, D.; Dudding, R.; Geissler, M.; Morin, R.; Biney, S.; Cantú, L. (7) Dawkin, M.; Hodgins, T.; Levering, M.; Silvestri, S.; Van Hout, D.; Briseño, A. (8) Van Coillie, M.; Nuñez, A.; Kozza, B.; Sommerud, J.; Toukkari, S.; Szilvassy, P.