Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Magulang—Sapatan ang Pangangailangan ng Inyong mga Anak!

Mga Magulang—Sapatan ang Pangangailangan ng Inyong mga Anak!

Mga Magulang​—Sapatan ang Pangangailangan ng Inyong mga Anak!

ANG mga anak ay nangangailangan ng patnubay at maibiging disiplina, lalo na mula sa kanilang mga magulang. Hinggil sa bagay na ito, isang guro na taga-Brazil, si Tania Zagury, ang nagsabi: “Ang hilig ng bawat bata ay maghanap ng kaluguran. Mahalaga na magtakda ng mga limitasyon. Ang mga magulang ang kailangang gumawa nito. Kung hindi nila gagawin ito, ang mga bata ay hindi makokontrol.”

Gayunman, sa maraming lupain ang impluwensiya ng isang mapagparayang lipunan na labis na nagpapahalaga sa personal na kalayaan ay maaaring magpahirap na sundin ang payo sa itaas. Kung gayon, saan maaaring bumaling ang mga magulang ukol sa tulong? Kinikilala ng mga magulang na may-takot sa Diyos na ang kanilang mga anak ay “mana mula kay Jehova.” (Awit 127:3) Kaya naman, umaasa sila sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, ukol sa patnubay sa pagpapalaki sa mga ito. Halimbawa, sinasabi ng Kawikaan 13:24: “Ang nag-uurong ng kaniyang pamalo ay napopoot sa kaniyang anak, ngunit ang umiibig sa kaniya ay yaong humahanap sa kaniya taglay ang disiplina.”

Ang paggamit ng Bibliya sa salitang “pamalo” ay hindi naman dapat unawain na nangangahulugan lamang ng pisikal na pagpaparusa; kinakatawan nito ang paraan ng pagtutuwid, anuman ang maging anyo nito. Ang totoo, kadalasan ay maaaring sapat na ang mga salita upang ituwid ang suwail na landasin ng isang bata. Sinasabi ng Kawikaan 29:17: “Parusahan mo ang iyong anak at siya ay magdadala sa iyo ng kapahingahan at magbibigay ng malaking kaluguran sa iyong kaluluwa.”

Ang mga bata ay nangangailangan ng maibiging disiplina upang maalis ang di-kanais-nais na mga pag-uugali. Ang gayong matatag at mabait na pagtutuwid ay nagpapatotoo na minamahal ng isang magulang ang kaniyang anak. (Kawikaan 22:6) Kaya mga magulang, huwag sumuko! Sa pamamagitan ng pagsunod sa mainam at praktikal na payo ng Bibliya, mapaluluguran ninyo ang Diyos na Jehova at matatamo ang paggalang ng inyong mga anak.