Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Pamahid sa Mata na Ipapahid sa Iyong mga Mata”

“Pamahid sa Mata na Ipapahid sa Iyong mga Mata”

“Pamahid sa Mata na Ipapahid sa Iyong mga Mata”

ANG resetang iyan ay ibinigay ni Jesu-Kristo sa unang-siglong kongregasyong Kristiyano sa Laodicea, Asia Minor.

Sinabi ni Jesus: “Bumili ka . . . ng pamahid sa mata na ipapahid sa iyong mga mata upang makakita ka.” Iyon ay hindi literal na sakit sa mata, kundi espirituwal na pagkabulag na kailangang gamutin. Ang mga Kristiyano sa Laodicea ay naimpluwensiyahan ng espiritu ng mayaman-sa-materyal na lunsod kung saan sila nakatira at naging pabaya sila hinggil sa kanilang tunay na mga pangangailangan sa espirituwal.

Sa pagkokomento hinggil dito bilang dahilan ng kanilang malabong paningin, sinabi ni Jesus: “Sinasabi mo: ‘Ako ay mayaman at nakapagtamo ng mga kayamanan at hindi na nangangailangan ng anuman,’ ngunit hindi mo alam na ikaw ay miserable at kahabag-habag at dukha at bulag at hubad.” Bagaman hindi nababatid ito, ang mga miyembro ng kongregasyon ay nangangailangan ng nakagagamot na “pamahid sa mata” na makukuha lamang sa pamamagitan ng pagpapasakop sa turo at disiplina ni Jesu-Kristo. “Bumili ka sa akin,” ang sabi ni Jesus.​—Apocalipsis 3:17, 18.

Gaya ng mga taga-Laodicea, ang mga tunay na Kristiyano sa ngayon ay kailangang magbantay na huwag labis na maimpluwensiyahan, marahil nang di-namamalayan, ng materyalistiko at nakatuon-sa-kalayawan na kapaligirang kanilang kinabubuhayan. Ang reseta para sa pagpapanatili ng isang malusog na pangmalas sa espirituwal ay makikita sa paalaalang: “Bumili ka [kay Jesus] . . . ng pamahid sa mata na ipapahid sa iyong mga mata upang makakita ka.”

Kapansin-pansin ang bagay na ang “pamahid sa mata” na ito ay kailangang bilhin. May nasasangkot na halaga. Kailangang gumugol ng panahon upang pag-aralan at bulay-bulayin ang Salita ng Diyos. Tinitiyak sa atin ng salmista na ang Salitang ito, “ay malinis, na nagpapaningning ng [espirituwal na] mga mata.”​—Awit 19:8.