Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Matuto Kayo Mula sa Akin”

“Matuto Kayo Mula sa Akin”

“Matuto Kayo Mula sa Akin”

“Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa.”​—MATEO 11:29.

1. Bakit maaaring maging kalugud-lugod at nakapagpapayaman ang matuto mula kay Jesus?

 SI Jesu-Kristo ay laging nag-iisip, nagtuturo, at kumikilos nang naaangkop. Maikli lamang ang kaniyang panahon sa lupa, ngunit tinamasa niya ang isang kapaki-pakinabang at kasiya-siyang karera, at nanatili siyang maligaya. Kumuha siya ng mga alagad at tinuruan sila kung paano sasambahin ang Diyos, iibigin ang sangkatauhan, at daraigin ang sanlibutan. (Juan 16:33) Nilipos niya ng pag-asa ang kanilang puso at “nagpasikat ng liwanag sa buhay at kawalang-kasiraan sa pamamagitan ng mabuting balita.” (2 Timoteo 1:10) Kung ibinibilang mo ang iyong sarili na alagad niya, ano sa palagay mo ang kahulugan ng pagiging alagad? Sa pagsasaalang-alang sa sinabi ni Jesus hinggil sa mga alagad, matututuhan natin kung paano mapayayaman ang ating buhay. Nagsasangkot ito ng pagtanggap sa kaniyang pangmalas at pagkakapit sa ilang saligang simulain.​—Mateo 10:24, 25; Lucas 14:26, 27; Juan 8:31, 32; 13:35; 15:8.

2, 3. (a) Ano ba ang isang alagad ni Jesus? (b) Bakit mahalaga na itanong sa ating sarili, ‘Kanino ako naging alagad?’

2 Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang isinaling “alagad” ay pangunahin nang nangangahulugang isa na nagtutuon ng kaniyang pag-iisip sa isang bagay, o isa na natututo. Ang isang kaugnay na salita ay makikita sa ating temang teksto, Mateo 11:29: “Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa.” Oo, ang isang alagad ay isang mag-aarál. Karaniwan nang ikinakapit ng mga Ebanghelyo ang salitang “alagad” sa matalik na mga tagasunod ni Jesus, na naglakbay na kasama niya habang siya ay nangangaral at mga naturuan din naman niya. Maaaring basta na lamang tanggapin ng ilang tao ang mga turo ni Jesus, baka ginawa pa nga ito nang palihim. (Lucas 6:17; Juan 19:38) Binanggit din ng mga manunulat ng Ebanghelyo “ang mga alagad ni Juan [na Tagapagbautismo] at ang mga alagad ng mga Pariseo.” (Marcos 2:18) Yamang nagbabala si Jesus sa kaniyang mga tagasunod na “mag-ingat . . . sa turo ng mga Pariseo,” maaari nating itanong sa ating sarili, ‘Kanino ako naging alagad?’​—Mateo 16:12.

3 Kung tayo ay mga alagad ni Jesus at kung tayo ay natuto sa kaniya, dapat lamang kung gayon na makadama ang iba ng espirituwal na kaginhawahan kapag kasama tayo. Dapat na maunawaan nila na tayo ay naging mas mahinahong-loob at mas mababa ang puso. Kung tayo ay may mga pananagutan sa pangangasiwa sa ating trabaho, kung tayo ay mga magulang, o may mga pananagutan sa pagpapastol sa kongregasyong Kristiyano, nadarama ba niyaong nasa ating pangangalaga na pinakikitunguhan natin sila na gaya ng pakikitungo ni Jesus sa mga pinangangalagaan niya?

Kung Paano Nakitungo si Jesus sa mga Tao

4, 5. (a) Bakit hindi mahirap na malaman kung paano nakitungo si Jesus sa mga tao na may mga problema? (b) Ano ang naging karanasan ni Jesus nang kumakain siya sa tahanan ng isang Pariseo?

4 Kailangan nating malaman kung paano nakitungo si Jesus sa mga tao, lalo na sa mga may malulubhang problema. Hindi iyon dapat mahirap matutuhan; ang Bibliya ay naglalaman ng maraming ulat tungkol sa pakikitungo ni Jesus sa iba, na ang ilan sa mga ito ay napipighati. Pansinin din natin kung paano nakitungo ang mga relihiyosong lider, lalo na ang mga Pariseo, sa mga tao na may gayunding mga problema. Nakapagtuturo ang pagkakaiba.

5 Noong taóng 31 C.E., samantalang si Jesus ay naglilibot upang mangaral sa Galilea, “isa sa mga Pariseo ang patuloy na humihiling [kay Jesus] na kumaing kasama niya.” Si Jesus ay hindi nag-atubili na tanggapin ang paanyaya. “Alinsunod dito ay pumasok siya sa bahay ng Pariseo at humilig sa mesa. At, narito! isang babae na kilala sa lunsod bilang isang makasalanan ang nakaalam na nakahilig siya sa kainan sa bahay ng Pariseo, at nagdala ito ng isang sisidlang alabastro ng mabangong langis, at, pagkatapos na lumagay sa likuran ng kaniyang mga paa, tumangis ang babae at pinasimulang basain ng kaniyang mga luha ang kaniyang mga paa at pinunasan niya ang mga iyon ng buhok ng kaniyang ulo. Gayundin, magiliw na hinalikan ng babae ang kaniyang mga paa at pinahiran ng mabangong langis.”​—Lucas 7:36-38.

6. Bakit posibleng ang babae na “isang makasalanan” ay nasa tahanan ng Pariseo?

6 Maguguniguni mo ba iyon? Ganito ang sinabi ng isang reperensiyang akda: “Sinamantala ng babae (tal.37) ang mga kaugalian sa lipunan na nagpapahintulot sa nangangailangang mga tao na magpunta sa gayong piging upang tumanggap ng mga tira-tira.” Maaaring ipaliwanag nito kung paano makapapasok ang isang tao na di-inanyayahan. Baka may mga iba pa na umaasang makasisimot ng pagkain kapag natapos ang kainan. Gayunman, kakaiba ang iginawi ng babaing ito. Hindi siya nagmasid mula sa tabi, anupat naghihintay na matapos ang kainan. Siya ay may di-kaayaayang reputasyon, palibhasa’y “isang makasalanan” na kilaláng-kilalá, anupat sinabi ni Jesus na alam niya ang “kaniyang mga kasalanan, bagaman marami [ang mga ito].”​—Lucas 7:47.

7, 8. (a) Paano kaya tayo tumugon sa ilalim ng mga kalagayan na katulad niyaong iniulat sa Lucas 7:36-38? (b) Paano tumugon si Simon?

7 Gunigunihin ang iyong sarili na nabubuhay nang panahong iyon at ikaw ang nasa kalagayan ni Jesus. Ano kaya ang iyong reaksiyon? Ikaw kaya ay maaasiwa habang lumalapit sa iyo ang babaing ito? Paano makaaapekto sa iyo ang gayong situwasyon? (Lucas 7:45) Ikaw kaya ay mangingilabot?

8 Kung ikaw ay kabilang sa ibang mga panauhin, ang iyo kayang pag-iisip sa paanuman ay naging kagaya niyaong kay Simon na Pariseo? “Nang makita ito, ang Pariseo na nag-anyaya [kay Jesus] ay nagsabi sa loob niya: ‘Ang taong ito, kung siya nga ay propeta, ay makakakilala kung sino at kung anong uri ng babae ang humihipo sa kaniya, na siya ay isang makasalanan.’ ” (Lucas 7:39) Sa kabaligtaran, si Jesus ay isang lalaki na lubhang mahabagin. Naunawaan niya ang kalagayan ng babae at nadama ang kaniyang pagdadalamhati. Hindi sinabi sa atin kung paano siya nasadlak sa isang makasalanang pamumuhay. Kung siya ay talagang isang patutot, ang mga lalaki ng bayan, na mga debotong Judio, ay lumilitaw na hindi tumulong sa kaniya.

9. Paano tumugon si Jesus, at ano ang posibleng resulta nito?

9 Ngunit gusto siyang tulungan ni Jesus. Sinabi niya sa babae: “Ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na.” Pagkatapos ay sinabi pa niya: “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya; humayo ka nang payapa.” (Lucas 7:48-50) Dito nagtatapos ang ulat. Maaaring tumutol ang ilan na walang gaanong ginawa si Jesus para sa kaniya. Ang totoo, pinahayo niya ito taglay ang kaniyang pagpapala. Sa palagay mo ba ay posibleng bumalik siya sa kaniyang masamang paraan ng pamumuhay? Bagaman hindi natin masasabi nang may katiyakan, pansinin kung ano ang sumunod na sinabi ni Lucas. Inilahad niya na si Jesus ay naglakbay “sa bawat lunsod at sa bawat nayon, na ipinangangaral at ipinahahayag ang mabuting balita ng kaharian.” Iniulat din ni Lucas na ang “ilang babae” ay kasama ni Jesus at ng kaniyang mga alagad, na “naglilingkod sa kanila mula sa . . . mga tinatangkilik [ng mga babae].” May posibilidad na ang nagsisi at mapagpahalagang babaing ito ay kabilang na noon sa kanila, anupat nagpasimula na ng isang makadiyos na paraan ng pamumuhay taglay ang isang malinis na budhi, isang panibagong pagkadama ng layunin, at isang mas matinding pag-ibig sa Diyos.​—Lucas 8:1-3.

Pagkakaiba ni Jesus at ng mga Pariseo

10. Bakit kapaki-pakinabang na isaalang-alang ang ulat tungkol kay Jesus at sa babae sa tahanan ni Simon?

10 Ano ang matututuhan natin mula sa malinaw na ulat na ito? Inaantig nito ang ating damdamin, hindi ba? Gunigunihin mo ang iyong sarili na nasa tahanan ni Simon. Ano ang madarama mo? Tutugon ka ba na gaya ni Jesus, o madarama mo nang bahagya ang nadama ng Pariseo na nag-anyaya sa kaniya? Si Jesus ay Anak ng Diyos, kaya hindi natin eksaktong matutularan ang kaniyang nadama at ikinilos. Sa kabilang panig naman, marahil ay hindi natin gustong isipin na katulad natin si Simon, ang Pariseo. Kaunti lamang ang magmamalaki sa pagiging katulad ng mga Pariseo.

11. Bakit ayaw nating maging kauri ng mga Pariseo?

11 Mula sa pag-aaral sa salig-Bibliya at sekular na katibayan, mahihinuha natin na mataas ang pagtingin ng mga Pariseo sa kanilang sarili bilang mga katiwala ukol sa ikabubuti ng bayan at sa kapakanan ng bansa. Hindi sila kontento na ang Kautusan ng Diyos ay pangunahin nang maliwanag at madaling maunawaan. Kailanma’t ang Kautusan ay waring hindi espesipiko para sa kanila, sinisikap nilang punan ang ipinalalagay na mga puwang ng espesipikong mga pagkakapit upang alisin ang anumang pangangailangan ukol sa budhi. Tinangka ng mga relihiyosong lider na ito na gumawa ng panuntunan na uugit sa paggawi sa lahat ng isyu, kahit sa hindi mahahalagang bagay. a

12. Ano ang pangmalas ng mga Pariseo sa kanilang sarili?

12 Nililiwanag ng unang-siglong istoryador na Judio na si Josephus na itinuturing ng mga Pariseo ang kanilang sarili na mabait, malumanay, makatarungan, at ganap na kuwalipikado sa kanilang mga atas. Walang alinlangan, ang ilan sa kanila ay halos naging gayon nga. Maaaring sumagi sa iyong isip si Nicodemo. (Juan 3:1, 2; 7:50, 51) Nang maglaon, ang ilan sa kanila ay yumakap sa landasing Kristiyano. (Gawa 15:5) Ang Kristiyanong apostol na si Pablo ay sumulat tungkol sa ilang Judio, tulad ng mga Pariseo: “May sigasig sila sa Diyos; ngunit hindi ayon sa tumpak na kaalaman.” (Roma 10:2) Gayunman, inihaharap sila ng mga Ebanghelyo ayon sa naging pangmalas sa kanila ng mga pangkaraniwang tao​—mapagmapuri, arogante, mapagmatuwid sa sarili, mapaghanap ng kamalian, mahilig humatol, at mapanghamak.

Ang Pangmalas ni Jesus

13. Ano ang sinabi ni Jesus hinggil sa mga Pariseo?

13 Kinastigo ni Jesus ang mga eskriba at mga Pariseo bilang mga mapagpaimbabaw. “Nagbibigkis sila ng mabibigat na pasan at ipinapasan ang mga ito sa mga balikat ng mga tao, ngunit ayaw man lamang nilang galawin ang mga ito ng kanilang daliri.” Oo, ang pasan ay mabigat, at ang pamatok na ipinapasan sa mga tao ay may kalupitan. Tinawag pa ni Jesus ang mga eskriba at Pariseo na “mga mangmang.” Ang isang mangmang ay isang panganib sa pamayanan. Tinawag din ni Jesus ang mga eskriba at Pariseo na “mga bulag na tagaakay” at iginiit na “winalang-halaga [nila] ang mas mabibigat na bagay ng Kautusan, samakatuwid nga, katarungan at awa at katapatan.” Sino ang nagnanais na ituring ni Jesus na katulad ng mga Pariseo?​—Mateo 23:1-4, 16, 17, 23.

14, 15. (a) Ang pakikitungo ni Jesus kay Mateo Levi ay nagsisiwalat ng ano tungkol sa mga paraan ng mga Pariseo? (b) Anong mahahalagang aral ang matututuhan natin mula sa ulat na ito?

14 Nakikita ng halos sinumang mambabasa ng mga ulat ng Ebanghelyo ang likas na pagiging mapunahin ng karamihan sa mga Pariseo. Matapos anyayahan ni Jesus si Mateo Levi, ang maniningil ng buwis, na maging isang alagad, si Levi ay naghanda ng isang malaking piging bilang pagsalubong sa kaniya. Sinasabi ng ulat: “Dahil dito ang mga Pariseo at ang kanilang mga eskriba ay nagsimulang bumulong sa kaniyang mga alagad, na sinasabi: ‘Bakit kayo kumakain at umiinom na kasama ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?’ Bilang tugon ay sinabi ni Jesus sa kanila: ‘. . . Ako ay pumarito upang tawagin, hindi ang mga taong matuwid, kundi ang mga makasalanan upang magsisi.’ ”​—Lucas 5:27-32.

15 Naunawaan mismo ni Levi ang isa pang bagay na sinabi ni Jesus nang pagkakataong iyon: “Humayo kayo, kung gayon, at alamin kung ano ang kahulugan nito, ‘Ang ibig ko ay awa, at hindi hain.’ ” (Mateo 9:13) Bagaman inaangkin ng mga Pariseo na naniniwala sila sa mga isinulat ng mga propetang Hebreo, hindi nila tinanggap ang pananalitang ito mula sa Oseas 6:6. Kung sakali mang magkamali sila, tiniyak nila na ito ay dahil sa mahigpit na pagsunod sa tradisyon. Bawat isa sa atin ay maaaring magtanong sa ating sarili, ‘Ako ba ay kilala sa pagiging mahigpit sa pagsunod sa ilang alituntunin, gaya ng mga alituntunin na doo’y masasalamin ang personal na opinyon o karaniwang pagharap sa isang bagay? O ang turing ba sa akin ng iba, una sa lahat, ay maawain at mabait?’

16. Ano ang paraan ng mga Pariseo, at paano natin maiiwasang maging katulad nila?

16 Puna, puna, puna. Iyan ang paraan ng mga Pariseo. Hinahanap ng mga Pariseo ang bawat pagkakamali​—totoo man o guniguni. Lagi nilang pinupukaw na magtanggol ang mga tao at ipinaaalaala sa kanila ang kanilang mga pagkukulang. Ipinagmamapuri ng mga Pariseo ang kanilang sarili sa pagbibigay ng ikapu maging sa pinakamaliit na halaman, gaya ng yerbabuena, eneldo, at komino. Itinatanghal nila ang kanilang kabanalan sa pamamagitan ng kanilang pananamit at sinisikap na ugitan ang bansa. Walang alinlangan, kung gusto nating makasuwato ng ating mga kilos ang halimbawa ni Jesus, dapat nating iwasan ang hilig na laging maghanap at magtampok ng mga pagkakamali sa iba.

Paano Hinarap ni Jesus ang mga Problema?

17-19. (a) Ipaliwanag kung paano hinarap ni Jesus ang isang situwasyon na nagkaroon sana ng napakalubhang kinahinatnan. (b) Ano ang nagpangyari na maging maigting at di-kaayaaya ang situwasyon? (c) Kung sakaling ikaw ay naroon nang lapitan ng babae si Jesus, ano kaya ang naging reaksiyon mo?

17 Ang paraan ni Jesus sa pagharap sa mga problema ay lubhang naiiba sa paraan ng mga Pariseo. Isaalang-alang kung paano hinarap ni Jesus ang isang situwasyon na maaari sanang naging napakalubha. Kasangkot dito ang isang babae na inaagasan ng dugo sa loob ng 12 taon. Mababasa mo ang ulat sa Lucas 8:42-48.

18 Sinasabi ng ulat ni Marcos na ang babae ay “natatakot at nanginginig.” (Marcos 5:33) Bakit? Walang alinlangan na dahil sa alam niya na nilabag niya ang Kautusan ng Diyos. Ayon sa Levitico 15:25-28, ang isang babae na may di-karaniwang pag-agas ng dugo ay marumi hangga’t inaagasan siya, at hanggang sa lumipas pa ang sanlinggo pagkatapos itong huminto. Lahat ng kaniyang mahipo at bawat tao na madaiti sa kaniya ay nagiging marumi. Upang makalapit kay Jesus, ang babaing ito ay kailangang makipagsiksikan sa pulutong. Kung titingnan natin ang ulat 2,000 taon na ang nakalipas, mahahabag tayo sa kaniya dahil sa kaniyang paghihirap.

19 Kung ikaw ay naroroon sa araw na iyon, paano mo kaya minalas ang situwasyon? Ano ang maaaring sinabi mo? Pansinin na pinakitunguhan ni Jesus ang babaing ito sa isang mabait, maibigin, at makonsiderasyong paraan, ni wala mang binanggit na anumang problema na maaaring naidulot niya.​—Marcos 5:34.

20. Kung ang Levitico 15:25-28 ay isang kahilingan sa ngayon, anong hamon ang mapapaharap sa atin?

20 May matututuhan ba tayo mula sa pangyayaring ito? Ipagpalagay nating ikaw ay isang matanda sa isang kongregasyong Kristiyano sa ngayon. At ipagpalagay rin na ang Levitico 15:25-28 ay isang kahilingang Kristiyano sa ngayon at nilabag ng isang babaing Kristiyano ang kautusang iyon, anupat natataranta at kaawa-awa. Paano ka kaya tutugon? Ipapahiya mo ba siya sa madla sa pamamagitan ng mapamunang payo? “Ah,” ang sasabihin mo, “hindi ko kailanman gagawin iyan! Bilang pagsunod sa halimbawa ni Jesus, gagawin ko ang lahat ng pagsisikap upang maging mabait, maibigin, mapagmalasakit, at makonsiderasyon.” Napakahusay! Subalit ang hamon ay ang gawin ito, ang tularan ang parisan na inilaan ni Jesus.

21. Ano ang itinuro ni Jesus sa mga tao tungkol sa Kautusan?

21 Ang totoo, ang mga tao ay naginhawahan kay Jesus, napabuti at napatibay-loob. Kapag ang Kautusan ng Diyos ay espesipiko, iyon mismo ang kahulugan nito. Kung ito ay waring pangkalahatan, ang kanilang budhi ay higit na gaganap ng papel at maipakikita nila ang kanilang pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga pasiya. Ang Kautusan ay nagbigay sa kanila ng pagkakataon na bumagay sa situwasyon. (Marcos 2:27, 28) Minahal ng Diyos ang kaniyang bayan, lagi siyang nagpapagal para sa kanilang ikabubuti, at handa siyang maging maawain kapag sila ay nagkamali. Ganiyan si Jesus.​—Juan 14:9.

Mga Resulta ng mga Turo ni Jesus

22. Ang pagkatuto mula kay Jesus ay tumulong sa kaniyang mga alagad na magkaroon ng anong uri ng saloobin?

22 Yaong mga nakinig kay Jesus at naging kaniyang mga alagad ay nagpahalaga sa katotohanan ng kapahayagang ito: “Ang aking pamatok ay may-kabaitan at ang aking pasan ay magaan.” (Mateo 11:30) Sila ay hindi kailanman nakadama na pinabigatan, ininis, o pinagsalitaan niya. Sila ay mas malaya, mas maligaya, at mas nagtitiwala sa kanilang kaugnayan sa Diyos at sa isa’t isa. (Mateo 7:1-5; Lucas 9:49, 50) Natutuhan nila sa kaniya na ang pagiging isang espirituwal na lider ay humihiling na maging nakagiginhawa sa iba, na nagpapamalas ng kababaan ng isip at puso.​—1 Corinto 16:17, 18; Filipos 2:3.

23. Ang pagiging kasama ni Jesus ay nagturo sa mga alagad ng anong mahalagang aral at tumulong sa kanila na mabuo ang anong mga konklusyon?

23 Bukod dito, marami ang lubhang humanga sa kahalagahan ng pananatiling kaisa ni Kristo at ng pagkakapit sa saloobin na kaniyang ipinakita. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Kung paanong inibig ako ng Ama at inibig ko kayo, manatili kayo sa aking pag-ibig. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, kayo ay mananatili sa aking pag-ibig, kung paanong tinupad ko ang mga utos ng Ama at nananatili sa kaniyang pag-ibig.” (Juan 15:9, 10) Upang sila ay magtagumpay bilang mga ministro at lingkod ng Diyos, kailangang masikap nilang ikapit ang kanilang natutuhan kay Jesus, kapuwa sa pangangaral at pagtuturo sa madla tungkol sa kamangha-manghang mabuting balita at sa pakikitungo sa pamilya at sa mga kaibigan. Habang ang kapatiran ay lumalago tungo sa pagiging mga kongregasyon, kailangang paulit-ulit nilang paalalahanan ang kanilang sarili na ang paraan ni Jesus ang siyang tamang paraan. Ang itinuro niya ay siyang katotohanan, at ang tinaglay niyang buhay na kanilang namasdan ay tunay na ang buhay na dapat asamin.​—Juan 14:6; Efeso 4:20, 21.

24. Anong mga bagay ang dapat nating bigyang-pansin mula sa halimbawa ni Jesus?

24 Habang minumuni-muni mo ngayon ang ilan sa mga bagay na tinalakay natin, nakikita mo ba ang mga paraan na doo’y maaari kang sumulong? Sumasang-ayon ka ba na si Jesus ay laging nag-iisip, nagtuturo, at kumikilos nang naaangkop? Kung gayon, lakasan mo ang iyong loob. Ang kaniyang nakapagpapatibay-loob na mga salita sa atin ay: “Kung alam ninyo ang mga bagay na ito, maligaya kayo kung gagawin ninyo ang mga iyon.”​—Juan 13:17.

[Talababa]

a “Ang pangunahing pagkakaiba [sa pagitan ni Jesus at ng mga Pariseo] ay naging maliwanag lamang dahil sa dalawang magkasalungat na pagkaunawa sa Diyos. Para sa mga Pariseo, ang Diyos ay pangunahin nang isa na gumagawa ng mga kahilingan; para naman kay Jesus ay isa siyang may magandang-loob at mahabagin. Sabihin pa, hindi naman itinatatwa ng Pariseo ang kabutihan at pag-ibig ng Diyos, ngunit para sa kaniya ay ipinahayag ang mga ito sa kaloob na Torah [Kautusan] at sa posibilidad ng pagtupad sa hinihiling doon. . . . Ang pagsunod sa pasalitang tradisyon, lakip na ang mga alituntunin nito sa pagpapaliwanag sa kautusan, ay minalas ng mga Pariseo bilang ang paraan ng pagtupad sa Torah. . . . Ang pagdakila ni Jesus sa dalawang utos hinggil sa pag-ibig (Mat. 22:34-40) tungo sa antas ng pagiging pamantayan sa pagpapaliwanag at ang kaniyang pagtatakwil sa likas na kahigpitan ng pasalitang tradisyon . . . ay umakay sa kaniya na maging kasalungat ng pagpapaliwanag ng mga Pariseo.”​—The New International Dictionary of New Testament Theology.

Paano Ka Tutugon?

• Ano ang ibig sabihin sa iyo ng pagiging isang alagad ni Jesus?

• Paano nakitungo si Jesus sa mga tao?

• Ano ang matututuhan natin mula sa paraan ng pagtuturo ni Jesus?

• Paano nagkakaiba ang mga Pariseo at si Jesus?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 18, 19]

Kaylaki ng pagkakaiba ng saloobin ni Jesus sa mga tao kung ihahambing sa saloobin ng mga Pariseo!