Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Papaano titimbangin ng isang Kristiyanong asawang babae ang kaniyang katapatan sa Diyos at ang kaniyang pagpapasakop sa di-sumasampalatayang asawang lalaki kapag ito’y nakikibahagi sa mga gawain ng relihiyosong kapistahan?

Ang paggawa niya ng gayon ay mangangailangan ng karunungan at ng pagiging mataktika. Ngunit ginagawa niya ang tamang bagay sa pagsisikap niyang timbangin ang kaniyang dalawang obligasyon. Nagbigay ng payo si Jesus tungkol sa isang katulad na kalagayan: “Kung gayon, ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Mateo 22:21) Totoo, ang tinatalakay niya rito ay mga obligasyon sa mga pamahalaan, na sa ilalim nito ang mga Kristiyano ay sinabihan nang dakong huli na magpasakop. (Roma 13:1) Gayunman, ang kaniyang payo ay maikakapit din sa pagtitimbang ng isang asawang babae sa kaniyang mga obligasyon sa Diyos at sa kaniyang maka-Kasulatang pagpapasakop sa kaniyang asawang lalaki, kahit na ito’y di-sumasampalataya.

Walang sinuman na pamilyar sa Bibliya ang tatanggi na ito’y nagdiriin na ang pangunahing obligasyon ng isang Kristiyano ay sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ang maging matapat sa kaniya sa lahat ng panahon. (Gawa 5:29) Gayunman, sa maraming kalagayan maaaring pagbigyan ng isang tunay na mananamba ang mga kahilingan o mga pangangailangan ng isang di-mananampalataya na nasa awtoridad nang hindi siya nakikibahagi sa paglabag sa matataas na kautusan ng Diyos.

Masusumpungan natin ang isang nakapagtuturong halimbawa sa tatlong Hebreo, na inilalahad sa Daniel kabanata 3. Ang kanilang nakatataas sa pamahalaan, si Nabucodonosor, ay nag-utos na sila at mga iba pa ay pumunta sa kapatagan ng Dura. Sa pagkaalam na may nakatakdang huwad na pagsamba, malamang na mas gugustuhin ng tatlong Hebreo na huwag nang pumunta roon. Maaaring si Daniel ay nakagawa ng dahilan, ngunit ang tatlong ito ay maaaring hindi. a Kaya sila’y sumunod hanggang sa punto ng pagdalo, ngunit ayaw nila​—at hindi sila​—nakibahagi sa anumang paggawa ng mali.​—Daniel 3:1-18.

Gayundin, sa mga panahon ng kapistahan ang isang di-sumasampalatayang asawang lalaki ay maaaring humiling o mag-utos ng isang bagay na iniiwasang gawin ng kaniyang Kristiyanong asawang babae. Isaalang-alang ang ilang mga halimbawa: Sinabihan ng lalaki ang kaniyang asawang babae na magluto ng pagkain sa araw na siya at ang iba pa ay magdiriwang ng isang kapistahan. O hiniling niya na ang kaniyang pamilya (kasama ang kaniyang asawang babae) ay dumalaw sa kaniyang mga kamag-anak sa araw na iyon para sa isang kainan o bilang isang sosyal na pagdalaw lamang. O bago pa ang kapistahan, maaaring sabihin ng lalaki na samantalang namimili ang kaniyang asawang babae, ay bumili siya para sa kaniya ng ilang mga bagay​—mga pagkain para sa kapistahan, mga bagay na panregalo, o pambalot sa regalo at mga kard na pambati na gagamitin niya sa kaniyang mga regalo.

Muli, dapat desidido ang Kristiyanong asawang babae na hindi makibahagi sa huwad na relihiyosong mga gawain, ngunit paano na ang gayong mga kahilingan? Ang lalaki ang ulo ng pamilya, at sinasabi ng Salita ng Diyos: “Kayong mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyu-inyong asawang lalaki, gaya ng nararapat sa Panginoon.” (Colosas 3:18) Sa mga kasong ganito, maaari bang maipakita ng babae ang pagpapasakop sa kaniyang asawa samantalang nagiging matapat sa Diyos? Kailangan niyang magpasiya kung paano niya titimbangin ang pagsunod sa kaniyang asawang lalaki at ang kaniyang nangingibabaw na pagsunod kay Jehova.

Sa ibang mga panahon, maaaring hilingin ng kaniyang asawang lalaki na magluto siya ng isang pagkain, ito man ay dahil sa paborito niya ito o dahil sa nasanay na siya sa pagkaing iyon sa isang partikular na panahon. Hahangarin ng babae na magpakita ng pag-ibig sa kaniya at pagkilala sa kaniyang pagkaulo. Maaari ba niyang gawin ang gayon kahit na hiniling ito ng lalaki sa okasyon ng isang kapistahan? Maaaring gawin ito ng ilang mga Kristiyanong asawang babae taglay ang mabuting budhi, na itinuturing ito bilang isang normal lamang na gawain ng paghahanda sa pang-araw-araw na pagkain. Tiyak, walang matapat na Kristiyano ang mag-uugnay ng anumang kahulugang pangkapistahan dito, kahit na gayon ang gawin ng kaniyang asawang lalaki. Gayundin naman, maaaring hilingin ng lalaki na samahan siya kapag dinadalaw niya ang kaniyang mga kamag-anak sa iba’t ibang mga panahon sa bawat buwan o taon. Maaari ba niyang gawin ito kahit na iyon ay araw ng isang kapistahan? O siya ba’y karaniwan nang handang bumili ng mga bagay ayon sa hinihiling ng lalaki, nang hindi niya hinahatulan kung ano ang gagawin nito sa mga bagay na binili niya para rito samantalang namimili siya?

Siyempre pa, dapat isipin ng isang Kristiyanong asawang babae ang iba​—ang epekto nito sa kanila. (Filipos 2:4) Nanaisin niyang iwasan na magbigay ng anumang impresyon na siya ay nauugnay sa kapistahan, tulad ng tatlong Hebreo na maaaring nagnais na hindi sila makita ng iba na naglalakbay patungo sa kapatagan ng Dura. Kaya maaaring mataktika niyang sikapin na mangatuwiran sa kaniyang asawang lalaki upang malaman kung, bilang konsiderasyon sa kaniyang damdamin, maaaring gawin ng lalaki ang ilang bagay na may kaugnayan sa kapistahan para sa kaniyang sarili upang pagbigyan ang isang asawang babae na umiibig at gumagalang sa kaniya. Maaari niyang maunawaan ang karunungan na silang dalawa ay hindi malagay sa isang nakahihiyang situwasyon kapag ang babae ay tumangging makibahagi sa huwad na mga relihiyosong gawain. Oo, ang mahinahong pag-uusap nang patiuna ay maaaring umakay sa isang mapayapang solusyon.​—Kawikaan 22:3.

Sa katapus-tapusan, kailangang pag-aralang mabuti ng tapat na Kristiyano ang mga bagay-bagay at pagkatapos ay magpasiya kung ano ang gagawin. Dapat na unahin ang pagsunod sa Diyos, tulad ng ginawa ng tatlong Hebreo. (1 Corinto 10:31) Ngunit taglay ito sa isipan, ang indibiduwal na Kristiyano ay kailangang magpasiya kung anong mga bagay ang maaaring gawin sa kahilingan ng isa na may awtoridad sa pamilya o sa komunidad nang hindi nakokompromiso.

[Talababa]

a Tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Ang Bantayan ng Agosto 1, 2001.